![]() Pinatay Ni Calignao Ang Frayle Zambal Villagers Face Off the Spaniards in 1683 Himagsikan ito laban sa kapangyarihan ng mga frayle, at nakalaya sana ang mga Zambal mula sa pagsakop ng mga Español kung hindi sila lubhang takot sa kuta at mga sundalong Español sa Pignauen... KABABAYAN ni Calignao si Dulinen at kapwa sila lumaki sa baranggay ng Aglao, malapit sa Balakbak, hindi kalayuan sa Pignauen (tinatawag ngayong Iba sa lalawigan ng Zambales). Subalit mandirigma lamang si Calignao samantalang si Dulinen ay mayaman at isang pinuno ng Aglao, iginagalang at maraming tauhan. Gayon man, malamang walang nangyari sa kanila kung hindi nagtatag ang mga Español ng ‘presidio’ sa tinawag nilang “Playa Honda” - ang mahahabang pampang (playas, beaches) mula Mariveles, sa Bataan, hanggang hilagang Zambales. |
|
Ang ‘presidio’ ay karaniwang binubuo ng kuta (fuerza, fort) at himpilan ng mga sundalo, at ng simbahan at convento ng mga frayle. Duon sa banda ng Pignauen, tanaw ng ‘presidio,’ itinayo nina Tumalang ang mga reduccion matapos silang salakayin at talunin ng mga Español nuong 1681 [ nakaulat sa 1681: Si Tumalang
Sa ‘Playa Honda’ sa website ding ito].
Hinakot ng mga frayle ang mga Zambal mula sa pali-paligid at pinilit tumira sa mga reduccion upang magawang mga catholico. Kasama sa mga nahatak sina Dulinen at Calignao. Mautak at maingat, iniwan ni Dulinen ang kanyang kayamanan at ari-arian sa baranggay Aglao, pinabantayan sa kanyang pamangking lalaki. Nabalitaan ito ni Calignao. Tumakas siya, bumalik sa Aglao at ninakaw ang mga ari-arian ni Dulinen matapos patayin ang bantay. Napuot si Dulinen nang narinig ang nangyari, at sumumpang ipaghihiganti ang kanyang pamangkin. Niyaya niya ang kanyang mga kamag-anak at mga kabig, at tumakas sila sa bundok. Humarang si Domingo Perez, ang frayleng Dominican sa reduccion, subalit ilan lamang ang napigil. Nakatakas ang 17 familia at sumama kay Dulinen pauwi. Hinabol sila ng pinuno (comandante, commander) at mga sundalo ng kuta. Naiwan sa reduccion ang mga kamag-anak ni Calignao. Marami sila, at upang hindi nila maisipang tumakas na rin, samantalang wala ang mga sundalo sa kuta, inuto sila ni frayle Perez. Ipinahayag niyang si Calignao, sa halip na parusahan, ay gagawing kabig |
(ayudante, assistant) ng comandante. Pinatay ni Calignao ang pamangkin, dagdag ni Perez, sang-ayon sa patakaran ng pamahalaan na parusahan ang sinumang hindi lumipat sa reduccion at nagpa-iwan sa kanilang baranggay. Nasiyahan ang mga Zambal at tumahimik muli ang buhay sa reduccion.
Samantala, sumama sa mga humahabol na sundalo ang isang Zambal, si Dagdagan. Kamag-anak ni Calignao, ipinangako niyang lalabanan niya si Dalinen, subalit hindi pa sila nakakalayo, napatay si Dagdagan. Isang ‘Negrito’ daw ang pumaslang, bagaman at walang nahuli ang mga sundalo, karamihan ay mga Kapampangan at ilan ay mga Tagalog. Marami sa mga kasama at kamag-anak nila ay napatay at napinsala ng mga Zambal nuong mga nakaraang panahon. Sa Aglao inabutan at sinalakay ng hukbo si Dalinen at ang mga tumakas. Sinunog ng mga sundalo ang buong ‘rancheria’ (tawag sa baranggay ng mga hindi-binyagan, o hindi pinamamahalaan ng frayle) at hinakot pabalik sa reduccion ang mga nabihag na Zambal. Napatay si Dalinen, at ‘Negrito’ daw uli ang pumatay, subalit ayaw maniwala ng mga kamag-anak ni Dalinen na nakulong uli sa reduccion. Bumulong-bulong sila na ipinapatay ni Perez upang wala nang tumakas, at nabuo ang pasiya nilang maghiganti sa frayle. Sa kabilang dako, hindi rin naniwala ang mga kamag-anak ni Calignao na ‘Negrito’ ang pumatay kay Dagdagan, ang kamag-anak ni Calignao. Si Perez din ang sinisi nila, at sila man ay sumumpang maghihiganti. Sa luksa at libing ni Dagdagan, nagkasundo silang pugutan ng ulo ang frayle. |
Ang balak ng mga Zambal na patayin si Perez ay nakarating kay Calignao sa pinagtataguan niya sa bundok. Sa halip sa sagipin ang frayle na nagtanggol sa kanya at tumapos sa kaaway niyang si Dalinen, inalok ni Calignao na siya ang pupugot sa ulo ni Perez. Maaaring kagulat-gulat subalit matagal na ang kasaysayan ng bakbak ni Calignao laban kay Perez. Nagsimula isang gabi 3 taon sa nakaraan nang pugutan ni Calignao ang isang matandang babae sa madilim na puok.
Mula pa pagkabata, nakilala nang malupit at mapusok si Calignao, ginawa kung ano ang ibig kahit labag sa batas o sa ugali ng mga Zambal. At ang pinaka-ibig niyang gawin ay pumugot ng ulo. Lalaki o babae, matanda o bata, pinugutan ng ulo ni Calignao kung may pagkakataon, at kung ligtas siya sa parusa o ganti. Sa ganitong paraan niya pinugot ang ulo ng matandang babae. Subalit hindi siya nakaligtas sa parusa dahil kay frayle Perez. Wala umamin sa pagpugot ng matandang babae kaya ginamit ni Perez ang paraang natuklas ng mga frayle na mainam panghuli sa mga maysala. Tinipon niya lahat ng mga Zambal sa reduccion at isa-isang sinuri ang tibok (pulso, heartbeat) sa paniwalang hahagad ang puso ng may kagagawan. Lahat ay pumayag maliban kay Calignao na tumakas at nagtago sa gubat. Ganuon nabatid ng lahat ng tao na siya ang pumugot sa ulo ng matandang babae. Nagutom si Calignao pagkaraan ng ilang araw at pumuslit siya pabalik sa reduccion. Naki-kain siya at nagtago sa mga kamag-anak. Hindi siya kayang pakainin nang matagal ng mga ito kaya ipinangako ni Calignao na aalis din siya uli. Kailangan lamang daw pumugot siya ng isa pang ulo bago siya |
bumalik sa bundok nang tuluyan. Nagtungo siya sa bahay ng pamangkin ng matandang babae, hawak ang kanyang igwa (machete, bolo, itak). Kumalat ang balita at lahat ng tao sa reduccion ay dumagsa upang manuod. Subalit mandirigma ang pamangkin ng matandang babae. Hindi natakot nang nakitang papalapit si Calignao. Basta hinugot din ang kanyang igwa at tahimik na hinintay ang salakay ni Calignao. Si Calignao ang natakot at hindi lumusob.
Nuon dumating si Perez, sumunod sa mga tumakbong tao upang makita kung bakit. Nakita niya si Calignao at sinigawan: “Oy, maldito, halika rito! Hindi pa ba sapat na pumatay ka sa dilim at papatay ka uli ngayon kahit maliwanag at kita ng lahat ng tao?” “Ikaw ang lumapit dito!” sagot ni Calignao sa frayle. “Ikaw ang inaasinta ko! Ikaw, una sa lahat!” Inawat si Calignao ng 2 mandirigmang Zambal. Galit na galit siyang tumakas sa bundok. Hindi nagtagal, bumalik siya at nagsisigaw sa harap ng convento nang namataan si Perez sa harap ng bintana. Minura niya nang minura subalit sinagot siya ng frayle, “Matapang kang sumigaw sa harap ng frayle dahil alam mong wala kaming dalang sandata, at hindi kami pumapatay ng tao. Subalit sa harap ng sundalo, tahimik ka at walang kibo!” Napahiya, lalong napuot si Calignao at sumumpa, bago tumakas sa bundok, na hindi siya tutugot hanggang hindi napupugot ang ulo ng frayle. Pinahabol ng comandante ng presidio ang 7 sundalo subalit pinigil sila ni Perez. |
![]() Pagkaraan ng ilang araw, nabalitang halos araw-araw nagtutungo si Calignao sa baranggay ng Balakbak upang makikain sa mga kamag-anak. Nagpadala ng utos ang comandante sa Zambal na cabeza ng Balakbak na hulihin o patayin si Calignao subalit sa sumunod na 3 taon, walang nangyari sapagkat maraming tagaruon ang nagtatago at nagtatanggol kay Calignao. Hanggang nuong isang gabi ng Julio 1683 nang ialok ni Calignao ang sarili bilang taga-katay. Nasa Manila si Perez kaya nakapasok sa reduccion si Calignao subalit wala siyang nagawa dahil maraming sundalo. Binalak niyang malayo sa presidio gawin ang pagkatay at 4 buwan ang lumipas bago siya nagkaruon ng pagkakataon. Nabalitaan niyang dumalaw si Perez sa isa pang frayleng Dominican sa Baubuen, si Juan Ruiz, at babalik pagkaraan ng 3 araw. Sa pampang ng isang malaking ilog inabangan ni Calignao si Perez nuong Noviembre 12, 1683. Kasama niya si Kibagat, isang Aeta na may dala ring pana at palaso (bow and arrow). |
|
Naglalakad ang Zambal na alila (muchacho, servant) habang nakasakay sa kabayo (cavallo, horse) si Perez nang panain siya ni Calignao. Humaging! Tumusok sa isang puno ang palaso. Lumingon ang frayle upang makita kung sino ang pumana sa kanya. Pinana naman siya ni Kibagat. Tama sa kaliwang sikmura, tumagos ang palaso sa kanang likod ni Perez.
“Diyos ko! Diyos ko!” Napahiyaw sa sakit si Perez at pinatakbo ang kabayo hanggang lumabo na ang kanyang paningin. Tumigil siya at humiga sa tabi ng isang puno ng arorog. Duon siya inabutan ng humabol na alila. Binunot ni Perez ang palaso subalit lalong lumakas ang tulo ng dugo. Isinakay siya ng alila sa kabayo at dahan-dahan silang tumungo sa baranggay Balakbak. Naunahan sila duon ni Calignao, pupugutan sana ang mga alila ng simbahan subalit nagkulong ang mga ito sa convento. Pagka-alis ni Calignao dumating sina Perez at 3 araw naghingalo ang frayle bago namatay. Nais maghiganti ng comandante ng presidio subalit pinigil siya ng ibang frayleng Dominican. “Baka salakayin itong presidio ng mga Zambal pag-alis ng mga sundalo,” babala nila sa comandante. “Kapag ganuon ang mangyari, walang frayleng matitirang buhay sa buong Playa Honda!” |
Nakaligtas na naman sa parusa si Calignao, tulad ng balak niya. Maraming Zambal ang dumagsa sa libing, ayon sa mga Dominican, upang magdiwang sa halip na ipagluksa ang pagpatay kay frayle Perez. Umasa silang maka-alis na sa reduccion, makabalik sa kani-kanilang baranggay sa mga bundukin at malayang sumamba muli sa kanilang mga añito. [ Nabantog si frayle Domingo Perez sa sugid niyang sugpuin ang pagsamba sa mga añito sa Zambales. Isinilang siya sa Santa Justa, malapit sa Santander, España, nuong 1636. Nag-frayle siya sa convento ng mga Dominican sa Santilla nuon 1659, nagturo sa Mexico bago nagtuloy sa Pilipinas nuong Deciembre 1666. Nagturo siya sa Manila bago ipinadala sa Bataan nuong 1667. Nagsilbi siya sa Orion, Samal at Abucay kung saan siya hinirang na paring paroco (vicar, parish priest) nuong 1677. Mahigpit siya kaya ipinagdiwang ng mga Zambal ang pagpatay sa kanya pagkaraan ng 5 taon.
[ Matibay ang pagkalaban ng mga Zambal kaya nahirapan ang pagpalawak ng catholico duon. Kahit na landas mula Manila hanggang Pangasinan at Ilocos, ilan-ilan lamang ang mga reduccion na naitatag ng mga frayle sa Zambales - sa Pignauen o Iba, sa Masinloc at sa Santa Cruz - sa sumunod na 100 taon, at nanatili itong bahagi lamang ng lalawigan ng Pangasinan. Napilitan ang mga Español na ilipat duon ang libu-libong Ilocano bago nakapagtayo ng mga nayon at kabayanan (pueblos, towns) at natatag ang lalawigan nuong ika-19 sandaang taon. Mga Tagalog mula sa Bataan ang hinakot naman ng mga Español sa Subic nuong 1895 nang itatag duon ang daungan ng sandatahang dagat (naval base), ginamit din ng mga Amerkano hanggang 1991. Nuong 1903, panahon ng Amerkano, inilipat sa lalawigan ng Pangasinan ang mga kabayanan ng Alaminos, Anda, Agno, Bani, Bolinao, San Isidro at Infanta.]
|
ANG PINAGKUNAN
History of Recollect Missions, 1661-1712, by Juan de la Concepcion, Manila, 1788, and
Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |