Kung paano nakarating sa Mexico
ang mga pinuno ng Tondo,
Polo at Pandacan...

GALIT na galit sina Agustin Legaspi at Martin Panga, 2 maharlika sa Tondo, dahil ikinulong sila ng Español, si Legaspi dahil kinupit ang buwis ng Tondo, at si Pangan dahil umapid - inasawa ang isang babae na asawa ng ibang lalaki. Pagkatapos palabasin sa piitan, ipinatapon pa sila mula sa Tondo nang ilang buwan, at napilitang nakitira sa Tambobo (Tambobong, Malabon ang tawag ngayon), hindi naman malayo sa Manila.

Duon, nagsabwatan sila na ibagsak ang pagsakop ng Español sa Pilipinas. Ipinatawag nila ang ibang mga pinuno sa paligid sa isang lihim na pulong upang maisali sa aklasan.

SABWATAN  NG  MGA  TAGALOG, 1587

Magat  Salamat: ‘Ibalik  Ang  Mga  Datu!’

...Hindi na tayo sinusunod ng mga alipin natin, pinalaya na kasi lahat. Alipinin natin sila uli! Ikinukulong pa tayo pagkupit natin ng tributo! Maharlika tayo at hindi maaaring parusahan!
Pati ang mga babae natin, kinukuha at ibinabalik sa tunay nilang asawa...

                                                            --Ang mga layunin ng pagsapakat sa Tambobo nuong 1587
Kunyari ay dumalaw lamang kay Pangan, dumating si Magat Salamat, pinuno ng Tondo, anak ni Rajah Matanda at pinsan ni Legaspi, si Pedro Balinguit, pinuno ng Pandacan, si Phelipe Amarlangagui, pinuno ng Catangalan, si Omaghicon (Amang Ingkong), pinuno ng Navotas, si Phelipe Salonga, pinuno ng Polo, sa Bulacan, at ang kapatid niyang si Dionisio Capolo na pinuno ng Candaba, sa Pampanga, at si Phelipe Salalila na pinuno ng Misilo, at ang anak niya, si Agustin Manuguit. ‘Dumalaw’ din ang iba pang maharlika ng Tondo, ang 2 kapatid ni Legaspi, sina Geronimo Basi at Gabriel Tuan Basan, ang mag-amang Luis Amanikalaw at si Kalaw.

Nanduon din si Francisco Acta at ang mga alalay, alila at kakampi ni Legaspi.

Hindi na sila sinusunod ng kanilang mga alipin, na isa-isang pinapalayà ng mga Español ayon sa utos ni Felipe 2, hari ng España, at ng Papa sa Roma. Pinipigil din ng mga frayle at mga Español ang pagmalupit nila sa mga tao kaya ubos na ang kanilang ginto at kayamanan. Higit sa lahat, pati ang kanilang mga babae ay kinukuha ng mga frayle at ibinabalik sa kanilang mga tunay na asawa!

Tatlong araw nag-inuman ang mga pinunong ‘dumalaw’ sa Tambobo at nagpakana: Pagtutulungan nila ang sinumang alipin na humingi ng layà. Magsisikap silang lahat upang ibalik ang kapangyarihan nila tulad nuong dati, nuong bago dumating ang mga Español, nang nagagawa nila ang anumang nais nila at walang nakakapigil sa kanila.

Sama-sama tayong lahat sa gagawin, pangako nila sa isa’t isa, at magtutulungán tayo!

Higit sa lahat, sumumpa sila na sa sunod na pagsalakay ng kaaway sa Manila, lahat sila ay tutulong sa kaaway upang magapi ang Español. Nuon ibinunyag ni Legaspi ang kasunduan niya kay capitan Joan Gayo, capitan ng isang barkong nagkalakal sa Manila mula Japan.

Maraming kalakal na dala at maraming Hapon na kasama si Gayo nang dumating sa Manila nuong nakaraang taon, 1587. Pamagitan si Dionisio Fernandez, ang tagapag-salita (Japanese interpreter), kinaibigan ni Legaspi si Gayo at nakipag-kasunduan, kasama si Magat Salamat, ang mag-amang Phelipe

Salalila at Agustin Manuguit, at si Geronimo Bassi, ang kapatid ni Legaspi. Sunod na pagdating ni Gayo upang magkalakal ng mga watawat para sa mga Español, magsasama siya ng mga sundalong Hapon, kunyari mga nagkakalakal, subalit pagka-pasok sa Manila, papatayin nila ang mga Español.

Tutulong sa pagpatay sina Legaspi at mga kasabwat na pinuno, at sila rin ang magbibigay ng pagkain at lahat ng kailangan ng mga sundalong Hapon. Binigyan sila ng ilang sandata ni Gayo. Upang makilala sila ng mga Hapon pagdating ng panahon, dadalhin nila at ipapakita ang mga sandata. Pagkatapos patayin ang mga Español, itatanghal na “hari” si Legaspi at kalahati ng buwis (tributos, taxes) na makuha nila sa mga tao ay ibibigay sa mga Hapon.

Upang pagtibayin ang kasunduan, bumasag sila ng itlog ng manok at ipinapahid sa batok habang sumumpa. Pagkatapos, dinala ni Legaspi ang mga sandata ni Gayo at ipinatago kay Omaghicon, pinuno ng Navotas, na kinasabwat niya sa tangkang aklasan.

Matapos ihayag ni Legaspi ang kasunduan, sumapi ang mga kainuman niya sa Tambobo ang nangako na tutulong sa aklasan.

Natapos na ang pagpatapon sa Tambobo at nakabalik na sa Tondo sina Legaspi at Martin Panga nang nabalita nuong Febrero 1588 na pumuslit sa Pilipinas ang mandarambong na British, si Thomas Cavendish, at hinarang ang galleonSantana.” Naghanda ang mga pinunong nagsapakat, umasa na sasalakay sa Manila ang mandarambong subalit walang nangyari.

Pagkaraan ng ilang araw, nagpunta si Estevan Tael, pinuno sa nayon ng Bulacan, kay Panga at nagpatawag sila uli ng pulong ng mga pinuno.

Abala ang mga pinuno at hindi natuloy ang pang-2 pulong. Ang dumating na mga pinuno ay galing sa Pampanga, nagdaan sa Tondo patungo sa Manila. Kinausap sila ni Panga, katabi sina Magat Salamat at Luis Amanikalaw. Makikiusap ang mga taga-Pampanga kay Santiago de Vera, governador ng Pilipinas nuong 1584 hanggang1590, na itigil muna ang usapin (asuntos, lawsuits) ng mga alipin hanggang matapos ang ani ng palay.

Binanggit ni Panga na balak din nilang mga Tagalog na makiusap sa governador. Hinimok niya ang mga pinuno ng Pampanga na pumili sila ng isang “hari” na magsasalita para sa kanilang lahat. Tumanggi ang mga taga-Pampanga.

Mayruon na kaming hari, sabi nila kay Panga, ang hari ng Castilà. Wala kaming away sa mga Español kaya hindi kami makikipag-sabwatan laban sa kanila.

Tumuloy ang mga taga-Pampanga sa Intramuros, sa kabilang panig ng ilog Pasig. Pinasunod nina Panga ang mga alalay at inanyayahan uli ang mga taga-Pampanga sa isang piging sa Tondo subalit tumanggi ang mga ito at hindi na muling nakipag-kita sa mga pinunong nagsabwatan. Nuong araw ding iyon, nagkita-kita ang mga pinuno, sina Legaspi at Panga, ang mag-amang Phelipe Salalila at Agustin Manuguit, ang mag-amang Luis Amanikalaw at Kalaw, sina Gabriel Tuan Basan, Francisco Acta at Phelipe Salonga, at si Luis Balaya, pinuno ng Bangos, at 2 niyang pamangkin, sina Agustin Lea at Alonso Digma.

Nagkasundo sila na papuntahin si Magat Salamat sa Calamian, ang mga pulo sa pagitan ng Palawan at Mindoro. Magkakalakal kunyari, pupuslit si Magat Salamat sa Borneo, bagay na ipinagbabawal nuon ng mga Español, upang himukin ang mga tagaruon na lumusob sa Manila. Maghihintay ang mga pinuno at tutulungan sila.

Hindi nagsumbong ang mga taga-Pampanga, subalit hindi alam nina Legaspi, natunugan na pala ng mga Español ang kanilang lihim. Nuong Octobre 26, 1588, nalaman ni governador De Vera na panay ang pulong nang lihim nina Legaspi, Panga at Magat Salamat. Nabalita rin na ipinagbibili nila ang kanilang mga lupa upang makabili raw ng mga sandata at pagkain. Inutos ni De Vera na siyasatin nang lihim ang balita.

Isinama ni Magat Salamat ang kanyang bayaw, si Joan Banal at si Agustin Manuguit. Pagdaan nila sa pulo ng Cuyo, sa pagitan ng Panay at Palawan, kinausap nila ang pinuno duon, si Sumaelob, na sumali sa paglusob ng mga taga-Borneo at makihati sa mga manakaw duon. Pumayag si Sumaclob at nangako na pagdating ng araw, lulusob ang 2,000 mandirigma niya.

Bago magtuloy sa Borneo, hinimok nilang sumama ang isang Tagalog, si Antonio Surabao. Kunyari, pumayag si Surabao subalit tumakas pabalik sa Calamian at nagsumbong sa kanyang amo na isa palang capitan sa hukbong Español, si Pedro Sarmiento. Sagsag sa Manila si Sarmiento at nuong Noviembre 4, 1588, ipinadakip ni governador De Vera ang mga pinunong nagsabwatan.

Sina Salamat, Banal at Manuguit ay nahuli sa Cuyo at ibinalik sa Manila. Umamin silang lahat at isiniwalat ang buong sabwatan matapos pahirapan sa Intramuros.

Ang balak, sabi nila, lulusob ang sandatahang dagat ng mga taga-Borneo sa Cavite. Gaya ng dati, tatawagin ng mga Español ang mga pinunong Tagalog duon upang ipagtanggol sila. Sa halip, amin nina Salamat, papasukin nila ang mga bahay ng mga Español at papatayin lahat ng naruruon. Pati ang mga Español sa tanggulan (fuerza, fort) ay papatayin ng mga sundalong Tagalog sa hukbong Español. Ganuon din ang gagawin nila sa Manila na sunod lulusubin ng mga taga-Borneo.

Ipinadakip ni governador De Vera lahat ng pinunong isinangkot nina Salamat.

Lahat ng nagsabwatang pinuno ay pinahirapan at umamin sa paratang. Sina Legaspi at Panga, bilang pasimuno, ay kinaladkad papunta sa bitayan bago binigti hanggang mamatay. Tapos, pinugot ang kanilang mga ulo at ibinitin sa 2 kulungan ng ibon ( jaulas, birdcages) upang makita ng mga taga-Intramuros. Lahat ng ari-arian ng dalawa ay inilit at pinaghati-hatian ng mga Español. Binitay at inilit din ang ari-arian nina
  • Magat Salamat
  • Dionisio Fernandez, ang tagapag-salita
  • Phelipe Salalila, pinuno sa Misilo
  • Geronimo Bassi, kapatid ni Legaspi
  • Esteban Tael, pinuno ng nayon ng Bulacan
  • Omaghicon (Amang Ingkong), pinuno ng Navotas

    Ang ibang mga pinuno ay ipinatapon sa Nueva España ( Mexico ang tawag ngayon) at minultahan nang malaki, sina:

  • Pitongatan (Pitong gatang), pinuno sa Tondo, 8 taon napatapon at inilit lahat ng ari-arian
  • Phelipe Salonga, pinuno sa Polo (sa kasalukuyang lalawigan ng Bulacan), 6 taon napatapon at inilit lahat na ari-arian
  • Agustin Manuguit, anak ni Salalila, 6 taon napatapon at pinagmulta ng 20 tael ng gintong orejeras (‘alahas,’ ang pinakamahal na ginto)
  • Pedro Balinguit, pinuno ng Pandacan, 6 taon patapon at multa ng 6 tael ng gintong orejeras

    Ang ibang mga pinuno ay ipinatapon mula sa kanilang mga purok at minultahan nang malaki:

  • Joan Banal, pinuno sa Tondo, 6 taon napatapon at multa ng 10 tael ng gintong orejeras
  • Phelipe Amarlangagui, pinuno ng Catangalan, napatapon nang 4 taon, at inilit ang kanyang mga ari-arian
  • Joan Basi, pinuno ng Taguig, 4 taon patapon, at inilit lahat ng ari-arian
  • Amarlangagui, pinuno sa Tondo, 4 taon napatapon at multa ng 15 tael ng gintong orejeras
  • Dionisio Capolo, pinuno sa Candaba, 4 taon napatapon at minultahan ng 12 tael ng gintong orejeras
  • Daulat, pinuno sa Castilla, 4 taon napatapon at 10 tael ng gintong orejeras
  • Francisco Acta, pinuno sa Tondo, 4 taon napatapon
  • Gabriel Tuan Basan, pinuno sa Tondo, 4 taon napatapon
  • Luis Amanikalaw, pinuno sa Tondo, 3 taon napatapon
  • Kalaw, pinuno sa Tondo, 4 taon napatapon
  • Luis Balaya, pinuno sa Bangos, 2 taon napatapon at 10 tael ng gintong orejeras

    Si Sumaclob, pinuno sa Cuyo, ay dinakip. Hindi inulat ang kanyang parusa. Isa pang dinakip, si Alonso Lea, ay pinawalang sala.

  • ANG  MGA  PINAGKUNAN:
    The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
    Magat Salamat, 1550 - 1589, Filipinos in History, www.geocities.com/sinupan/magatsalamat.htm

    Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys