Alangalang: Pagtakas, Digmaan

KAHIT minsan, hindi nagkaruon ang mga Pilipino ng anumang pamahalaan na sinakop o pinagharian ng isang tao. Sa lahat ng pulo, naghari ang gulo dahil sa dami ng mga pinuno na ayaw pa-ilalim sa ibang pinuno ng mga karatig na puok. Hiwa-hiwalay at kanya-kanya sila kaya panay ang digmaan at tambangan (ambushes), nakawan, patayan at pagbihag sa mga gagawin o ipagbibiling alipin.

Bihira, kung nangyari man kahit minsan, na nagkasundo at nagkampihan ang mga baranggay laban sa kanilang kaaway. Higit na bihira ang may naghari sa malalaking nayon tulad ng Sebu (Cebu), Manila, Cainta at iba pa.

Ang mga nagkaruon ng pagkakataong makatakas sa gulo ay nagpuntahan sa mga bundok at duon namuhay nang tahimik. Marami ang nagsarili nang ganito, nagtayo ng bahay at nagsaka na lamang sa tabi-tabi. Kaya sa maraming puok, kahit na ngayon, maaaring maglakbay nang maraming kilometro na laging may nakikitang pailan-ilang kubo sa gitna ng mga bukid na ligaw (salvaje, wild) at mahirap puntahan.

Ganito ang lagay ng mga pulo, lalo na sa Leyte. Nagkalat ang unti-unting

  PAGHANAP  SA  MGA  UNANG  PILIPINO:     Cronicas Española

Kasaysayan  Ng  Mga  Pulo  Ng  Pilipinas, 1595-1602
Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino

In-English ni Frederic W. Morrison ng Harvard University, at ni Emma Helen Blair

bahay sa mga bundok, gubat at mga bangin.

Ang unang inatupag ni Cosme de Flores, isang frayleng Jesuit, pagkarating sa baranggay ng Alangalang ay tipunin sa mga nayon ang mga bahay. Malaki ang natupad niya. Nuong 1601, naitatag niya ang 2 nayon, may 300 bahay sa bawat isa. Umabot ng 500 bahay ang nailagay sa pang-3 nayon.

Lahat-lahat, mahigit 4,500 tao ang napagsama-sama niya, at mahigit 100 ang nabinyagan nuong taon na iyon.

Nuong araw ng pagkabuhay (Easter Sunday), nagtipon ang lahat ng nayon duon at nagdiwang, nagkainan at nagsayawan. Giliw naming lahat, walang naglasing o uminom ng kahit anong alak na dating gawi ng mga tagarito tuwing may kasayahan (nasa ‘Lasingan at Kainan sa Handaan’).

Carigara: Mga Awit ng Waray-waray

HALOS 5 taon pa lamang ang simbahan sa Carigara subalit bantog na at laging puno ng tao tuwing may misa dahil sa husay ng koro (choir) na umaawit hindi lamang ng mga canta ng catholico kundi pati ng mga awit na kinatha nila sa wikang Bisaya, sinasaliwan pa kung minsan ng organo, at kung minsan, ng mga katutubong gamit sa tugtugan (native musical instruments).

Nakatulong ito sa pagiging matimtiman ng mga tao, lalo na ng mga babae, ayon sa sulat ni Francisco de Enzinas, isang frayleng Jesuit. Naging dalisay daw ang mga babaing dati-rati ay lagi nang niligawan, binayaran o hinandugan (ng mga sundalo at iba pang Español) upang sumiping sa kanila. Nabalitaan din daw niya na may mga babae na nagtatago sa bukid tuwing pagdating ng mga lalaking pangahas.

Inalok daw ng isang Español ang batang lalaki, katulong sa simbahan ng

frayle, na bibigyan niya ng handog (regalo, gift) kung ihahanap siya ng isang babae na makakasiping ng Español. Nang tumanggi ang bata, sinabi ng Español na hindi naman malalaman ng frayle.

“Pero hindi ba malalaman ng Dios kahit hindi alam ng padre?” sagot ng bata.

Napahiya ang Español at tumigil na lamang.

Nuong mahal na araw (Lent), hinalibas ng bagyo si Enzinas habang namamangka papuntang Leyte kaya napilitan silang maglakad na lamang. Sinadya ng Dios, sabi niya, sapagkat nagdaan sila sa isang bukid na may dukhang kubo. Pag-akyat ng frayle, nasilip niya sa luob na maysakit ang isang matandang babae at malapit nang mamatay. Tinuruan niya ang matanda tungkol sa catholico at bininyagan.

Namatay ang babae kinabukasan.

Nakaraang kabanata                       Balik sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Lista ng mga kabanata                       Sunod na kabanata