Cagayan river AKLASAN  SA  NUEVA  SEGOVIA  NUONG  1639

Patay Kayong
Lahat, Mga
Español!

Revolt in the Cagayan Valley in 1639

Kitang-kita ang uri ng ugnayan ng Español at ng mga katutubo sa mga pahayag tungkol sa mga aklasan ng mga Pilipino nuong ika-17 sandaang taon... Isang dahilan ng himagsikan ay lupit ng Español subalit higit ang sulsol ng mga pinunong Pilipino na ibalik ang lumang palataya sa mga añito... Ilang aklasan ay nabawasan, napatigil pa ang iba, ng mga frayle na paulit-ulit sumuong sa panganib upang harapin ang mga naghimagsik. Datapwa, karaniwang mga simbahan, at mga frayle, ang unang sinalakay ng mga nag-aklas...

-- Emma Helen Blair at James A. Robertson, The Philippine Islands, 1493-1898, 1906

MALUPIT si Marcos Zapata, alcalde mayor (provincial governadorang katumbas ngayon) ng Cagayan, sa dulong silangang hilaga (northeast) ng Luzon. Anak siya ng isang mayamang ungkat-yaman (auditor, subalit bilang hukom, fiscal at consejal ang mga tungkulin) ng Audiencia Real (royal court), ang pamahalaang Español sa Manila.

Tamad siya at mahilig sa tinawag niyang ‘palusot’ (‘short cut’) na paraan ng pamamahala. Pinuno (sargento mayor) pa mandin siya ng 50 sundalong Español sa himpilang hukbo (presidio, garrison) sa Nueva Segovia, ang punong lungsod (capitolio, provincial capital) na itinatag ng Español sa tabi ng nayon ng Lal-lo.

Panay ang pahirap niya sa mga ‘Mandaya’ na hinuli ng kanyang mga sundalo at pilit pinamahay sa reducciones, mga baranggay na itinatag ng mga frayleng Dominican upang gawing catholico ang mga tao at pigilin ang pagbalik nila

sa dating pagsamba sa mga añito at sa kanilang mga ninuno.

Inutos kay Zapata ng pamahalaan sa Manila na manatili siya at ang mga sundalo niya sa luob ng himpilan, subalit palagi siyang lumabas at naki-alam sa mga indio (tawag ng mga Español sa mga katutubo) kaya pakiramdam ng mga tao, nalupig sila ng isang conquistador.

Umabot sa sukdulan ang puot ng mga tao isang araw nang nagalit si Zapata sa isang babae, asawa ng isang pinuno ng mga ‘Mandaya’ at pinagbayo niya ng palay buong maghapon. Sa ngingit ng mag-asawa, inamuki nila ang mga tao sa mga baranggay sa pali-paligid. Ang mga tao man ay asar na asar na sa pagkalkal at paglibak ng mga sundalo kaya sumanib sila sa aklasan.
[ Uli, ginamit ang ‘Mandaya’ o ‘tagabundok’ sa ulat ng Español. Sa bandang iyon ng Cagayan, maaaring mga Isneg o Apayao, mga Itawit o mga Ibanag. Baka rin sari-saring pangkat na pinagsama-sama sa isang taguri, ‘Mandaya’ sa pagkakataong ito. Gawi ito ng mga naunang Español sa Pilipinas.]

Sa ika-10 ng umaga nuong itinakda nilang araw, Marso 6, 1639, sumugod ang mga ‘Mandaya’ sa garrison, dala ang kanilang mga sandata. May mga kasapakat sila sa luob na nagbukas ng bakod at, pagkapasok, pinatay nila ang tanod na Español. Sa luob ng himpilan, pinatay din nila ang mga sundalo na nagtangkang lumaban.

Tumuloy sila sa tulugan (barracks) ng mga sundalo, binuksan din nang lihim ng mga kasapakat. Sumugod ang mga mandirigma, pinagta-tadtad ang 20 sundalong natutulog o nagpapahinga duon, ang iba ay hubad at naliligo. May 5 sundalong Español ang nagtago at hindi nakatay, subalit nang sunugin ng mga ‘Mandaya’ ang buong himpilan, namatay din silang lahat sa apoy.

Sunod nilang sinugod ang simbahan. Sa isang silid ng convento, pinatay nila ang isang Intsik na katatapos lamang nabinyagang catholico. Nakaharap nila ang frayle at napa-iyak ang ibang ‘Mandaya’ dahil sa pangahas na ginawa nila. Binantayan nila ang frayle upang hindi mapatay, tinulungan pang hakutin ang kanyang mga gamit at ari-arian, habang winasak ng ibang mandirigma ang buong convento at simbahan.

Pound rice Tapos, sinunog kapwa simbahan at convento. Nagtago ang frayle sa simbahan sa kalapit na baranggay.

Tumakas ang mga ‘Mandaya’ sa bundok. Ilang taon silang hinanap ng mga sundalong Español subalit hindi sila natagpuan dahil sa kapal ng sukal ng gubat na pinagtaguan. Sa kabila ng pagkabigong ito, nagpatuloy ang pagpapalawak ng catholico ng mga frayle duon, hanggang naging himpilan ng obispo (bishopric) ang Nueva Segovia. Pagkaraan ng ilang taon, inilipat ang himpilan ng obispo sa higit na mayamang kabayanan ng Vigan, sa Ilocos. Pinabayaang maglaho ang Nueva Segovia samantalang lumaki ang katabing nayon ng Lal-lo.

ANG  PINAGKUNAN

The Discovery of the Igorots, Spanish Contacts with the Pagans of Northern Luzon, by William Henry Scott, New Day Publishers, Quezon City, 1974
The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy