Nagkasunduan   KASUNDUAN  SA  BIAK-NA-BATO

Tawad:  800,000  Pesos  Para  Sumuko

Ang kaisa-isang katotohanan na hindi maipag-kakaila ay hindi nalathala kailanman ang nilalaman ng kasunduan (tratado, treaty)... Nagparatang ang mga naghihimagsik, nag-contra paratang si Primo de Rivera, subalit kapwa silang walang ipinakitang sipi (copia), o kahit bahagi man lamang, ng kasulatang nilagdaan sa Biak-na-bato...
--C.H. Forbes-Lindsay, The Philippines under Spanish and American Rules, 1906

MADALI at mabilis kumalat ang tsismis ng tawaran (negociaciones) subalit nanatiling lihim lahat ang pinag-usapan, ang mga hiling at sang-ayon,

at napagkayarian sa bandang huli. Ang mga bilin ni Primo de Rivera:
  • Dapat isuko ng mga pinuno ng himagsikan ang lahat ng kanilang sandata, paggawaan ng armas, lantaka (native cañon) at bala (ammunition)
  • utusan ang ibang mga naghimagsik na sumuko rin
  • ipatapon ang mga pinuno sa ibang bayan

    Pabalik, unang pahatid nina Aguinaldo ang mga hiling na tinalakay ng mga ilustrado sa La Solidaridad, ang nagsarang pahayagan ng propagandang Pilipino sa España. Tanghal dito ang mga pagbubuti (reformas) sa turing sa mga katutubo at mas malayang palakad sa pamahalaan. Agad tinanggihan ang mga ito ni Primo de Rivera nang iabot ni Paterno ang listahan. Ni hindi pinag-usapan, hanggang sa huli, ang anumang reforma. Sa tagal ng tawaran, walang sinabi ang governador maliban sa gagamitin niya ang influencia ng kanyang tungkulin upang isulong ang reformas.

    Sa Biak-na-Bato naman, agad nauwi ang tawaran sa laki ng bayad-pinsala (war indemnity) na hiningi nina Aguinaldo upang sumuko sila at mag-ibang bayan. Ang unang turing ng mga naghimagsik ay 3 milyong pesos, tinawaran naman ni Primo de Rivera ng 1.7 milyon. Ito lamang ang isinangguni ni Primo de Rivera sa España, kalakip ang kanyang recomendacion na payagan dahil, ayon sa kanya, “makakasira” ito ng tiwala ng tao (desprestigiando, discredit) sa mga pinuno “dahil ipinagbili ang himagsikan bago tumakas” sa ibang bayan.

    Sumang-ayon ang Cortes, ang batasan sa España sa 1.7 milyon, bagaman at sa Manila, ibinaba uli ang bayad-pinsala sa 800,000 pesos lahat-lahat. Ang unawa ng Español, gagamitin ang salapi upang tustusan ang mga nabalo (widows) at mga naulila (orphans), bayaran ang mga ari-ariang nawasak sa himagsikan, at pang-gastos ng mga pinunong ipatatapon sa ibang bayan.

    Sa wakas, napagkayarian sa Biak-na-Bato na ibibigay ang bayad-pinsala sa 3 hulugan (installments): 800,000 pesos paunang bayad, susundan ng 200,000 pesos, tapos ng 200,000 pesos uli bilang huling abot. Nuong Deciembre 14, 1897, nilagdaan ang napagkayarian sa Biak-na-bato nina Aguinaldo at iba pang pinuno ng himagsikan. Si Paterno, bilang abogado ni Primo de Rivera, ang pumirma para sa mga Español.

  • Alalahanin na si Paterno ay isa sa pinaka-kilala, baka siya pa ang pinaka-unang “balimbing” (traidor, turncoat) sa kasaysayan ng Pilipinas. Nuong una, kampi siya sa Español, subalit pagkahayag ng kalayaan nuong 1898, sumingit-singit siya hanggang nahirang na pangulo ng Batasang Malolos (Malolos Congress) nuong 1899. Pagkatapos, nang manalo ang Amerkano, naamoy niya ang pagbago ng politica at nahalal siya sa unang Philippine Assembly (ang unang Congreso sa ilalim ng mga Amerkano) nuong 1907... --Ambeth R. Ocampo, Ateneo de Manila, 2005

    Pedro Paterno PEDRO PATERNO, 1858 - 1911

    Bayani, ‘Bugaw’  o ‘Balimbing:’ Sino Ba Siya Talaga?

    MAHARLIKA isinilang si Pedro Alejandro Paterno nuong Febrero 27, 1858 sa Santa Cruz, Manila. Marunong, mayaman at, nang naging abogado, sinamantala niya ang lahat upang maging tanghal, bagay na hinangad niya higit sa lahat. Kaya kahit na mestizong Intsik, inangkin niyang siya ang “Principe ng Luzon” bilang anakan (heredero, descendant) ng mga haring Tagalog nuong bago magpanahon ng Español. Sa España nagpunta at naglagî si Paterno dahil uso ito sa mga anak-mayaman nuong 1880s. Bagaman at maka-Español, nakihalo siya sa mga ‘naliwanagan’ (ilustrados, the enlightened ones), mga anak-mayamang mestizos at Pilipino tulad nina Juan Luna at Felix R. Hidalgo.

    Upang maging sikat, binigyan pa niya ng isang studio ang mga pintor na Pilipino sa España na hindi kasing yaman ni Luna na may sariling apartamento. Paterno at Ilustrados

    Nang kumalampag ang mga ilustrado (propaganda movement) na mapagbuti ang turing at kalagayan ng mga katutubong Pilipino, makapantày sila ng mga Español - bagkus maging mga tunay na mamamayang Español - sumali si Paterno. Sumulat siya ng mga panawagan sa La Solidaridad na gawing pamahayan (colonia) sa halip na sakop (territorio) ang Pilipinas upang lubusan masukob sa ‘Inang España’ (Mother Spain) at magkaruon ng mga karapatan ang mga katutubong Pilipino.

    Maka-Español tulad ng kaibigan niyang Eduardo de Lete, Español na tubò sa Cavite, tumiwalag siya sa La Solidaridad nang sumang-ayon ang mga ilustrado kay Marcelo del Pilar sa adhika ng paglaya ng Pilipinas mula sa España. Pagkabalik sa Manila, sinikap niyang makilala ang kanyang pagka-maka-Español upang mabigyan ng katungkulan sa pamahalaan at, nang sumabog ang himagsikan ng Katipunan, upang maligtas sa pag-usig at parusang iginawad ng Español sa mga ilustrado.

    Naka-iwas si Paterno sa lupit ng Español subalit nasawi ang hangad niyang makapasok sa pamahalaan dahil sa himagsikan, nang pati ang mga Kapampangan sa Himpilan ni Aguinaldo hukbong Español ay sinisante dahil nawalan ng tiwala ang govierno sa mga mandirigmang katutubo (native troops). Nang humupa nang kaunti ang bakbakan pagpuslit nina Aguinaldo sa Biak-na-Bato, at nagpasiya si Primo de Rivera na gamitin ang diplomacia sa halip ng guerra, sinamantala ni Paterno upang iharap ang sarili sa cabildo.

    Dahil sa karanasan niya sa La Solidaridad at paghalubilo sa mga ilustrado sa Manila, kakilala niya ang mga principales na sumusuporta sa himagsikan, pati na ang ilang pinuno sa Biak-na-Bato. At dahil nanatili siyang maka-Español simula’t simula pa - ni hindi siya nag-Mason tulad ng mga naghimagsik - may tiwala sa kanya ang mga oficiales sa Manila. Kaya siya ang pinili na makipag-niig sa mga naghimagsik at magpabalik-balik sa Manila at Bulacan nuong 1897.

    Nakaraang kabanata             Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Aklasan Ng Mga Charismatic Pinoy             Sunod na kabanata