Tumatag Si Tumalang Sa ‘Playa Honda’
Dahil sa bagsik ng mga Zambal pagkalaban sa mga frayle at mga catholico, sumangguni ni Gomez Perez Dasmarinas, gobernador general ng Pilipinas nuong 1590-1593, sa mga frayle sa Manila nuong 1591. Hinayag ng mga frayleng Augustinian na makatarungan ang salakayin ang mga Zambal, bihagin at gawing mga magsasaka. Binanggit ng mga frayleng Dominican ang ugali ng pagpugot ng ulo ng mga Zambal, at wala silang karapatang salakayin ang mga nabinyagan na, kaya karapat-dapat daw na digmain sila. Kailangan siyasatin, ayon sa mga frayleng Jesuit, kung sinu-sino ang may kagagawan at sila raw lamang ang dapat parusahan - alipinin sandali at pagkatapos, ilayo sa kanilang lupain. Giit naman ng frayleng Recollect, dapat parusahan ang mga tampalasan at nararapat silang lusubin kung kailangan upang mapatahimik ang lakbayan... -- Blair at Robertson, The Philippine Islands MARAMI nang kasalanan ang mga Zambal. Panay na lamang ang pagharang nila sa daan mula sa Pangasinan hanggang sa Ilocos. Sunud-sunod ang mga ginawa nilang pagnakaw, pagtambang (ambush) at pagpatay sa mga frayle at mga nabinyagan nang indio (tawag sa mga Pilipino nuong panahon ng Español). Pati ang mga baranggay na kalapit duon ay pinasok nang pinasok, ninakawan, winasak at winalang-hiya. Nuong 1681, napuno na sa mga sumbong si Juan de Vargas Hurtado, ang gobernador general ng Pilipinas nuong 1678-1684. Bumuo siya ng hukbo ng mga sundalong Español, karamihan ay mga taga-Mexico. Isinama niya ang mga mandirigma mula sa Pampanga, at ang mga Merdeca - mga mandirigmang katutubo ng Malaya at Ternate. [ Simula nuong 1601, unti-unting sinakop ng mga Dutch na taga-Netherlands, sa Europe, ang Maluku (Moluccas, spice islands), bahagi ngayon ng Indonesia. Winasak nila ang kuta ng mga Español sa pulo ng Ternate duon. Kasamang pinatalsik ang mga taga-Ternate at mga taga-Malaya na catholico at kakampi ng mga Español duon. Dinala silang lahat sa Pilipinas. Ayaw ng mga taga-Ternate na makihalo sa mga taga-Pilipinas na, sa tingin nila, ay mas mababa kaysa sa kanila. Kaya ibinahay sila ng mga Español sa hiwalay at sarili nilang baranggay sa Cavite, malapit sa Naic, at sa isang pulo sa pagitan ng Samar at Masbate - kapwa tinatawag pang Ternate hanggang ngayon. Ito ang dahilang may hukbong Merdeca ang Español nuong 1681.] Hinati ni Vargas ang hukbo sa 2 pangkat, at bilang pinuno ng bawat isa, hinirang niya sina capitan Alonso Martin Franco at capitan Simon de Torres. Inutos pa niya sa dalawa kung paano dapat supilin ang mga Zambal. |
|
Mula sa magkabilang panig ng Playa Honda, sabi ni Vargas, dapat nilang pasukin ang mga bundok at gubat ng mga Zambal, itaboy ang sinumang matagpuan, patayin ang sinumang lumaban, at alipinin ang sinumang mabihag. Ito nga ang ginawa nina Torres at Franco. Kinalampag nila ang buong Playa Honda. Nabulabog at nagtakbuhan ang mga Zambal hanggang, sa wakas, marami mula sa iba’t ibang baranggay at nayon ang nasukol at nasiksik sa iisang puok. At napiligiran ng mga Mexicano, mga Kapampangan at mga Merdeca.
Nuon nagkasama muli ang 2 pangkat ng hukbong Español. Nagkasundo ang 2 capitanes, sina Torres at Franco, na tulong-tulong silang susugod sa mga Zambal. Kaya nuong araw ng kapistahan ni Santiago (Saint James Day), nagpaputok sila ng 3 kuwitis (cohetes, rockets) bilang hudyat sa lahat ng hukbong Español sa paligid ng mga Zambal, at sabay-sabay silang sumalakay. Si Tumalang ang pinuno ng mga Zambal. Magiting siya, iginagalang at sinusunod ng mga tao. Sinagupa ng mga mandirigma niya ang hukbong Español, at marami ang napatay sa magkabilang panig - ang mga Zambal at mga hukbong Español. |
Nagkataong nakaharap ni capitan Franco ang mandirigma na kaibigan at kanang-kamay (ayudante, lieutenant) ni Tumalang. Nagbakbakan sila at napatay ni Franco ang mandirigma.
Nang nakita ni Tumalang na patay na ang kanyang kanang-kamay, sumuko na siya at nangako sa mga Español na magiging mainam na kaibigan mula nuon. Magpapatayo daw siya sa mga tao niya ng mga reduccion (baranggay ng mga nabinyagan nang indio na pinamahalaan ng mga frayle; ang baranggay ng mga hindi pa binyagan ay tinawag na rancheria nuon) at duon sila lahat titira sa ilalim ng mga Español. Nagpabinyag si Tumalang sa pangalang Don Alonso. Inamin niyang siya ang pumugot sa ulo ni general Felipe de Ugalde, at itinago niya ang bungo (calavera, skull) bilang pabuya (trophy). Hiningi sa kanya ni capitan Franco ang bungo upang mailibing nang mahusay. [ Napatay at pinugutan ng ulo si Ugalde ng mga Zambal habang naglalakbay nuong bandang 1666, bitbit ang 4,000 pesos na bayad sa mga sundalo na sumasalakay sa mga Igorrotes nuon. Nabantog si Ugalde nuong 1660 bilang isa sa mga pinuno ng hukbong Español na tumalo kay Andres Malong sa Pangasinan, at kay Pedro Gumapos sa Ilocos.] |
![]() [ Sa ibang kasaysayan, nuong 1611 pa raw naitatag ang Pignauen, tinawag ding Paynauen o Pagnawen, at tinatawag ngayong Iba, sa kasalukuyang lalawigan ng Zambales. Ang sinulat ng Español na “Playa Honda” at “Playaonda” ay malamang “unda” o katunog na kataga sa wikang Zambal, tukoy sa “babaan” o “paanan ng bundok” - ang mga malawak na dalampasigan (playas, beaches) sa pagitan ng mga bundok at dagat sa buong haba ng Bataan mula sa Mariveles hanggang sa hilagang dulo ng Zambales. Dinudumog ngayon ng mga turista subalit ligaw at magubat, walang mga lansangan, nuong panahon ng Español.] Sa utos ng kasalukuyang governador general, si Juan de Vargas, nanatiling pinuno ng kuta, at binigyan ng mas maraming sundalo si capitan Alonso Martin Franco. Ang kuta ay nasa kamay ng isang mahusay na pinuno ng hukbo, ayon kay Diaz, at siya na ang namahala sa buong Playa Honda. Siya ang nagpasiya kung sino ang magiging gobernador na magpapatupad sa batas duon, tulad ng gawa ng mga alcaldes mayores sa iba’t ibang lalawigan dito sa kapuluan. |
|
ANG PINAGKUNAN
Conquistas de las Islas Filipinas, 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, Spain, 1890, Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |