Pangasinan SA  PANGASINAN  NUONG  1762-1765

Naghimagsik  Si  ‘Palaris’

A Bloody Uprising in Pangasinan in 1762-1765

ANG tunay niyang pangalan ay Pantaleon Perez, isinilang sa barrio Culiling sa Binalatongan (ang San Carlos city ngayon) nuong 1733, pang-3 anak nina Catalina Ugnay at Tomas Perez, ang cabeza de barangay. Kapwa lalaki ang 2 niyang kapatid na nauna, kapwa namatay nuong bata pa. Kapatid niyang sumunod si Simeona. Tanging anak na babae, may pagka-tomboy si Simeona at natanyag sa pagpatay ng baboy-damo (verraco, wild boar) nang nag-iisa. Huli niyang kapatid si Domingo, tinawag ding ‘Magalog’ at ‘Kulit’ dahil malikot at mausisa. Nabigyan din ng palayaw si Pantaleon, ‘Palipar,’ dahil matulin siyang tumakbo, nakipaghabulan sa kabayo (cavallo, horse). Sa bilis, ang mga paa niya ay parang pang-ukit na humuhukay sa lupa. Kinilala rin ang kanyang laki, at lakas - nakipaghilaan sa kalabaw (carabao) - kaya tinawag din siyang ‘Higante’ (gigante, giant).

Dahil anak ng cabeza, tinuruan siyang bumasa at sumulat sa wikang Español ng frayleng Dominican (teritorio ng mga Dominican ang Pangasinan nuon). Minsan, nakita niyang ginugulpi ng isang frayle ang isang batang lalaki, pinagsa-sampal at pinagsi-sipa, dahil hindi humalik ang bata sa kamay ng frayle. Sa tanang buhay niya, hindi nalimutan ni Pantaleon itong kalupitan ng Español.

Nang mamatay ang mga magulang, tumuloy silang magkakapatid sa lolo nila. Pagsapit ng ika-22 taon niya, napilitang maghanap-buhay si Pantaleon.

Kahit bahagya lamang nakapag-aral, nakarating siya sa Manila at naging kutsero (cochero, driver) ni Francisco Enriquez de Villacorta, isang don sa Audiencia Real. Natuto siyang magbihis, kumilos at magsalita ala-Manileno kaya pagbalik niya sa Binalatongan, kinilala siyang sikat at marunong, at naging isa sa mga pinuno duon. Bilang parangal sa sarili, binago niya ang kanyang palayaw na ‘Palipar’ at sinimulan siyang tawaging ‘Palaris.’

Nuong Noviembre 3, 1762, naghimagsik si ‘Palaris’ laban sa mga Español.

Pang-2 Himagsikan sa Binalatongan

Nuong 1660, isang taga-Binalatongan ang nag-aklas din, si Andres Malong, upang paalisin ang mga Español at itanghal ang sarili bilang ‘Hari ng Pangasinan.’ Ngayon, pagkaraan ng 100 taon, sinamantala ng mga taga-Pangasinan ang pagkatalo ng mga Español nang ‘Sinakop Ng British Ang Manila’ nuong Octobre 6, 1762.

Mula sa Manila, sinulsulan ng mga British ang aklasan sa Pangasinan, pinamunuan ni ‘Palaris’ sa pangalang ‘Juan dela Cruz.’ Kabig niya ang kapatid, si Domingo, sa pangalang ‘Magalog,’ si Juan dela Vera sa pangalang ‘Ungkatin,’ at ang 2 magkapatid na Hidalgo. Walang isang buwan ang nagdaan, hinarap nila si Andres Melendez, pinuno (vicar) ng mga frayleng Dominican, sa Lingayen, upang piliting tuparin ang kanilang mga hinihingi:

  • Ibalik ang buwis na ibinayad nila para sa taon ng 1762 dahil wala nang kapangyarihan ang mga Español sa Manila, at kung singilin sila ng buwis ng British kapag nagkalakal sila duon, magiging doble ang bayad nilang buwis
  • Huwag nang pagbayarin ng buwis ang sinumang ipadala sa Mindanao upang labanan ang mga taga-Jolo
  • Ang 4 taga-Pangasinan na pinilit na nagbantay sa mga nakakulong (prisioneros) sa piitan ay hindi na dapat mag-polo (pa-trabajo nang walang bayad para sa mga Español)
  • Alisin si Joaquin Gamboa bilang alcalde mejor ng lalawigan (provincial governor ang tawag ngayon)
  • Tanggalin ang pinuno ng paaralan ng mga batang lalaki (boys schoolmaster) dahil mapag-uto siya
  • Gawing permanente si Andres Lopez, isang taga-Pangasinan, bilang maestro de campo (master-of-camp, pinunong katutubo sa lalawigan), at sa mga taga-Binalatongan lamang ibigay itong tungkulin sa mga susunod na araw
  • Paalisin ang mga pinuno ng mga paaralan at mga simbahan, pati na ng mga convento, na pulos mga Español, kung hindi nila igawad itong mga hinihingi
  • Paalisin din ang 2 cabeza de barangay na humadlang sa kanila, hiniya pa sila, nuong unang iharap nila ang kanilang mga demanda
  • Mula naman sa Bacolor, Pampanga, nagtatarang si Simon de Anda nang nabalitaan ang aklasan nina Palaris. Dapat daw manatiling masunurin ang mga taga-Pangasinan, maglingkod nang walang bayad at magbayad ng buwis sa Español. Marami pa siyang pinagsasabi subalit wala siyang nagawa dahil nagtatago pa siya nuon mula sa hukbong British sa Manila matapos hirangin ang sarili bilang governador ng Pilipinas.

    Inutusan na lamang niya ang kanyang alalay, si Juan Antonio de Panelo, na sugpuin ang aklasan subalit wala ring nagawa ito dahil wala siyang mga sundalo.

    (Maliban sa ilan-ilang mandirigmang Tagalog, karamihan ng hukbong Español ay mga mandirigmang taga-Pampanga. Sinalanta sila ng mga British nang sakupin ang Manila. Ang natirang mga Kapampangan ay abala nuon sa paglupig sa mga Intsik na, kampi sa British, ay naghimagsik laban sa Español.)

    Pati ang mga Español sa Pangasinan ay nagtakbuhan sa takot, at walang naiwang Español duon maliban sa mga frayle.

    Inatasan din ni Anda ang lahat ng frayle na labanan ang mga nag-aklas subalit wala ring nagawa ang mga ito dahil wala rin silang hukbo. Sa Lingayen, pumayag si Vicar Melendez sa lahat ng hiningi nina Palaris at, upang sagipin ang sarili, nagbigay pa siya ng kasulatan (documento) na naglalahad ng pagsang-ayon niya.

    Napahiya si Anda subalit wala siyang nagawa kundi umangal kay Bernardo Ustariz, ang arsobispo sa Nueva Segovia sa Vigan, Ilocos.

    Kaya tahimik na natapos sa tagumpay ang aklasan ni Palaris, pulos mga katutubo ang nanungkulan bilang mga pinuno ng lalawigan, at nabuhay nang malaya ang mga taga-Pangasinan.

    Umalis ang British, Sumiklab uli ang Himagsikan

    Nuong Marso 1, 1763, sa France, nagkasundo (Treaty of Paris) ang España at Britain na tapusin ang kanilang digmaan, at umalis ang hukbong British pagkaraan ng 18 buwan ng pagsakop sa Manila. Sa Bacolor, agad kumilos si Simon de Anda upang sugpuin ang aklasan ni Palaris.

    Nuong Noviembre 18, 1764, inutusan niya ang lahat ng Español, ang mga frayle at mga dating pinuno sa Pangasinan, na pigilin ang himagsikan. Pati na ang mga tao sa Binalatongan ay inutusan niyang sunugin ang kasulatang nilagdaan ni Vicar Melendez upang ‘patunayan ang katapatan’ nila sa España.

    Ang mga frayle lamang ang naiwang mga Español sa Pangasinan nuon, at masipag silang humikayat kina Palaris. Unti-unti, nagbalikan ang mga Español at kinuha uli ang kanilang mga puwesto sa pamahalaan ng lalawigan.

    Inutos ni Anda na ibalik si Joaquin Gamboa bilang alcalde mayor (governador) ng Pangasinan subalit tumanggi ito, at si Jose Acevedo ang nanungkulan. Inutos din ni Anda na pabalikin ang mga taga-Pangasinan na tumakas sa Pampanga.

    Nuong una, tahimik na tinanggap ng mga taga-Pangasinan ang pagbalik ng mga Español, sa paniwalang pagbubutihin ang kanilang pamamahala. Subalit dahil sa katatapos na digmaan, walang salaping natanggap ang mga Español at mga frayle mula sa España, Mexico, mula sa kalakal o buwis. Hikahos lahat, pati si Anda, nagpataw agad ang mga Español ng mga bagong buwis.

    Nuon nakita ng mga tao na ibabalik ng mga Español ang dating mga kalupitan. Nakatikim na ng kalayaan kaya ayaw nang pumayag pailalim uli ang mga tao. Lalo na pagkatapos nilang nakuha ang mga baril na naiwan ng hukbong Español sa Lingayen. Wala man silang karanasan sa bakbakan, sinimulan uli nina Palaris ang kanilang himagsikan.

    Nanawagan si Anda sa lahat ng frayle na lansagin ang himagsikan. Naghanda rin siya ng isang hukbo, sa pamumuno ni Fernando Arayat (sa ibang ulat, tinawag na ‘Francisco’), at pinasugod sa Pangasinan. Sa Nueva Segovia, nagsikap si Arsobispo Ustariz na pigilan ang labanan.

    Pagkaraan ng ilang araw, nagpadala siya kay Anda ng payo na patawarin ang lahat ng naghimagsik na sumuko. Pumayag si Anda subalit nagbabala na lalaspagin sila kapag nagkamali sila uli. Kung natuloy, napatawad din sana pati ang magkapatid na Palaris at Domingo, ngunit hindi natigatig sina Palaris at hindi sumuko ang mga naghimagsik.

    Sa Bayambang, ang unang sagupaan

    Pinaghanda ni Palaris ang kanyang mga sandatahan sa nalalapit na bakbakan. Pakana niya na tambangan ang hukbong Español mula sa Manila bago ito makapasok sa Pangasinan. Inutos niya sa mga tauhan na maghukay ng tanggulan sa pampang ng ilog Bayambang, ang unang balakid sa dulong timog ng Pangasinan, kung saan nila mahaharang ang paglusob ng mga Español.

    Nanawagan uli si Anda, ang pansamantalang governador sa Manila, subalit hindi pinansin ni Palaris. Hinayag niya ang simula ng himagsikan at tinawagan lahat ng sandatahan sa lalawigan na harapin ang mga Español sa Manambong, sa Bayambang.

    Mahigit 2 araw nang naghihintay ang mga naghihimagsik nang dumating ang hukbong Español, ipinahiwatig ng ilang putok ng baril. Mabilis na umakyat

    ng punong kahoy si General Antonio, isang pinuno ng himagsikan, at natanaw niya ang mga papalapit na kalaban. Agad niyang hinipan ang kanyang tambuli (corneta, bugle) upang balaan (senyas, warn) ang buong hukbo.

    Takbuhan lahat ng mga naghihimagsik kay Palaris. Inutos niyang kumalat silang lahat sa pampang ng ilog at harapin ang papalapit na mga Español. Hindi nagtagal, dumating at humanay din sa kabilang pampang ng ilog ang 33 Español, kasama ang 400 mandirigmang Kapampangan sa pamuno ng isang taga-Bacolor, si Francisco Arayat.

    Nakita ng mga Español na hindi sila makakatawid ng ilog sa harap ng mga naghihimagsik kaya naghintay sila nang matagal. Pagkaraan ng ilang oras, nagsugo ang Español ng ilang sundalo upang ayain ang mga naghihimagsik na sumuko. Pumayag si Palaris na makipag-usap sa mga sugo (arbitros, go-between) na mapayapang tumawid ng ilog.

    ‘May kanyon kami!’

    Magalang na hinarap ni Palaris ang mga sugo ng Español. Masugid siyang hinikayat ng mga ito at binalaan ng malaking pasakit kung hindi siya sumuko subalit mabilis ang sagot ni Palaris.

    Kung may mga baril kayo, may kanyon naman kami!

    Bumalik sa kanilang panig ang mga Español at simimulan nilang salakayin ang 500 mandirigma ni Palaris, mga taga-Pangasinan na sinalihan ng ilang taga-Pampanga at mga taga-Cagayan. Lumaban sila, gamit ang kanilang 34 baril, 3 maliit na kanyon (cañones, falconets), mga pana at mga sibat, mula sa hinukay nilang mga tanggulan (trenches) sa lupa.

    Sabay sa putok ng mga kanyon, itinayo ng mga naghimagsik ang kanilang watawat bilang hamon sa mga Español. Kulang-kulang 2 metro (2 varas) ang haba at lapad ng watawat na may borda sa bawat sulok ng lawin na 2 ang ulo. Sa gitna, nakapalamuti ang isang kalasag (escutcheon) na may sagisag (coat of arms) ng lipunan ng frayleng Dominican (Dominican Orders).

    Sakay sa mga kabayo, tumawid ng ilog ang 20 sundalong Español, pinangunahan ng isang sargento (sergeant), isang cabo (corporal), at ni Teniente Pedro Hernani. Ang ibang mga Español ay naiwan sa kabilang pampang, pinamunuan ni Alferez (lieutenant) Jose Solozano.

    Si Hernani ang unang naka-ahon sa ilog at agad siyang sinalubong ng sibat sa dibdib ni Domingo, kapatid ni Palaris at isang general sa hukbo ng aklasan. Bago bumagsak si Hernani mula sa kabayo (cavallo, horse), binaril niya sa ulo si Domingo. Magkasabay silang bumagsak sa lupa at namatay.

    Pumalit si Pedro Tagle bilang pinuno ng mga Español at sinigawan ang mga sundalo, pinalusob upang hindi masiraan ng luob. Naging mano a mano ang bakbakan. Isa pang sundalong Español ang tinamaan ng palaso (fleche, arrow) na may lason (poison). Nagkikisay ito at sumigaw nang sumigaw bago namatay.

    Dahil hindi sanay sa digmaan, kinabahan ang mga naghihimagsik at nagtagal ng labanan kahit na daig na mas marami sila. Naagaw pa ng mga Español ang watawat ni Palaris. Bago sila nadaig sa dami, mabilis na sinunggaban ni Tagle ang watawat at tumakas ang mga Español pabalik sa kanila campo sa kabila ng ilog.

    Talo sila sa dami at mahirap tawirin ang ilog kaya ipinasiya ng pinuno ng hukbong Español, si Francisco Arayat, na bumalik sa Manila, dala-dala ang watawat ni Palaris bilang tanda ng kanilang giting laban sa naghimagsik. Tiwala siya na, pagkatapos nitong bakbakan, malalansag ng mga frayleng Dominican at ni Manalastas, ang maestro de campo ng Pangasinan, ang hukbo ng aklasan, at matatapos din ang himagsikan. Kaya tahimik na umatras ang buong hukbong Español mula sa ilog Bayambang.

    Pang-2 Sagupaan sa Barrio Pias

    Hindi namalayan ng mga Español sa kanilang paglisan, tiniktikan pala sila ni Palaris. Maingat siyang tumawid ng ilog at biglang sinalakay ng itak ang mga huling sundalo. Ilang sundalo ang nataga niya bago siya kumaripas sa gubat at tumakas. Pinigil ni Arayat ang sundalong Español na sundan si Palaris o hanapin ang mga nag-aklas. Inulit niyang mapa-payapa na ang Pangasinan, at nagpatuloy sila ng paglakbay pabalik sa Manila.

    Sa halip na malansag, nagtipon uli ang mga naghimagsik sa kanlurang pampang ng ilog Bayambang. Inayos nina Palaris ang mga hinukay nilang mga tanggulan at nag-ipon uli ng mga sandata at bala para sa inaasahan nilang pang-2 sagupaan. Tatag silang naghintay nang 2 buwan nuong simula ng 1764 bago dumating ang balita na isang malakas na fuerza ng hukbong Español mula sa Ilocos ang dumating sa Mapatalan, San Fabian, sa pamumuno ni Manuel Arza, upang durugin ang hukbo ni Palaris.

    Mabilis na hinati ni Palaris ang kanyang hukbo. Pinasugod niya ang isang pangkat, sakay sa mga kabayo at pinamunuan ni Victor Valdez, upang antabayanan ang papalapit na hukbong Español sa Mangaldan. Ang karamihan ng mga nag-aklas ay dinala ni Palaris sa barrio Pias sa Santa Barbara.

    Nakarating sa Mangaldan ang pangkat ni Valdez subalit sa halip na manmanan ang mga daanan ng kalaban, nag-happy-happy sila. Walang inasikaso kundi alak, tawanan at kasiyahan hanggang, lasing na lasing, nakatulog silang lahat hanggang ika-2 ng madaling araw.

    Nuon sila nagising ng dagundong ng mga kanyon ng hukbong Español, nakalagpas na pala at pinasasabugan na ang pangkat ni Palaris sa barrio Pias. Mahina man ang pag-iisip, malakas naman ang luob, kaya bumalikwas ang pangkat ni Valdez at sumampa sa kanilang mga kabayo upang kumaripas papuntang barrio Pias.

    Nasalubong nila sa daan at sinugod ang isang pangkat ng mga sundalong Español na agad tumakas kung saan-saan. Marami na ang patay, taga-Pangasinan at Español, nang dumating ang pangkat ni Valdez sa barrio Pias. Matagal ang naging labanan at mas marami pa ang namatay at nasugatan. Walang sapat na lakas o tauhan at magkabilang panig upang manalo nang lubusan, kaya patas (tabla, even) ang bakbakan nang umurong, sa wakas, ang hukbong Español.

    Ilang daang bangkay ang naiwang nagkalat sa barrio Pias kinabukasan. Ipinatapon lahat ni Palaris, pati na ang mga nawasak na kanyon at mga sandata, sa bangin ng Santa Barbara.

    Nilansi, Pinugutan si General Antonio

    Takot at nahihiya, humarap kay Palaris si Valdez at ang kanyang pangkat upang humingi ng tawad sa kanilang kapabayaan. Magkaibigan ang dalawa, ngunit walang imik at nanlilisik ang mga mata ni Palaris. Ang lahat ng naghihimagsik ay tahimik, hinintay na lumamig ang ulo ni Palaris.

    Nasaan si General Antonio?

    Sa galit, ito lamang ang nabigkas ni Palaris. Sinabi sa kanya ng mga tauhan na nabihag ng mga Español si General Antonio at kinaladkad nang nakagapos pabalik sa kanilang campo. Pinagmadali ni Palaris ang ilang tauhan niya upang sundan at iligtas si Antonio.

    Subalit huli na, pinapahirapan na nuon si Antonio ng mga Español upang

    ibunyag kung sino ang pinuno ng himagsikan at kung taga-saan ito.

    Ipinangako ng Español kay Antonio na palalayain siya kung magsalita. Hirap na sa hapdi ng katawan, napilitang magsalita si Antonio, ibinunyag na Palaris ang pangalan ng kanilang pinuno, at sa Mangaldan siya nakatira. Sa halip na pakawalan, pinugutan ng ulo si Antonio at itinapon sa ilog ang kanyang bangkay.

    Ikinalat ng mga Español ang pangalan ni Palaris sa buong lalawigan, lalo na sa kabayanan ng Mangaldan, upang wala siyang mapagtaguan, at madakip ng sinumang pinuno ng pamahalaan.

    Ito ang kauna-unahang panahon narinig ng karamihan ng mga taga-Pangasinan ang pangalang Palaris, subalit hindi nila tinulungan ang mga Español.

    Pang-3 Sagupaan: Patay kung Patay sa Dagupan

    Bacnotan ang lumang tawag sa nayon. Pagtagal, ginawang Nandaragupan o ‘lumang pamilihan’ (former commercial center) ang pangalan, marahil upang maiba sa isa pang Bacnotan na nayon nuon, at ngayon ay isang kabayanan sa La Union, malapit sa San Fernando. Sa tagal ng panahon, umigsi sa Dagupan ang tawag sa nayon.

    Nuong 1764, duon lumusong ang malaking hukbo ng Español, sakay ng mga barko mula sa Ilocos, upang lupigin ang himagsikan sa Pangasinan.

    Nasa barrio Pias pa rin ang hukbo ni Palaris nuon, nagpapalakas ng kanilang tanggulan at nag-iipon ng mga sandata at tauhan. Nang narining ni Palaris ang pagdaong ng mga Español, pinasugod niya duon ang buong hukbo ng himagsikan.

    Hindi nag-isang oras, kaskasan na ang mga naghihimagsik. Napakabilis ng kanilang pagsugod, muntik na nilang nabihag ang mga pinunong Español sa Calasiao. Suerte ng mga pinunong bayan (ayuntamiento, town council), nasa luob sila nuon ng malaki at matibay na municipio, na naisara at nai-candado nila. Nagmamadali sina Palaris at walang panahong salakayin o wasakin ang gusali. Nagpatuloy na lamang sila patungo sa Dagupan.

    Duon nagsalpukan ang mga Español at sina Palaris. Walang tigil ang madugong pakikibaka, maghapon at magdamag, hanggang tumagal ng isang linggo. Ni hindi nakahakot ng pagkain sa paligid ang mga naghihimagsik nang naubusan sila. Unti-unti, nanghihina na sa gutom at pagod, napaurong ang hukbo ni Palaris pabalik sa Calasiao.

    Tumawid sila sa ilog at winasak ang tulay pagkatapos upang hindi sila masundan ng humahabol na hukbo ng Español.

    Mano a mano sa Ilog Calasiao

    Sandali lamang napatigil ang hukbong Español. Si Manuel Arza mismo, ang pinunong Español, ang nanguna sa paglusong sa ilog. Panay ang pana at paputok ng baril ng mga naghimagsik na taga-Pangasinan, subalit sumugod patawid ang mga Español at nakipag-upakan sa kabilang pampang.

    Suntok, sipa, mano a mano ang labanan na unti-unting gumapi sa mga taga-Pangasinan. Nakaharap ni Arza, ang pinunong Español, si Victor Valdez, ang pinuno ng mga dating nag-happy-happy sa Mangaldan.

    Animo mga hayop sa bangis, nagbabakbakan ang dalawa hanggang magkabuno silang sumadsad sa putik at nahulog sa ilog. Napatigil ang lahat ng naglalaban, Español at taga-Pangasinan, at pinanuod sina Arza at Valdez. Nagsasakalan at nagsusuntukan, kapwa sila lumubog sa tubig.

    Lahat ng naruon ay tahimik, naghintay kung sino ang mananalo at lilitaw uli. Bumakas ang pulang dugo sa tubig bago lumitaw ang ulo ni Valdez. Umahon siya sa tubig, dala-dala ang bangkay ng Español, si Arza, bali ang leeg. Sigawan sa tuwa ang mga naghihimagsik subalit biglang nauntol nang tadtarin ng bala ng mga Español si Valdez, at muling lumubog siya sa tubig.

    Huling sagupaan sa Calasiao, Enero 1765

    Sumugod si Palaris at nagsimula uli ang bakbakan. Pinagtataga ni Palaris ang mga sundalong Español. Marami siyang napatay subalit unti-unting nagapi ang kanyang pangkat at napilitang umurong papuntang silangan hanggang nakarating sila sa barrio Ymbo, sa Binalatongan (San Carlos city ang tawag ngayon).

    Gutom, pagod at maraming sugatan, sira na ang luob ng mga naghihimagsik. Pati si Palaris ay pagal na at tumakas na sa gubat. Karamihan ng kanyang hukbo ay napatay na, pati na ang mga huling pinuno ng kanyang aklasan, sina Carlos at Satur. Ang iilan-ilang nalalabing naghihimagsik ay sumunod na ring tumakbo sa gubat.

    Samantala, walang tigil at walang habag ang salakay ng mga Español, binaril at pinatay lahat ng nasalubong sa Ymbo at sa Binalatongan. Mahigit 1,000 ang mga napatay duon, karamihan ay mga karaniwang mamamayan na hindi kasali sa himagsikan at nagtatago lamang sa mga gubat sa paligid nang barilin ng mga Español. Dinakip din, pinahirapan at binitay ang marami sa kanila, kasama ang ilang naghimagsik.

    Lihim sa lahat, tumalilis si Palaris sa barrio De Dios (barrio Porac ang tawag ngayon) sa Binalatongan pa rin. Tulad siya ng ligaw na hayop, palipat-lipat ng pinagtataguan hanggang nakarating siya sa barrio Magtaking, tapos nuong huli, sa barrio Pao. Nabuhay lamang siya sa pagkalinga ng mga kamag-anak, higit sa lahat ng kanyang kapatid na babae, si Simeona.

    Taksil na Kapatid

    Malupit si Palaris sa kapatid na babae, si Simeona. Araw-araw, si Simeona ang nagdadala ng pagkain, tabako (tobacco) at iba pang kailangan ng kapatid, subalit lagi pa rin siyang pinagagalitan at binubulyawan ni Palaris. Isang araw, nahuli ng dating si Simeona.

    Marahil dahil sa walang puknat na paghamok sa mga Español, mainit ang ulo ni Palaris at nagsiklab siya nang, sa wakas, dumating si Simeona. Tulad ng asong ulol, walang awang ginulpi ni Palaris ang kapatid na babae, pinagsi-sipa pa pagbagsak sa lupa.

    Hindi na nakatiis ang kaawa-awang babae sa walang tigil na pagmamalupit ng kapatid. Upang matapos ang kanyang hinagpis, nagsumbong siya sa

    Español, at ibinunyag niya sa comandante, si Pedro Bonardel, kung saan nagtatago si Palaris. Tuwang-tuwa si Bonardel!

    Kasama ang kanyang mga sundalo, hinatid sila ni Simeona sa lungga ni Palaris sa barrio Pao nuong Enero 16, 1765. Nang malapit na sila, pinagtago ni Simeona ang mga Español sa mga sukal ng gubat, at nagpatuloy siyang nag-iisa upang ihatid ang pananghalian ni Palaris.

    Walang kutob si Palaris na kumain ng kanyang pananghalian. Tahimik siyang binantayan ni Simeona at, nang nagsimulang kumain ang kapatid, tahimik din siyang tumalilis at sinira ang mga nakatagong pana at palaso ni Palaris. Tapos, sinenyasan niya ang mga Español na nagkukubli sa paligid.

    Sumugod sila Bonardel at pinatay nang walang kalaban-laban si Palaris.

    Kinatay ang Bangkay

    Kinaladkad ng mga sundalong Español ang bangkay ni Palaris at ipinarada sa buong Binalatongan, kasabay sa tugtog ng isang banda ng musico. Ayon kay Ramon Diaz, nagtalumpati ang mga pinunong Español at ipinagyabang ang kanilang tagumpay. Tapos, pinatadtad nila ang bangkay ni Palaris upang takutin ang mga tao.

    Pinugot ang ulo ni Palaris at isinabit sa dulo ng tulay ng Cava. Ang kaliwang bisig niya ay pinutol at isinabit naman sa tulay ng Caapangan (Imbornalla ang tawag ngayon) at ang kanang bisig ay sa tulay ng San Juan isinabit. Pinutol pati ang 2 paa ni Palaris, isinabit ang kaliwa sa tulay ng Manat, at ang kanang paa sa Malabago. Binutas ang dibdib ni Palaris at dinukot ang kanyang puso, at isinabit sa Taloy.

    Malupit din ang naging kapalaran ng mga sumali sa himagsikan ni Palaris, pati na ang mga karaniwang tao na tumakas lamang upang umiwas sa bakbakan. Karamihan ay namundok, inabot ng gutom, sakit at sakuna. Sa Mamerlao, Ymbo, Taloy at Panoypoy, naghukay sa lupa ang mga tao at duon gumapang upang hindi tamaan ng baril o pana. Sa iba namang puok, nagkubli ang mga tao sa luob ng mga yungib (cuevas, caves) sa tabi ng mga ilog. Ang iba ay sumingit sa luob ng malalaking punong kahoy (tree trunks), sa ilalim ng malalaking bato o sa madidilim na sukal sa gubat.

    Marami ang namatay sa tuka ng ahas o kinain ng buaya sa mga ilog. Ang mga namatay sa sakit at gutom ay hindi nailibing dahil nagtatago ang mga tao mula sa bakbakan nuong aklasan, at nuong bandang huli, mula sa parusa ng mga Español. Ang mga bangkay nila ay kinain ng mga baboy damo, mga asong ligaw, mga langgam at iba pang hanip (insectos).

    Pagkaraan ng panahon, lumitaw ang balita na daan-daang mga sanggol at bata ang namatay, hinagis ng mga magulang sa ilog upang malunod dahil umiiyak daw at nabubunyag ang mga pinagtaguan ng mga magulang. Pinaka-marami daw ang mga sanggol at bata na namatay nang ganito sa Catopactopacan. Nabalita rin na kumain ng mga dahon ng bayabas ang mga tao upang hindi mamatay sa gutom.

    Lubusang napuksa ang kabayanan ng Binalatongan, nadurog at nasunog nuong aklasan ni Palaris. Sa may kalayuan ito itinayo uli, at binago ang pangalan, ginawang San Carlos. Unti-unti, nagbalik ang payapa sa Pangasinan at 130 taon ang nagdaan bago muling naghimagsikan sa lalawigan laban sa Español.

    Si Simeona, ang kapatid na babae ni Palaris, ay nagpatuloy sa gawi niyang mangahoy (cazar, hunt) ng baboy-damo nang nag-iisa sa gubat. Hanggang nuong bandang huli, nang pinatay siya at kinain ng isang baboy-damo.

    ANG  PINAGKUNAN
    The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
    Juan dela Cruz (Palaris), Pangasinan Freedom Fighter, Filipinos in History,www.geocities.com/sinupan/delacruzjuanpalaris.htm
    The ‘Palaris’ Juan dela Cruz Revolt, (1762-1765), gov.pangasinan.com/towns/palaris.htm

    Ulitin mula sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Balik sa   Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy