ANG  AKLAT  NI  ANDRES  BONIFACIO

Ang ginawa ni Rizal, at ng mga Mason, kay Bonifacio at sa Katipunan

SI Bonifacio ay Masón din. Siya ay segundo vigilante sa Logia Taliba, na ang Venerable ay si Luis Encino Villareal, na binaril ng mga Castila. Ilan sa kasamahan ni Bonifacio sa Katipunan ay mga kamukha niyang Masón din.

Isáng araw, ipinatawag si Bonifacio ng mga pinuno ng kanyang logia at hinikayat na itigil ang Katipunan sa kawalan ng mga baril, cañon, sandata at salapi na kailangan sa paghimagsik na gagawin ng Katipunan, na kung mapipilan ay

lalong kasawian ng bayang Pilipino. Pagkatapos na marinig ng amá ng Katipunan ang mga katwiran, hindi umimik kaunti man, kinuha ang kanyang sambalilo, sabay ang sabi,

“Diyan na kayó, puro kayo wikang Castila.”

Isang araw naman, nagsadya si Bonifacio sa bahay ng nasirang Antonio Luna upang ipatalastás ang gagawing paghimagsik ng Katipunan. Pagkatapos na mapakinggan ang mga

pangungusap ni Bonifacio, sinabi ni Luna,

“Anó ang ating ilalaban, itong ating mga ...? Kung si Napoleon ay naging Napoleon, ay sapagka’t bukod sa siya’y may pusong matapang, ay may talino pa, at, bukod sa lahat ng iya’y may salapi.”

Nang ilahad naman ni Bonifacio ang hinahangad ng Katipunan kay Francisco Roxas, isá sa mga binaril ng mga Castila, sinabi ni Roxas na ayaw niyang makinig sa mga kabalbalan at kaululan.

Si Rizal ay hindi rin sang-ayon sa paghimagsik ng Katipunan. Sa kanyang mga aklat, tula at sulat, nakikilalang ang adhikang katubusan ng Pilipinas ay ibig niyang makamtan sa pamamagitan muna ng karunungan at kadakilaang asal ng kanyang mga kalahi, bago isipin ang ibáng paraan.

Isang araw ng Mayo 1896, sinugo ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela (ang tanging kasapi sa Katipunan na may título) na makipanayam kay Rizal sa pinagtapunan dito sa Dapitan, Mindanao, upang ipatalastás sa kanyá ang nais ng Katipunan na maghimagsik nang mawasak ang kapangyarihan ng España dito sa Pilipinas. Si Rizal ay sumalungat sa ganyang nais.

Kinabukasan, dali-daling lumulan sa bapor si Valenzuela at umuwi sa Maynila bagaman at may

tangkang manatili pa ng mga ilang araw duón. Pio Valenzuela Nang malaman ni Bonifacio na ayaw ni Rizal sa paghimagsik, sinabi niya: “At saang aklat nabasa ni Rizal na bago maghimagsik ay kailangang magkaroon muna ng sandata at salapi?”

Kalaban ba ni Rizal at ng mga Masón si Bonifacio at ang Katipunan?

Malayo. Si Rizal at marami sa mga Masón ay mga taong may taglay na kakayahan sa isip. Paniwala nila na bago simulan ang isang napakalaking gawain katulad ng paghimagsik,

kailangan muna ang mga baril, sandata at salapi upang magtagumpay. Ang pagbuhos ng dugo sa ikasu-sugpo ng mga pag-api ay talagang salungat sa mga aral ng “Masoneria” sa mga kasapi. Datapwa, ang mga dukha, manggagawa, mga maralita na mga hamak na taong bayan, dito sa atin at saan pa man, kapag niyakap ang isang gawain at nalamang kailangang gawin sa ikasu-sunod ng isang dakilang layunin, ay hindi na nagtitigilan sa pag-iisip at kara-karaka ay ginagampanan sabay sa salitang “Bahala na!

Ito ay nakita natin na siyang nagligtás sa bayang Pilipino nuong mga panahong yaón, at naghatíd sa atin sa tagumpay. At iyan ding mga salitang iyan ang nagligtas sa ibang mga bayan sa kuko ng mga manlulupig na hari at maharlikáng umiinís sa mga anak-pawis at dukha.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Sunod na kabanata