Samar   1649:  NAGKAISANG  NAG-ALSA  ANG  MGA  WARAY-WARAY  SA  SAMAR

Ang  Himagsik  Ni  Sumoroy
Waray-Waray Uprising in Samar in 1649

Maraming barko ang lumubog at lubhang naghihirap ang mga indio. Sa bawat kapalit na galleon, kailangang pilitin ang 6,000 hanggang 8,000 indios sa gubat sa mga bundok upang pumutol ng malalaking punong kahoy at hakutin ang mga ito sa daungan. Kulang sa pagkain, kulang sa sahod, panay pa ang hagupit sa kanila. Madalas, ipinapadala kaming mga frayle duon upang ipagtanggol sila sa lupit ng mga Español. Dinadaya pa ang mga indio, labis-labis ang pinapuputol na kahoy upang pagka-kitaan ng mga Español sa Cavite. Nakita kong lahat ito...
-- Domingo Fernandez Navarrete, OP, “Manila and the Philippines about 1650,”
Tratados historicos, Madrid, 1676

BABAYLAN ang ama ni Sumoroy, “pari” (sacerdote, priest) ng lumang pagsamba sa mga añito at lihim na kalaban ng frayle na pinipilit maging catholico ang mga tao sa Palapag, sa dulong silangang hilaga (northeast) ng Samar. Nuong Mayo, 1649, inutos ng ama kay Sumoroy, batikang magdaragat na kinagiliwan ng mga Español, na patayin niya si Miguel Ponce Barberan, ang frayleng Jesuit, at wasakin ang simbahan upang makabalik ang mga Waray-Waray sa dating pagsamba sa kanilang mga ninuno at mga diwata (dioses, gods).

Ligalig nuon ang mga Waray-Waray dahil inutos ni Diego Fajardo, gobernador general ng Pilipinas nuong 1644-1653, na ipadala sa Cavite lahat ng mga cagayan (carpinteros, boatwrights), ang mga gumagawa ng bangka at barko, kasama ang mga familia nila, upang gumawa ng maraming galleon para sa Español. Malaking pasakit ito sa mga Waray-Waray dahil bandang 500 kilometro ang layo ng Cavite, halos walang bayad ang pa-trabajo at magugutom silang lahat.

Ang Mga Dahilan Ng Aklasan

Mapanganib ang paggawa ng barko, lalo na ang pagputol at paghakot ng mga punong kahoy sa gubat. Pati ang mga frayle at mga alcaldes mayores (tulad sa provincial governors ngayon) sa iba’t ibang pulo ay nakiusap sa Manila subalit ipinagpilitan ng governador ang kalupitan. Naghinala pa siya na ang mga frayle ang ayaw magsuko sa Manila ng kanilang mga cagayan dahil marami ay hindi na makakabalik nang buhay sa sariling baranggay.

Nang simulang piliin ang mga ipadadala sa Cavite, dumami at dumalas ang puslit ng mga Waray-Waray kina Sumoroy sapagkat wala na silang ibang makatulong sa pagsuway sa utos. Sa bahay ng ama, ang babaylan, nabuo ang pasiya palayasin hindi lamang ang mga frayle kundi lahat ng Español.

“Hindi sila aalis kundi natin patayin!”

Nagkasundo ang mga Waray-Waray at hinirang nilang pinuno ng aklasan si Juan Ponce, ang pinaka-mayaman sa Palapag at asawa ng kamag-anak ng pinuno sa baranggay ng Catubig na kakampi nila sa labanan. Ang sumunod na itinaguyod ay si Pedro Caamug, bantog sa tapang at husay sa bakbakan.

Si Sumoroy ang piniling pang-3 pinuno, at kinatawan ng kanyang ama, ang magdadasal sa mga diwata na pagpalain ang kanilang aklasan. Si Sumoroy ang tagapag-turo ng landasan (piloto, navigator) sa mga lakbay-dagat ng Español, hindi siya pinagbabayad ng buwis o pinagta-trabajo nang walang bayad (ang tinawag na ‘polo’). Subalit galit siya sa mga frayle na sinasalungat

At Pasimulang Pagpatay Sa Frayle

ang pagsiping niya sa ibang babae dahil may asawa na siya.

Nuong pagka-hirang kay Sumoroy bilang pang-3 pinuno ng himagsikan saka siya inutusang patayin si Miguel Ponce Barberan, ang frayleng Jesuit sa Palapag. Taga-Aragon, sa Zaragoza, España, tinanggihan si Barberan ng mga frayleng Jesuit nuong unang pumasok. Dinaan sa tiyaga at sipag - nagsilbi pa bilang alila (muchacho, servant) sa convento - natanggap din at ipinadala sa Mexico tapos sa Pilipinas nuong 1631. Naglingkod muna siya sa Manila at nag-aral ng wikang Visaya bago ipinadala sa Palapag.

Wala pa siyang isang taon duon nang patayin siya ni Sumoroy. Nuong Junio 1, 1649, katatapos lamang kumain ni Barberan at umaakyat sa hagdan papasok sa kanyang bahay. Lumitaw si Sumoroy at sinibat siya sa dibdib.

Hindi pinaslang ang frayleng kasama niya sa bahay, si Julio Aleni, 67-taon gulang na taga-Roma, sa Italia, dahil hindi siya nagsisilbi sa Palapag kundi naghihintay lamang ng kamatayan duon pagkaraan ng 36 taon ng paglilingkod sa China. Nuong taon ding iyon, 1649, namatay sa tanda si Aleni.

Pagkalat ng balita na pinatay si Barberan, tumakbo sa simbahan si Angelina Dinagungan, ang asawa ni Juan Ponce na pinuno ng himagsikan. Katulong si Maria Malon, hinakot nila ang mga damit pang-misa ng frayle, at ang mga estatua ng mga santo. Itinago nila sa bahay ni Malon na asawa ni Gabriel Hongpon, ang pinuno (cabeza de barangay, village chief) ng Palapag.

Nag-himala Ang Virgen Maria,

Takot na takot, hindi alam kung sino ang pumatay kay Barberan at kung bakit, kaya 2 araw nagkulong sa convento ang mga frayle at mga alila nila. Nuong tanghali ng ika-3 araw, dumating si Sumoroy, kasama ang ilan daang nag-aaklas na Waray-Waray. Isinigaw niyang siya ang pumaslang kay Barberan at pinapalayas lahat ng frayle sa Samar nang hindi pinapayagang magbitbit ng kahit na ano.

Kinabukasan, ninakawan at winasak ng mga Waray-Waray ang simbahan at convento. Isa sa mga nasagip nina Dinagungan at Malon ay ang estatua ng Señora de Concepcion (Lady of Conception). Nagsimulang nag-himala ito, nakitang nagpapawis at lumuluha pa kung minsan. Mabilis kumalat ang balita ng ‘milagro’ at natigatig si Sumoroy.

“Umiiyak ang Virgen Maria? Tignan natin kung iiyak siya pagsunog natin sa bahay niya!”

Kasama ang mga alalay, sinindihan nina Sumoroy ang bahay ni Malon na gawa sa kawayan at nipa gaya ng lahat ng bahay sa Palapag. Subalit ayaw masunog ng bahay kahit ano ang gawin nila. Lalong kumalat ang balita ng ‘himala.’ Subalit mabilis ding lumawak ang himagsikan.

Sa hikayat ng mga taga-Palapag, naghimagsik din ang mga Waray-Waray sa Catubig. Pinatay ang isang Español, ninakawan, winasak at sinunog ang

Lumawak Ang Aklasan

simbahan at convento ng frayle. Walang kumampi sa mga frayle at kumalat ang aklasan sa mga nayon at baranggay ng Catarman, Bonan at Pambuhan (ngayon ay Pampujan), pati sa Paranas (pulo ng Parasan) na 9 kilometro lamang ang layo sa Catbalogan, ang punong kabayanan (capital) ng mga Español sa Samar.

Umabot ang himagsikan hanggang Ybalon (Albay ngayon) at Camarines. Pinatay din ang frayleng Franciscan sa nayon ng Solsogon (kasalukuyang lungsod ng Sorsogon). Sa Masbate, isang alferez (teniente, lieutenant) ang pinatay, Torres lamang ang naulat na pangalan.

Sa timog (south), nag-alsa ang mga Iligan (tinawag ding mga Manobo) sa nayon ng Cagayan (lungsod ng Cagayan de Oro, bahagi ng Misamis Oriental ngayon) na pinamahalaan ng mga frayleng Recollect. Naghimagsik din ang mga Manobo sa Linao, sa lalawigan ng Caraga [nakaulat sa hiwalay na kasaysayan, Nang Mag-aklas Si Dabao, sa website ding ito ].

Sa katabing pulo ng Camiguin, binihag ang frayleng Recollect at pinahirapan ng mga tao. Pinatay ng mga ligalig na Subano sa baranggay ng Siocon, sa Zamboanga, ang frayleng Jesuit, si Juan del Campo, nuong Enero 7, 1650.

Nagsimulang naniwala ang mga taga-Mindanao nuon na malaya na sila mula sa pagsakop ng mga Español.

Nagtatag Ng Kuta Sa Palapag,

Sa katabing pulo ng Leyte, unang nag-aklas ang mga Waray-Waray sa baranggay ng Bacor. Sinunog nila ang simbahan at convento bago lumipat lahat sa Palapag upang kumampi sa mga nag-aklas duon. Walang natirang tao sa Bacor.

Inipon ng alcalde mayor ng Samar, si Juan Gomez de tres Palacios y Estrado, lahat ng bangka at tauhan niya at sumugod sa Palapag upang ayain ang mga Waray-Waray na sumuko, subalit inirapan lamang siya ng mga ito. Nang hingin niya ang pugot na ulo ni Sumoroy, ulo ng baboy ang ipinadala ng mga nag-aklas. Dahil kaunti lamang ang mga tauhan niya - mga lagalag na Español at mga palaboy na mestizo, mga tagapag-kalkal ng buwis (tax collectors) at walang alam sa digmaan - wala siyang nagawa kundi umuwi na lamang sa Catbalogan.

May matarik na gulod (colina, hill) sa tabi ng Palapag. Ito ang pinagmulan ng pangalan ng baranggay. Patag (llano, flat) ang ibabaw ng gulod kaya duon itinatag nina Sumoroy ang kanilang kuta (fuerza, fort).

Pinaligiran nila ang kuta ng mga bakod (muros, palisades) ng pinatulis na mga punong kahoy. Tinarakan nila ang landas paakyat sa kuta ng maraming patibò, mga pinatalim na patpat ng kawayan at kahoy. Humukay sila ng mga tanggulan (trenches) at nagtutok ng malalaking bato, nakatali sa yantok (caña, rattan) na ibabagsak sa sinumang lumusob. Hinirang nilang pinuno ng kuta si Pedro Caamug, bantog na mandirigma.

Sumanib sa kanila ang isang Español na asawa ng Waray-Waray na babae, si Pedro Zapata, subalit pinaghinalaan siya at pinatay ng mga nag-aaklas.

Kulang Ang Hukbo Ng Español

Pagkaraan ng mahigit 4 buwan, dumating sa kuta ang balita na pinalitan ang frayleng pinatay ni Sumoroy, si Barberan. Jesuit din si Vicente Damian, ang kapalit na nagtayo raw uli ng simbahan, gawa sa kawayan at nipa, at nag-sermon na naman sa mga tao. Nuong Octobre 11, 1649, bumaba sa baranggay si Caamug, ang pinuno ng kuta, kasama ang 200 nag-aaklas. Pinatay nila si frayle Damian at ang 2 batang lalaki na alila niya. Sinunog nila uli ang bagong simbahan bago sila bumalik sa kuta upang ipagpatuloy ang paghintay sa hukbong Español na inaasahang darating mula sa Manila.

Ang hukbo ay binuo ni Fajardo, ang gobernador general na nag-utos na hatakin ang mga cagayan na pinagsimulan ng aklasan. Nag-ipon siya ng 13 parao, bangkang pandagat ng mga katutubo, upang salakayin ang itinuring ng mga Español na pusod ng himagsikan, ang kuta sa Palapag. Kasama ang 2 champan (sampan ang tawag ngayon), maliit na sasakyang pandagat hawig sa barkong gamit ng mga taga-China.

Itong 2 ang may dala ng pagkain, tubig inumin at kagamitan ng hukbong Español na lumunsad pasalakay sa Samar, pinamunuan ng isang batikang conquistador, si Andres Lopez de Asaldigui. Dumaan muna sila sa Iloilo, sa pulo ng Panay, upang humakot ng pagkain bago tumuloy sa Catbalogan upang kausapin si Gomez, ang bigong alcalde mayor ng Samar.

Nang natiyak ni Asaldigui ang lawak ng himagsikan, tinantiya niyang kulang ang kanyang hukbo upang lupigin ang aklasan. Hiningi niya kay gobernador Fajardo ang mga galley, maliliit na barkong may mga sagwan at kanyon sa magkabilang tagiliran, na hinimpil sa Cavite upang ipagtanggol ang Manila. Tumanggi si Fajardo at bumalik na lamang sa Manila si Asaldigui.

Hinati-hati Ang Hukbong Español,  

Naiwang kapalit na pinuno ng hukbong dagat si Capitan Gines de Rojas, matapang ngunit hindi kilala at walang tiwala ang karamihan ng mga sundalo. Nais ng marami na bumalik na rin sa Manila subalit binantayan ni Rojas ang mga parao at champan at hindi pinayagang maglayag kaya walang nakaalis.

Natakot si gobernador Fajardo na baka maghimagsik sa lahat ng mga pulo sakaling manalo sina Sumoroy kaya ibinigay niya kay Rojas ang hukbong dagat (armada, naval fleet) mula sa Zamboanga.

Samantala, dumating din sa Catbalogan ang mga encomendero ng Samar na sa Cebu nakatira, at sumanib sa hukbo ni Rojas. May mga kasamang tauhan ang mga encomendero, sina capitan Francisco de Sandoval at capitan Juan Fernandez de Leon, subalit hindi sapat. Hindi pa dumarating ang hukbo mula Zamboanga kaya hinati ni Rojas ang kanyang hukbong dagat sa 3 pangkat.

Ang una ay pinamunuan ni Sandoval, encomendero ng Catubig. Inutos ni Rojas na kumuha pa siya ng mga dagdag na tauhan sa kanyang encomienda at dalhin sa Palapag. Isinama naman ni De Leon ang pang-2 pangkat sa kanyang encomienda sa Guigan (Guiuan ang tawag ngayon), sa dulong timog (south) ng Samar upang mag-ipon din ng tauhan at pagkain. Papunta sa Palapag, nagdaan sila sa mga baranggay ng Borongan at Sulat, sa

Pinaligiran Ang Mga Waray-Waray

silangang gilid ng Samar. Si Rojas mismo ang namuno sa pang-3 pangkat, dinala niya sa kanyang encomienda sa Bobor (Bobon ang tawag ngayon) bago nagdaan sa Catarman papunta sa Palapag.

Walang nangyari kina Rojas at Sandoval na mapayapang nakarating sa Palapag. Ang pangkat ni De Leon ang naglakbay nang pinaka-malayo. Tinambangan sila ng mga nag-aaklas na Waray-Waray sa isang mataas na hinulugang taktak (waterfall) sa ilog Nasan habang nakaahon sila sa pampang upang ibaba ang mga bangka, gamit ang mga lubid na gawa sa yantok (rattan).

Pinalad sila at binalaan ng isang kakamping Waray-Waray, kaya handa ang mga sundalo nang sumalakay ang mga nag-aaklas. Tinadtad sila ng baril ng mga Español at watak-watak nang naitaboy.

Pagdating nina De Leon sa ilog ng Palapag, hindi sila lumusob sa kuta ni Sumoroy. Sa utos ni Rojas, nagtatag sila ng tanggulan (stockade) at pinaligiran ang kanilang himpilan ng pinatulis na mga punong kahoy.

Ganuon din ang ginawa ni Sandoval sa timog, sa banda ng Catubig, at ni Rojas sa kanluran, sa gawi ng Catarman. Kaya napaligiran ng mga Español ang kuta ng mga nag-aklas sa silangan, timog at kanluran.

Dumating Ang Mga Laut-tao,

Walang pag-asang talunin sa gutom sina Sumoroy sapagkat nanatiling bukas ang landas sa hilaga (norte, north). Walang sapat na sasakyan ang mga Español upang humarang duon subalit napigil ang dati-rating paglimayon kahit saan ng mga nag-aaklas. Higit na mahalaga, ang mga Waray-Waray na tumangging mag-aklas ay nakapag-kanlong sa mga tanggulan ng Español.

Halos isang taon na ang himagsikan ni Sumoroy nang lumitaw, sa wakas, ang hukbong-dagat mula sa Zamboanga, 4 parao (tinawag ding caracoa) na pinamunuan nina capitan Juan Munoz at capitan Juan de Ulloa. Ilan-ilang mga Español lamang ang kasama subalit bandang 400 mandirigmang Lutao.

Tinawag ding ‘Laut tao’ o ‘mga magdaragat’ ang mga Muslim na kailan lamang naging catholico subalit mahigit 200 taon nang kaaway ng mga Visaya at mga Waray-Waray. Gigil na gigil ang pinuno ng mga Lutao, sina Francisco Ugbo at Alonso Macobo, na salakayin agad ang mga kalaban sa Palapag subalit pinatulong sila ni Rojas sa pagpapatibay ng kanilang campo.

Inis na inis mag-trabajo sa gubat at sa bakod, inip na inip ang mga Lutao na lumusob nuong ilang buwan na nagharap ang kuta nina Sumoroy at ang mga tanggulan ng mga Español nang walang nangyayari. Hanggang isang araw, nuong mahigit isang taon na ang himagsikan ni Sumoroy, natiktikan ng mga

Nagsalpukan Sa Dilim Ng Gabí

nag-aklas na karamihan ng hukbo ni Rojas ay lumaot upang humanap at humakot ng pagkain. Sinamantala ni Sumoroy ang pagkakataon upang wasakin ang isa sa mga tanggulan. Nuong gabi, pumanaog ang hukbo ng nag-aklas at tahimik na kinalas ang bahagi ng bakod na nakapaligid sa campo ni Rojas. Pating-kiyad (on tiptoe) silang pumasok subalit sa dami nila, natuklas sila ng mga tanod (guardias, sentries) na biglang nagsigawan.

“Atacantes! Las armas! Las armas!”

Batikang sundalo si Rojas at mabangis ang mga Lutao kaya kahit nagulat, hindi sila nasindak. Maliit ang butas sa bakod kaya matagal bago nakapasok lahat ng tauhan nina Sumoroy. Nagkaroon ng panahon ang mga Español na magkumpol-kumpol at gamitin ang kanilang mga sandata. Mainit ang labu-labo sa dilim, madaling natapos nang tamaan ng baril sa balikat si Sumoroy at bumagsak, namimilipit.

Nasindak ang mga kasama at umurong, hila-hila si Sumoroy. Isang nag-aklas ang naiwang patay sa campo. Walang napatay subalit maraming Español at mga Lutao ang nasugatan, nataga ng itak o natusok ng sibat. Nagtangkang maghiganti, hahabol sana sila sa mga umurong subalit pinigil sila ni Rojas at baka raw sila matambangan sa dilim at mapatay lahat.

Nag-alinlangan Sa Tapang Ng Español,  

Kinabukasan, kumalat ang bulong na mahina ang luob ni Rojas. Nang iutos niyang kumpunihin (remiendo, repair) ang sirà sa bakod at ipagpatuloy ang pagpapatibay sa kanilang campo, hindi na nakapag-pigil ang mga Lutao. Hinarap ni Alonso Macobo si Rojas.

“Hindi kami dumayo rito upang magputol sa gubat at magsibak ng kahoy!”

Kaya pagkabalik ng mga humakot ng pagkain, tinipon ni Rojas ang buong hukbo at hinati sa 3. Ang pinaka-maliit na pangkat ay pinagbantay niya sa 3 campo. Karamihan ng hukbo ay pinamunuan niya upang salakayin ang harap ng kuta ni Sumoroy. Panghuli, inutos niya kay capitan Silvestre de Roda na dalhin sina Francisco Ugbo at Alonso Macobo sa likod ng kuta, walang nagbabantay sapagkat matarik ang bangin (precipice) duon.

Pang-lansi lamang ang gagawing salakay ni Rojas sa harap. Ang mga Lutao ang aakyat sa bangin sa dilim ng gabi upang wasakin ang kuta mula sa likod.

Kinabukasan, Julio 2, 1650, buong maghapon sumalakay sina Sandoval, De Leon at Rojas. Marami sa kanila ang nasugatan at napatay sa mga patibong (trampas, traps), mga palaso (arrows), mga sibat (lancias, spears), at malalaking bato na pinabagsak nina Sumoroy.

Matarik at makitid ang landas paakyat sa kuta at mabangis ang pagtanggol

Sinalakay Ang Kutang Waray-Waray

ng mga Waray-Waray. Ilang ulit silang lumabas sa kuta at sumagupa sa mga Español nang harap-harapan. Paglubog ng araw, bahagya lamang nakalapit sa kuta ang hukbo ni Rojas kahit na sugatan pa si Sumoroy at hindi nakasama sa bakbakan. Sugatan, gulapay sa pagod at gutom, umurong ang mga Español.

Sa gulo ng bakbakan, hindi napansin ng mga Waray-Waray na pumuslit ang mga Lutao paikot sa gulod patungo sa bangin sa likuran, narating nila nuong gabi na. Umuulan nang malakas habang isa-isang umakyat ang mga Lutao sa bangin, walang sulô (antorchas, torches) at kapa-kapa lamang sa dilim.

Kasama si Roda sa mga unang naka-akyat sa likod ng kuta. Tumila na ang ulan kaya pinatahimik niya ang mga Lutao. Balak ni Roda na hintayin ang pagsikat ng araw bago lumusob subalit bumalik ang bantay na sumilong dahil sa lakas ng ulan. May dalang sulô ang bantay at naaninag niya ang mga ‘caraza’ (bulol ng Español sa ‘kalasag’ o shield), kasing-laki ng tao, ng mga Lutao na nagtatago sa dilim.

Tumakbo at sumigaw ang bantay, at nasindak ang mga Waray-Waray na pagod at marami ay sugatan mula sa maghapong labanan. Nagtakbuhan lahat sila at nagtago sa mga gubat sa pali-paligid.

Nawatak at naglaho ang hukbo ng himagsikan.

Pagbagsak Ng Kuta,

Sinakop ng mga Lutao ang kuta nang walang labanan. Natagpuan nila sa isang kubo ang nanay ni Sumoroy. Kinaladkad nila sa labas ang matandang babae at pinatay. Pinagtatagâ pa ang katawan hanggang nagkapira-piraso.

Pagsikat ng araw, dumating ang buong hukbo ng Español. Hinakot lahat ng pagkain mula sa kuta na pinawasak at pinasunog ni Rojas. Upang matapos na ang matagal na himagsikan, nagpahayag ang mga Español na patatawarin ang lahat ng sumuko. Sumuko nga ang marami sa mga nag-aklas, gutom at sugatan, upang makauwi sa kani-kanilang baranggay.

Isiniwalat nila sa mga Español na nakatakas si Sumoroy mula sa kuta, sakay sa isang duyan (hammock) na binitbit ng mga alalay isang araw lamang bago sumugod sina Rojas. Ang mga babae at mga anak naman daw ay matagal nang tumakas, mula pa nuong nakita nila ang pagdating ng mga Lutao, dahil naramdaman nilang magagapi sila.

Ayaw sumuko ni Sumoroy at ng kanyang ama, ang babaylan, may balak na ipagpatuloy ang kanilang pag-aklas. Si Pedro Caamug, ang magiting na pinuno ng mga kutang Waray-Waray, ang pumatay kay Sumoroy upang

Pinugot Ang Ulo

hindi sila parusahan ng mga Español. Natakot siyang salangin ang ama dahil babaylan subalit pinugot niya ang ulo ni Sumoroy at dinala kay Rojas.

Mula nuon, matapat na naglingkod si Caamug at hinirang siya ng mga Español na cabeza de baranggay habang buhay. Ipinag-kailâ niya ang paratang na siya ang pumatay kay Vicente Damian, ang frayleng pumalit kay Miguel Ponce Barberan, ang frayleng pinatay ni Sumoroy nuong simula ng himagsikan. Pinaniwalaan si Caamug ng mga Español, kahit na alam nilang siya ang pinuno ng pangkat na pumatay kay Damian, upang matahimik na lamang ang gulo.

Nagtago nang matagal sa Cebu ang pangunang pinuno ng aklasan, ang mayamang Juan Ponce, bago nagbalik sa kanyang asawa, si Angelina Dinagungan, ang sumagip sa mga estatua ng simbahan ng Palapag. Tinangka ni Ponce na sumuko subalit binihag siya ng mga Español at binitay.

Isa pang namatay pagkatapos ng himagsikan ay si Francisco Ugbo, ang pinuno ng mga Lutao. Nasugatan sa paglusob sa kuta, namatay siya pagkabalik sa Zamboanga.

ANG  PINAGKUNAN

Historia delas Islas de Mindanao, Iolo y sus adjacentes, by Francisco Combes, SJ, Madrid, 1667,
Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, 1890,  and
Historia general de Philipinas, by Juan de la Concepcion, Recollect, Sampaloc, 1788-1792, all translated, edited and published in
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas                           Tahanan:   Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                           Balik sa   Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy