![]() Nang Nag-aklas Si Lagutao Kalingas’ 1785 Flight Becomes a Massacre Ang himagsikan sa Angadanan at Camarag ay kasaysayan ng 2 magkapatid. Si Onofre Liban ay gobernadorcillo at nanatiling tapat sa Español samantalang ang kapatid, si Lagutao, ang pinuno ng aklasan at nabantog na ‘Lagim sa Diffun at bulubundukin.’ Naging magkalaban sila 9 taon matapos ilipat ang Angadanan sa tabi ng sapang Angaranan nuong 1776. Nuong 1949, ang dating Angadanan ay tinawag na Alicia bilang parangal sa asawa ni Elpidio Quirino na Pangulo ng Pilipinas nuon... -- The Queen’s Province, July 30, 2006 BULUTONG, sakit at kamatayan ang sinapit ng libu-libong Kalinga na hinakot ng mga sundalong Español at pilit na pinatira sa ‘reducciones’ - mga baranggay na itinatag ng mga frayle upang maghari at sapilitang gawing catholico ang mga tagabundok ng Cordillera. |
|
Nuong 1785, mahigit 6,000 Kalinga* ang naipon sa 6 reducciones sa ilalim ng 4 frayleng Dominican: Sa 2 baranggay ng Camarag at Carig ang pinaka-marami, pinagharian ni Fray Alonso Gomez Nieto; sunod sa dami ang mga baranggay ng Calanusian at Cauayan, sa ilalim ni Fray Andres Mendoza, sunod ang Angadanan ni Fray Mariano de San Miguel, at
_______________ |
pinaka-kaunti sa Furao ni Fray Joaquin Sanco, ang pari (priest) sa paroco ng Ilagan.
Hindi nakatiis ang mga kaawa-awang Kalinga sa hirap ng buhay at lupit ng mga Español. Sinamantala nila ang Mahal na Araw (Semana Santa, Holy Week) nuong Marso 30 hanggang Abril 6, 1785, nang abala ang mga frayle at mga Español. Bandang 1,200 Kalinga ang tumakas mula sa Camarag, Carig at Angadanan upang bumalik sa kani-kanilang baranggay sa bundok. Sapat na dahilan na ito upang sila ay usigin, hulihin at patayin ng mga Español bilang mga criminal. |
Unang Salakay Español: Bigô HALOS 100 taón na ang panahon ng Español sa Pilipinas bago sinubukan ng mga frayle at mga sundalo na pasukin ang bayan ng mga Kalinga nuong 1663 - 1664. Maingat sila at maraming dalang sandata dahil sa nakaraan at sawing tangka nila, sa ibang bahagi ng bulu-bundukin ng Cordillera, laban sa mga “Ygolotte” (bulol ng Español sa “Igorod,” “tagabundok” sa wikang Ilocano) nuong 1624. Balak ng mga frayle at ng hukbong Español na magtatag ng isa o higit pang kuta sa baybay ng ilog Chico upang magsilbing landas mula Ilocos hanggang sa libis Cagayan (Cagayan Valley). At upang makalusot sa mga Ifugao at iba pang tagabundok na buong bangis hinadlangan ang kanilang pagtawid sa Cordillera. Natuklas nila mula nuong 1663 na kasing bangis ang mga tagabundok sa bayan ng mga Kalinga. |
Ang pangkat ng mga Gamunang ang sumagupa at, sa matagal subalit walang tigil na labanan, pumatay sa mga Español. Gamit ng mga tagabundok ay mga sibat (lancias, spears), malalaking tipak ng bato, at mga palakol na pamugot-ulo (head axes), - tangi sa mga pugot-ulo (headhunters). Nadaig nila ang mga baril at iba pang sandata ng Español dahil sa tarik ng mga bundok at sukal ng mga gubat na bumabalot duon.
Humingi ang mga Español ng tulong mula sa libis Cagayan subalit walang dumating. Napilitan silang umurong pabalik sa Cagayan, at mahigit 100 taon bago muling nagtangka ang mga Español na pasukin ang Cordillera. Paulit-ulit isinasalaysay ng mga taga-Cordillera hanggang ngayon kung gaano kabilis nagtakbuhan ang mga Español nuong 1663 - 1664. Hindi raw tuloy inabutan ng mga mandirigma mula sa timog na naglakbay upang tumulong sanang labanan ang mga dayuhan. |
ANG gulo ay nagsimula nang tahimik 2 taon sa nakaraan, nuong 1783, nang nakapag-tatag ng isang mision sa Bulanao ang 2 frayleng Dominican, sina Fray Zubieta at Fray Loyola. Hindi sila sinalungat ng mga Kalinga sapagkat mapayapa at maka-tao sila, subalit malupit ang mga sumunod na pinuno at sundalong Español, matakaw sa buwis at lupa, at nagdala ng bulutong (smallpox). Kaya nang nagtakbuhan nuong Abril 1785, kabilang ang 80 maysakit na hindi nakatayo, pati mga bata, at itinakas na lamang ng mga kamag-anak, bitbit sa mga duyan (hammocks). Sumabay sila nang tumakas si Lagutao, isang ‘mengal’ o matandang pinuno ng kanyang baranggay sa Duma-atal, bandang 25 kilometro sa silangang timog (southest) ng Camarag. Upang makalayo sa mga Español, sumama rin ang 2 ‘mengal’ ng Camarag, sina Gumpin at Baguatan, pati ang 800 mandirigma (guerreros, warriors) mula sa Camarag, Carig at Angadanan. Kasama rin si Baladon, ang ‘managanito’ o taga-dasal (priest) sa lumang palataya (religion) ng mga katutubo (natives). Painut-inot ang takas nina Lagutao at ng mga mandirigma sapagkat marami sa 1,200 kasama nila ay mga matanda, mga babae at mga bata. At mga maysakit. Nagkaruon tuloy ng panahon si Mateo Cabal, comandante ng Español, na mag-ipon ng 500 sundalo mula sa Gamu, Furao, Calanusian, Cauayan, Carig, Bagabag, Lumabang at Bayombong (punong lungsod o capital ng Nueva Vizcaya ngayon). |
|
Nuong Abril 5, 1785, inabutan ng mga sundalong Español ang pangkat nina Lagutao sa ‘rancho’ (tawag ng Español sa baranggay ng mga hindi catholico) ng Payac. Dalawang araw pinagba-baril ng mga sundalo ang mga mandirigma na walang sandata kundi mga pana at palaso (bows and arrows), at mga kampilan (espadas, swords). Napatay si Lagutao at karamihan ng mga mandirigma.
Nakatakas ang pangkat ni Baladon, ang taga-dasal, at naka-abot sa bulu-bundukin ng Sierra Madre, sa silangang gilid ng Luzon, dahil iniwan |
nila ang bakbakan at ang maraming matanda, babae, bata at mga maysakit - karamihan ay napatay. Lahat ng mga maysakit na bitbit sa mga duyan ay namatay. Nabihag ang iba pa, at nakamkam ng mga Español ang mga ari-arian ng mga bihag - mga kalabaw at kagamitan, mga damit ay palay (arroz, rice).
Napuksa ang pangkat ni Lagutao, subalit tinuturing na tagumpay ang kanilang alsa sapagkat mahigit 100 taon bago nagtangka uling sumalakay sa Cordillera ang mga Español. |
PATAPOS na ang panahon ng Español sa Pilipinas - bagaman at walang naghinala nuon - nang subukan uling pasukin ng mga frayle at mga sundalo ang bayan ng Kalinga sa bulu-bundukin ng Cordillera. Magkasabay at mula sa magkabilang panig ng Abra at ng Bontoc ang binalak nilang pasok, magtatagpo sa pusod ng Kalinga. Taglay ang mga mas mainam na baril at iba pang makabagong sandata, nagtagumpay ang tangka ng mga Español mula sa Abra at nakapagtayo sila ng isang kuta (garrison, military outpost) sa Balbalasang, sa Balbalan. Bandang 1896, nakapagtatag din, sa wakas, ang mga Español sa Bontoc ng isang kuta sa Basao, sa Tinglayan. [ Bahagi ngayon ng Bontoc o Mountain Province ang Besao, samantalang ang district ng Tinglayan ay isa nang kabayanan (pueblo, town) sa pagitan ng Kalinga at Bontoc. Isa nang nayon ang Balbalan sa gitna ng Kalinga; hindi na matunton kung nasaan ang Balbalasang ngayon.] |
|
Pinilit ng mga Español ang mga ‘Tinggian’ (‘tagabundok’ sa wikang Malay, Itneg ang tawag sa kanila ngayon) sa Abra at 3 taon pinagawa ng daan mula Bangued hanggang Balbalasang. Duon, hinirang nila si Juan Puyao bilang gobernadorcillo (village mayor ang katumbas ngayon, utusan ng frayle ang tungkulin nuon). Pagkatapos, hinakot nila ang mga pinunong Kalinga ng Balbalasang sa Bangued upang sumumpa ng pananalig (homenaje a la corona, oath of allegiance) sa Español. Habang nasa Bangued, pinilit din silang ipangako |
na tutulungan ang mga Español na sumasakop sa bayan ng Kalinga nuon.
Subalit nuon ding taon naitatag ang kuta sa Besao, sumabog sa Manila ang himagsikan (1896 Revolution) ni Andres Bonifacio. Kaya hindi nagtagal pagkabalik ng mga Kalinga sa Balbalasang, nag-alsa balutan ang mga Español at ang kanilang hukbo, kinabilangan ng ilang Ilocano subalit karamihan ay mga Kapampangan. Bumaba sila mula sa Cordillera, sa hindi nila inakalang kahuli-hulihang pagkakataon, upang harapin ang mga Tagalog ng hukbong Katipunan. |
ANG MGA PINAGKUNAN The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |