SUKDULAN na ang babà ng tingín ng mga frayle sa Pilipino nuong ipanganak si Apolinario de la Cruz sa Barrio Pandak sa Lucban, Tayabas, nuong Julio 22, 1815. Español lahat ng frayle, simula’t simula pa hindi na pinayagang sumali ang mga Pilipino o mestizo sa kanilang mga matimtimang lipunan (religious orders) - Recollect, Jesuit, Augustinian, Dominican at Franciscan. Matagal nang nais ng kaharian sa Madrid na mga Pilipino ang humawak ng mga paroco (parishes) sa Pilipinas, upang mabawasan ang lumalagong kapangyarihan at lupain ng mga frayle. Nuon pang 1774, dahil sa angal ni Simon de Anda, governador ng Pilipinas nuong 1770-1776, inutos ni Carlos 3, ang hari ng España, na ibigay sa mga Pilipinong parì ang mga paroco na ‘hawak’ ng mga |
PINUKSA ANG ‘CONFRADIA’ SA TAYABAS, 1841 Hermano Pule: ‘Hari Ng Mga Tagalog’
|
|
![]() |
sumapi sa simbahan, hindi pinayagang mag-frayle. Tapos, nuong panahon ni Apolinario, sinimulan nilang hadlangan pati na ang pagiging parì ng mga Pilipino at mestizo, ang kaagaw nila sa mga paroco.
Kaya nang lumaking matimtiman si Apolinario at paulit-ulit nagtangkang mag-parì, lagi siyang nilibak ng mga frayle. |
|
Samahan lamang ang confradia ng mga mapagpaniwala sa pagsamba at mga hiwaga... Naging mabangis lamang ang mga indio nang usigin si Apolinario at ang kanyang mga ‘kapatid,’ at natuloy sa aklasan dahil lamang sinalakay ng sawimpalad na Ortega, na sobra sa tapang pero kulang sa katwiran... Nagtiyaga na lamang si Apolinario na maging tagapaglinis at alilà (domo, servant) sa ospital ng San Juan de Dios sa Manila, ngunit nang sumapi siya sa kapatid-samahan ng mga mapagdasal (lay brotherhood ) ng Confradia de San Juan de Dios, sinisante siya at napilitang bumalik sa Lucban. Duon, itinatag ng binatilyo at ng 19 kasama nuong 1832 ang sarili nilang kapatiran, ang Confradia de San Jose, para sa mga Pilipino at mestizo lamang, walang Español. Sa loob ng 8 taon, libu-libo ang naging kasapi nila, mga babae at lalaki, sa Tayabas, Batangas, Laguna at Tondo sa Manila. |
Nagpulong-pulong sila sa kani-kanilang bahay upang magdasal at mag-panata (novena), at magbalitaan tungkol sa ibang mga kasapi sa iba’t ibang lalawigan. Nag-sospecha ang mga frayle, itinatwang ‘lihim’ (secret) ang mga pulong dahil walang Español na kasali. Ang talagang takot nila, baka mabawasan ang kapangyarihan nila o tuluyang mapalitan sila bilang tanging tagapamahala ng pagsamba ng mga tao. Kaya pinapak nila ng sulat at paratang si Jose Segui, ang arsobispo sa Manila nuong 1831-1845, mula sa iba’t ibang paroco sa Manila at paligid. Nuong 1840, bilang salungat sa mga paratang, nagsimula ang kapatiran na magpulong nang lantaran ( public prayers) sa Lucban, dinayo ng libu-libong mga ‘kapatid,’ pati mga taga-Batangas at Laguna at paglaon, ng mga taga-Manila. Pagkatapos magdasal at mag-panata, binabasa nila ang mga liham mula kay Apolinario. Nagsiklab si Manuel Sancho, ang frayle sa Lucban. Hindi nagkasiyá sa pag-angal sa arsobispo, dinaluhong niya, hila-hila ang mga tanod-bayan (alguaciles, police), ang mahigit 500 ‘kapatid’ na nagpulong nuong Octobre 19, 1840 at ipinadakip ang 243 babae at lalaking hindi nakatakas, kabilang ang mga abogado at mga kilalang tao mula Manila at Laguna. Sa anong paratang? Nagdasal? Nag-novena? |
Inutos ni Sancho na ikulong ang mga dinakip subalit pinawalan silang lahat ni Joaquin Ortega, ang alcalde mayor ( governador ang tawag ngayon) ng Tayabas. Problema ng frayle, hindi ng pamahalaan, sabi ni Ortega, kung gustong magdasal ng mga tao sa labas ng simbahan. Binantaan ni Sancho si Ortega na uusigin siya ng simbahang catholico. Sa payo ng mga ‘kapatid’ na abogado, tinangka ni Apolinario na burahin ang sospecha na lihim na sapakatan (secret society) ang confradia. Hiniling niya sa obispo sa Nueva Caceres, Camarines, na kilalanin ang samahan. Pagkatapos sa Audiencia Real sa Manila naman siya lumapit subalit kapwa tumanggi nang kalabanin siya ni Manuel Sancho at ng mga frayleng Franciscan, ang ‘may-ari’ ng teritorio ng Tayabas. Sa dami ng sulat mula sa iba’t ibang paroco, napilitang lumapit si arsobispo Segui kay Marcelino de Oraa, ang governador ng Pilipinas (1841-1843). |
Ipinatawag ni Oraa si Ortega, alcalde mayor ng Tayabas, upang usisain ukol sa confradia. Inutos din niya na dakpin si Apolinario nang nabalitaan niyang nasa Manila ito nuon. Subalit nabigyan ang binata ng babala ng mga ‘kapatid’ sa pamahalaan kaya nakatakas siya. Nuon inutos ni Oraa na lansagin ang confradia. Mula nuon, palihim nang nagpulong at nag-panata ang mga ‘kapatid’ sa kani-kanilang puok, pinaka-malaki sa Majayjay, sa tabi ng Lucban. Pagbalik ni Ortega sa Tayabas, sinimulan niyang hanapin at usigin ang confradia. Nuong Septiembre 18, 1841, natutop ng kanyang mga kawal ang panata sa Majayjay at ilang ‘kapatid’ ang nadakip. Nagtakbuhan ang mga tao at nagtago sa nayon ng Bay, sa tabi ng luok (laguna, lake) na binigyan ng pangalan nito (Laguna de Bay, Lake of Bay). |
|
confradia. Subalit nabigo ang kanyang balak at napilitan siyang magtago na rin sa Bay.
Samantala, nagtungo uli sa Manila si Ortega, ang alcalde mayor, upang sumangguni sa mga pinuno ng pamahalaan at simbahan. Nagkataon naman, ang kalihim (secretary) na iniwan niyang namahala, isang Pilipinong hindi na batid ang pangalan, ay isang lihim na ‘kapatid’ at kampi sa confradia. Sa tulong niya, si Apolinario at ang mga pangkat na nagtago sa Bay ay nakapuslit sa baranggay ng Inlaying Igsabang, malapit sa nayon ng Sariaya. Hindi inaasahan at hindi malaman kung bakit, sinapian sila duon ng mga Negrito, malamang mga Aeta, nagmula sa katabing bundok Banahaw, dala ang kanilang mga pana at palaso. Maraming ‘kapatid’ ay may sukbit ding mga itak at kampit. |
27 taon gulang lamang nuon si Apolinario at sumikat dahil lamang sa galing niyang maakit ang panalig ng mga matimtimang Pilipino. Ang tangka niya, paulit-ulit na nabigo, na kilalanin ng pamahalaan at simbahan ang kanyang confradia ay patibay na pinilit ng mga frayle, dahil sa takot o paglibak, na maging ‘aklasan’ ang kapatiran, at ang pagsupil dito ay isang pagkakamali ng mga pinuno ng Pilipinas nuon...
Mula sa Inlaying Igsabang, hiniling nina Apolinario na payagan silang tumirá sa Lucban. Nakiusap pa ang kalihim kay Sancho, ang frayle ng Lucban, na payagan silang mag-panata sa luob ng simbahan, upang ipakitang wala silang ginagawang masama o mapanganib. Dapat asahan, nabigo lahat ng mungkahi ng confradia. Pagbalik ni alcalde mayor Ortega nuong Octobre 22, 1841, inutos niyang umalis at umuwi lahat ng mga ‘kapatid’ at lansagin ang kapatiran. Tumanggi sina Apolinario kaya kinabukasan, sinalakay sila ni Ortega, kasama ang mga frayle at 300 sundalo ng hukbong Español. |
Mas marami sina Apolinario, tinulungan pa sila ng mga Negrito, kaya nagwagi sila. Napaurong nila ang mga sundalo at napatay pa si alcalde mayor Ortega. Nang nabalitaan ni governador Oraa ang nangyari sa Inlaying Igsabang, nag-ipon siya sa Manila ng mas maraming sundalo. Tumawag din siya ng ilan daang sundalong Kapampangan. Pinagsanib niya itong malaking hukbo sa mga sundalo at mandirigmang inipon ng mga frayle sa Tayabas, at pinalusob sa Inlaying Igsabang. Umurong sina Apolinario sa Alitao, sa paanan ng bundok Banahaw. Nag-panata ang mga ‘kapatid,’ pagkatapos, hinayag ni Apolinario na ililigtas sila ng Diyos mula sa pag-aapi ng mga Español. Naniwala ang mga tao na hindi sila tatablan ng sandata ng mga kalaban, at hinirang nila si Apolinario bilang “hari ng mga Tagalog.” Nuong Noviembre 1, 1841, sinalakay ng mga Español ang Alitao. Matapos ng madugong bakbakan, nagapi ang hukbo ng confradia at pinagpapatay ng mga Español ang mahigit 500 ‘kapatid,’ pati mga babae at mga bata. Nakatakas si Apolinario at ilang pinuno ng confradia subalit tinugis sila at madaling nahuli. Binaril si Apolinario nuong Noviembre 4, 1841. Tapos, pinugot ang ulo niya sa liwasan (plaza, town square) ng Tayabas. Dinala ang ulo niya at ibinitin sa harap ng bahay niya sa Lucban bilang babala sa sinumang magtangkang maghimagsik laban sa Español. |
Tumakas ang libu-libong kasapi ng confradia sa mga bundok ng Banahaw at San Cristobal, at naging mga taga-bundok o remontados mula nuon. Napuksa man ang confradia at nasindak ang mga ‘kapatid,’ hindi naman naibalik ng mga frayle at Español ang pagsunod ng mga taga-Tayabas at timog Laguna. Mula nuon, naging ligalig ang bandang iyon ng Luzon at hanggang natapos ang panahon ng Español, kinilala iyong villas de los ladrones o pugad ng mga tulisan. Samantala, ang mga tumakas sa bundok ay dumami at nagbara-baranggay na sila duon, lalo na ang mga nasa Banahaw, at naging bantog bilang mga religioso. Hanggang ngayon, sumasamba pa ang mga anak-anakan nila duon, dinadayo ng maraming nais ding mag-panata bagaman at sa halip na confradia, tinatawag na silang mga colorum - mula sa mga katagang Latin sa novenang natutunan nila sa Español, ‘sae cula ce colorum amen.’ |
![]() 1843: Nag-aklas si Samaniego sa Manila DAHIL sa malupit na pagpuksa kay Apolinario at sa mga ‘kapatid,’ namuhi ang mga taga-Tayabas na sundalo ng hukbong Español na naka-destino sa Malate, malapit sa Manila. Sa pamuno ng isang ‘sargento Samaniego,’ nakipag-sabwatan sila sa ilang mga sundalo, mga taga-Tayabas din, na nakahimpil sa Fuerza Santiago sa Intramuros. Dalawang magkapatid, kapwa mestizos at pinuno ng regimiento (regiment) sa Intramuros ang namuno sa pagsalakay sa Fuerza Santiago nuong Enero 20, 1843. Pinatay nila ang 5 pinuno ng mga bantay (guardias, sentries), pulos Español - 2 ay likas mula España; ang iba, pati ang isang pang pinuno na nasugatan, ay tubò sa Pilipinas. Nasakop nila ang Fuerza Santiago subalit kinabukasan lamang, nabawi ni governador Oraa dahil ang ibang sundalo ng regimiento, mga Pilipino rin, ay kumampi sa Español at nilabanan sila sargento Samaniego. Tumulong din laban sa mga nag-aklas ang mga Pilipinong taga-cañon (cañoneros, artillerists) sa Intramuros. Pagkaraan ng isang araw, binaril sa Bagumbayan (Rizal Park ang tawag ngayon) si sargento Samaniego at iba pang kasangkot sa aklasan. Samantala, isang dating ‘kapatid’ sa confradia ni Apolinario, si Januario Labios, ay nag-aklas sa Tayabas sa panig ng mga magsasaka. Nalupig din sila ng mga Español. |
||
Naligalig ng aklasan si governador Oraa dahil mga Pilipino halos lahat ng sundalo sa hukbong Español. Pinasiyasat niya agad ang tayô ng hukbo sa Pilipinas kay Juan Manuel de la Matta, ang Intendente de Ejercito y Hacienda (secretary of defense and treasury ang katumbas ngayon, ministro ng tanggulan at yaman-bayan). Hindi nag-isang buwan, hinayag ni Matta nuong Febrero 1843 na panalig sa Español ang mga sundalong Pilipino, karamihan ay mga Tagalog mula sa Manila at paligid. Upang mabantayan ang kanilang katapatan, himok ni Matta, dapat Español lamang ang gawing mga pinuno, hindi mga Pilipino o mestizo, kahit na sa pinaka-mababang hanay, ang mga sargento at cabo (corporal ). Isang dahilan ng pag-aklas, ulat ni Matta, ay mahirap ang buhay ng mga sundalo sa |
kanilang himpilan (cuartel, barracks) dahil inutang ng Madrid lahat ng salapi sa Pilipinas, mahigit 4 milyon pesos. Sunud-sunod kasi ang mga himagsikan at kudeyta (coup d’etat) sa España kaya malaki ang gastos at malamang hindi mabayaran ang utang sa mahabang panahon. Isa pa, sabi ni Matta, kahit na Pilipino ang mga sundalo, napaka-unti nila, nasa Manila lahat at walang sundalo sa mga lalawigan. Kulang din sila sa sandata kaya hindi nila kayang ipagtanggol ang Pilipinas sakaling may ibang bansa na sumalakay.
Samantala, halos kasabay nag-ulat si Sinibaldo de Mas sa Madrid nuong Enero 1843 tungkol sa kalagayan at panalig ng taong bayan sa Pilipinas. Kayang-kayang ibagsak ng mga Pilipino ang pamahalaan ng Español sa kapuluan, sabi ni Mas, pinatibayan ng ‘himagsikan’ ng confradia ni Apolinario de la Cruz. Kahit na raw walang mga pahayagan at tulong ng govierno, nakapag-buo ang isang pinunong Pilipino ng halos 4,000 sandatahan na pumatay sa isang alcalde mayor at humabol sa mga frayle na nakaligtas lamang sa bilis ng takbo nila patakas. Ang mga frayle ang nakatuklas sa ‘himagsikan,’ sabi ni Mas, at sila ang tanging tanod laban sa pag-alsa ng mga Pilipino. |
Kung palitan sila ng mga Pilipinong parì tulad ng utos mula sa Madrid, hindi mapipigil ang pagbuo ng malaking hukbo ng mga indio na magbabagsak sa Español ‘sa isang linggo lamang.’
Datapwa sa 2 ulat, nanatiling mahirap ang mga sundalong Pilipino na patuloy na ipinagtanggol ang pagsakop ng Español sa mga kapwa Pilipino, at nanatiling mahina laban sa anumang bansa na sumalakay sa Pilipinas. Lalong naging malupit ang palakad ng mga frayle subalit patuloy nagsigasig ang mga tao na mapagbuti ang kanilang kalagayan. At hindi napigil ang pagpa-parì ng mga matimtimang indio. Pagkaraan lamang ng 30 taon, muling naghimagsik ang mga Pilipino, sa Cavite naman, at 3 Pilipinong parì ang sumunod kay Apolinario de la Cruz bilang bayani ng bayan, - sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora. |
Ang pinagkunan:
Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy |