Mindanao     LUMABAN  ANG  MGA  MANOBO  NUONG  1651

Nang Nag-aklas Si Dabao
The Manobo Uprising in Eastern Mindanao in 1651

Ang mga Manobo ang pinaka-marami sa mga pangkat sa buong Pilipinas... lawak mula sa pulo ng Saranggani
hanggang sa mga lalawigan ng Agusan del Sur, Bukidnon, lahat ng mga Davao, at ng Hilaga at Timog Cotabato.
Ang iba’t ibang pangkat ay lubhang nagkahiwalay at karaniwang hindi nakikilalang Manobo kundi sa ugnayan
ng kani-kanilang wika... Maibubuklod ang mga pangkat sa ilang kumpol: ang mga Bagobo, ang mga Ata,
mga Higaunon, kanlurang Bukidnon, Hilaga at Timog Cotabato, Agusan del Sur, at iba pang kumpol
na hindi pa sapat nasisiyasat hanggang ngayon...   -- Jesus T. Peralta, Peoples of the Philippines, 2002

MALAKING ligalig ang pinalaganap ng utos ni Diego Fajardo, ang gobernador general ng Pilipinas nuong 1644-1653. Ipadala raw sa Cavite lahat ng mga ‘cagayan,’ Pilipinong gumagawa ng mga bangka, galleon at iba pang mga barkong gamit ng Español. Nuong 1651 nang dumating ang utos ni Fajardo, bahagya pa lamang nasasakop ng mga Español ang silangang (oriente, eastern) Mindanao kaya nahirapan ang mga frayle at alcalde mayor (tumbas sa provincial governor) na mapahinahon ang mga ‘indio’ (tawag ng Español sa mga Pilipino nuon).

Itinago ng mga taga-Caraga ang kanilang mga ari-arian. Ang utos ni Fajardo ang itinago ni Bernabe dela Plaza, alcalde mayor ng Tandag, upang hindi maghimagsik ang mga tagaruon. Kahit na sa Butuan, ang pinaka-mahinahong puok sa Mindanao, hirap si frayle Miguel de Santo Tomas na awatin ang mga tao.

Lihim Na Balak Ni Dabao,  

Sa mga bundok ng Butuan, naglipana ang tinawag ng mga frayle na mga ‘ligaw na indio,’ ang mga Manobo, kulot-kulot ang buhok, nakabahag, walang hari o mga bahay, at nabubuhay sa pangangahoy (hunting) lamang. Natutulog sila kahit saan abutan ng dilim, ayaw maniwala sa catholico at hindi nakikipag-ugnay sa mga Butuan maliban sa madalas nilang dambungan at digmaan.

[Ang mga pangkat Ata ng Manobo ang inilarawan ni frayle Santa Theresa dito. Ayon kay Dr. Peralta, paniwala ng mga tao na nagmula ang mga Butuan sa mga Manobo sa libis ng Agusan, samantalang natuklas ng mga nag-agham (scientists) na mas malapit ang ugnay ng Butuanon sa Cebuano, Tausog at Kamayo sa Surigao kaysa sa Manobo.]

May isang magiting na mandirigma, Dabao ang pangalan, sa baranggay ng Linao (ang Bunawan ngayon), sa pampang ng ilog Agusan mahigit 90 kilometro sa timog ng Butuan. Bantog siya sa tapang, lakas at talino. Wala siyang pitagan sa mga utos at batas ng Español. Madalas siyang habulin ng mga sundalo subalit hindi mahuli-huli, bagay na lalong nagpabantog sa kanya. Matagal niyang binalak nang lihim na pag-isahin ang mga Butuan at mga Manobo upang puksain ang mga Español sa Linao. Nang nabalisa ang mga tao sa utos ni Fajardo, sinamantala ni Dabao ang pagkakataon.

[Ang halos kasabay na aklasan ng mga Waray-Waray sa Samar, at dahil din sa utos ni gobernador Fajardo, ay nakalathala sa ‘Himagsik Ni Sumoroy’ sa website ding ito.]

Si Agustin de Santa Maria ang frayleng Recollect sa convento de Santa Clara de Monte Falco sa Linao. Bagaman at marami na ang nabinyagan

Binunyag Ang Lihim Na Utos

duon nuon, matumal mag-catholico ang mga taga-Linao at mga Manobo.

Isang araw, upang maakit ang marami na humahanga kay Dabao, inaliw siya ni Santa Maria, pinakain at binigyan ng mga handog. Maghapon silang nag-usap, ipinangako pa ni Dabao na ibibigay ang isang anak niya upang turuan ni Santa Maria na maging catholico.

Nuong gabi ring iyon, pinulong ni Dabao ang lahat ng pinuno sa Linao, pati ang mga catholico, at hinayag ang nalaman niya mula kay Santa Maria - ang malupit na utos ni gobernador Fajardo na ipadala sa Manila ang lahat ng mga manggagawa ng barko, pati na ang mga taga-Linao.

Nagimbal ang mga taga-Linao. Sinabi sa kanila ni Dabao na nag-alok ng tulong ang mga Dutch upang mapalayas ang mga Español at makabalik ang mga katutubo sa dati nilang pagsamba sa mga diwata, añito at kaluluwa ng kanilang mga ninuno. Alam ng mga taga-Mindanao na mahigit 40 taon nang sumasalakay sa Pilipinas ang mga Dutch upang pinsalain at puksain ang mga Español sa Manila, kaya madaling naniwala ang mga taga-Linao at lahat sila ay pumayag sumali sa aklasang iminungkahi ni Dabao.

[Ang mga Dutch ay mga taga-Netherlands, sa Europe, na naghimagsik laban sa pagsakop sa kanila ng mga Español. Ang paulit-ulit na pagsalakay nila sa Pilipinas ay nakaulat sa hiwalay na kasaysayan, Mga Sabak ng Dutch sa website ding ito.]

“Humanda kayo,” bilin ni Dabao sa mga taga-Linao, “pagdating ng araw, papatayin nating lahat ang mga Español!”

Nabuo Ang Aklasan, Nilinlang,  

Sunod kinausap ni Dabao ang mga Manobo sa kanilang mga tagpuan sa gubat-gubat ng mga bundok sa paligid ng Linao. Ilag ang mga Manobo sa baril, cañon at iba pang sandata ng mga Español kaya matumal sila sa amuki ni Dabao. Ang tanging naibigan ng mga Manobo sa mga pangako ni Dabao ay ang magiging malaya sila at hindi na uusigin ng mga frayle.

Dahil dito, nagtayâ sila ng isang condicion. Inaasahan nuon ang pagdating ng pinuno (provincial) ng mga frayleng Recollect upang magsiyasat. Kung hindi sumipot si Bernardo de San Laurencio at, sa halip, ay magpadala lamang ng isang visitador (inspector), pahiwatig ito na talagang sukol na ang mga Español ng mga Dutch. Kapag nangyari ito, pangako ng mga Manobo, sila ay maniniwala kay Dabao at sasanib sila sa kanyang aklasan.

Sa hindi nahayag na dahilan, isang frayleng Recollect, si Juan de San Antonio, ang dumating upang mag-usisa sa mga simbahan sa lalawigan bilang visitador. Pagdating ni San Antonio sa Butuan, tinawag ni Dabao ang mga Manobo upang harangin at patayin ang visitador pagdating sa Linao.

Hindi inasahan, hindi tumuloy si San Antonio sa Linao kundi tumigil sa baranggay ng Cagayan. Nag-iwan na lamang siya duon ng isang liham para sa frayle ng Linao, si Santa Maria na dating nagtangkang makipag-kaibigan kay Dabao. Pagkaalis ni San Antonio, dinala ang liham ng isang sundalong Español, si Juan de Guevara, at sa landas, natagpuan niyang naghihintay ang mga Manobo.

Pinaslang Ang Mga Español

“Bumalik na sa Butuan,” sagot ni Guevara nang itanong ng mga Manobo kung nasaan ang visitador.

Bumalik ang mga Manobo kay Dabao. Hindi nila napatay si San Antonio subalit naniwala na sila sa sapantaha ni Dabao at kampi na sila sa aklasan. Nagsimulang maghanda ang mga Manobo para sa digmaan na itinakda ni Dabao. Nagkataon naman nuon, may mga taga-bundok na dumambong sa Linao, nagnakaw ng palay at mais. Nagpakitang gilas si Dabao, ipinangako sa mga Español na ibabalik niya ang mga pugot na ulo ng mga taga-bundok.

Nuong araw na iyon, Mayo 16, 1651, sinimulan ni Dabao ang himagsikan. Sa halip na habulin ang mga mandarambong, pumili siya ng 8 matipunong Manobo, mandirigma lahat. Kunyari, iginapos niya subalit kayang kalagin ng mga Manobo ang nakabuhol na tali. Kunyari uli, hinila niya ang 8 pabalik sa kuta (fuerza, fort) ng mga Español sa Linao. Pinatuloy siya ng mga sundalo upang kausapin si frayle Santa Maria sa luob.

Nang ikukulong na ang 8 Manobo, hinugot ni Dabao ang kanyang sandata at binasag ang ulo ng capitan ng mga Español. Kinalas ng mga Manobo ang kanilang tali at kinalaban ang mga sundalo. Nagpasukan ang mga taga-Linao, dala ang kanilang mga sibat, itak at iba pang mga sandata.

Karamihan ng mga sundalo ay napatay duon sa unang sagupaan, pati na si Juan de Guevara, ang nagdala ng sulat ng visitador.

Tinalo Ng Mga Manobo, 

Katulong si frayle Santa Maria, lumaban ang mga buhay pang Español patakas sa convento upang magkanlong sa simbahan, subalit dinatnan nila itong winawasak at sinusunog na ng mga nag-aaklas. Malubha ang lagay ni Santa Maria at nalugmok na lamang sa lupa. Sinagip siya at inalagaan ng isang matimtimang babae, subalit namatay ang frayle. Inilibing siya duon ng babae.

Samantala, lumaban uli ang mga sundalo pabalik sa kanilang kuta na dinatnan nilang wasak na rin. Lahat sila ay sugatan na, subalit nakapagtanggol pa rin duon, gamit ang kanilang mga baril. Sinunog ng mga nag-aklas ang buong baranggay at tumakas sa mga bundok sa paligid.

Walang naiwang tao sa Linao maliban sa matimtimang babae at ang familia niya. Matapos niyang ilibing si Santa Maria, pinagyaman at pinakain niya araw-araw ang mga sugatang Español hanggang, pagkaraan ng ilang araw, siya man ay napilitang tumakas sa mga bundok upang iligtas ang kanyang familia mula sa mga nag-aaklas.

Namamatay sa sugat at gutom, tumakas din ang mga Español, gumawa ng kawayang balsa (bamboo raft) na sinakyan ng lahat na nakatayo pa upang maanod papunta sa Butuan.

Sinagip Ng Butuan

Matagal silang hinabol at pinana ng mga nag-aklas na nakasakay sa kanilang mga bangka. Hindi na nakalaban ang mga Español, ni hindi na nabunot ang mga palasong tumama sa katawan nila. Alam nilang hindi sila makakarating sa Butuan kaya tumigil sila sa baranggay ng Ho-ot at humingi ng tulong.

Nagkataon naman, paalis na sana ang isang tagaruon, si Palan, nakasakay na sa kanyang bangka upang sagipin mula sa bakbakan ang kanyang anak na babae na nag-aaral maging catholico sa Linao. Naawa siya sa mga Español at, kasama ang 15 ka-baranggay, dinala ang mga sugatan sa convento ng mga frayleng Recollect sa Butuan.

Nang nalaman ng frayle sa Butuan, si Miguel de Santo Tomas, ang nangyari sa Linao, nagpadala siya ng mga ulat sa Tandag at sa Manila. Nakaraan na ang 20 araw mula nuong aklasan sa Linao nang dumating ang mga bangka nina Palan mula sa baranggay Ho-ot. Inalagaan ni Santo Tomas ang mga sugatang sundalo.

Ang isang Español, si Juan Gonzalez, ay bali ang buto sa hita, maraming sugat sa katawan, at may nakabaong palaso (arrow) sa tiyan. Namatay siya pagkaraan ng isang araw. Sa lahat ng Español na nakahimpil dati sa Linao, 4 sundalo at isang corporal lamang ang nasagip.

Inalipin Ang Mga Butuan, 

Mula sa Manila, nagpadala si gobernador Fajardo ng mga sundalong Español upang tulungan si Bernabe dela Plaza, alcalde mayor sa Tandag (bahagi ng lalawigang Surigao del Sur ngayon). Subalit sa Butuan dinala ni capitan Gregorio Dicastillo ang mga sundalo. Ipinahayag nila sa lahat ng tao sa paligid na patatawarin ang mga naghimagsik kung susuko, at malupit na parurusahan ang sinumang tumangging pasailalim uli sa Español.

Marami ang naniwala sa pahayag at bumaba mula sa mga bundok upang sumuko, subalit hindi sila pinatawad. Marami ay binitay ng mga sundalo. Ilan-ilan lamang ang pinakawalan. Karamihan ng mga tao ay inalipin - pati ang mga taga-Butuan na hindi naman sumali sa aklasan. Inalipin kahit na ang 3 taga-Linao na sumagip sa mga gamit ng frayle bago sinunog ng mga nag-aklas ang simbahan.

Kinaladkad sila ni Dicastillo at ng mga kasapakat niya sa pagpa-payaman at ipinagbili sa mga Español sa Intramuros bilang mga alipin.

“Napuno ng alipin ang Manila,” ulat ng mga frayleng Recollect na nagsigasig upang mapakawalan ang mga inalipin nang walang dahilan, pati ang mga pinuno ng Butuan na ikinulong at pinahirapan upang makalkal ang kanilang ginto at mga ari-arian. Sa laki ng escandalo - ipinagsigawan pa ng mga frayle kahit na sa mga simbahan - napilitan si gobernador Fajardo na lunasan ang kagagawan.

Inutusan niya si Manuel Suarez de Olivera, isang auditor ng Audiencia Real sa Manila, na siyasatin ang pakana ng mga sundalong Español.

Tinubos, Pinauwi Ng Mga Frayle

[ ‘Ungkat-yaman’ ang kahulugan ng ‘auditor’ ngayon, subalit nuong panahon ng Español,  fiscal, hukom at senador ang tungkulin ng mga nakaupo sa Audiencia.]

Pinahirapan ni Olivera ang isa sa mga inusig upang isiwalat ang nangyari. Pagkatapos binitay siya - pinugutan ng ulo. Ikinulong nang 2 taon ang isa pang kasapakat at inilit ang lahat ng mga ari-arian - nakamal mula sa paglako ng mga alipin. Ang pang-3 maysala ay pinulubi - kinuha lahat ng pag-aari. Sa wakas, ipinahayag ni Olivera na walang dahilan at labag sa batas ang pag-alipin sa mga taga-Butuan.

Dinala kay Fajardo ni Agustin de San Pedro, isang frayleng Recollect, ang listahan ng mga dapat palayain. Sumang-ayon ang gobernador at isa-isang binawi ni San Pedro ang mga inalipin. Tinawag na ‘Padre Capitan’ si San Pedro sa Mindanao dahil sa tapang laban sa mga Moro at mga kaaway. Nasubok ang tapang niya sa Manila nuong mga araw na iyon sapagkat nilapastangan siya ng mga Español na bumili sa mga inalipin dahil hindi nila nabawi ang mga ibinayad nila.

Nag-ipon pa ang mga frayleng Recollect ng salapi na ginamit pang-pasaje ng mga pinalaya pabalik sa Butuan. Itong kawang-gawa (caridad, charity), higit sa lahat, ang tumapos sa aklasan ni Dabao.

Pagkaraan ng 2 taon, mapayapang naglakbay si Joseph dela Anunciacion, ang pinunong (provincial) Recollect ng Caraga, at lumigid sa mga bundok. Napa-panaog niya ang 600 familia ng mga Manobo at mga Butuan na tumira uli sa Linao sa ilalim ng mga Español.

ANG  PINAGKUNAN

Historia general de los religiosos descalzos..., History of Recollect Missions, by Luis de Jesus, Andres de San Nicolas
and Diego de Santa Theresa, extracted, translated, edited and published in The Philippine Islands, 1493-1898,
by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Peoples of the Philippines, by Jesus T. Peralta, Ph.D., ‘Glimpses,’ National Commission for Culture and the Arts, 2002, http://www.ncca.gov.ph/about_cultarts/glimpses.php?bk_Id=1

Ulitin mula sa itaas                           Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                           Balik sa   Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys