Dewey at the Battle of Manila Bay KASUNDUAN  SA  BIAK-NA-BATO

Patapos  At  Hinatnan

Baka may mga ipinangako nga ang mga Español. Malamang din na may mga inayunan sina Aguinaldo na ikinahihiya
nilang ilahad ngayon. Kaya ang magkabilang panig ay kapwa ayaw magpakita ng kasulatan o copia ng kasunduan...
--C.H. Forbes-Lindsay, The Philippines under Spanish and American Rules, 1906

Mga paratang at contra-paratang ang sumulong at nagbalik-balikan, pulos palapad-papel at politica lamang...
Sa lahat ng kasangkot sa kasunduan sa Biak-na-Bato, si Primo de Rivera lamang ang nagpahayag sa Cortes
at nagtapat sa mga pahayagan sa España, bagaman at marahil, hindi tutuo lahat ng kanyang inamin...
-- James A. LeRoy, The Philippines, 1860-1898, New York, 1907

NANG bitayin sina Jose Burgos, Mariano Gomez at Jacinto Zamora nuong 1872, inusig din ng mga Español ang maraming pangunahing Pilipino. Nakatakas ang iba sa Hongkong. Ilang familia ay umunlad at yumaman duon. Dinatnan sila nuong 1898 ni Emilio Aguinaldo at iba pang nagpatapon ayon sa kasunduan sa Biak-na-Bato.

Nais nilang lahat na maalis ang Español sa Pilipinas subalit bihira ang nakihalo sa mga ipinatapon, walang tiwala sa mga tinawag nilang ‘rebeldes mezquinos’ (‘maghihimagsik na humingi ng limos’) na magpalakad ng bayan. Pati ang mga pangunahing Pilipino sa Manila ay nawalan ng pag-asa kina Aguinaldo.

Nuong madaling araw ng Mayo 1, 1898, winasak ng mga barkong pandigma ni commodore George Dewey ang hukbong dagat ni comodoro Patricio Montojo sa harap ng Cavite. Tinalo rin ng mga Amerkano ang hukbong Español sa Cuba, kaya wala nang pag-asa ng tulong mula sa España, kahit na mga barko upang makatakas mula sa Pilipinas. Lahat ng Español na nakatakbo mula sa paligid ng Manila, pati karamihan ng 30,000 sundalong Español na pumupuksa nuon sa Katipunan, ay sumiksik at nagkulong sa Intramuros.

Nuong araw ding iyon dumating sa Hongkong sina Aguinaldo, Gregorio del Pilar at J.M. Leyba mula sa Singapore. Kinabukasan, hinanap ni Aguinaldo si Dewey upang kausapin tungkol sa tulungan laban sa Español. Nuon niya nabalitaan na sumalakay na sa Pilipinas si Dewey.

Hindi nag-isang linggo mula nuon, pinutol ng mga mayamang Pilipino sa Hongkong ang anumang ugnayan nila kay Aguinaldo at sa kanyang ‘junta patriotica.’ Mga pangunahing abogados, hacenderos at banqueros sa Hongkong at Manila ang mga angkan nina D. Cortes, M. Cortes, Gracio Gonzaga at Jose Maria Basa. Nang nabalita sa Hongkong ang pagdurog sa sandatahang Español sa Manila, agad nilang ipinahayag ang kanilang panalig (allegiance) at pagkampi sa America, upang hadlangan ang pamumuno ni Aguinaldo sa Pilipinas. Sinabi nila sa consul ng America sa Hongkong nuong Mayo 6, 1898 na hinabilin nila sa mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas na tulungan ang America na sakupin at mamahala sa buong kapuluan.

Mapait ang tanggap nina Aguinaldo sa pagtiwalag ng mga Pilipinong ‘don’ subalit hindi sila nakapiyak sapagkat kailangan nila ang tulong ng mga ito kung magkakaruon sila ng pag-asang maging mga pinuno uli sa Pilipinas, nuon at talo na ang mga Español. Kaya wala silang imik nuon at sa mga dumating na panahon, kahit na nuong Mayo 14, 1898, nang ipahatid ng consul kina Dewey ang pahayag ng panalig ng mga pangunahing Pilipino sa kasisimula pa lamang na panahon ng Amerkano sa Pilipinas.

Pamana  At  Alaala  Ng  Biak-na-Bato

Mapaglinlang (traicionoso, misleading) ang mga ulat sa kasaysayan ng Pilipinas na naglarawan sa buhay at mga nakamit ni Pedro Paterno bilang isang ‘taksil’...
-- Portia Reyes, Visiting Fellow, Southeast Asian Studies Programme, 2005

Heros are no angels, and every history is stained with half-truths best forgotten...
-- anonymous truism

TUNAY ang kasabihan, hindi na matunton kung kangino nagmula, na makasalanan lahat ng bayani, at ang kasaysayan ng bawat bansa ay may dungis ng mga talo-sira na maigi pang kalimutan na lamang. Madumi at pangit ang alaala ng Biak-na-Bato na, sa huling tuusan, ay pagkanulo sa kalayaang ipinaglalaban nuon ng bayan, sa mababang halaga ng 400,000 pesos.

O 600,000 pesos, kung paniniwalaan ang listahan at mga recibo na pinagtibay daw nina Pio del Pilar. O 800,000 pesos, kung tutuo ang pahayag ni Primo de Rivera na ibinigay niya ang butal na 200,000 pesos kay general Basilio Agustin, ang pumalit na governador sa Manila nang natunugan ni Primo de Rivera ang naka-ambang pagsalakay ng mga

Amerkano at tumakas nuong Abril 1898. Mura pa rin kahit na 1.7 milyon pesos ang talagang suhol, kung si Paterno man ang tumanggap sa 900,000 pesos nang walang recibo tulad ng paratang ni Primo de Rivera, o kung si Rivera mismo ang kumupit.

Pinakamasakit, ang salaping isinuhol, ano man ang tunay na halaga, ay galing sa mga Pilipino - tributos, buwis at bahagi ng kita sa kalakal at paggawaan sa Pilipinas, hindi sa España.

Maaaring sabihing mahalaga ang kasaysayan ng Biak-na-Bato dahil nangyari ito at bahagi ng kabuoan ng karanasan ng Pilipinas. Masasabi ring ang Biak-na-Bato ang nasisilbing aral na ang tiwala sa mga pinuno ay dapat saliwan ng matyag at pagsupil ng mga mamamayan. Baka masasabi rin na sa pag-unawa sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, nakakatulong ang balik-tanaw sa Biak-na-Bato.

Gayon pa man, mapapatawad ang karamihan ng mga Pilipino nuon, ngayon at maaaring sa mga darating na panahon, kung umiwas sila sa hapdì ng pagka-sawì at sadyang laktawan, kalimutan na, itong masaklap na kabanata ng kasaysayan ng bayan.

Iba Pang Kayabangan

Ang kauna-unahang novela ng Pilipino ay ang ‘Ninay’ ni Pedro Paterno, isinalin sa English ni E.F. Du Fresne at nilathala sa Manila nuong 1907...alay (dedicated) sa ginang ni William Howard Taft, ang unang governador ng America sa Pilipinas... Nuong 1910 naman, inilathala ni Paterno ang ‘Pacto de Biyak-na-Bato,’ isinalin mula sa Español ng National Historical Institute nuong 2001... Mungkahi ko na ituring ang kapwa na ‘dalawang kathang-isip’ (fiction) ni Pedro Paterno...   --Ambeth R. Ocampo, Looking Back, The Philippine Inquirer, Enero 10, 2005

Sugod, mga Pilipino! Ang araw ng tagumpay ay sisikat sa atin. Mabuhay ang kalayaan ng bayan! Mabuhay ang mapagpalayang hukbo!... --Pedro Paterno, pahayag ng digmaan laban sa Amerkano, Junio 2, 1899

DAHIL walang nangyari sa kanyang habla laban kay Emilio Aguinaldo sa Hongkong, umalis na nuong Abril 1898 si Isabelo Artacho, isa sa mga nasuhulan ng Español sa Biak-na-Bato. Pagkaraan ng ilang buwan, nuong Septiembre 1898, ipinaratang ni Aguinaldo na sinuhulan siya ng 5,000 pesos kaya umalis.

Gaya ni Artacho, dapat sana ay naglaho na sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginampanan ni Pedro Paterno subalit walang puknat ang sikap niyang sumikat. Pagkaganap niya ng kasunduan sa Biak-na-Bato, malamang nalimutan na siya kung hindi sumalakay ang mga Amerkano.

Maka-Español pa rin, sinamantala ni Paterno nang napipilan ang mga Español sa Intramuros upang tuparin ang hangarin niyang magka-tungkulin sa pamahalaaan. Naglabas siya ng isang manifesto nuong Mayo 31, 1898, nangakong pagbubutihin na ang turing sa mga Pilipino, na hinikayat niyang tulungan ang ‘ating mga kapanalig’ na Español sa digmaan laban sa Amerkano. Dahil sa ginawa niya sa Biak-na-Bato, walang pumansin kay Paterno.

Nang sumuko ang sandatahang Español sa Manila nuong Agosto 1898 at matapos ihayag ni Aguinaldo ang kanyang pagka-dictador ng Pilipinas sa Kawit, Cavite, nuong Junio 12, 1898, nilimot ni Paterno ang kanyang pagka-maka-Español at kumampi na sa mga Pilipino. Isa siya sa mga nahirang na kinatawan (diputado, delegate) sa Malolos Convencion nuong Septiembre 1898 at sa Malolos Republic na itinatag nuong Enero, 1899.

Kasapakat si Felipe Buencamino at ilan pang principales, tinangka nilang itayo ang isang banco central ng Pilipinas upang umutang ng pang-tustos sa kanilang pamahalaan, tustos na paghahatian ng mga kinatawan at mga pinuno sa iba’t ibang lalawigan. Binuska sila ni Apolinario Mabini na presidente ng cebinete nuon, at walang nangyari sa pakana nilang ‘gumawa ng pera.’

Sumabog ang digmaan nuong Febrero 1899 at sinakop ng hukbong Amerkano ang Malolos nuong sumunod na buwan, Marso 1899. Sinisante ni Aguinaldo ang cabinete ni Mabini nuong Mayo 1899 at ipinalit si Paterno bilang primer ministro (pangunahing kalihim, prime minister). Tulad niyang principales ang hinirang na cabinete ni Paterno: si Leon Maria Guerrero bilang kalihim ng pagsaka, pagpagawaan at pagkakalakal (agriculture, industry and commerce), si Mariano Trias bilang kalihim ng digmaan (national defense), si Felipe Buencamino sa ugnayang panglabas (foreign affairs), si Maximo Paterno sa gawaing bayan (public works), si Aguedo Velarde sa pag-aralang bayan (public education), si Hugo Ilagan sa pag-salapi (finance) at si Severino de las Alas sa ugnayan pangluob (interior).

Karamihan sa kanila, kung hindi man lahat, ay handang makipag-payapa (tregua, truce) sa mga Amerkano, nuon at talunan na ang hukbong Pilipino. Sa utos ni Aguinaldo, tinangka ni Paterno na ulitin ang kasunduan sa Biak-na-Bato. Nang tanggihan siya ng mga Amerkano, tulad ng nauna nilang pagtanggi kay Manila, saka lamang siya nagpahayag ng digmaan (declaration of war) laban sa America nuong Junio 2, 1899. Subalit tastas na nuon ang ‘republica’ ng Malolos, at sumunod na Noviembre, nalansag

na rin ang hukbo ni Aguinaldo na napilitang magtago na lamang sa mga gubat at yungib sa Isabela.

Tulad ng ginawa niya nuong nakaraang taon, at ilang buwan lamang pagkaraan ng pahayag niya ng digmaan, nilimot ni Paterno ang kanyang pagka-maka-Pilipino at isinalin ang panalig niya sa mga Amerkano. Kasapakat uli si Buencamino, binuo ni Paterno ang ‘Asociacion de paz’ (samahang pag-payapa) upang makipag-payapa at kumampi sa Amerkano. Pangunahin sa mga kasapi sina Guerrero, Cayetano Arellano, Trinidad H. Pardo de Tavera, Rafael Palma at Tomas del Rosario.

Bumuo sila ng isang lupon upang tulungan ang mga Amerkano na pasukuin ang mga Pilipino. Binigyan sila ng mga Amerkano ng pahintulot lumibot upang kausapin ang mga Pilipinong nagtatago at lumalaban nuon sa mga bundok at gubat. Nasa lupon sina Paterno, Guerrero, Rafael Palma, Joaquin Lara, Aguedo Velarde, Pasqual Poblete, Justo Lukban at Nazario Constantino. Nuong Deciembre 23, 1900, pinulong ni Florentino Torres ang ‘Asociacion de paz’ at ginawa itong ‘Partido federal,’ may layuning ibuklod (annex) ang Pilipinas sa America.

Naunsiyami si Paterno. Dalawang kasamahan niyang ‘balimbing’ ay nagka-tungkulin sa pamahalaan ng Amerkano, si Arellano bilang unang hukom ng corte suprema, at si Pardo de Tavera bilang kasapi ng Philippine Commission ni governor William Howard Taft, ang unang pamahalaan ng Amerkano sa Pilipinas. Hindi nawalan ng pag-asa si Paterno. Kahit na nilampaso ang Partido federal ng Partido nacionalista ni Sergio Osmeña sa halalan nuong 1906, nanalo si Paterno at naging kinatawan sa unang Philippine Assembly, ang batasang bayan ng Pilipinas sa ilalim ng America, nuong 1907.

Nagsisikap pa ring sumikat kahit paano, ipinasalin sa English ni Paterno ang kanyang novelangNinay,’ at ipinalathala sa Manila nuong 1907 upang mabasa ng mga Amerkano. Inalay (dedicated) pa niya ito sa asawa ni governor Taft. Subalit hindi tumalab ang palapad-papel, at tulad nuong una niyang isinulat sa wikang Español, kaunti lamang ang bumasa sa ‘Ninay’ at walang nalahad na pumuri, kahit isa.

Sa wakas, nuong kanyang mga huling araw, hinarap ni Paterno ang dahilan naukit ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng Pilipinas, na siya ring naging sanhi ng kanyang pagkasadlak sa lipunang Pilipino. Nuong 1910, sinulat niya sa Español ang ‘Pacto de Biyak-na-Bato’ subalit marami siyang lihim na hindi naisiwalat, hindi naamin na para sa salapi at matanggap sa pamahalaang Español, niyakag niyang sumuko at sinuhulan ang mga pinuno ng himagsikan. Puno rin ang aklat ng mga pahayag (pretensiones, claims) na hindi napaniwalaan ng mga bumasa.

Ang mga lihim at mga pagyayabang maharil ang dahilan halos 100 taon bago isinalin ang kanyang aklat sa English upang mabasa ng mga Pilipino, daig karamihan ay hindi marunong, at ayaw matuto, ng wikang Español.

Isang taon lamang pagkalathala ng ‘Pacto de Biyak-na-Bato,’ nuong Marso 11, 1911, namatay si Paterno, kipkip hanggang sa libingan ang mga lihim ng Biak-na-Bato.

ANG  MGA  PINAGKUNAN

The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998, kasipi ang
The Pact of Biak-na-Bato, by James A. LeRoy, The Philippines, 1860-1898, some comments and bibliographical notes, Cleveland, 1907

The Decline of Spanish Rule, 1762-1898, Philippines - A Country Study, US Library of Congress, lcweb2.loc.gov/frd/cs/phtoc.html

Distribution of the P200,000 Given to the Biyak-na-bato Rebels by Primo de Rivera as Second Installment,
The Philippine Revolution, MSC Communications Centennial Site, San Pablo City, www.msc.edu.ph/centennial/receipts.html

Embarrassing Street Names in Tacloban, by Rolando O. Borrinaga, The Tacloban Star, 1993, www.geocities.com/rolborr/embarrass.html

The First Filipino Novel, by Ambeth R. Ocampo, Looking Back, Inquirer and GMA Network, Jan 10, 2005,
www.inq7.net/globalnation/col_lob/2005/jan10.htm Yoder

Mabini: Wounded Hero, by Dr. Robert L. Yoder, FAPC, Austrian-Philippine Home Page, APSIS editor Johann Stockinger,
www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/history/mabini.htm

Pedro Paterno, From Wikipedia, the free encyclopedia, en.wikipedia.org/wiki/Pedro_Paterno

Pedro Paterno (1858-1911), Philippine National Heroes, park.org/Philippines/centennial/heroes07.htm

Pedro Paterno's Proclamation of War June 2, 1899, The Philippine-American War Documents, MSC Communications Centennial Site, San Pablo City, www.msc.edu.ph/centennial/receipts.html

The Philippine Revolution (1896-1898), by Veltisezar Bautista, The Filipino Americans (1763-Present): Their History, Culture, and Traditions,
Bookhaus Publishers, Illinois, 2002 Murat Halstead

The Philippines: Past and Present, by Dean C. Worcester, member of the Philippine Commission, 1900-1913;
Secretary of the Interior of the Philippine Islands, 1901-1913, New York, 1914, The Project Gutenberg EBook,
Produced by Jeroen Hellingman and the Distributed Proofreaders Team, www.gutenberg.org

The Philippines under Spanish and American Rules, by C.H. Forbes-Lindsay, Philadelphia, 1906,
Austrian-Philippine Homepage, APSIS Editor Johann Stockinger, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/forbes/forbes53.htm

La Revolucion Filipina’ (Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino), by Apolinario Mabini, Austrian-Philippine Home Page,
APSIS editor Johann Stockinger, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/history/mabini2.htm

The Story of the Philippines, by Murat Halstead, Our New Possessions Publishing, 1898, Austrian-Philippine Home Page,
APSIS Editor Johann Stockinger, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/halstd3.htm worcester

Today in the Past, Today , by Prof. Samson A. Lucero, January 21, 1853 & December 29, 1897,
The Fair and Fearless Freeman (Cebu’s newspaper since 1919), thefreeman.com/today_in_the_past/index.php

True Version of the Philippine Revolution, by Emilio Aguinaldo y Famy, Sep 23, 1899, Project Gutenberg Ebook,
Produced by Jeroen Hellingman, Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders
from page scans provided by University of Michigan, www.gutenberg.org

The ‘Treasonous’ History of Filipino Historiography: The Life and Times of Pedro Paterno, 1858-1911,
by Dr Portia Reyes, Visiting Fellow, Southeast Asian Studies Programme, www.fas.nus.edu.sg/sea/sem/sem_2003.htm

Nakaraang kabanata             Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Aklasan Ng Mga Charismatic Pinoy