Nueva Ecija AKLASAN  SA  GITNANG  LUZON  NUONG  1645

Ang  ‘Mangkukulam’  Ng  Gapang

Native Priest Uprising in Central Luzon in 1645

Ang iba’t ibang pari ng kanilang mga palataya nuong Unang Panahon, sa mga nasuri ko na, ay 12, at ang mga ito, sa mga lumang pangalan nila mismo sa sarili, ay sonat, catalonan, mangagavay, manyisalat, mancocolam, hocloban, silagan, magtatangal, osuang, mangagayoma, pangatahoan
at bayoguin...   -- Juan Francisco de San Antonio, OSF, Cronicas, 1738-1744

BUMUKA ang lupa at nilamon ang lahat ng mga Español sa Manila! Ang lindol na nadama natin ay himala ni Bathala upang tubusin tayo sa lupit ng mga manlulupig! Magpugay tayong lahat kay Bathala!’

Ito ang palatak nuong 1645 ng isang ‘magkukutud,’ pari ng palataya kay ‘Miglalang,’ sa mga nayon ng lalawigang tinawag na Capanpanga ng mga Español. Hinikayat niya ang mga tao na sumamba uli sa dating Bathala o Dios ng mga katutubo.

Mga dambuhalang lindol ang yumanig sa buong Pilipinas nuong 1645, naramdaman hanggang sa Maluku (Moluccas, spice islands), lagpas-lagpas sa timog (south) ng Mindanao. Maraming puok sa kapuluan ang nawasak. Sa lalawigan ng Cagayan ng hilagang Luzon, lubhang maraming nasalanta sa lupain ng mga tinawag na Maynan - nabiyak at naghiwalay ang isang bundok.

Sa lalawigan ng Pampanga, malapit sa San Isidro at sa ilog Pampanga, lumindol nang ilang araw at marami ang nasira sa nayon ng Gapang (ngayon ay Gapan sa lalawigan ng Nueva Ecija).

Duon umikot ang ‘magkukutud,’ hinayag na nakalaya na ang mga tao sa pagsakop ng mga Español at dapat na silang sumamba uli sa mga ‘Diuata’ at mga añito, ang mga espiritu ng mga ninuno nilang yumao na. Hindi inulat ng mga frayle ang pangalan ng tinawag nilang ‘brujo’ (‘mangkukulam’), subalit banal at iginagalang ng mga tao ang mga ‘magkukutud’ nuon, nang hindi pa lubusang nagiging catholico ang mga ‘sagigilid’ o ang mga tao na nakatira sa liblib ng lalawigan ng Pampanga.

Katunayan, nakinig sa kanya ang mga tao at napawi ang sindak sa baril at sandata ng mga sundalong Español sa Gapang na namatay lahat sa lindol. Winasak at sinunog ng mga tao ang mga simbahan at convento sa Santor at Pantabangan upang supilin ang dayuhang religion ng mga frayle. Sumama sa kanilang aklasan ang mga taga-Caranglan at mga taga-Gapang. Hinukay muli ang mga itinagong sandata at niyakag ang mga Zambal na sumali sa pagpuksa nila sa mga Español. Kaskas tumalilis sa Manila si Juan Cabello at iba pang mga frayle.

‘Wala nang buwis-buwis!’ Nagdiwang ang mga tao sa pag-alis ng mga frayle. ‘Giginhawa na tayong lahat!’

Sa Manila, nagimbal sa balita ng himagsikan si Rodrigo de Mesa, isang pinuno sa sandatahang dagat (navy) ng España at encomendero ng Gapang at pali-paligid. Binatak niya ang kanyang taga-singil ng buwis (tribute collector), si Alferez Callejas. Kasama ang mga kakamping mandirigmang indio (ang tawag ng mga Español sa mga katutubo), humangos sila upang supilin ang ‘magkukutud.’ Subalit hindi gaya ng dati, hindi nila nakuha sa sindak ang mga taga-Gapang at sinagupa sila ng ilan daang Kapampangan.

Kasama sa mga napatay si Callejas. Halos lahat ng kakampi niyang mga mandirigma mula sa Manila ay napaslang. Malubha ang sugat ni De Mesa nang ibalik ng kanyang kabayo sa Manila. Halos isang taon siyang nagdusa bago namatay sa mga sugat na tinamo sa Gapang.

Gulong-gulo ang mga Español sa Manila na bumabawi pa lamang nuon sa pinsala ng lindol at sunud-sunod na salakay ng mga Dutch ng Netherlands (naulat sa Mga Conquistador Ng P’nas sa website ding ito). Nagpasiya si Alonso Carbajal, ang pinuno (provincial) ng mga frayleng Augustinian na isugo sa mga namundok na mga taga-Gapang ang isang frayle na matagal na nilang nakaibigan, si Juan de Abarca. Taga-Madrid sa España si Abarca at mula nang pagdating niya sa Pilipinas nuong 1635, nakisama na siya sa mga Kapampangan.

Wala nang ibang Español na sumuong sa pinagtaguan ng mga nag-aklas sa Gapang maliban kay Abarca na nagsama ng isang malaking hukbo ng mga Kapampangan din, pinamunuan ng isang magiting na Kapampangan na hinirang ng mga Español na pinunong hukbo (maestro de campo) ng lahat ng mga Kapampangan sa hukbong Español, si Agustin Songsong.

Isang taon nakiusap, nagpangaral at nakipag-kaibigan si Abarca bago niya nahikayat ang mga taga-Gapang at mga kakampi na itigil ang aklasan. Malaki at malakas ang hukbo ni Songsong at natanto rin ng mga nag-aklas na hindi namatay sa lindol ang lahat ng Español kaya pumayag na silang magbalik sa pagsakop ng dati nilang kaibigan, si Abarca.

Matamang hinanap ng mga frayle at ng mga mandirigma ni Songsong ang ‘magkukutud’ na nagpasimula ng aklasan ngunit nabigo lahat ng kanilang pagsikap. Pagkaraan ng 10 taon pang paglilingkod sa Visaya at sa Manila, namatay si Abarca sa Intramuros nuong 1656.

[ Hindi na matanto kung sino ang mga tinawag na Maynan sa Cagayan. Sa mga bahagi ng Pampanga na ihiniwalay at itinanghal na lalawigan ng Nueva Ecija, tatag pa ngayon ang Gapang, Pantabangan at Caranglan subalit baka napalitan ang Santor ng Palayan, malapit sa tagpuan ng ilog Pampanga at ilog Coronel-Santor.]

ANG  PINAGKUNAN

Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, 1890, and
Cronicas dela apostolica provincia de religiosos descalzos de San Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon, etc.,
by Juan Francisco de San Antonio, OSF, Sampaloc, Manila, 1738-1744, both translated, edited and published in
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys