Caraga NILAPASTANGAN  SA  CARAGA, 1629:   Native Uprising Sweeps Eastern Mindanao in 1629

Naghimagsik  Si  Mang  Abu  Nuong  1629

Ayon kay Ferdinand Blumentritt, ang kaibigan ni Jose Rizal sa Germany, natagpuan ng mga taga-Europe ang mga “Tagaboloyes” sa bandang kanluran ng Bislig at Caraga, 2 kabayanan sa silangang baybayin ng Mindanao. Sila raw ang
tinawag na “Igorrotes” ni Sinibaldo Mas, kilalang manalaysay nuon. Maputi raw ang balat kaya maraming sapantahang “mestizo” sila ng mga nagmula sa China o Japan. Mula nitong 1629 ulat hanggang nuong panahon ni Rizal,
pinagkamalang “Tagaboloyes” ang mga Mandaya. Ngayon, alam nang sila ay 2 magka-ibang pangkat.

HINARAP ni Mang Abu ang conquistador na Español at sinita: “Bakit mo binibihag ang mga kanayon namin? Bakit mo sila ipinagbibili bilang mga alipin?”

Tanyag ang tapang ni Mang Abu (tinawag na Mongabo sa ibang ulat), kinilalang pinuno ng mga Mandaya (tinawag ding Tagabaloi nuon) sa Caraga, malaking lalawigan nuong 1629, sakop ang lahat ng kasalukuyang Surigao del Sur at Davao Oriental. Kaya kahit nag-iisang humarap si Mang Abu sa capitan na may kasamang 20 sundalong Español, walang nagsa-isip na tumulong sa kanya.

Itinuring na pangahas si Mang Abu at nagalit ang capitan, si Juan Bautista, kilalang sipsip (adulador, toadie) at mapagsamantala, na bagong dating mula sa Manila. Hinamak niya at pinagmumura ang indio (tawag ng mga Español sa mga katutubo) at, nang hindi nakuha sa sigaw ang matapang na Mang Abu, binayo niya at itinulak. Natumba at humandusay sa lupa si Mang Abu. Sinipa siya ilang ulit ni Bautista. Sumipa rin ang ibang sundalong Español bago umalis ang pangkat, hila-hila ang mga Mandaya na dinukot nila sa iba’t ibang baranggay sa paligid ng Caraga upang ipagbili sa mga mang-aalipin (slave traders).

Malakas ang loob ni Bautista dahil ‘malakas’ siya kay Juan Niño de Tabora, gobernador general ng Pilipinas nuong 1626 hanggang 1632. Pinakasalan kasi ni Bautista ang babaing alila (muchacha, servant girl) ni Tabora sa hindi inulat na dahilan. Bilang gantimpala, hinirang siya ng governador na pinuno ng kuta (fuerza, fort) ng Español sa Caraga. Hindi nagtagal pagkarating, lumabas ng kuta si Bautista, kasama ang 20 sundalo niya, upang ‘maghanap-buhay.’ Sumunggab sila sa paligid ng mga tao na ipagbibili nilang mga alipin.

Nagsimula Ang Himagsikan At Lumawak

“Wala silang karapatang gawin iyon,” ulat ng isa sa mga frayleng Recollect na namamahala duon nuon. “Hindi naman Moro ang mga Tagabaloy, at wala silang ginawang masama sa mga Español.” Kaya raw hindi dapat alipinin ang mga Mandaya na tahimik na namumuhay duon, dukha ngunit pantay-pantay at iginagalang ang lahat.

Sugatan at duguan, tumayo si Mang Abu pagkaalis ng mga Español at nilapitan ang mga nakasaksing mga Mandaya:

“Bakit wala kayong ginawa? Hindi ba kayo nahiya, pinabayaan ninyo akong saktan ng mga dayuhan, gayung mas marami kayo at kaya ninyong patayin silang lahat? Bakit hindi ninyo pigilin ang pag-alipin sa mga kasama natin?”

Dala ang mga itak, hinabol ng mga Mandaya ang mga Español at pinatay lahat - si Bautista, ang 20 sundalo, at si Jacinto Cor, isang frayleng kasama sa pangkat. Pinakawalan ang mga bihag na gagawing alipin. Iniwan nila ang mga bangkay at pagbalik kay Mang Abu, sinabi nito sa kanila na gagantihan silang lahat ng mga Español.

“Kaya kailangang patayin na natin silang lahat!”

Mula Sa Basuag Hanggang Caraga

Karipas sa buong paligid ang mga Mandaya at hinikayat ang mga katutubo na puksain ang mga palalong Español. Mabilis na lumawak ang aklasan. Pinatay nila lahat ng Español na nakita, kabilang ang 4 frayleng Recollect. Isa si Juan de Santo Tomas, ang frayle sa Tandang (Tandag ang tawag ngayon), na nagmaka-awa at, nang ayaw patawarin ng mga nag-aklas, ay lumuhod upang magdasal. Tinusok siya ng sibat, tagos sa katawan.

May sinibat ding 2 Recollect na matimtimang kapatid (hermanos, lay brothers) subalit hindi namatay at, pagkaraan ng panahon, tinubos (rescate, ransom) ng mga frayle.

Lumusob ang ibang Mandaya sa kuta ng mga Español, subalit nabalitaan na ng mga ito ang aklasan at naipinid nila ang mga pintuan at naghanda ng tanggulan. Nabigo ang salakay ng mga kampon ni Mang Abu at ipinasiya nilang kulungin na lamang ang mga nasa kuta hanggang mamatay sa gutom.

Nagimbal at nasindak, nagpulong ang mga pinunong Español sa kuta nila sa Tandag, na pinaligiran ng daan-daang bangka ng mga Mandaya upang walang makapasok na tulong o pagkain.

Mga Cebuano Ang Kumalaban

“Wala tayong sapat na lakas upang gapiin sila!”

Nagkaisa ang mga pinuno at pinapuslit nila ang isang frayle, si Jacinto de San Fulgencio, upang humingi ng tulong sa Cebu.

Pagkarinig ng ulat ng frayle, agad nagpasabi sa Manila ang alcalde mayor (katumbas ng provincial governor ngayon) ng Cebu. Pagkatapos, bumuo siya ng hukbong dagat (armada, fleet) upang tulungan ang mga napipilan sa Tandag hanggang makarating ang saklolo mula sa Manila. Piniling pinuno ng hukbo si capitan Juan de Chaves, ang encomendero ng Caraga subalit sa Cebu nakatira. Sumama pabalik sa Tandag si San Fulgencio, ang frayle.

Dumaan ang hukbong dagat sa Basuag, isang malaki at mayamang baranggay sa gilid ng dagat Pacific. Natuklasan nila duon ang nabubulok na bangkay ng mga Español na pinatay at iniwan ng mga nag-aklas. Inilibing nina Fulgencio ang mga bangkay bago sila nagtuloy sa Tandag. Naitaboy nila ang mga bangka ng mga nag-aklas at napalaya ang mga nasukol na Español sa loob ng kuta.

Lumigid ang mga frayle sa mga katutubo, hinikayat nilang itigil na ang aklasan. Dumating din ang mga sundalo mula sa Manila, kasama ang mga frayle na

At Tumalo Sa Himagsikan

sumugod upang usigin ang mga nag-aklas. Hinayag na patatawarin ang mga nag-aklas na sumuko subalit bibitayin ang mga pinuno nila. Unang-una sa listahan ng pangalan ni Mang Abu.

Walang tigil na ipinagtanggol si Mang Abu ng mga anak, pati ng mga frayle na kaibigan niya, hanggang pumayag ang mga Español at pinatawad siya. Dahil dito, nagpabinyag si Mang Abu at naging catholico. Kinatatakutan siya at iginagalang sa buong baybayin kaya ang pagpa-binyag niya ay nakatulong, hindi lamang sa pagtigil ng aklasan kundi pati na rin sa pagiging catholico ng maraming Mandaya.

Pinarusahan nang buong lupit ang ibang pinuno ng aklasan nuong Septiembre 1629. Nuong sumunod na Mayo 1630, isa pang hukbong dagat ni Martin Larios, ang pinunong militar sa Pilipinas nuon, ang lumigid uli sa silangang baybayin (eastern coast) ng Mindanao upang puksain ang mga nag-aklas.

Napatahimik ang lalawigan ng Caraga, lalo na at nagtayo ng dagdag na kuta ang mga Español, subalit umunti ang mga tao at hindi na muling lumawak ang Caraga sapagkat maraming Mandaya ang umalis. Dumayo sila sa kabilang panig ng tinatawag ngayong Davao, na nagsimulang sumikat mula nuon at naging puntahan ng mga tao na umiiwas sa lupit ng mga Español.

ANG  PINAGKUNAN

Historia general de Philipinas, by Juan de la Concepcion, Sampaloc, Manila, 1788-1792, translated and published in
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Balik sa  Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy