Lindol at Salot: ‘Parusa ng mga Añito’ ISANG MALAKING lindol ang sumira sa Manila nuong katapusan ng Junio, 1599. Maraming gusali at bahay ang nawasak, pati na ang simbahan ng Santo Domingo at ang simbahan ng mga Jesuit. Libu-libong indio ang tumulong na maitayo uli ang mga simbahan. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Cronicas Española Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas, 1595-1602
|
![]() Upang labanan, pinili ang pinaka-mahusay, si Fray Diego Sanchez, upang mag-sermon sa mga indio at itakwil ang mga catalonan. Pinabantayan din sa naitatag na samahan ng mga matimtiman (confradia, confraternity) ang bangkay ng mga namatay hanggang sa mailibing upang masawata ang anumang tangka na mag-alay sa mga añito, ayon sa lumang pagluluksa. Nuong taon na iyon, mas malaki kaysa karaniwan ang naging bahagi ng mga frayle sa ani (cosecha, harvest) ng palay ng mga indio. |
|
MARAMING mga indio ang dumadayo sa Manila mula sa mga karatig na baranggay upang mag-kumpisal, magsimba at mag-comunion, na mahilig nilang gawing madalas. Malamang mas marami pa ang dumayo kung hindi isinasara ang mga pintô ng lungsod (Intramuros) tuwing gabi. Masipag maghikayat sa mga tao na maging catholico ang mga kasapi ng samahang matimtiman (confradia, confraternity). Nagbibigay sila ng pagkain sa mga dukha tuwing Pasko. Pinakakain pati ang mga bilanggo. Pagkatapos, hinuhugasan nila at hinahalikan ang mga paa ng mga tao na madalas napapaluhod sa tibok ng damdamin at nagdarasal bilang pasalamat. |
Naglilinis din sila sa pagamutan (hospital) tuwing mahal na Araw (Lent) kaya nahikayat nila ang mga indio na dati-rati ay ilag sa hospital at sa bahay na lamang kapag maysakit. Mahilig silang magdasal at magpalipas ng pagkain (ayuno, fast). Mayruon pa sa kanila na walang kinakain buong linggo maliban sa tinapay at tubig. Madalas silang magpanata (retreat) sa convento at sumali sa lahatang kumpisalan (general confession). Isang binyagang babae ang nabihag ng mga Muslim. Kinaladkad siya sa iba’t ibang bayan sa Mindanao at Burnei (Brunei) subalit hindi siya nakalimot kailan man sa pagiging catholico. |
May isa pang indio na nag-kumpisal subalit inilihim niya ang ibang kasalanan. Nanaginip siya isang gabi, pinakitaan ng isang napakagandang bata na nag-alok sa kanya ng comunion. Tumanggi raw siya dahil marami siyang kasalanan. Sinagot siya ng bata, “Totoong hindi ka karapat-dapat na mag-comunion dahil itinago mo ang iba mong kasalanan.” Paggising ng indio, isiniwalat niya ang panaginip niya sa frayle at nag-kumpisal siya uli. Isang indio ang nahilig sa pagdasal at pag-penitencia, hinagupit ang sarili gabi-gabi. Ginawa niya ito kahit kasama siya ng mga sundalo sa pagtanod |
paligid sa baranggay (ronda, nightwatch) sa gabi. Minsan, namataan ang pagtalilis niya ng Español na pinuno ng ronda. Naghinala ito at sinundan siya hanggang sa libingan (cementerio) ng simbahan, kung saan siya nagdasal at nagpahirap sa sarili. Nang matapos siya, nilapitan siya ng pinuno at nagulat ito nang nakitang indio pala siya. Nausisa, sinabi ng indio na siya ay taga-karatig ng Manila at madalas siyang magpanata sa convento ng mga Jesuit.
Humanga ang Español, binigyan siya ng salapi at pinauwi. “Tanggapin mo ito, at huwag kang gagaya sa mga kagagawan ng mga sundalo,” ang habilin ng Español sa indio. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |