1.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
2.
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.
|
ANG AKLAT NI ANDRES BONIFACIO
‘Pag-ibig Sa Tinubuang Lupa’ Tula Ni Andres Bonifacio
|
3.
Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.
|
4.
Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.
|
5.
Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.
|
6.
Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal kapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.
|
7.
Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.
|
8.
Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.
|
9.
Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.
|
10.
Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?
|
11.
At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.
|
12.
Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.
|
13.
Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.
|
14. *
Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.
|
15.
Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.
|
16.
Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.
|
17.
Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?
|
18.
Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa ka-alipinan?
|
19.
Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos
|
20.
Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.
|
21.
Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.
|
22.
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanuod.
|
23.
Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.
|
24.
Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.
|
25.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilant sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
|
26.
Kayong mga pusong kusang (pugal)
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.
|
27.
Kayong mga dukhang walang tanging (lasap)
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.
|
28.
Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit)
ito’y kapalaran at tunay na langit.
|
*
Salamat kay Gregorio V. Bituin Jr. (gregstar2006@yahoo.com). Naibalik niya ang nawalang ika-14 saknong (stanza) nitong tula, batay sa librong “Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)” ni Virgilio S. Almario, National Artist ng Pilipinas. -- ejl, Feb. 26, 2008
Nakaraang kabanata
Balik sa itaas
Lista ng mga kabanata
Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas
Susunod na kabanata
|