MAGALANG at maganda ang asal ng mga Pilipino, lalo na ang mga Tagalog na sadyang mapagpitagan sa kanilang kilos at salita. Hindi gaya ng mga Intsik at mga Hapon, walang masyadong pakutsi-kutsi ang mga Pilipino sa kanilang mga kilos. Kapag nagtatagpo sila, gaya natin, inaalis nila ang suot sa ulo bilang pitagan sa kaharap. Sa kanila, ito ay isang pirasong tela na tinawag nilang putong, tulad ng tuwalya (toalla, towel), na nakapulupot, nakapatong o nakatali sa ulo. Ang haba ng tela, ang pagpulupot at pagkatali ay iba-iba, batay sa puok at gawi ng mga tagaruon. Kabastusan sa kanila ang tumayo sa harap ng “mataas” na tao. Umuupo sila sa lupa o sahig, o tumatalungko at umuupo sa kanilang mga sakong (squat). Walang takip sa ulo, nakasabit ang putong sa kaliwang balikat at |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Cronicas Española Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas, 1595-1602
|
nakatalungko, ganito sila nakikipag-usap sa kanilang mga pinuno.
Ang pagbati nila kapag nagkakaharap ay ganito: Kipkip ang mga kamay sa tagiliran, yumuyuko sila, tapos, itataas ang isa o 2 kamay sa kanilang mukha at idadampi sa pisngi. Saka sila umu-upo at naghihintay na tanungin, sapagkat sa kanila, bastos ang magsalita nang hindi kinakausap. Ang pusod ng kanilang paggalang ay nasa kanilang pagsasalita. Hindi sila tumuturing nang tuwid, gaya ng ikaw o ka kung isahan, o ng kayo kung marami ang kausap. Lagi silang gumagamit ng pang-3 panao (third person), halimbawa: ‘Nais po ba ng padre...’ kapag kausap ang frayle. |
|
![]() Ang mga paggalang na ginagamit ay mapang-amo, nakakagiliw pa. Lubusan at labis-labis ang kanilang papuri at paggalang, maging sa mga liham. Ang pagturing nila sa isa’t isa ay matikas at magiliw. Dahil dito, gamay na gamay nila ang tumugtog. Kahit na hindi malalim ang tunog ng ginagamit nilang guitara na tinawag nilang cutyapi (kudyapi) nakaka-aliw naman marinig. At maganang magana ang tugtog nila, at napakahusay, parang awit ng tao ang tumutunog mula sa 4 cuerdas ng kudyapi. Sinasabi rin ng mga nakaka-alam na sa paggamit nitong kudyapi, nakakapag-usap sila nang hindi nagsasalita at nagkaka-unawaan sa tugtog lamang - isang bagay na wala sa ibang bayan. Mas provinciano ang mga Bisaya at hindi gaanong magalang ang kanilang mga gawi. Ang salita nila ay may gaspang at hindi makinis. Kaunti lamang ang taguri nila ng paggalang. Dati-rati, wala ring silang sulat-sulat hanggang ilang taon lamang sa nakaraan nang hiniram nila ang panitik ng mga Tagalos (mga Tagalog). Nabanggit na rin lamang ang kanilang mga wika, maigi pang ilahad na rin natin ang kanilang mga panitik (naka-ulat sa ‘Pagsulat at Baybayin ng Pilipino’). |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |