ANG MGA MANLULUPIG NG PILIPINAS:
By unfortunate association, the islands are invaded by another European Power
Sinakop Ng British Ang Manila
Pagkaraan ng halos 2 buwan ng paglayag, biglang sumulpot ang malakas na hukbong dagat ni Vice Admiral Samuel Cornish sa luok ng Manila (Manila Bay ang tawag ngayon) nuong Septiembre 23, 1762, at sumalakay. |
|
Lumusong sa Malate
Nataranta ang hukbong Español sa Manila. Ni hindi nila alam na may digmaan pala ang España laban sa Britain. Mahigit 100 taon nang natigil ang pagligalig ng mga Dutch at mga Portuguese sa Pilipinas kaya, maliban sa pagbugso-bugsong aklasan ng mga Pilipino, tahimik na nagpa-pasasà sa buhay ang mga Español sa Manila. Pati ang governador general nuon ay hindi general o sundalo man lamang, kundi mismong ang arsobispo ng Manila, si Manuel Antonio Rojo, mula nuong Julio 1761, mahigit 1 taon bago biglang sumalakay ang mga British.
Mabilis lumusong ang 1,600 sundalo ni Brigadier General William Draper sa Moratta (‘Nayon ng mga Moro,’ tawag ng Español sa nilipatan ng mga maharlika ng Manila, kahit hindi sila mga moro o kahit mga muslim man lamang,
|
pagkatapos itaboy nina Miguel Lopez de Legazpi nuong 1571. Malate ang tawag ngayon sa purok.) Wala pang 3 kilometro mula sa Intramuros, sinakop ng mga British ang maliit na kuta duon (polverina) na imbakan ng pulbora (polvora, gunpowder) ng kanyon ng mga Español.
Maliban sa ilang sundalo na nahulog sa dagat at nalunod nuong pagdaong sa dalampasigan dahil masama ang panahon, walang tinamasang pinsala ang hukbong British na agad tumahak sa calzada (banda sa tinatawag ngayong Taft Avenue) patungo sa Intramuros, dala-dala ang kanilang mga kanyon at pambomba (bombardeares, mortars). Sinakop at ginamit nilang himpilan ang lahat ng simbahan na nadaanan, pati ang ermita (hermitage) sa tinatawag ngayong Ermita, at ang mga simbahan ng Nuestra Senora de Guia sa Parian at Santiago (Saint James) sa tabi ng Intramuros. |
![]() Wala pang 1,000 ang mga Español sa Intramuros, at 565 lamang sa kanila ang tunay na sundalo, sa pumuno ni Brigadier General Marcos de Villa Madiana. Ang iba ay mga civilian na binigyan ng baril at isinama sa hukbo bilang militia. Kabilang ang mga frayleng Augustinian na tumakas mula sa ermita at, nanaig ang pagka-Español kahit na labag sa kanilang sumpa ng payapa, nagsandata at kasamang tumanod at nakibaka sa mga tanggulan ng Intramuros. |
|
Sumuko ang mga Español
Mayroon 4,000 Kapampangan at iba pang mga katutubo sa hukbong Español subalit dahil sa matagal na payapa, wala silang alam kundi pumatay ng mga moro (muslims) at iba pang naghihimagsik na Pilipino na walang sandata kundi itak, kris at sibat.
Hindi marunong ang mga Kapampangan na lumaban sa hukbong may mga baril at kanyon kaya nang tamaan ng kanyon at bomba ang mahigit 400 sa kanila, nagtakbuhan na ang mga Kapampangan. Sa mga Español, 400 din ang sugatan at 85 ang napatay sa isang linggo ng kanyunan, kaya sumuko silang lahat nuong Octobre 6, 1762, at ibinigay ang buong Pilipinas sa British.
Nuong Octobre 10, 1762, sinakop din ng mga British ang Cavite. Sa buong salakay, 17 British lamang ang napatay at 17 ang nasugatan.
Dagdag sa pagsuko ni Arbsobispo Rojo, pumayag siyang magbayad ng 4
|
milyon piso (Mexican silver pesos) na pilak (plata, silver) upang huwag wasakin at nakawan ng British ang Intramuros. Paunang 1 milyon piso lamang ang binayad ni Rojo at hanggang natapos ang digmaan, hindi na binayaran ang nalabing halaga kahit panay ang singil ng Britain. Panay namang tinanggihan ng España.
Isang Español na hindi sumuko sa British si Simon de Anda, auditor sa Audiencia sa Manila. Tumakas siya sa Cavite nuong unang sakupin ng British ang Manila, tapos sa Bacolor, 5 kilometro mula sa San Fernando, Pampanga, nang sakupin din ng British ang Cavite. Nagtatag siya ng ‘pamahalaan’ ng Español, kasama ang 300 sundalong Español na tumakas mula sa Cavite, at ang 1,800 Kapampangan na dating sundalo sa hukbong Español na sinisante ng mga British. Tinanghal ni Anda ang sarili bilang governador general sa halip ng tinawag niyang ‘taksil’ (traidor, traitor) na Arsobispo Rojo na patuloy nanungkulan bilang governador sa ilalim ng British. |
![]() Dahil Sa Digmaan Sa Europe DIGMAAN sa Europe ang sanhi ng pagsakop ng Britain sa Manila, nang kumampi si Carlos 3, hari ng España, sa kanyang ka-angkan ng Bourbon na hari ng France. Subalit saling-pusa lamang ang España sa 7 taon ng digmaan (7 Years’ War) ng France, Russia, Austria at Sweden laban sa nagkampihang kaharian ng Prussia, Britain at Hanover, sa pamumuno ni Frederick the Great, tungkol sa agawan ng mga lupain sa Saxony at Silesia, sa Gitnaang Europe. Ang sanhi naman ng digmaan ay agawan ng France at Britain sa lumalago at yumayamang kalakal dagat (maritime trade) sa Asia, Africa at South America dahil sa paghina ng mga kaharian ng Portugal, Netherlands at España, mga dating pinuno sa kalakal dagat. |
|
Sinamantala ng España ang walang tigil na digmaan ng sandatahang dagat ng France at Britain. Nilusob ng hukbo ng España at France nuong Abril 1762 ang kaharian ng Portugal dahil kakampi ito ng Britain, 5 buwan bago lumusob ang British sa Manila.
Sa tulong ng hukbong British, napigil ng Portugal ang pagsakop ng España at, bilang ganti, sinalakay naman at sinakop ng British nuong taon din iyon ang Manila at ang Havana, punong kabayanan ng Cuba at himpilan ng sandatahang dagat ng España sa South America. Samantala, panay ang panalo ng Britain sa digmaang dagat. Nasalanta ang hukbong dagat ng France, at naagaw ng British ang kanilang mga sakop sa North America, ang Quebec, Montreal at Louisburg (sa Nova Scotia; lahat ay bahagi ngayon ng Canada). Nilusob at naagaw din ng British ang Pondicherry, lalawigan na sakop ng France, malapit sa Madras, sa silangang baybayin ng India na tinawag na Malabar (Malabar Coast). Ang nagwaging hukbo mula sa Pondicherry ang ginamit ng British pang-lusob naman sa Manila. |
Bago pa nagsimula ang digmaan, dumalaw na sa Manila si William Draper, isang coronel sa hukbo ng British sa India na nagkasakit duon. Habang nagpapa-galing, siniyasat niya ang kalagayan ng Español at, pagdating sa Britain, isiniwalat niya ang balak na sakupin ang Pilipinas.
Matagal subalit tinanggap din sa wakas ang kanyang himok, at itinakda ang pagsalakay sa Manila bago makarating duon ang balita ng simula ng digmaan ng España laban sa Britain. Si Draper, nataas na bilang brigadier general, ang namuno sa hukbong British na sumalakay. Sa España, bahagya lamang pinansin ang pagsakop sa Manila. Higit na mahalaga sa mga Español ang pagka-ipit ng kanilang hukbo sa Portugal, at ang pagkawala ng Havana. Sabay sa maraming talo ng hukbong dagat ng France, napilitan ang mga Español na makipag-payapa sa British. Sa kasunduan sa France (Treaty of Paris) nuong Febrero 10, 1763, ibinigay ng mga Español ang Florida sa British upang mabawi nila ang Havana, at upang makabalik sa España ang kanilang hukbo na napipilan sa Portugal. |
Kasama sa pakipag-payapa ang Manila, ibinalik ng British sa mga Español bagaman at nuong sumunod na taon pa, 1764, dahil matagal bago nakarating sa Manila ang balita na tapos na pala ang digmaan ng Britain laban sa España. Namatay si Arsobispo Rojo nuong Enero 30, 1764, habang bihag pa ng mga British. Inangkin ni Anda ang karangalan ng pagtanggap ng kapangyarihan nang nagsimulang umalis ang mga British nuong Abril 1764, subalit hinirang ng mga British si Francisco dela Torre, ang pinuno ng hukbong Español sa ilalim ng British nuon, bilang pansamantalang (provisional, temporary) governador. Kaya si Torre ang governador nang ibalik ng British sa Español ang pamahalaan sa Manila nuong Mayo 31, 1764. Lahat-lahat, 149 British ang namatay sa panahon ng pagsakop nila sa Manila. Ang mga Español naman ay nagtayo ng bantayog (monumento, obelisk) sa Intramuros, tinawag nilang Simon Anda Memorial, upang ipagdiwang ang kanilang ‘tagumpay’ laban sa British. |
|
Pumuslit sa Sulu ang mga British
INILIHIM ng British at labag sa kasunduan, nagtatag sila ng isang kuta sa maliit na pulo ng Balambangan (Mandah ang tawag ngayon), isang kilometro cuadrado lamang ang laki, sa kapuluan ng Sulu, bilang himpilan ng binabalak nilang kalakal ng mga spice sa Maluku mula sa kanilang sakop na kaharian sa Malacca (Melaka ngayon, sa Malaysia).
Hindi naman nagtagal, nilibak at nagmalupit ang mga British sa mga tagaruon, iginapos pa ang isang dato sa gitna ng plaza, kaya nagbalak ng biglang salakay ang mga muslim. Nuong Marso 5, 1775, sa pamumuno ni Tenteng, ang pinuno ng hukbong dagat ng Jolo, inupakan at dinurog ng mga Tausug ang kuta, pinatay ang mga sundalo duon maliban sa comandante at 5 alalay na nakatakas sa kanilang barko.
Napilitang umurong ang mga British mula sa Sulu. Maraming nakurakot ang mga muslim sa kuta - mga sandata, pagkain at salapi. May nakuha pang ilang sasakyang dagat. Natakot ang mga datu sa Jolo sa higanti (venganza, revenge) ng mga British kaya naghayag sila na wala silang
|
kinalaman sa paglusob. Sumulat pa si Sultan Israel, hari ng Sulu na nakapag-aral sa seminario San Jose sa Manila, at itinatwa nila si Tenteng bilang isang tulisan (bandido, outlaw). Subalit bumalik sa Jolo si Tenteng, dala-dala ang mga nakurakot sa kuta at nakipaghati sa sultan at mga datu, pati ang isang sasakyang dagat at 2,000 piso na pilak (Mexican silver pesos). Galak na galak ang sultan at mga datu, inalis nila ang hatol kay Tenteng at tinanggap nila uli ito bilang isang bayani.
Nuong 1803, nagpundar uli ang East India Company ng Britain ng 6 barko upang pangpasok sa Mindanao. Sinalakay ang Zamboanga ng 300 sundalo, 700 Sepoy (mga taga-India na sundalo sa hukbong British) at 200 Intsik, subalit natalo sila at napilitang tumuloy uli sa Balambangan. Wala naman silang nakitang kinabukasan duon kaya alsa-balutan sila nuong Deciembre 15, 1806, sinunog ang sariling kuta at lumipat sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon) upang duon maghanap-buhay. Hindi na pumasok ang mga British sa Pilipinas hanggang nuong panahon ng Amerkano nang ‘upahan’ ng isang bahay kalakal sa Hongkong ang lalawigan ng Sabah sa hilagang Borneo mula sa sultan ng Sulu. |
TULAD ng dating gawi, hinakot ang mga Español ang mga mandirigmang Pilipino mula sa mga karatig lalawigan nuong unang lumitaw ang hukbong dagat ng Britain sa harap ng Manila. Sa mahigit 200 taon pagsakop ng España sa Pilipinas, laging karamihan ng pambato laban sa sinumang sumuway o sumalakay sa kanila ay mga katutubong Pilipino, sa sulsol ng kanilang mga frayle at paring paroco.
Kasama raw sa mga hinakot na Pilipino ang 600 mandirigma mula sa lalawigan ng Bulacan na pinagbantay nila sa Bancusay, Tondo. Mayruon ding 110 lalaki mula sa Meycaoyan (Maykawayan) at Bocaue (Bokawe), 150 mula sa nayon ng Bulacan, 60 lalaking taga-Guiguinto at 72 mandirigma mula sa iba’t ibang baranggay sa paligid. Sa Intramuros, may 150 Kapampangan ang nagbantay sa palacio ng governador samantalang 133 ang nagbantay sa bahay ng arsobispo, kabilang ang 38 Tagalog na may mga baril (mosquetes, muskets). Sa San Fernando, may 1,950 pang mga Kapampangan na nakahimpil, naghihintay ng tawag.
Kalahati lamang ng mga Español ang tunay na sundalo, dala ang kanilang mga baril (muskets). Ang iba ay mga frayle at mga militia na binigyan ng mga baril. Nilusob nila ang 3 simbahan na ginagamit na himpilan (headquarters) at tanggulan (stronghold) ng mga British, ang Nuestra Senora de Guia na malapit sa Parian, ang baranggay ng mga Intsik, ang Santiago (Saint James na ginawang Fuerza Santiago o Fort Santiago pagkaraan ng ilang taon), at ang simbahan ng Malate. Magdamag at madugo ang labanan, marami ang napinsala sa magkabilang panig. Sa wakas, nanaig ang kanyon at baril laban sa sibat at pana at napaurong ang mga Pilipino, naiwan ang ilang daang kasama na napatay o nasugatan sa labanan. Upang mapalitan ang mga nasalanta sa pagsalakay, nagpatawag uli ang mga Español ng mga Pilipino at pagkaraan ng ilang araw, nuong Septiembre 30, 1762, dumating ang 609 mandirigma mula sa Bulacan. Mula sa Paombong, 82 lalaki ang pinamunuan ni Sebastian Lorenzo; 149 ang dala ni Augusto Percumenla mula sa Bocaue; 16 lamang ang dala ni Juan Panganiban mula sa Calumpit. Mula sa Malolos, 45 mandirigma ang pinamunuan ni Anastasio Bautista; mula sa Obando, 53 ang dala ni Pedro C. Salvador; 79 and dala naman ni Nicolas de Aquino mula sa Angat; mula sa San Jose, 30 mandirigma ang dala ni Nicolas Matias; 75 ang dala ni Juan Roque mula sa Polo; habang 80 ang kasama ni Domingo Francisco mula Bigaa. |
|
|
|
![]() Naunang tumakas si Santiago Orendain, ang Español na namuno sa pang-2 pangkat ng mga Kapampangan, bago pa nila lusubin ang simbahan ng Malate at ang Ermita (hermitage) na ginagamit na himpilan (headquarters) ng mga British. Kahit na iniwan sila ni Orendain, naitaboy nila ang mga Sepoy, mga sundalong Bombay sa hukbong British, subalit binalikan sila ng maraming British at, pagkatapos mapatay ang 200 Kapampangan, nagtakbuhan silang lahat pabalik sa Intramuros.
Nuong araw ding iyon, sinimulang kanyunin at bombahin ng mga British ang Intramuros at kinabukasan, Octobre 6, 1572, nabutas nila at napasok ang makapal na pader. Dahil halos wala nang mga Kapampangan at walang ganang lumaban ang mga Tagalog, walang laban ang mga Español at mabilis sumuko lahat. Pang-una si Arsobispo Rojo. Pagkaraan ng ilang taon, inulat ni Brigadier General William Draper, pinuno ng mga British, ang paghanga niya sa mga Kapampangan na tinawag niyang mga ‘ligaw at mababangis na tao.’ Sabi niya na kung may mga baril ang mga Kapampangan, malamang nasalanta ang hukbong British dahil sa tapang ng kanilang pagsalakay. “Kahit na pana at sibat lamang ang sandata nila, kahit pinapatay namin sila parang mga hayop, paulit-ulit nilang nilusob ang aming mga sundalo hanggang sa tutok ng aming mga baril, mistulang kinakagat ang aming mga bayoneta,” pahayag ni Draper. Dahil walang baril ang mga Kapampangan, 40 British lamang ang napatay sa pagsalakay. |
|
TINANGKA ni Simon Anda na bumuo ng hukbo ng mga Pilipino upang labanan ang mga British pagkatapos niyang tumakbo sa Pampanga at itanghal ang sarili bilang governador general, subalit maliban sa mga Kapampangan, walang kumampi sa kanya. Ang mga Visaya ay abala sa 20-taon nang himagsikan ni ‘Dagohoy’ sa Bohol, at sa sunud-sunod na dambong ng mga muslim mula Sulu at Mindanao na nagsamantala sa pagkagapi ng mga Español. Kapansin-pansin, mabilis na tinangkilik ng mga Tagalog sa Manila at karatig ang pamamahala ng mga British dahil binigyan sila ng kalayaan mula sa pagbuwis at pag-utos nang walang bayad ng mga Español.
Protestante ang mga British kaya masugid na kumampi ang mga frayle kay Anda, nagsandata at lumaban pa sa digmaan at iba. Mabuti na lamang para kay Anda sapagkat nagsamantala ang mga Intsik sa Manila at Bulacan at nag-aklas laban sa Español. (Nakalahad lahat sa ‘Biglaang Himagsikan nuong 1762-1764’) Ang mga frayle at mga Kapampangan ang ginamit ni Anda upang sugpuin ang mga Intsik na halos lahat ay nasalanta.
Nag-aklas din laban sa mga Español ang mga taga-Pangasinan sa pamumuno ni ‘Palaris’ Juan de la Cruz, at ang mga taga-Ilocos sa pamumuno ni Diego Silang. Dahil sa hukbong British sa Manila at dami ng mga nag-aklas, walang nagawa si Anda laban sa kanila kundi nuong 1764, nang umalis na ang mga British. Ganuon pa man, muntik nang talunin ni Palaris ang mga Español sa Pangasinan. Sa Ilocos, napilitan si Anda na gamitin ang kataksilan ng arsobispong Español, si Bernardo Ustariz, upang gapiin si Silang.
|
|
ANG MGA PINAGKUNAN
|
|
Nakaraang kabanata Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |