1,000 Bininyagan, Namatay sa Buad HALOS 1,000 tao ang namatay pagkatapos binyagan ng mga frayleng Jesuit nuong unang punta sa Tinagon (Tinagoan, sa pulo ng Buad sa kanlurang timog (southwest) ng Catbalogan, Samar) nang kasalukuyang umiiral ang malaking salot. Nang bumalik ang mga frayle nuong Abril 1599, tantiyang 8,500 tao ang dinatnan nila sa pulo at halos 1,000 sa kanila ang bininyagan sa luob ng 12 buwan bagaman at 3 frayle at 3 katulong (hermanos, brothers) lamang sila. Malaki ang naitulong ng mga matalinong lalaki, bata pa ang iba, na nagsilbing guro at kumalat sa bara-baranggay upang turuan ng dasal at pangaral (catechismo) ang mga indio, bata o matanda, na nais maging catholico. Humingi ang pinuno ng isang baranggay ng isang ganitong guro upang maturuan sila. Magiliw ang turing nila sa guro, hinandugan pa nang umalis, at nagpatawag na sila ng frayle na bibinyag sa kanila. Tapos, sila-sila na ang nagturuan at paminsan-minsan, nagpatawag ng frayle upang binyagan ang mga natuto na. Isang indio ang pilit nang pilit magpa-binyag hanggang, pagkaraan ng |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Cronicas Española Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas, 1595-1602
|
maraming araw, tinanong siya ng frayle, “Kung talagang gusto mong magpabinyag, bakit hindi mo putulin ang buhok mong mahaba?”
“Buhok lamang?” sagot ng indio. “Kung bibinyagan mo ako, pati kamay ko ay puputulin ko kung kailangan!” Ganuon naging kasidhi ang nasa ng mga indio na makabilang sa mga binyagan. “Hatinggabi na nang dumaong kami sa Ibatan,” ulat ng isang Jesuit, si Juan de San Lucar, “subalit naghihintay pa rin ang mga tao sa dalampasigan!” Lumusong daw pati ang mga pinuno, hinatak ang bangka sa pampang at pinasan sa balikat ang mga frayle at katulong upang hindi mabasa ang mga paa. Sa luob ng 2 linggo, 10 bata at 30 tao ang nabinyagan duon. |
|
MAHIGIT 80 taon ang tanda ng isang babae duon, bulag, bingi at hindi na makalakad, lagi na lamang nakahiga. Ilang ulit pinilit ni San Lucar subalit matigas na tumanggi ang matanda. Pagkaraan ng mga araw, lumapit ang asawa ng babae at naki-usap na binyagan ang maysakit. Tumanggi si San Lucar, hindi maaaring pilitin ang ayaw magpa-binyag. Payag na ang babae, sabi ng asawa, subalit ayaw maniwala ng frayle. |
Mahigit 10 ulit pabalik-balik ang asawa, nagmaka-awa. “Mahal ko siya,” sabi ng lalaki, “at hindi ko maatim na mamatay siyang walay sa Dios!” Sa wakas, sinabi ni San Lucar na bibinyagan niya ang babae kung magtutungo ito sa simbahan. Dinaan sa tibay ng kaluoban, tumayo ang maysakit at nagpa-akay sa simbahan. Tumayo ang babae, hindi umupo kahit minsan, habang pinangaralan at bininyagan ng frayle. |
Sa baranggay ng Paet (malapit sa Calbayog), 2 babae ang nabantog sa dami ng mga lalaking nakasiping nila. Bagaman at mga alipin, inalagaan at ipinagtanggol sila ng mga makapangyarihang lalaki. Naging mayabang pa sila. Kahit na ikinahiya sila ng mga taga-baranggay, nilibak nila ang ibang mga babae duon. Subalit isang araw, nagsisi ang 2 babae at nag-kumpisal sa simbahan. Hindi na sila nagkasala mula nuon. May anak na dalagita ang isang pinuno ng baranggay na ayaw magsimba o makinig sa mga sermon ng Jesuit. |
Pinuntirya siya ng frayle dahil maraming susunod sa kanya kung magpa-binyag, subalit nagtago siya. Lalong nagsikap ang frayle at nahuli rin ang luob ng dalagita at matapos ng 2 araw lamang, natutunan niyang lahat ang pangaral at bininyagan siya.
Sa baranggay ng Cauayan (sa tabi ng Catarman), isang babaing maharlika ang masugid sa pagyayà sa mga tagabaranggay na maging catholico at tuwing dadalaw ang frayle, mayruon siyang pangkat ng mga bibinyagan. Ganoon nabinyagan ang 12 tao at 5 bata sa baranggay niya. |
Bago umalis si Francisco de Otaco sa Tinaguan upang maging punong frayle (superior) sa nayon ng Dulag (sa Leyte), inulat niya ang isang mahiwagang pangyayari. Isang binata, 16 taon ang gulang, ang naglakbay nang malayo mula sa Catubig (sa hilagang luoban ng Samar) upang magsimba at magkumpisal. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan nuong nagkasakit siya nang malubha. Hiniling niya sa kanyang kaibigan na, kapag naghingalo na siya, magtirik ng cross at magsindi ng mga kandila (candelas, candles) sa ulunan ng kanyang higaan. Nang mawalan siya ng malay-tao, nanaghoy ang mga kasama dahil malapit na siyang mamatay. Inilagay ang cross at mga kandila gaya ng habilin niya. |
Nuon nagpakita ang isang frayleng Jesuit sa kanang gilid ng kanyang higaan. May hawak na rosario ang pangitain, kumikinang na parang ginto ang kanyang ulo at may liwanag na nagmumula sa kanyang dibdib.
“Bumaling ka, anak, dito sa kanan,” ang sabi sa kanya ng pangitain, “ang panig ng mga napilì, at bilangin mo ang mga butil ng rosario.” Sinabi raw sa kanya na dapat siyang yumao sa sakit subalit binigyan siya ng dagdag na buhay ng Dios upang ipagpatuloy ang pagiging mabuting catholico. Matagal siyang pinangaralan ng pangitain bago ito naglaho. Natauhan siya, sabi ng binata, at humingi ng pagkain. Gimbal ang lahat ng kasama, lalo na nang isiwalat niya ang nagpakita sa kanya. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |