5 Naghingalo Nasagip sa Tanay, Negros

ANG Tanai ay isang magandang ilog, punung-puno ng tao, sa malaking pulo ng Negros. Duon ipinalipat ang frayleng Jesuit, si Gabriel Sanchez, dahil sa dami ng mga humihiling na magpadala ng pari duon. Siya, sa isang liham nuong Noviembre 1600, ang nag-ulat ng mga naganap duon.

Naghintay sa dalampasigan ang mga tao at nagtawanan at nagpatugtog ng kanilang tugtugin (musica) sa tuwa nang dumating ang frayle. Sa unang mga sermon, nakita ni Sanchez na nagbago ang mga tao. Nuon lamang sila nakarinig ng pangaral ng catholico sa sarili nilang wika at itinuring nilang handog ng langit ang frayle.

Maraming taga-Tanay ang binyagan na subalit hindi nakapag-kumpisal (confesar, confess) dahil wala silang frayle.

  PAGHANAP  SA  MGA  UNANG  PILIPINO:     Cronicas Española

Kasaysayan  Ng  Mga  Pulo  Ng  Pilipinas, 1595-1602
Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino

In-English ni Frederic W. Morrison ng Harvard University, at ni Emma Helen Blair

Sa luob ng isang buwan, 400 ang nag-kumpisal at 80 ang nabinyagan, karamihan ay mga sanggol.

Sinimulan ni Sanchez ang pag-procesion ng mga umaawit na bata sa pali-paligid ng baranggay. Sinimulan din ang palatuntunan sa simbahan, tanungan ng mga pangaral ng catholico na sinasagot ng mga tao. Masugid na sumali dito ang mga tao, at nayayamot ang mga pinuno ng baranggay kapag hindi sila tinanong ng frayle.

Isang babaing indio, asawa ng pinuno ng baranggay, ang nagkasakit at naghingalo isang gabi. Hindi na nagsalita o kumilos, akala ay patay na nang ipatawag ang frayle. Butihin ang babae at matagal nang catholico subalit hindi nagkumpisal dahil walang pari na marunong ng wika nila. Binasbasan siya ni Sanchez ng banal na tubig (agua bendita, holy water) at binasahan ng pangaral (gospel).

‘Jesus, maawa ka sa akin!’

Natauhan ang babae bago natapos ang pangaral at naligayahan ang lahat nang nakitang gumaling agad ang maysakit. Upang matuloy ang paggaling, inutos ng frayle na sa simbahan siya magkumpisal. Kinabukasan, dinala ng mga kamag-anak at nagkumpisal ang babae.

Isang babaing maharlika ang nagkasakit at nagkikisay. Hindi napigilan ng mga kasama, hinampas niya ang sarili sa dingding ng bahay. Tumahimik lamang nang naghingalo na. Ipinatawag ang frayle at binasahan ng pangaral at binasbasan ng banal na tubig ang babae bago siya pinagkumpisal, -

napaka-hirap dahil siksikan ang mga tao sa kubo. Unti-unting napawi ang pagkahibang ng babae at nang matapos magkumpisal, magaling na siya. Kinabukasan, nagtungo siya sa simbahan at inihayag sa lahat kung paano siya pinaginhawa ng Dios.

Isa pang babae ang wala nang malay-tao at ipinagla-lamay na ng mga kamag-anak nang dumating ang frayle. Binasbasan siya ng banal na tubig at binasahan ng pangaral. Hindi pa natatapos ang pagbasa ng pangaral nang nagsalita ang babae: “Jesus!”

Nakapag-kumpisal siya at magaling na, nagpa-pasalamat sa Dios, nang umalis ang frayle.

Nagkasakit ang 2 bata at naghingalo. Wala nang malay-tao, hindi na humihinga ang isa, at nag-iiyakan na ang mga kamag-anak nang dumating ang frayle. Binasbasan sila ng banal na tubig at binasahan ng pangaral.

Natauhan ang 2 at pagka-alis ng frayle, bumaba ng bahay ang isa, 5 taon gulang lamang, at nakipaglaro na sa mga bata sa labas. Ang pang-2 bata ay gumaling din pagkatapos.

Naglakbay ang frayle ng mahigit 7 kilometro dahil sa patawag ng isang lalaking malubha ang sakit at hindi na madala sa simbahan. Wala nang pumayag humipo sa kanya, may amoy na ang katawan, nang dumating ang frayle. Ni hindi na nakabaling ang lalaki subalit pinag-kumpisal siyang pilit ng frayle at binasahan ng pangaral.

Pagkaraan ng 2 araw, nang nagtanong ang frayle, ibinalitang magaling na

ang lalaki at nakapag-lakbay na sa kabilang pulo upang humanap ng pagkain.

Isang babaing hindi binyagan ang naghingalo. Sa takot ng frayle na mamatay ito nang hindi pa nabi-binyagan, bininyagan niya agad kahit hindi pa natuturuan ng pagiging catholico. Hindi namatay, gumaling ang babae at naniwala ang lahat na ang binyag ang nagbigay buhay sa kanya.

Bandang ika-10 isang gabi, nakarinig ang frayle ng mga panaghoy. Akala may namatay, ipina-usisa niya sa 2 batang katulong.

Ilang dalagang maharlika, mga anak ng isang pinuno, ang nakakita sa langit ng magandang mukha na may putong na tinik-tinik sa ulo. Puti at maliwanag kaysa sa araw ang mukha na dahan-dahang tumaas sa langit hanggang nakarating sa buwan at naglaho. Nuon sila nanaghoy sa lungkot at takot.

Pinahinahon sila ng frayle subalit kinabukasan sa simbahan, hinayag ng mga dalaga sa harap ng mga tao ang nasaksihan nila.

Pagkaraan ng isang araw, nabalitaan nila na ang pangitain ng pagpako sa cross ay nasaksihan din sa kabilang baranggay, halos 10 kilometro ang layo sa Tanai.

Simple at walang maang-maangan ang mga taga-Tanay, mahiyain at tahimik kapag inuusisa, kaya hindi naghinala ang frayle na gawa-gawa lamang nila ang mga naganap. Napahanga pa si Sanchez dahil lalo silang naging matimtiman at butihin pagkaraan ng mga pangyayaring ito.

Nagsimba sila araw-araw, at ilang oras nagdarasal nang nakaluhod, at nag-kumpisal tuwing Sabado upang mag-comunion kinabukasang Linggo.

Lumuha sila nang umalis si Sanchez upang bumalik sa Bohol.

“Kapag nagkasala kami, sino ang babalingan namin?”

Naghandog sila ng bigas, manok at iba pang pagkain, subalit tinanggihan lahat ng frayle. Pati ang mga bata ay umiiyak nang inihatid nila si Sanchez hanggang gadibdib na ang lalim ng dagat at iniwan sila ng frayle sa awa ng Dios.

Pagkaraan ng isang taon, bumalik minsan si Sanchez at nagpalawak uli ng catholico sa Negros at lalong lumaki ang hanga niya sa kabutihan ng mga tagaruon na nagsabi:

“Jesus, Padre, lilinlangin ba namin ang Dios? Matapos ng inyong pangaral na huwag magkasala, mangangahas ba kami laban sa Poong Maykapal?”

Inihambing sila ng frayle sa mga unang catholico nuong panahon ng lumang Roma (ancient Rome) nang pinili ng mga binyagan na mamatay sa halip na ipagkanulo ang kanilang pagsamba.

Ayon kay Sanchez, may mga babae sa Negros na tumangging magkasala kahit na tuksuhin ng mga sundalo at mga Español ng ginto, kuwintas at iba pang alahas. Kahit na laiitin (insult) at takutin ng mga lalaki. Ang iba ay nag-alay pa ng kanilang dugo, nagulpi at nasaktan, nasugatan, subalit ayaw magkasala.

Nakaraang kabanata                       Balik sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Lista ng mga kabanata                       Sunod na kabanata