Si ‘Diyos Buhawi’ At Si ‘Papa Isio’ “Sa mga lipunan nuong nakaraang panahon, ang pagtu-tulisan ay walang anuman kundi pagkaraniwang alsa laban sa pagmamalupit at pagpapahirap, hiyaw ng higanti sa mga mayaman at mapagsamantala, isang malabong pangarap ng pagpigil sa mga ito, ang pagwa-wasto ng mga kamaliang ipinataw nang walang katarungan. Ang pinaka-hangad ng mga tulisan ay hindi isang bagong paraiso kundi ang ibalik ang dati nilang daigdig ng pakikisama kung saan sila itinuring nang marangal. Karaniwang pailan-ilan lamang, ang pagtu-tulisan ay lumalawak na parang salot kapag ang mga tao, walang alam na ibang paraan ipagtanggol ang mga sarili, ay dumanas ng hirap at higpit. Ang ganitong pagtu-tulisan ay walang alituntunin, walang pamahalaan... Ang paglawak at paglakas ng pagtu-tulisan upang maging talagang himagsikan na, ay bihirang nangyari at, kung walang ibang tumulong, ay walang bisà....” -- Eric J. Hobsbawm, Primitive Rebels, New York, 1963 BUGLAS ang pangalan ng malaking pulo sa pagitan ng Cebu at Panay sa gitnaang Visayas. ‘Putól’ o ‘hiwâ’ ang kahulugan ng lumang pangalan, subalit mas lapat ang ‘buklód’ o ‘hiwaláy’ sapagkat kusang humiwalay ang mga tagapulo bandang 600 - 800 taon sa nakaraan mula sa umuunlad at lumalagong kabihasnan (civilization) ng mga Hiligaynon (Ilonggo) sa Panay at ng mga Sugbuanon (Cebuano) sa Cebu. Sunod ito sa gawi ng mga ‘ayaw hari’ na tumao sa maraming bahagi ng Pilipinas mula pa nuong Unang Panahon (prehistory), tulad sa Mindoro hanggang kailan lamang, at sa mga bundok ng Davao at Bukidnon hanggang ngayon. Ayaw yumuko sa mga mapagsakop, at mapag-buwis, na mga Visaya (Sri Vijaya), tumakas ang mga katutubo sa gubat at bundok ng Buglas at mabangis na lumaban at pumatay sa sinumang mangahas lumapit sa pulo. Ang mga mabangis na tagapulo ang dinatnan ng mga Español nuong 1565 sa tinawag nilang ‘Isla de los Negros’ (Pulo ng mga taong itim, Negroes Island). Dahil naghari sila sa Pilipinas sa sumunod na 333 taon, Negros ang nanatiling pangalan. Dahil naman sa bangis ng mga tagabundok duon, nanatiling kakaunti ang pumasok sa pulo hanggang nuong huling 100 taon na lamang ng panahon ng Español sa Pilipinas. |
|
Dukha (pobre, bankrupt) na nuon ang kahariang Español dahil sa sunud-sunod na digmaan sa Europe, sa España mismo (civil wars) at mga aklasan (revolutions) ng mga bayang sakop (colonies) sa America laban sa paghahari ng España. Nang nagwagi at naging malaya ang Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) nuong 1815, pinutol nito ang lakbayang kalakal (galleon trade) ng Manila at Acapulco, ang tanging hanap-buhay ng mga Español sa Pilipinas. Lalo pang nakalanta, itinigil ng Mexico ang taunang tustos (annual subsidy) sa pamahalaang Español sa Manila. Napilitang kumita sa sariling kayod ang mga Español sa Pilipinas. Isa sa mga paraang pinairal ng kaharian mula sa Madrid ay ang pagpapa-unlad ng pagsasaka (agriculture) sa Pilipinas, at pagtinda (sale) ng mga ani sa mga taga-iba’t ibang bayan sa Europe, at sa United States, na pinayagan nang pumasok at magkalakal sa Pilipinas. Sa pundar at panguna ng mga taga-America, taga-England at iba pang mga taga-Europe, nagsimula ang iba’t ibang pagawain (industrias) sa Pilipinas, tulad ng palay (rice) sa gitnaang (central) Luzon, |
abaca sa Bicol at Davao, at ng matamis na tubo (caña de azucar, sugarcane) sa Negros.
Kaunti at mahina na nuon ang mga ‘maitim’ sa Negros at mabilis silang naitaboy, at naipinid, sa mga bundok sa luoban ng pulo. Pinaghati-hati ang malalawak na lupa sa mga hacienda (estates) at mga gilingan ng asukal (sugar mills) na itinatag ng mga mayamang taga-Manila at mga taga-Europe at America. Humakot ang mga dayuhan ng mga manggagawa (obreros, laborers) at mga ‘kasamá’ (farm workers) mula sa Cebu, subalit daig karamihan ng mga dumagsa sa Negros ay mga Ilonggo at iba pang mga tagapulo ng Panay. Mga mahirap (pobres, poor) at hampas-lupa (farmers), walang naipagbili at naipagpalit ang mga Ilonggo upang kumita kundi ang kanilang pagod at pawis, tulad ng mga OFW (overseas Filipino workers) ngayon. Subalit ibinaon sila sa utang ng mga malupit (merciless) at mapaghamak (exploitation) na mga hacenderos at naging mistulang mga alipin (esclavos, serfs). Nang hindi na nakatiis, naghimagsik sila nuong 1887. |
Nuon, naipon na ng ilan-ilang hacenderos lamang ang lahat ng yaman sa Negros. Yumaman sila parang mga hari dahil mula nuong 1850, lumago ang ani ng asukal mula 4,000 picul hanggang umabot ng 2 milyong picul. Samantala, dumami ang mga “sacada” - ang mga hampas-lupang manggagawa sa mga hacienda ng asukal - mula 18,000 hanggang 200,000, karamihan ay mga Ilonggo. Upang hindi ipabahagi ang kanilang bagong yaman, gumamit ng anumang paraan ang mga hacenderos upang panatiliing dukha at nagsisilbi ang dagsang “sacada” sa kani-kanilang hacienda. Isang paraan ay ang paggamit ng mga “kapatas” (cacique, foremen) na namahala, nagsamantala at nagparusa sa mga “sacada” sa pamamagitan ng palo ng bakawan o kawayan (bamboo). Ginamit din ng mga hacenderos ng kanilang “kapit” sa pamahalaang Español sa Manila - marami sa mga hacenderos ay oficiales mismo ng pamahalaan sa Negros - upang palawakin ang kanila mga hacienda. Ninakaw pa (landgrabbing ang tawag ngayon) ang maliliit na bukid ng mga hampas-lupa. At ipiniit at pinarusahan, binigti pa ang ilang hampas-lupa o “sacada” na umangal o lumaban. Daan-daan sa mga “sacada” at hampas-lupa ang hindi nakatiis at tumakas, namundok at naghanap-buhay na lamang sa pagnanakaw at pagtu-tulisan. |
Isa sa mga takas si Dionisio Magbuelas, anak ng mag-asawang dumayo sa Negros mula Antique o Iloilo, sa katabing pulo ng Panay. [ Hindi na matiyak ang talagang pangalan ni Dionisio, sinulat na “Sigobela,” “Magbuelas” o “Seguela” sa iba't ibang ulat. Malamang “Buwilas” ang tunay na pangalan, batay sa bulol at mali-maling sulat ng Español sa mga katutubong pangalan - ang “Segobela” at “Seguela” ay katunog ng “si Ka Bela” o “si Ka Guela”samantalang ang “Magbuela” ay katunog ng “Mang Buwelas.” Alin man, pagtagal-tagal, iniba ni Dionisio mismo ang kanyang pangalan, at hindi na ginamit ang kanyang apelyido (family name). ] Nagsaka ang kanyang mga magulang sa isang munting bukid na nilinis nila mula sa sukal ng gubat sa Himamaylan. Bata pa si Magbuelas nang agawin ng isang hacendero ang kanilang maliit na bukid, at napilitang mag-squatter na lamang silang magpa-familia sa Payao, sa Binalbagan. Pagkamatay ng kanyang mga magulang, naghanap-buhay si Magbuelas bilang magtu-tuba, ang alak na gawa mula sa dagta ng punong niyog. Pagkatapos, nag-“sacada” siya sa hacienda ni Carlos Gemora sa kabayanan ng Ilog. Nuong 1880, ang 34 taon gulang na Magbuelas ay tagapag-alaga ng kalabaw at baka sa hacienda ng mga Montilla sa Tinungan nang nakabakbak niya ang isang Español na nasugatan nang malubha. Sa takot na madakip at makulong, tumakas si Magbuelas sa bundok Kanlaon, 2,645 metro ang tayog sa silangan ng La Carlota, at sumama sa iba pang mga takas sa gubat. |
![]() [ Ang pinaka-sikat na pagsambang katutubo ngayon ay ang “colorum” sa bundok Banahaw sa banda ng Tayabas. Sila ang anak-anakan (descendants) at mga tagapagmana (heirs) ng aklasan ni Hermano Pule nuong 1845. Hanggang ngayon, libu-libong tao ang umaakyat at sumasamba Banahaw taon-taon. ] Ayon sa patakaran ng Español laban sa sinumang ayaw pailalim sa frayle, itinatwa bilang “rebeldes” ang mga takas sa Negros, pati na si Magbuelas at ang mga “babaylan” na kanyang sinapian. Ngunit may isa pang dahilan naparatangan ang mga “babaylan” - upang magka-pagkain, sila ay nag-tulisan (bandidos, outlaws). Kakatwa, alagad ng mga Español ang unang nag-aklas si Negros. Pinuno ng barangay (cabeza de barangay, village head) sa Zamboanguita (sa Negros Oriental ngayon) si Ponciano Elofre. Bilang cabeza, 2 pinaka-malaking tungkulin niya ay umipon ng mga tao na nag-trabajo nang walang bayad (tinawag na polo), at kumalkal ng buwis (taxes) para sa mga frayle at mga Español. Nuong 1887, hindi sapat ang mga buwis na nakalkal ni Elofre kaya pinarusahan siya ng mga Español. Binugbog ang ama niya, si Cris Elofre, hanggang namatay. |
|
Naghimagsik si cabeza Elofre at hinikayat ang kanyang mga tao na mamundok at labanan ang pagbu-buwis sa kanila. Sa mga bundok, nakaharap nila ang mga nagtatagong mga babaylan. Upang maakit sa kanyang aklasan, binansag ni Elofre ang laya ng mga tao na sumamba sa anumang nais nila (religious freedom). Pagkasapi nila, umabot ng 2,000 ang mga nag-aklas ni Elofre, sapat nang dami upang mabagabag ang mga Español sa Negros, at tinawag silang lahat na mga “Babaylanes”. Sa kabilang panig, iba ang itinawag ni Elofre sa sarili, “Dios Buhawi” (storm god), at ang kanyang mga kabig ay tinawag na mga “buhawi”.
Nuong Agosto 1888, sinalakay ng mga “buhawi” ang kabayanan ng Siaton sa tabi ng Zamboanguita subalit tinalo sila ng mga Español at ng mga Guardia Civil. Napatay si Elofre, ang “Dios Buhawi”. Tulad ni Gabriela Silang sa Ilocos mahigit 100 taon sa nakaraan, ipinagpatuloy ng kanyang asawa, si Flaviana Tubigan, ang aklasan subalit kulang siya sa galing at kakayahan. Muntik nang nalansag ang pangkat “Buhawi” at nasagip lamang nang namuno si Ka Martin de la Cruz (ang “ka” ay “kuya,” “kapatid” o “kasama” sa mga unang wika sa Pilipinas), dating taga-Tolong (sa timog Negros Oriental ngayon) at “kanang kamay” (ayudante, lieutenant) ni Elofre. |
Lumusob at nagnakaw ang mga “babaylan” sa mga hacienda at mga kabayanang pinamamahalaan ng mga frayle at mga Español at mga Guardia Civil. Wala silang nagawa laban kay Ka Martin, kaya ginamit nila ang kasintahan nito, si Alfonsa Alaidan, bilang pain (cebo, bait) sa isang bitag (trampa, trap). Nahuli at napatay nila si Ka Martin nuong Septiembre 11, 1893. Uli, muntik nang nalansag ang mga “babaylan” nang tumakas ang mga nag-aklas, kabilang si Dionisio Magbuelas. Buti na lamang, nuon pang 1887, nagsimula nang bumuo ng sariling pangkat si Magbuelas bagaman at nanatili silang kasapi sa mga “babaylan”. Pagkapatay kay Ka Martin, hinikayat ni Magbuelas na sumapi sa kanyang pangkat ang lahat ng mga “bahawi” at “babaylan”. “Isio” ang palayaw ni Magbuelas, mula sa “Dionisio” na binyag niyang pangalan (christian name). Sa pulong ng mga “babaylan” sa Himamaylan (sa Negros Occidental ngayon), agad niyang itinanghal ang sarili bilang sugo ng Diyos at, dahil dito, tinawag niya ang sariling “Papa” Isio, tulad ng catholicong “papa” (pope) sa Rome. Ginamit niya ang mga naipong damit at kasangkapan ng simbahang catholico at inatasan ang mga “babaylan” na sundin nang tapat lahat ng utos niya, bilang alagad ng Diyos sa lupa. |
![]() Sa bundok Kanlaon sila inabutan ng bulabog nang sumabog ang himagsikan ng Katipunan ni Andres Bonifacio sa Manila nuong Septiembre 1896. Hinakot ang mga sundalo mula sa Mindanao at Visayas, pati na sa Negros at Panay, upang tumulong sa pagpuksa sa Katipunan, lumuwag nang bahagya ang higpit ng mga frayle at mga Español sa Negros. Nagkaroon ng pagkakataon ang maraming hampas-lupa na tumakas mula sa mga haciendas at sumanib kay “Papa” Isio. |
Lubusang niyakap ni “Papa” Isio ang diwa ng himagsikan. Itinanghal niyang layunin ang palayasin ang mga Español at iba pang mga dayuhan mula sa Negros. Nilayon din niya, tulad ng Katipunan sa Manila, na hati-hatiin ang mga hacienda at iba pang lupain sa Negros at ibigay sa mga tao. Naging sigaw ng mga “babaylan” mula nuon ang “Viva Rizal!” (“Mabuhay si (Jose) Rizal!”), “Viva Felipinas libre”(“Mabuhay ang malayang Pilipinas!”) at “Kamatayon sa Katsila!” (“Kamatayan sa mga Kastila!”). Dumami at lumakas ang mga “babaylan” at lumawak ang kanilang pangungulimbat, subalit dumami rin ang kanilang mga kalaban. Kumampi sa mga frayle at mga Español ang mga principales, mga katutubong pinuno at mga mayaman sa mga kabayanan, upang ipagtanggol ang kanilang mga ari-arian. Simula nuong Deciembre 1896 hanggang Septiembre 1898, ilang ulit sumugod sa bundok ang mga Español upang puksain ang mga “babaylan.” Marami sa mga “babaylan” at mga “buhawi” ang napatay at nasugatan, subalit laging nabigo at napaurong ang mga Español. |
![]() Nakipagpayapa pa sila kay “Papa” Isio na bumaba ng bundok at malayang lumigid-ligid sa Negros bilang pinunong militar ng La Castellana subalit hindi nagtagal ang kunyaring “republica,” wala pang 3 buwan. Pagsipot na pagsipot ng sandatahang dagat (navy) ng America sa tapat ng Bacolod nuong Febrero 2, 1899, isinuko sa kanila ni “Presidente” Lacson ang “republica” at pumayag na pailalim sa bagong pamahalaan ng mga Amerkano sa Manila. Itinatwa sila ni “Papa” Isio bilang mga taksil (traidores, traitors) at muling namundok. Dumalas ang paglusob ng mga “babaylan” sa mga hacienda at lumago ang kanilang mga nakaw, karamihan sa banda ng La Carlota at Isabela sa gitnaang (central) Negros. Nuong 1899 lamang, ilang kabayanan ang nilusob at sinunog. Sinunog din ang 56 haciendas, karamihan ay pag-aari ng mga mayamang Ilonggo. Pinatay din ang 12 hacenderos na Ilonggo; may 40 pang hacenderos na tumakas at umalis na sa La Carlota. “Ang himagsikan sa Negros,” hayag nuong 1901 ni Colonel James Smith, ang pinunong Amerkano sa Negros, “ay hindi laban sa United States kundi laban sa mga hacenderos.” |
|
Dahil sa lagim na pinalaganap ni “Papa” Isio, lalong dumami ang mga sumapi sa himagsikan. Mayroon na siyang ilang libong tauhan subalit paglusong ng mga Amerkano sa Negros, lalong dumami ang mga hampas-lupa at mga “sacada” na tumakas at sumanib sa himagsikan dahil nakita nilang walang pagbabago na gagawin ang mga Amerkano, at mananatili silang mga alipin ng hacenderos. Pati ang mga Guardia Civil sa Negros, dahil wala nang “republica” na nagbabayad sa kanila, ay tumiwalag at sumapi kay “Papa” Isio.
Sinimulang mag-sermon si Isio sa kanila tungkol sa mga luwalhati at biyaya na makakamit nila kapag sila ay nagkamit ng kalayaan. Mistulang paraiso ang matatamasa sa Pilipinas, pahayag ni Isio, kapag napalayas nila ang mga dayuhan sa sumasakop sa bayan. Naglabas pa si Isio ng sariling watawat (bandera, official seal), paghayag ng “Gobierno Revolucionario de Negros” (Pamahalaang Himagsikan ng Negros). Sa loob ng unang 6 buwan nuong 1899, nahuli ni Isio ang kalooban ng lahat sa Negros, maliban sa mga nasa mga kabayanan na kumampi sa mga sundalong Amerkano. Pati ang mga Katipunero sa katabing pulo ng Panay ay humanga kay Isio at nagpadala ng tulong. Nang kumampi sa Amerkano ang mga hacendero sa Negros, si Isio ang itinanghal ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo: Hinirang siyang koronel ng Katipunan. |
Sa kabilang dako, tinangka ng mga Amerkano na supilin ang mga babaylan at ang himagsik ni Isio. Pagkalusong na pagkalusong sa Negros, nagtatag sila ng mga tanggulan (garrisons) sa mga kabayanan at malalaking haciendas. Sa sumunod na 3 taon, paulit-ulit na inakyat ng mga sundalo ang mga bundok, pati ang mga pook na hindi napasok ng mga Español kailan man, upang wasakin ang mga himpilan at pagkain ng mga nag-aaklas. Napilitang magtago sina Isio subalit hindi sila napipilan kahit minsan sapagkat ikinubli, pinakain at ipinagtanggol sila ng mga taga-Negros. Pagkaraan ng 3 taon, hinayag ng mga Amerkano nuong 1902 na tapos na ang digmaan sa Pilipinas (Philippine-American War), ginapi na nila ang “Katipunan” ni Aguinaldo na sumumpa na ng panalig (allegiance) sa United States. Sa Negros, umalis na ang mga sundalong Amerkano, pinalitan ng mga Constabulary - mga sundalong Pilipino sa ilalim ng mga opisyal na Amerkano. Panahon na upang palayain ang Negros mula sa pag-api ng hacenderos, pahayag ni “Papa” Isio. Simula nuong Octobre 1902, tinipon niya ang bawat pangkat ng mga “babaylan” sa ilalim ng kanyang kanang kamay, si Delmacio, isang veteranong tulisan. Mula sa bundok, tumahak ang mga babaylan patungo sa Bacolod. Bawat hacienda na nadaanan nila ay ninakawan, winasak at sinunog. At bawat hampas-lupa na nasalubong nila ay sumanib sa kanila. |
![]() Naglaho ang lakas ni “Papa” Isio na lusubin pa ang mga hacienda. Sinamantala ito ng Constabulary, pinalawak sa buong pulo ang kanilang mga patrol upang supilin ang salakay ng mga babaylan. At upang putulin ang pagkampi ng mga tao sa aklasan, pina-iral ng Constabulary ang tuntuning pantay-pantay ang turing sa lahat, mahirap o mayaman, sa harap ng batas (ley, law). Sa kauna-unahang pagkakataon, natigil ang pagsamantala at pagmalupit ng mga hacendero at nakalasap ng katarungan (justicia, justice) ang mga dukha at hampas-lupa sa Negros. Unti-unting naglaho ang pagkahaling ng mga taga-Negros sa mga babaylan at kay “Papa” Isio. |
|
Nuong 1907, natanto ng mga Amerkano na naagaw na nila ang tiwala ng mga tao mula sa mga babaylan. Sinimulan nilang lusubin ang bawat bundok na maaaring pagtaguan nila “Papa” Isio. Nanghina nang lubha ang mga babaylan sa kawalan ng tulong at pagkain mula sa mga tao kaya hindi nagtagal, napipilan si “Papa” Isio. Nuong Agosto 16, 1907, napilitan siyang sumuko kina Lieutenant (teniente) J.S. Mohler at Captain (capitan) JohnWhite, mga pinuno ng Constabulary tumutugis sa kanya. Ikinulong si “Papa” Isio at bibitayin sana subalit pagkaraan ng 2 taon, inutos ni Colonel James Smith, governador sa Negros nuon, na iwaksi ang hatol ng kamatayan (death penalty) at ikulong na lamang nang habang buhay (life sentence) si “Papa” Isio na, hayag niya, ay “nasiraan na ng bait”. Namatay si “Papa” Isio sa luob ng kulungan, ang unang (viejo, old) Bilibid Prison, sa Manila, nuong 1911. |
Ngayon, itinatanghal na bayani si “Papa” Isio. Nuong Noviembre 2009, isang parangal sa kanya ang iniladlad nina Mayor Renato Malabor ng Isabela, Ambeth R. Ocampo ng National Historical Institute at iba pang officials ng Negros Occidental. Hayag sa parangal:
Dionisio Magbuelas
Kilala bilang pinunong pangrelihiyon sa Negros, nagtatag ng kilusan na nakatalaga sa Isabela upang tutulan ang pagmamalabis ng mga Espanyol, 1896. Hinirang bilang punong militar ng La Castellana sa ilalim ng pamahalaang cantonal ng Negros, Nobyembre 1898. Lumaban sa mga Amerkano, 1899-1907 sumuko 6 Agosto 1907. Nahatulan ng kamatayan sa salang bandolerismo. Ibinaba ang hatol sa habang buhay na pagkakabilanggo, 1907. Yumao sa Bilibid prison sa Maynila, 1911. At ngayon, sa Negros Occidental, ipinagdiriwang taon-taon ang fiesta ng mga babaylan bilang parangal sa mga nag-aklas laban sa mga manlulupig. |
ANG MGA PINAGKUNAN:
Ulitin mula sa itaas
Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas
Aklasan
Ng Mga Charismatic Pinoy
|