LAHAT ng nakabatid ay sumunod sa pahayag. Kinabukasan nga ng gabi, (ika-29 ng Agosto 1896) nagkaroon ng labanan sa buong paligid ng Maynila. Nang ika-30 ng buwang ito, nagkaroon na ng mahigpit na labanan sa Balintawak, sa San Juan del Monte at sa iba pang puok. Si Bonifacio ay nagpakita ng hindi karaniwang katapangan at gayon din ang kanyang mga kasamahan. Nasupil nila at naagawan ng ilang baril ang mga himpilan ng guardia civil. Kaya nuon din ay ipinasiya ni general (Ramon) Blanco, kataas-taasang puno ng Castila dito sa Pilipinas, na ipalagay na puok ng digmaan ang mga lalawigang Maynila, Bulakan, Kapampangan, Nueva Ecija, Tarlak, Laguna, Batangan at Kabite, at iniutos na bantayang mahigpit ang mga mamamayan. Pinagdadakip ng pamahalaang Castila ang lahat ng kilalang Masón o mga kamag-anak at |
ANG AKLAT NI ANDRES BONIFACIO Sumiklab ang Himagsikan! |
|
kaibigan nila at kinulong sa Bilibid, sa Fuerza de Santiago at sa ibá pang piitan, gaya ng silong ng mga kuta (muralla) sa luob ng Maynilà (Intramuros). Ang mga mayayamang katulad ng mga Yangko (ama); Roxas, Zamora, Bautista at iba’t ibá pa ay pinaghuhuli at piniit sa bilangguan, at gayon din ang mga Pilipinong napapatangi sa dunong at sa kabuhayan.
Ang mga kasapi sa Katipunan ay pinagdadakip din at pinahirapan sa luob ng bilangguan. Nalaman na ang paraang ginawâ sa pagsapi, dahil sa pagkatuklas ng cura sa Tundo, si Mariano Gil, lahat ng mga manggagawa sa mga pagawaan, ang mga lalaking lumakad sa mga lansangan sa Maynila at sa mga bayang ka- |
Tagalugan, ay isá isáng nililisan ng manggas ng baro ng mga guardia civil at veterana at kung may nakitang piklat na gurlis (munting sugat), ay ibinilanggo. May mga ilan na ibinilanggo dahil nagkasugat o tinubuan kaya ng galis sa bisig, kahit na hindi sa kinukudlitan sa pagkuha ng dugo na inilagda sa kasulatan ng panunumpa ng mga kasapi sa Katipunan. Nakasama silang pinahirapan at pinabaril sa Bagumbayan (Luneta) at sa luob ng mga bilangguan. Hindi lamang hindi kasapi ang mga mayaman at mga marunong na Pilipino kundi salungat pa sa Katipunan subalit dinakip din, at pinabaril pa ang ilan. Si Bonifacio at ang Katipunan ang masasabing may kagagawan. |
|
NANG malaman ni Bonifacio na ang mga mayaman at mga litaw na Pilipino ay ayaw sa paghimagsik, siya ay umisip ng isang paraan na ang mga ito ay mapadamay sa pag-usig sa mga taga-Katipunan. Una: Upang lalong masugatan ang puso ng mga taong bayan kapag nakitang pati ng mga mayaman at mga litaw na kababayan ay pinipiit at pinagbabaril. Ika-2: Higit sa una, nang sa gayon ay lalong lumagablab ang apoy ng paghihimagsik. Ano pa at sa kanyang pagka-tunay na maghihimagsik, ang ibig ni Bonifacio ay magkahalu-halo na ang balat sa |
tinalupan. Kaya, nang nairaos na ang pulong na nagpasiya ng pagsalakay sa Maynila, inutos ni Bonifacio kina Jacinto at Guillermo Masangkay na isabog sa ilang pook ng Maynila ang mga kasulatan na sadyang inihanda ni Bonifacio at ng mga alagad niya, na nagpakilalang ang mga nakalagda ay may kinalaman at kasapi sa Katipunan. Bagaman at hindi tutuo, at ang mga kasulatang yaon ay gawa-gawa lamang at hinuwad ang lagda ng ilang mga litaw na mayaman at |
marunong na Pilipino nang sa gayon ay mapasubo sila sa ginampanang paghimagsik ng bayang maralita, sa ikabuti ng lahat.
Hindi hinayag ni Bonifacio sa lahat ng mga kasapi ang ginawa niyang paghuwad sa mga lagda nguni’t talagang ipinabasa sa mga kasapi sa Katipunan at nang sa gayon ay lalong lumakas ang luob ng kanyang mga alagad. Katunayan nito, ilan sa mga nahuli, sa hirap ng mga pasakit, ay nagturó nang nagturó sa ilang litaw na tao, bagaman at ilan sa mga isinigaw ay gawa-gawa lamang, sa higpit ng mga parusa. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Sunod na kabanata |