Kahit sinong Español na may sariling bait ay alam na wala na silang matatamasa kahit na masakop uli ang kapuluan... Nasindak, takot na sila sa mga naghihimagsik, at maliwanag na hindi na sila maghahari pa rito. Kahit panay pa ang kunwari nila, hindi na rin sila masugid na mabalik sa kapangyarihan. Tapos na ang kanilang panahon, malupit at mapagnakaw. Masasaktan lamang sila kung hindi sila umuwi...
--Murat Halstead, The Story of the Philippines, 1898

MULA nang simulan ang ‘tawaran’ (negociacion) sa ‘Biak-na-Bato’ nuong Agosto 1897, pumiyak ang mga pahayagan sa Manila, at sa Madrid at Barcelona sa España, tungkol sa mga napipintong pagbabago (changes) at pagbubuti (reforms) sa Pilipinas.

Isang masugid ay si Juan Caro y Mora, sinulat nuon sa pahayagang ‘La Oceania Española’ sa Manila ang ‘La situacion del pais’ (‘Ang kalagayan ng bayan’). Sinulat din niya nuon sa ‘Diario de Manila’ ang ‘El gran problema de reformas en Filipinas planteado por El Español’ (‘Ang malaking suliranin ng mga pagbubuting itinanim ng Español sa Pilipinas’).

  KASUNDUAN  SA  BIAK-NA-BATO

Sa  Mga  Huling  Araw  Ng
Panahon  Ng  Español

Kalat na kalat nuon sa Manila na napagkasunduan sa Biak-na-Bato ang mga pagbubuti, pati ang unti-unting pagpapa-alis sa mga frayle, ayon sa ‘Los frailes y los filipinos’ ni J. Pellicena y Lopez.

Sa pahayagang El Liberal sa Madrid nuong Enero 26, 1898, sinulat ng dating alcalde mayor ( provincial governor) sa Pilipinas, si Vital Fite, ang ‘Exposicion elevada a sa Majestad la Reina Regente sobre la insurrection en Filipinas’ (‘Pagsiwalat para sa Reynang Naghahari tungkol sa himagsikan sa Pilipinas’). Inamuki (petitioned) sa pamahalaan ng España ng iba pang mapag-palayang (liberal) pahayagan sa Madrid at Barcelona na kailangan ang mga pagbubuti sa Pilipinas.

Junta sa Hongkong Pati si governador Fernando Primo de Rivera ay nabalita, susupilin daw ang lawak at lakas ng kapangyarihan ng mga frayle bagaman at ayaw niyang palayasin tulad ng himok ng Katipunan. Nagsimula ang isang pahayagan sa Manila nuong Febrero 1898 ng ulat tungkol sa ‘pansariling pamahalaan’ (autonomy) sa Pilipinas. Dahil inilathala ito nang hindi nasuri muna (censored) ng cabildo, ipinasara ni Primo de Rivera ang pahayagan.

Samantala, patuloy ang pakyawang pagbitay, pagpatapon at pagparusa ng mga Español sa mga naghimagsik at mga kakampi. Nagpatuloy din ang himagsikan ng mga katipon tulad ni Emilio Jacinto sa Laguna. Tumangging sumuko at sumama sa Hongkong si Feliciano Jhocson. Sa halip, sumama siyang lumaban sa Pugad Baboy, Caloocan. Si Francisco Makabulos man ay naghimagsik sa La Paz, Tarlac.

Sa Hongkong:  Ang ‘Junta’ At Ang Americanos

Sasabog na ang digmaan ng España laban sa America, ang hukbong dagat ng America ay nakatutuok nang lumusob sa Manila, subalit hindi pinansin ni
Aguinaldo. Wala siyang inatupag kundi huwag mawala ang suhol sa kanya ng Español para sumuko... makatakas mula sa mga kasama niyang panay ang hingi
ng panggastos, nang may sapat na salapi upang mamuhay sa Paris...
--Dean C. Worcester, The Philippines: Past and Present, 1914

SAKAY sa barkong Taisany, dumating sina Emilio Aguinaldo, Gregorio del Pilar at J.M. Leyba, gamit ang iba-ibang pangalan, sa Saigon (Ho Chi Minh City ang tawag ngayon, sa Vietnam) at duon sila namasahe sa barkong ss Eridan papuntang Singapore. Dumaong sila duon nuong Abril 21, 1898.

Nuong araw ding iyon dumating, sa Hongkong naman, si commodore George Dewey, pinuno ng hukbong dagat (naval fleet) ng America sa dagat Pacific, upang ihanda ang pagsalakay sa hukbong dagat ng Español

sa Manila. Agad niyang pinadalhan ng telegram si E. Spencer Pratt, consul ng America sa Singapore, na himukin si Aguinaldo na magbalik sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang himagsikan. Ika-4 ng hapon nuong araw ding iyon - pahiwatig kung gaano kabilis kumilos ang Amerkano - ipinatawag siya ni Pratt.

Alumpihit nuong una si Aguinaldo, ipinagkaila pa ni Leyba, ang kanyang katulong (ayudante, adjutant) at tagapag-salita (interpreter), ‘kung sino si Aguinaldo,’ at napilit lamang pagkaraan ng paulit-ulit na patawag, kaya kinabukasan na, nuong gabi ng Abril 22, nang magka-usap sila ni Pratt.

Sumunod na araw, Abril 23, nagbayad ng 11 pesos si Aguinaldo upang i-telegram sa mga kasamang iniwanan sa Hongkong na ‘nakikipag-tawaran’ (negotiating) siya sa mga Amerkano. Nagka-usap pa sila uli ni Pratt nuong Abril 25, bago lumunsad sina Aguinaldo pabalik sa Hongkong nuong Abril 26 sa barkong ss Malacca.

‘Isiniwalat’ Ang Lihim Na Kasunduan

Samantala, matapos ng matagal na away-away, ang mga sumuko sa Biak-na-Bato at napatapon sa Hongkong ay bumuo ng ‘El Junta Patriotica (‘Ang Makabayang Lupon’) upang mag-propaganda laban sa mga Español sa Pilipinas at, sakaling manalo ang himagsikan, ‘tumulong sa pagbuo ng pamahalaang Pilipino.’

Isang layuning lihim ng junta ay isali, at tumanggap ng ambag, mula sa mga mayamang Pilipino sa Hongkong, subalit hindi ito natupad. Kaya walang naging gawain ang junta kundi umangal na hindi tinupad ng mga Español ang pangako ng pag-igi ng turing sa mga Pilipino at patawad sa lahat ng naghimagsik na sumuko.

Subalit dahil hindi nila ipinakita kahit anong bahagi ng kasunduan sa Biak-na-Bato, bihira ang pumansin sa kanila, at mas kaunti ang naniwala. Sa wakas, sabay at marahil dahil sa ‘pakikipag-tawaran’ ni Aguinaldo sa Amerkano, hinayag ng junta ang nilaman ng ‘kasunduan.’

Sa kauna-unahang panahon, inamin ng mga ipinatapon sa Hongkong na

nilagdaan at nagkasundo kami, ang mga taga-Pilipinas, at ang pamahalaan ng España, na itigil ang labanan ng aming mga hukbong sandatahan nang 3 taon simula” nuong ( Deciembre 1898) nang lagdaan ang kasunduan.

Nangako, sabi sa pahayag, na “isusuko ng mga katutubo sa mga Español ang kanilang mga sandata,” baril at bala, pati na ang mga paggawaan ng armas (maestranza) at mga tanggulan (fuerzas, forts). Sa kabilang panig, “pumayag ang mga Español na bigyan ang ‘mapagpalayang pamahalaan’ (Estado libertad ) ng bayad-pinsala (war indemnity) sa mga isinukong mga sandata, paggawaan at kuta. Ang bigay na halaga ay natawaran nang hindi hihigit sa 600,000 pesos.”

Gagamitin daw ang salapi pang-gastos ng mga ipinatapon sa Hongkong habang naghahanap sila ng matitirahan nang palagian. Nilantad nito na:

  • Sinarili ng junta ang bayad-pinsala (indemnity), at walang balak na bigyan ng bahagi ang mga naghimagsik na naiwan sa Pilipinas
  • Gagastahin ng junta ang bayad-pinsala upang lumipat at mabuhay sa ibang bayan.
  • Lalong naging kahina-hinala ang pahayag ng junta nang isama ang listahan ng mga hiling na tinanggihan ni governador-general Fernando Primo de Rivera. Ni hindi pinag-usapan subalit “pumayag” daw ang governador na:

  • Palayasin, at pigilin ang pagpasok ng mga frayle sa kapuluan
  • Tanggapin ang kinatawan (diputado, representative) ng Pilipinas sa Cortes, ang batasang bayan sa España
  • Pantayin ang mga katutubo sa mga Español sa harap ng batas, at bigyan ang mga katutubo ng mga tungkulin sa pamahalaan
  • Bayaran ang mga katutubo o ibalik ang mga lupa at ari-arian ng kinuha ng simbahan at mga frayle
  • Ipahayag ang mga karapatan (rights) ng bawat katutubo at bigyan sila ng layang magsama-sama (association) at magsalita (speech)
  • Ipinangako” rin daw ni Primo de Rivera na patatawarin lahat ng naghimagsik at hindi parurusahan pagka-sumuko. Ang mga pagbubuti (reformas) naman daw ay pina-iral na sa utos ng España nuong Agosto 9, 1897 at bininbin (suspendido, postponed) lamang dahil sa himagsikan.

    Sinabi pa ng junta, “pumayag” si Primo de Rivera na manatili sa Pilipinas nang 3 taon bilang prenda (garantia, guarantee) upang panagutan ang pagtupad sa mga pinag-kasunduan.

    Ipinahayag ng junta itong kasulatan nuong Abril 1898.

    Walang isang buwan, sumalakay sa Manila ang sandatahang dagat ni Commodore Dewey, at natapos ang panahon ng Español sa Pilipinas.

    Nakaraang kabanata             Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Aklasan Ng Mga Charismatic Pinoy             Sunod na kabanata