Mandaya

AKLASAN  SA  CAGAYAN  NUONG  1625  NG  MGA  ‘MANDAYA’

‘Mamatay  Kayo,  Mga  Frayle!’
Mountaineers’ Revolt in Cagayan Valley in 1625

Sa wika ng mga Mandaya, ang pinaka-malaking pangkat sa Mindanao, ang ibig sabihin ng ‘mang’ ay ‘taga-’ o ‘tao’ at ang ‘daya’ o ‘raya’ ay ‘luoban’ o ‘hulo’ (pinagmulan ng ilog). Kaya ang ‘Mandaya’ ay katumbas ng ‘mga taga-luoban’ o, dahil karaniwang sa bundok nagmumula ang ilog, ‘tagabundok.’ Hindi ipinaliwanag sa cronicas ng Español kung may ugnay sa pangkat sa Mindanao, o bakit nila tinawag na Mandaya ang mga kinikilala ngayong Apayao.

HINAKOT ng mga sundalo ang mga tagabundok sa paligid ng luok (cala, cove, ‘loko’ sa wikang Iloko) ng Bigan (Vigan) sa Ylocos at pilit pinatira sa 2 baranggay na itinatag ng mga frayle, tinawag na Nuestra Senora del Rosario de Fotol (Pudtol) at San Lorenzo de Capinatan (Capinatan sa timog ng Pudtol, naglaho na ngayon) sa timog (south) ng baranggay ng Abulug.

[ Nalito ang frayle sa pag-ulat nito, hindi kataka-taka dahil walang mapa o mga ulat nuon ukol sa hilagang Luzon. Ang mga puok na tinukoy niya ay nasa Cagayan nuon, sa tuktok ng Luzon, samantalang ang Vigan ay nasa Ilocos, sa gawing kanluran. Makikita sa mapa sa ibaba ang layo ng pinagdalhan sa mga katutubo, pabaybay sa dagat.]

Nagtayo ang mga frayleng Dominican ng mga ganitong baranggay, tinawag nilang mga reduccion (resettlements) upang madaling gawing catholico, at manmanan, ang mga tao. Dalawang ulit tumakas ang mga ‘Mandaya’ (karaniwang ‘indio’ ang tawag ng Español sa mga tao subalit itinanging mga ‘Mandaya’ sa ulat ng aklasan ng 1625) upang bumalik sa dati nilang mga baranggay sa bundok. Dalawang ulit silang hinabol ng mga sundalo, sa utos ng mga frayle, at ibinalik sa Pudtol at Capinatan.

Nuon nagbalak nang maigi ang mga ‘Mandaya’ upang makatakas nang lubusan at makabalik sa dati nilang kalayaan. Nagsimula ang bulung-bulungan nila sa Capinatan at, nang mabuo ang balak nilang maghimagsik, niyakag nilang sumali ang mga katulad nilang bihag din sa Pudtol. Marami sa Pudtol ang maagap na pumayag at naging masugid pa kaysa sa mga unang nagbalak sa Capinatan.

Sinimulan ang itinakda nilang ‘araw ng paglaya’ nuong Junio 8, 1625.

Sa Capinatan, nagtungo sa simbahan sina Apu Alababan at Miguel Lanab upang magpaalam, dadalaw daw sa dati nilang baranggay sa bundok. Nakausap nila si

2  Mapa:  Nuong 1750,  at Ngayon
Pinaka-malaking kaibahan ng kasalukuyang mapa (nasa ibaba) ay ang dami ng mga baranggay, nayon at kabayanan - ang iba ay naging mga lungsod na - kaysa sa mapa nuong 1750 (nasa itaas). Kapansin-pansin din ang dami ng mga lumang baranggay na naglaho na. Sa 2 mapa, ang Abulug, Pudtol, Kabugao, Calanasan, Piat at Tuao ang “buhay” pa ngayon. Isang dahilan ay ang pakyawang paghakot ng Español ng mga taga-baranggay sa mga “reduccion.” Isa pang dahilan ay batay sa landas ng mga ilog ang pagtatag ng mga baranggay nuong araw, samantalang ang mga kasalukuyang pamahayan ay itinayo batay sa landas ng mga lansangan at highways.

frayle Alonso Garcia, bagong dating mula sa convento ng Valladolid, sa España. Kasalukuyang nakaupo si Garcia sa harap ng hapag (mesa, table) at kumakain, kaharap ang isa pang frayle, si Onofre Palao na kararating din mula sa Manila naman.

Sinabi ni Garcia sa 2 ‘Mandaya’ na nakatayo sa kanyang likuran, na wala ang frayleng namamahala duon, dumalaw sa ibang reduccion, at kailangang hintayin nila bago sila maka-alis.

N Luzon 2002 Nuon tinaga ni Apu Alababan sa likod ng leeg ang nakayuko at kumakaing Palao. Sa lakas ng halibas ng kanyang balaraw (maliit na kris), naputol pati ang buto ng leeg ni Palao. Lumaylay ang leeg, nakakabit lamang ng kapirasong laman ng lalamunan. Nakita ni Garcia ang pagpatay at, nahuli nang kaunti, naitaas niya ang kanyang kamay upang salangin ang balaraw nang saksakin siya ni Lanab. Tumagos sa kamay, nawakwak ang ulo ni Garcia. Nakatayo ang frayle bago napaluhod sa lubha ng sugat. Hinalibas siya uli ng balaraw ni Lanab at bumagsak sa sahig si Garcia.

Nagtitili ang mga bata na nagsisilbi ng pagkain sa 2 frayle. Nasindak si Alababan at tumakbo, kasunod si Lanab. Dumating ang ibang katutubo, hindi kasali sa aklasan, at tinulungan si Garcia, malubha ang sugat subalit buhay pa. Binuhat nila at dinala sa bahay ng isang katutubong babae na isa sa mga pinuno duon. Nilagyan nila ng gamot ang mga sugat at naghanda ng isang bangka upang dalhin si Garcia sa Abulug, subalit nilapitan sila ng mga nag-aaklas at sinaway. Binuhat nila uli ang sugatang frayle sa bahay ng babae. Duon natauhan si Garcia at nanawagan sa mga ‘Mandaya:’ Huwag kayong magkasala, bumalik kayo at magdasal sa Dios!

Narinig si Garcia ng mga nag-aaklas. Lumapit ang 3 ‘Mandaya’ at sinaksak ng mga balaraw ang frayle hanggang namatay. Pagkatapos, kinatay at itinapon nila ang pira-pirasong katawan ng frayle na kinain ng mga baboy na palaboy.

Gimbal lahat ng tao sa Capinatan at nataranta. Niyakag sila ng mga nag-aklas na sumama sa kanila, dahil silang lahat naman ay parurusahan ng mga Español. Sumama sa kanila ang lahat ng tao, winasak nila ang mga estatwa ng mga santo at sinunog ang simbahan. Tumakbo sila sa reduccion ng Pudtol at niyakag din ang mga tao duon. Winasak at sinunog din ang simbahan duon bago silang lahat ay nagbalikan sa bundok.

Nagpadala ang pamahalaang Español sa Manila ng mahigit 100 sundalo sa Abulug. Itinatag nila uli ang mga simbahan sa Pudtol at Capinatan, at pagkaraan ng isang taon, hinakot nila uli ang mga tao upang manirahan sa 2

reducciones at sumamba sa catholico.

Hindi na matanto ngayon kung anong pangkat ang tinawag na mga ‘Mandaya’ nuong 1625. Ang dating baranggay ng Abulug ay isang kabayanan (pueblo, town) na sa hilagang gilid ng Luzon, sa kasalukuyang lalawigan ng Cagayan. Naglaho na ang reduccion ng Capinatan. Ang Pudtol ay kasalukuyang isang nayon sa tabi ng tinatawag ngayong ilog Abulug. Ang tinatawag ngayong ilog Apayao ay malapit sa ilog Abulug at maaaring kaduktong nuong araw.

Batay sa tinakasan ng mga tinawag na ‘Mandaya,’ maaaring sila ay nakabilang sa mga ninuno ng kasalukuyang mga taga-Apayao. Batay naman sa kung saan sila kinuha - sa mga bundok sa paligid ng Vigan - maaaring ang mga tinawag na‘Mandaya’ ay dating kabilang sa mga tinatawag ngayong ‘Itneg,’ ang mga taga-ilog Tineg.

ANG  PINAGKUNAN

The Discovery of the Igorots, Spanish Contacts with the Pagans of Northern Luzon, by William Henry Scott, New Day Publishers, Quezon City, 1974
The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy