Diego Silang Sa  Ilocos  Nuong 1762-1763

Pinalaya  Ni  Diego  Silang  Ang  Vigan

Diego & Gabriela Silang’s Uprising in the Ilocos

Dating alipin ng mga Zambal, lumaking alila ng frayle, nagtatag ang bayani at ang
mga taga-Ilocos ng sariling pamahalaan pagkaraan ng 200 taon ng pagkasakop ng Español

ISINILANG si Diego Silang nuong Deciembre 16, 1730, sa Aringay, Pangasinan (bahagi ngayon ng La Union), kina Miguel Silang ng Aringay at Nicolasa delos Santos ng Vigan, Ilocos (Ilocos Sur ngayon). Nuong bata pa, nagsilbi siya kay Padre Cortes y Crisolo, ang frayle ng paroco (parish) ng Vigan. Matalino at madaling matuto, nasanay siya sa Español at naging tagapag-hatid (mensahero, messenger) ni Cortes.

Minsan, nautusan siyang magdala ng pahatid sa Manila. Wala pang daan mula Vigan hanggang Manila nuon kaya sakay sa isang bangka naglakbay

si Silang. Sa malas, nawasak ang bangka sa batuhan ng baybayin ng Bolinao, Zambales (bahagi ng Pangasinan ngayon). Namatay lahat ng kasama ni Silang, nalunod o pinatay ng mga Zambal. Hindi pinatay dahil bata pa, binihag siya ng mga Zambal at ginawang alipin, hanggang tinubos siya ng isang frayleng Recollect na misionario sa Zambales nuon.

Nagbalik siya sa Vigan at nagpatuloy bilang tagapagsilbi ng frayle. Nakilala niya at napangasawa ang isang mestizang viuda, si Maria Josefa Gabriela Cariño, taga-Santa, Ilocos. (Nasa ibaba ang kasaysayan ni Gabriela Silang.)

British Attack Nuong Septiembre 1762, nautusan si Silang na muling maglakbay sa Manila at hintayin ang pagdating ng “Filipino,” ang galleon mula sa Acapulco, Nueva España (ang Mexico ngayon). Nasaksihan niya ang biglang sulpot ng hukbong dagat (navy) ng British, pinilit na sumuko ang pamahalaang Español sa Manila. Nang tumanggi si Arsobispo Manuel Antonio Rojo, ang governador ng Pilipinas nuon, sumalakay ang mga British at pinagka-cañon ang Manila (Intramuros) mula nuong Septiembre 24 hanggang masakop nila nuong sumunod na buwan, Octobre 6, 1762.

(Ang pagsalakay ng British, pati ang sanhi ng digmaan laban sa España, ay nakalahad sa website ding ito, sa ‘Sinakop Ng British Ang Manila’)

Nuon nakita ni Silang na mahina at talunan ang Español. Nakilala niya sa Manila si Santiago Orendain, mayamang mestizong Español na kumampi sa mga British, at nalaman niyang maaaring makatulong ang mga bagong dayo na mapalaya ang Ilocos.

Wala nang saysay maghintay sa galleon na malamang nabihag na ng mga British, kaya umuwi na si Silang. Pabalik sa Vigan, dumaan siya sa mga magulang niya sa Pangasinan. Duon, kinasapakat niya si Lopez, isang kamag-anak na pinuno sa hukbo ng Español sa Pangasinan. Nagkasundo silang maghimagsik at ibagsak ang mga Español sa Ilocos.

Pagdating ni Silang sa Vigan, maraming sumapi sa binalak niyang aklasan, lalo na nang nabalitang naghimagsik din ang mga Pilipino sa Pangasinan, Cagayan, Laguna at Batangas. Sa San Pablo de los Montes, naghimagsik ang mga Pilipino, katulong ang mga Intsik, at pinatay ang frayleng Augustinian duon, si Francisco Fierro. Sa aklasan sa Tanauan,

pinatay ng mga tao si Andres Enriquez, frayleng Augustinian din. May ilang frayle pang pinatay sa ibang bahagi ng Luzon.

Madaling hinirang ng mga taga-Ilocos na pinuno si Silang. Binubuo pa niya ang hukbo ng himagsikan nang dakipin siya ng mga Español sa Ilocos na, sa pamumuno ni Simon de Anda, dating fiscal sa Audiencia Real sa Manila, ay patuloy na lumaban sa pagsakop ng British kahit sumuko na si Arsobispo Rojo at mga Español sa Manila. Mula sa pinagtataguan niya sa Bacolor, Pampanga, inutos ni Anda sa lahat ng Español, pati na sa mga frayle, na puksain ang mga himagsikan at labanan ang mga British sa anumang paraan.

Ilocos Grande Ikinulong ng mga Español si Silang at pinahirapan siya ng mga frayleng Augustinian, na nagsandata at lumaban na bilang mga sundalong Español sa halip na magsilbi sa simbahan. Sa tulong ng isang kaibigang pari, pinalaya rin si Silang na lalong nagsigasig at nakapagbuo ng isang hukbo (army). Nagtatag siya ng mga bantay sa mga lansangan at mga dalampasigan upang hindi muling masukol at mabihag ng mga Español.

Nuong una, inalok ni Silang sa mga Español at mga frayle na isasabak niya ang hukbo laban sa British, subalit tumanggi ang mga ito at nanawagan kay Bernardo Ustariz, obispo sa Nueva Segovia, sapagkat isa sa mga bilin ng aklasan ni Silang ay palitan lahat ng frayleng Español ng mga pari na taga-Ilocos. Sinakop ng hukbo ni Silang ang Vigan. Lahat ng hukom at pinuno ng pamahalaan na Español ay pinalitan ng mga pinunong ‘indio’ (ang tawag ng Español sa mga katutubong Pilipino nuon) at mga makabayang mestizo. Sa mga simbahan, pinalitan ang mga frayleng Español ng mga pari na Ilocano. Inusig at pina-alis si Antonio Zabala, alcalde mejor (katumbas ng provincial governador) ng Ilocos. Inutos ni Silang na umalis sa Ilocos lahat ng Español.

Bilang ganti, naglabas si Obispo Ustariz ng pagsupil (interdicho, interdict) laban kay Silang. Hindi ito inalintana ni Silang, ipinakulong uli ang mga frayleng Augustinian. Sa tinagal ng aklasan, 3 ulit ipinakulong ang mga frayleng Augustinian dahil patuloy na humawak ng mga sandata at lumaban.

Hinayag ng mga nag-aklas na wala nang magbabayad ng buwis (tributo, tax) sa Español dahil hindi ipinagtanggol ang bayan, bagkus tinalo pa ng British. Itinigil din ng mga tao ang polo, ang paglingkod sa mga Español nang walang bayad. Hiningi pa nila sa mga Español na ibalik ang buwis na binayad nila para sa taon na iyon, dahil hindi naman nakatupad sa tungkulin

na ipagtanggol ang mga tao simula nuong sumuko ang Manila sa British.

Sa halip na ibalik ang buwis, nagpadala ng banta (aviso, warning) si Anda kay Silang na sumuko sa luob ng 10 araw, o ituturing siyang isang taksil (traidor). Sa halip, nakipag-sabwat si Silang sa mga British sa Manila.

Sumulat siya at nag-alok na kikilalanin niya ang pamahalaan ng hari ng Britain sa halip ng mga Español. Malugod na tinanggap ng mga British and alok at hinirang nilang sargento mayor si Silang sa hukbo ng British sa Pilipinas, at alcalde mejor (governador) ng Ilocos. Hinimok nilang kumampi rin ang mga taga-Cagayan at mga taga-Pangasinan.

Ang Liham Ng British Kay Silang

Kay Diego Silang, alcalde mayor at general sa lalawigan ng Ylocos.

Mahal na Ginuo.

Kahapon, inabot sa akin ng governador and iyong liham sa kanya, ng panata mo ng panalig sa hari ng Gran Bretaña, ang aking panginuon. Napakalaki ng aking ligaya sa iyong sinulat, ngayon pa lamang ay pangako ko na papupuntahin sa iyo ang isa sa aming mga barko upang magdala ng mga sandata at ng aming tulong, sa ngalan ng aking panginuon, laban sa kalaban nating kapwa, ang España.

Batid ko, mahinahong Ginuo, ang mga pasakit na dinanas mo sa malupit na pagsakop ng mga Español, at nalulugod ako na nagbukas sa wakas ang inyong diwa at binuwag ang pamamahala ng isang mapagsamantalang kaharian. Ito ang dahilang sumadlak sa digmaan ang hari na aking panginuon, na ibagsak ang paghahari ng España sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, at tiyak ko ang galak niya pagtanggap ng ulat ng iyong pagsapi sa kanyang layunin.

Ipagpaumanhin ninyo sana ang hindi ko pagdalaw diyan. Dala ng admiral na aking

pinuno ang hukbong dagat upang ipagtanggol ang aming mga lupain sa Yndia, at ako ay sadlak sa mga tungkulin dito sa Manila. Karaka-raka, darating sa inyo ang aming mga sundalo at sandata upang maihayag mo sa ibang mga taga-riyan ang katapatan ng ating pananalig. Sana’y dinggin ka ng mga taga-Pangasinan at mga taga-Cagayan at tularan ang iyong pagkampi sa amin upang makalas ang bigti ng pagka-alipin sa mga Español.

Bilang pahiwatig ng aking damdamin, ipadadala ko sa inyo ang isang tansong cañon. Ipadadala ko rin ang tuntunin ng aking mga pinuno na panata kong tapat naming sinusunod sa ikagi-ginhawa ng mga tao dito. Ang magdadala nito ay isang capitan sa hukbo ng Bretaña na makikipag-kasunduan sa iyo ukol sa magiging mainam na ugnayan natin sa mga darating na panahon. Nawa’y magkaruon kayo ng pagkakataon paluwasin dito ang inyong mga barko upang magkalakal at magtamo ng aming tulong at malugod na pagtanggap.

Sa ngayon, magtiwala ka sa panata kong ipagtanggol ka, pati na ang iyong mga kabig, sa ubod ng aking lakas upang manatili kayong malaya, sa awa ng Dios sa abot ng mahabang panahon, mula sa pahirap ng mga Español.

B.  Brerreton
Manila, Mayo 6, 1763

Ang sumulat kay Silang ay si Brerreton, pinuno ng British sa Cavite at naiwang namamahala sa Manila nang umalis sina Admiral Samuel Cornish at General William Draper upang ipagpatuloy ang digmaan sa banda ng India. Kasama sa liham, ipinadala ni Brerreton ang mga tuntuning sinunod ng British upang maakit ang mga Pilipino:
  1. Hindi na kailangang mag-polo o magsilbi sa Español nang walang bayad
  2. Wala nang hagupit kapag hindi nagsimba, hindi nagpugay o hindi sumunod sa mga frayle o Español
  3. Hindi na kailangan ang pahintulot (permiso, permit) upang maglakbay o magkalakal kahit saan, basta huwag tumulong sa mga Español
  1. Wala nang buwis sa pagkalakal
  2. Hindi na kailangang ibigay ang bahagi ng kalakal nang walang bayad sa frayle o ipagbili nang lugi sa Español.
  3. Maaari nang bumili ng kahit anong kalakal, kahit na ang mga dating ipinagbawal ng Español na bilhin ng mga Pilipino

Walang hukbo si Anda maliban sa mga Kapampangan, na hindi sapat upang gapiin si Silang kaya tinangka niya ang ibang paraan: Nag-alok siya ng gantimpala (premio, prize) sa sinumang pumatay kay Silang. Isang mestizong Español, si Miguel Vicos, at isang taga-Abra na hukom sa Ilocos, si Pedro Becbec, ang tumanggap sa alok. Kasama ang ilang frayle, nakipag-sapakat si Becbec at Vicos kay Ustariz sa isang maliit na simbahan sa tabi ng dagat sa kabayanan ng Bantay.

“Walang tigil ang dasal nila nuong buong pulong,” siwalat ni Pedro del Villar, “nagkumpisal pa si Vicos at nag-communion” upang magtagumpay ang kanilang balak.

Kaibigan ni Silang sina Vicos at Becbec, kapwa kasapi sa pamahalaang aklasan sa Ilocos kaya nakalapit sila kay Silang sa bahay ng governador (casa real, royal mansion) sa Vigan nuong Mayo 28, 1763. Binaril nila sa likod si Silang.

Pagkaraan ng 2 linggo, sumulat si Anda ng pasalamat sa mga Español sa Ilocos. Sumunod na araw, Junio 13, sumulat naman siya kay Ustariz ng parangal sa tagumpay ng pakana niya laban kay Silang. Binanggit at pinasalamatan niya sina Becbec at Vicos, at ipinangakong ibibigay sa kanila

ang gantimpala sa ginawa nilang pagpatay.

Samantala, sulat ni Anda, si Ustariz ang magpapalakad sa Ilocos. Ang mga sandata na nakuha kay Silang ay ibigay daw sa mga taga-Ilocos na kampi sa Español. Pinuri ni Anda ang mga kabayanan ng Vigan, Bantay, Santa Catalina at San Vicente bilang mga tapat sa España dahil kinalaban nila si Silang. Hinayag niyang hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga tao sa Ilocos hanggang hindi nagtatagumpay ang digmaan laban sa British, basta bigyan nila ng pagkain at panggastos ang mga frayle sa kani-kanilang purok.

Si Ustariz naman ay nag-misa ng pasalamat at nagpahayag ng patawad (general amnesty) sa lahat ng mga taga-Ilocos.

Gabriela Silang Ipinagpatuloy Ni Gabriela Silang Ang Himagsikan

Isinilang si Maria Josefa Gabriela Cariño nuong Marso 19, 1731, sa Caniogan (bahagi ng Ilocos Sur ngayon). Inampon ang batang mestiza ng mayamang familia ni Tomas Millan at nang mag-20 taon gulang ay ikinasal sa isang matandang lalaki na namatay pagkaraan ng 3 taon. Nuong 1757, nakilala niya at napangasawa si Diego Silang. Nang naghimagsik si Diego nuong 1762, masipag na tumulong si Gabriela. Napilitan siyang tumakas at magtago sa isang bundok sa tabi ng dagat sa Santa nang paslangin si Diego nuong 1763. Inipon niya ang 200 kabig ni Diego at, katulong ang mga taga-bundok (Tinguians) sa tinatawag ngayong Abra, tinangka niyang sakupin uli ang Vigan nuong Septiembre 10, 1763.

Ilang ulit natalo si Gabriela at napilitang umurong sa Piddig, Abra. Humakot ang mga Español ng mga mandirigma mula sa Pidigan, Abra, na bantog sa husay sa pana (bow and arrow). Ang mga ito ang pina-una ng hukbong Español upang talunin sina Gabriela nuong Septiembre 29, 1763. Nabihag si Gabriela at kinaladkad pabalik sa Vigan. Nuong sumunod na buwan, Octobre 1763, binigti siya hanggang mamatay, tapos pinugutan ng ulo.

ANG  PINAGKUNAN
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
Diego Silang, encyclopedia.thefreedictionary.com/Diego%20Silang
Diego Silang (1730 - 1763), TOMAS L, www.geocities.com/sinupan/silangdiego.htm
Ilocos Sur: Unspoiled natural wonders waiting to be rediscovered, www.atinitonews.com/Oct2003/tourism.html
This is the Ilocano, by Emilio L Alvarez, sinurat.sphosting.com/urnong/ilocano.html

Ulitin mula sa itaas             Mag-email ng tanong at kuru-kuro             Tahanan: Mga Kasaysayan ng Pilipinas             Mga Aklasan ng Charismatic Pinoys