Ragam ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Ang  2  Unang  Conquistador
The first invaders of the Philippines were neighbors

AKO si Ragam, ang Sultan Bulkia sa Brunei, sa dalampasigan ng Brunei. Dalawang ulit
sinalakay ng aking hukbong dagat ang Selurung na tinatawag ninyong Lusong.
Ang mapaghamig na Datu Gambang na inyong pinuno ay yumao at wala na.
Ako ang nagwagi at nakasakop, at ngayon, dito sa May Nilad,
ako na ang sultan, at inyong hari
.’

Ito ang kaisa-isang ulat, ang talumpati na isinalin sa Tagalog ng batikang manunulat, si Clodualdo del Mundo, ng unang conquistador sa Pilipinas, si Paduka Sri Sultan Bulkia, matapos niyang sakupin ang Manila nuong bandang 1500, mahigit 20 taon bago dumating ang mga Español sa Pilipinas. Si Bulkia ang hari nuong 1485 hanggang 1524 ng Brunei, ang mayamang lungsod sa pulo ng Borneo. Isang princesa at anak ng sultan ng Jolo ang kanyang asawa, si Putiri Leyla Menchanai. Ang patuloy ng kanyang talumpati:

‘Isang princesa ng angkan ni Datu Gambang ang aking pinangasawa ngayon upang maipagpatuloy ang paghahari dito sa Pasig-an. Ang magiging anak namin ang siya n’yong gagawing Maginuo at bibigyang pitagan ukol sa pagka-maharlika ng aming lipi.’

Nakoda: Umaawit na Magdaragat

Ipinagyabang ni Bulkia na kabilang sa kanyang mga ninuno si ‘dakilang Iskander’ (Alexander the Great), si Hassim ng Arabia na profeta ni Allah, at ang mga maharlika ng India, Indonesia at Malaysia. Kinilala daw siyang makapangyarihang hari, at hinandugan ng ‘Anak ng Langit’ (Son of Heaven, ang parangal sa emperador ng China) at ginagigiliwan ng mga taga-Brunei kahit na siya ay mataas na maharlika. Pinarangalan pa raw siya ng palayaw na Nakoda Ragam, ang ‘umaawit na magdaragat.’

‘Higit sa aking pagiging hari, ipinagmamalaki ko ang tawag sa akin ng Nakoda. Karapat-dapat sapagkat walang dadaig sa akin sa pagdaragat maging sa unos at sagupa sa alimpuyo, dapat asahan sa isang katulad kong may dugong Vijaya.’

Ang dating malawak na kaharian ng Sri Vijaya sa Sumatra ang tinukoy ni Bulkia, parangal na inangkin din ng mga Sugbuanon, Waray-Waray, Ilonggo, at iba pang tinatawag ngayong mga Bisaya.

Ang huling habilin ni Bulkia ang nagsiwalat ng tunay niyang pakay sa pagsalakay:

‘Kaya, mga abay sa pasigang ilog ng Lusong, huwag kayong magkukulang sa aking magiging anak, ang inyong magiging hari. At huwag n’yong kalilimutang magbuwis taon-taon ng ginto para sa Brunei, tanghal ngayong pulo ng ginto.’

(Sa lumang Tagalog, ang pasig ay agos ng tubig, ang pasigan ay ilog o kung saan umaagos ang tubig. Ang dalampasigan - mula sa dalang o mabagal, at pasigan - ay pampang o kung saan mabagal ang agos ng tubig. At ang lusung, tulad ng lusung sa baha ngayon, ay daungan o kung saan bumababa ang mga nakasakay sa bangka.)

Hindi Tunay ang Salakot na Ginto

MALABO at punô ng alamat ang mga unang kasaysayan ng Pilipinas, nabahiran pa ng mga huwad (falsos, fakes) tulad ng Code of Kalantiyaw. Kung itong talumpati ay gawa-gawa lamang, gaya ng ati-atihan na in-invento sa Aklan nuong bandang 1950s, batay naman sa mga tunay na pangyayari, tulad ng alamat ng Maragtas. Totoong may mga datu na lumikas sa pulo ng Panay mula sa Borneo, at totoong sinikap ni Bulkia ang ng kanyang anak na palawakin ang kanilang kaharian sa pamamagitan ng pagsakop sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Salakot

Kasama sa ulat ni Antonio Pigafetta ng pagdating ni Ferdinand Magellan nuong 1521 ang pagbihag nila sa ‘anak ng hari ng Luzon’ pagkatapos nitong puksain ang Laui (Laut ang tawag

ngayon), isang pulo sa banda ng Palawan. Ang ‘anak’ ang pinuno ng hukbong dagat (armada) ng Brunei, mahigit 100 parao, mga bangkang pandagat, na pumatay sa mga taga-Laui, pinugutan lahat ng ulo, dahil kumampi sa mga taga-Java at ayaw kilalanin ang sultan ng Brunei.

(Inulat din ni Pigafetta na nakaharap nila ang matabang ‘hari ng Burney’ na tinawag nilang Raja Seripada, subalit malamang ang anak ni Bulkia ang nakita nila, si Paduka Seri Begawan.)

Kung tunay mang sinakop ang Manila ng mga taga-Brunei, tunay din namang hindi nagtagal ang kanilang paghahari. Nuong 1570, pagkaraan lamang ng 50 taon, si Rajah Soliman at si Rajah Laja (ang tinawag na Rajah Matanda) ang dinatnan ng mga Español na haghahari sa Manila. Ang mag-tio ay anak-anak (descendants) ni Dayang Kalangitan, ang babaing pinuno ng Bitukan Manok (lungsod ng Pasig ngayon) at asawa ni Gat Lontok, nuong bandang 1450. Na babae ang pinuno, at dayang at gat ang mga parangal, - lahat ay patunay na galing sila sa mga ninuno sa Sumatra, tinawag na mga Minang kabau, at lumikas sila sa Pilipinas halos 2,000 taon sa nakaraan - bago ginamit ang mga parangal na datu at rajah sa Sumatra. Lumikas din mula sa hilaga ng Sumatra, malapit sa kasalukuyang lungsod ng Acheh, ang mga taga-Pasai na nagtatag ng kanilang baranggay, tinatawag ngayong Pasay, malapit sa Manila.

Natanyag ang Manila

ILANG libong taon nang may mga baranggay sa baybayin ng tinatawag ngayong luok Manila (Manila Bay), ang pinaka-mainam na daungan (port) sa buong kapuluan, lalo na sa marami at hiwa-hiwalay na bukana ng ilog Pasig, mula sa malaking baranggay ng mga mangingisda sa Tundu (Tondo ngayon) hanggang sa mga baranggay sa nabutas (ng ilog, Navotas ang tawag ngayon). Kalakal Nagkalakal sila-sila sa matagal na panahong iyon subalit nanatiling kanya-kanya, kalat-kalat at hindi tanyag ang mga baranggay. Ang mga katibayan (artifacts) na nahukay ng mga nag-agham sa simula ng kabihasnan (archaeologists), ay nagpahiwatig na unang sumigla ang kalakal at ugnayan sa timog (southern Philippines), sa mga kapuluan

ng Sulu at Basilan, at sa kanlurang bahagi ng Mindanao, dahil sa walang puknat na balik-balikan ng mga parao, malalaking bangkang pandagat, at palit-palitan ng mga tao mula at papunta sa mga maka-India (Hindu) na kaharian ng Sri Vishaya sa pulo ng Sumatra at ng sumunod na kaharian ng Majapahit sa katabing pulo ng Java naman, mula pa nuong 650, bago dumating ang Islam. Sunod sumigla ang kalakal sa luok ng Lingayen (Lingayen Gulf) sa Pangasinan at mga karatig baybayin (coasts) ng Ilocos mula nuong naging palagian ang pagdayo ng mga barko (sampan) mula sa China pagkaraan ng taon ng 987.

Nuong lamang bandang 1290, halos 800 taon sa nakaraan, nag-tagpo sa pasigang ilog ng Lusong at nagsimulang magkalakal ang mga sampan mula China at ang mga parao ng mga taga-Indonesia. Sa paglago ng ugnayan at kalakal duon mula nuon, nabuo ang malaking nayon na tinawag na May Nilad sa tabi, at kabilang panig ng ilog, ng baranggay ng mga mangingisda, ang Tundu.

Ang paglago at pagyaman ding iyon ang dahilan dumating nuong bandang 1500, mahigit 200 taon lamang pagkabuo ng nayon, ang hukbong dagat ni Bulkiah, nagpapalawak nuon ng kanyang bagong kaharian sa Brunei, upang sakupin ang May Nilad.

Pagtayo at Pagdayo ng Kapitpulo

ANG pinagmulan ng Brunei ay mga baranggay ng mga magdaragat sa bukana ng isang malaking ilog, at hindi naiba sa mga taga-May Nilad. Gaya rin ng May Nilad, walang pangalan puok o ang ilog na maliban sa Varuna, mula sa katagang India (Hindu Sanskrit) na may kahulugang ‘dito nga’ o ‘ito ang puok.’

Ang mga tao ay ipinahiwatig ng kakabit na titik na ‘i’ at tinawag na mga Varunai, o ‘ang mga tao sa puok’ (hawig sa ‘i loko’ o mga tao sa luku (luok sa Tagalog), o sa ‘i valon’ na lumang tawag sa mga taga-Bicol). Naging Brunai o Brunei ang tawag at ginamit na pangalan ng kanilang ilog at mga baranggay.

Salitang India rin ang tawag sa mga unang pinuno nila, Sang Aji (ang hari), pahiwatig ng matibay na pagka-Buddhist ng mga unang magdaragat, pagsamba mula sa India na lumawak sa iba’t ibang kaharian sa buong silangang timog dahil sa masiglang kalakal, tumagal nang halos 1,000 taon, ng mga tagaruon sa mga kaharian sa timog India.

Ang kalakal mula sa Arabia at China ang nagdala ng kapalit na pagsamba ng Islam sa silangang timog at, para sa mga Brunei, ang yaman at lakas ng nagdidigmaang mga kaharian sa paligid.

(Ang pinagmulan at kabihasnan sa mga paligid ng Pilipinas ay paksa ng aklat ng Kahariang Kayumanggi na ilalagay sa website na ito sa mga darating na panahon.)

Sa pagyaman, lumaki ang kapangyarihan ng Brunei at mula nuong 1363, pinalawak nila ang kanilang mga saklaw hanggang naabot nila ang Palawan at kanlurang timog (southwest) ng Pilipinas, ang mga kapuluan ng Sulu, Basilan at Mindanao.

Mula pa nuong bandang 1310, mayroon nang baranggay ang mga Muslim sa Brunei Sulu, itinatag ng mga taga-ibang bayan na tumira at nag-asawa ng mga tagaruon upang maka-familia ng mga pinuno at kilalang angkan duon. Kabilang sa kanila sina Tuan Mashaika at Tuan Magbalu (tinawag ding Makbalo), mga pinuno ng pagsibul ng Islam sa Sulu. Isa dayuhan din, si Hasim Abu Bakar, anak ng isang Arabi mula sa Hadramaut at ng isang princesa ng Johore sa tinatawag ngayong Malaysia, ang nagtanghal sa sarili bilang unang hari ng Sulu nuong 1450 at inari ang 5 parangal - paduka, maulana, mahasiri, sharif at sultan.

Marami ring parangal si Paduka Sri Sultan Bulkia ibn el Marhum Sultan Sulaiman na dumating at sinaklaw ang Sulu pagkaraan ng 50 taon nang napangasawa niya si Putiri Leila Menchanai, ang anak ng sultan ng Sulu nuon. Mula duon, nagtungo si Sultan Bulkia sa Lusong (Selurung) upang lusubin ang May Nilad.

Southeast Asia MANLULUPIG  MULA  MALAYA

Ang Ika-2 Conquistador
Malayan Prince Establishes a Kingdom in Mindanao

Sinasabi na nasakop ng mga Muslim ang Pilipinas kung hindi dumating ang mga taga-Europe. Totoo man o hindi, hindi maipagkakaila na isang takas mula sa mga Portuguese sa Melaka ang nagtatag ng kahariang Islam sa mga Magindanao.

HINAYAG ni Alfonso Albuquerque ng Portugal na nuong salakayin niya ang kaharian ng Melaka (Mei Laka, tinawag na Malacca ng mga Español) nuong 1511, dinatnan nilang nagkakalakal duon ang 2 parao mula sa kapuluang tatawaging Pilipinas sa mga darating na panahon. Ang magilas na ugnayang ipinahiwatig nito ang magiging landas ng pangalawang pagsakop sa kapuluan, pagkaraan ng 5 taon lamang pagkasakop sa Melaka.

Upang bawiin ang Melaka, sumalakay nuong 1511 ang haring tinalo ni Albuquerque, si Sultan Mahmud Shah, katulong si Datu Uti-muti Rajah, subalit nagapi sila. Umurong ang mga dating maharlika ng Melaka sa timog (south) ng tinatawag ngayong Malaysia. Sa baranggay Johore, malapit sa kasalukuyang lungsod-bayan ng Singapore, itinatag nila ang isang kaharian. At nag-ipon ng lakas upang lusubin uli ang Melaka.

Nakatakas sa Johore kasama ng sultan ang maharlikang angkan na kinabilangan ni Mohammad Kabungsuwan (ang bunsong anak, the youngest). Duon, nabalitaan nila ang pagtatag ng mga mukdumin, ang mga misionaryong Muslim, mula sa Johore ng sariling kaharian sa kapuluan ng Sulu. Nahayag din na nabigo ang tangka ng mga taga-Sulu na palawakin ang kanilang kaharian sa Basilan at sa tinatawag ngayong Zamboanga.

Bagaman at matagal nang narating ng mga mukdumin, malamig ang mga tagaruon sa mga taga-Sulu na mga Tausug, ang matagal na nilang kalaban. Maniwaring matalik ang kaharian ng Sulu sa Brunei, ngunit hindi sa mga taga-silangan. Nakita ni Kabungsuwan na pagkakataon ito upang makapag-tatag siya ng kaharian sa malaking pulo na tatawaging Mindanao.

Mula sa Johore, sa Malaysia, maraming kasamang mandirigma si Kabungsuwan nang naglayag papuntang Mindanao nuong 1515. Dumaan muna sila sa kapuluan ng Tawi-Tawi upang magsama ng mga tagaruon, ang mga Sama, na nagsilbing mga gabay (guias, guides) patungo sa mga tao na tinawag na Magindanao. Subalit, sa halip, sa mga kaibigan nilang mga

Iranun (tinawag ding Ilanan) nagtuloy ang malaking pangkat ng mga Sama, sa baranggay ng Malabang, bahagi ngayon ng Lanao del Sur.

Walang bagay, dahil magkakampi ang mga Iranun at mga Magindanao. Sa baranggay ng mga Ilanan, ang Slangan, unang itinatag ni Kabungsuwan ang kanyang kaharian. Subalit hindi nagtagal duon.

Nasa kalapit na libis ng Pulangi (Pulangi Valley), sa tabi ng ilog na tinawag ding Pulangi, ang malaking pamahayan (settlement) ng mga Magindanao. Lawak sa buong kalagitnaang Kuta Bato (Cotabato ang tawag ngayon) ang mga tao na kawika at kauri nila, na tinawag ding mga Magindanao. Nang maging asawa ni Kabungsuwan ang isang princesa ng mga Magindanao, si Putri Tunoma, inilipat niya nuong 1516 ang pusod ng kanyang kaharian sa Pulangi (North Cotabato) sapagkat higit na marami ang mga Magindanao kaysa sa mga Ilanan.

Mula nuon, kinilala ang mga Magindanao bilang mga pangunahing Muslim sa pulo na ginawaran ng kanilang pangalan, Mindanao.

Mga mandirigma Ang mga Ilanan din ang nagdala ng Islam sa mga kakampi nila, ang mga Maranao sa lawa ng Lanao (Lake Lanao).

Samantala, malakas din ang mga Buayan, kawika at kauri ng Magindanao, sa baybay ng luok Sarangani (Sarangani Bay), katabi ng ilog Buayan, tinatahanan nuon ng maraming buwaya (crocodiles). Kahit karibal ng mga Magindanao, naging Muslim din ang mga Buayan. Nang napangasawa ng isang princesa duon ang anak ni Kabungsuwan, sinamantala ng mga Buayan at nagtatag ng hiwalay at sariling kaharian (sultanate).

Kaiba sa dapat asahan, naging matalik ang mga Magindanao sa kaharian ng Ternate, hindi sa kaharian ng Johore, ang tahanan ng angkan ni Kabungsuwan. Marahil ilag ang mga Magindanao sa ugnayan ng Johore sa Borneo at Sulu na lubhang mapagsakop nuon, lalo na ang mga taga-Jolo.

Dapat asahan, sumabog ang matagal na daigan ng mga Buayan at mga Magindanao sa mahabang digmaan, inabutan pa ng mga Español, at hindi naawat kundi pagkaraan ng halos 100 taon, nuong naging sultan nuong 1616 si Kudarat (Corralat sa mga Español). Nagkampi ang mga Muslim upang sagupain ang pagsakop ng mga Español nuong halos 300 taon ng digmaan - Magindanao, Iranun at Tausug. Hindi nasupil ang mga kaharian ngunit naudlot ang paglawak ng Islam, at ng kaharian ni Kabungsuwan.

Balik sa nakaraan           Ulitin mula sa itaas           Tahanan ng mga kasaysayan           Listahan ng mga pitak           Sunod na kabanata