‘Nais Kong Mamatay Sa Piling MUNTI lamang ang pulo ng Limasawa sa pagitan ng Leyte at Mindanao subalit malaki ang naging bahagi sa unang kasaysayan ng Pilipinas. Una, dinalaw ito ng mga unang dumating na Español, ang pangkat ni Ferdinand Magellan, nuong Marso, 1521. |
|
Pagdating ng sunod na pangkat ng Español, sina Miguel Lopez de Legazpi, nuong 1565, nagtungo rin sila sa Limasawa upang tuntunin ang nilandas ni Magellan. Isa sa mga sumalubong sa kanila si Bancao, isang pinuno ng Limasawa at unang nagbigay ng pagkain at tubig kina Legazpi.
[ Kaiba ang ulat na ito ni Pedro Murillo Velarde kaysa sa ulat ni Legazpi mismo nuong 1565. Baka hindi nabasa ni Murillo ang salaysay ni Legazpi subalit sapagkat kalawakan ng panahon ng Español nuong 1747 nang isulat ito ni Murillo, mas malamang “nilinis” niya ang larawan ni Legazpi, isang marahas at malupit na conquistador, at pinalabas na marangal at mahinahong gobernador. Itong “pinalinis” na larawan ang ginagamit pa hanggang ngayon sa mga paaralan sa Pilipinas.] Binata pa nuon si Bancao, nagpabinyag siyang catholico at tinulungan niya sina Legazpi. Dahil dito, binigyan siya ng liham ng pasalamat mula kay Felipe 2, hari ng España nuon. Hindi inakala ni Bancao - wala kahit isang Pilipino ang naghinala nuon - na ang mga Español na nakipag-kaibigan sa kanya ang sasakop at magha-hari sa buong kapuluan at magpapataw sa |
kanila ng buwis, pahirap at pag-utos nang walang tutol.
Pagkaraan ng 57 taon ng pagsisilbi sa mga Español, napanghal na si Bancao. Bandang 70 taon gulang na siya, halos hindi na maka-lakad at nabuhay na lamang sa tulong ng 2 anak at ng isang kaibigan, si Pagali, sa katabing pulo ng Leyte. Nais kong mamatay sa piling ng aking mga ninuno. Ito ang paliwanag ni Bancao nang ipasundo niya ang mga babaylan, ang mga pari ng lumang panampalataya ng mga katutubo. Sa isang ligaw na gulod, nagpatayo rin siya ng pinagpalang simbahan (iglesia sagrado, holy church) para sa mga diwata, ang mga diyos dati ng mga katutubo, at para sa mga añito, ang mga kaluluwa ng kanilang mga ninuno. Lihim silang sinalihan ng mga tagapulo mula sa 6 baranggay sa pali-paligid, at naging malaganap ang pagsamba ng mga Waray-Waray sa kanilang mga dating bathala. |
![]() Sa dami ng sumaping mga taga-baranggay, hindi nanatiling lihim sa mga frayleng Español ang pagbalik ng mga babaylan na mahigit 50 taon na nilang inusig at pinatay. Sinimulan nilang hanapin muli ang mga ito. Nang sumabog ang himagsikan ni Tamblot sa Bohol nuong 1622, lalong naging masugid ang pag-usig ng mga frayle samantalang umasa naman sina Bancao na magwawagi ang mga taga-Bohol at magiging malaya na sila sa pagsamba sa kanilang sariling panampalataya, at makala-laya na rin mula sa walang tigil na pagkalkal ng buwis at pa-trabajo ng mga frayle. |
|
Hinihintay nina Bancao kung ano ang mangyayari kina Tamblot. Bandang katapusan ng 1622, halos isang taon na ang nakaraan at nainip na ang mga Waray-Waray sa kahihintay. Sinimulan ng mga taga-Carigara ang aklasan. Pagkarinig ng balita, agad nanawagan si Bancao at mabilis lumawak ang himagsikan sa buong Leyte. Hindi nila sinunog ang mga simbahan o winasak ang mga estatwa ng santo, subalit itinatwa nila ang mga Español at ang mga pangaral ng frayle. Wala nang nagsimba o nagsilbi sa mga frayle at namatay ang pagsamba ng catholico sa Leyte. | Sagsag ang isang frayle, si Melchor de Vera, at humingi ng tulong sa Cebu. Nag-ipon ng ilang Español si Juan de Alcarazo, ang governador ng Cebu at pinuno ng hukbo (maestro de campo) sa buong Visayas. Katatapos pa lamang nuon puksain ni Alcarazo ang aklasan ni Tamblot sa Bohol kaya buo pa at handa ang kanyang hukbo. Dinala niyang lahat ang mahigit 1,000 mandirigmang taga-Cebu at, sakay sa 40 parao, bangkang pandagat ng mga katutubo na tinawag ding caracoa, naglayag upang lupigin ang himagsikan ng mga Waray-Waray sa Leyte. |
![]() Narating ng mga Español ang simbahan (capilla, chapel) ni Bancao sa gulod. Hinabol nila ang mga tumatakas na Waray-Waray. Dahil matanda na at hindi nakatakbo nang mabilis, madaling inabutan si Bancao, pasan-pasan na lamang ng 2 alalay. Tinuhog siya ng sibat ng isang sundalong Español. Tapos, pinugot ang kanyang ulo at itinusok sa dulo ng sibat na itinarak kung saan nakita ng maraming tao. Upang matakot ang mga indio, pahayag ng mga frayle. Sa mga sumunod na araw, hinabol at pinagpapatay nina Alcarazo ang mga tumakas na Waray-Waray. Pinag-initan nilang maigi ang mga babae at mga bata na nakasuot ng puti. Pinagbintangang mga babaylan, pina-patay silang lahat sa utos ng mga frayle. Upang lalong matakot ang mga tao, inutos ni Alcarazo na barilin ang 3 bihag na Waray-Waray. Tapos, inutos niyang sunugin nang buhay ang isa sa mga nabihag nilang babaylan. Pati ang anak na lalaki ni Bancao ay pinugutan ng ulo. Ang anak naman niyang babae na nabihag din ay ginawang alipin. Pinugutan din ng ulo ang isang Waray-Waray na hinuli dahil ninakawan daw ang isang frayle, si Fray Vinancio. Inilantad ang pugot na ulo kung saan umano ginawa ang pagnakaw. |
|
ANG PINAGKUNAN
Historia Dela Provincia de Philipinas dela compania de Jesus 1616-1716, by Pedro Murillo Velarde, SJ, Manila, 1747, Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |