Conquistador vs. Aztecs ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS:   Soldiers revolt against Legazpi’s restrictions

5 Aklasan  Ng  Mga  Conquistador

Dito sa pulo ng Cebu, bahagya ko lamang natutustusan ang pangkat-dagat nang hindi sinasalanta ang mga tao, subalit palagi kong tatangkain... dahil kung mapilitan kaming digmain sila, malaki ang masisira at wala kaming mapapala, at matindi man ang paghihirap namin ngayon, lalo kaming maghihirap kapag nagkagayon... --Miguel Lopez de Legazpi, liham kay Hari Felipe 2 ng España, 23 Julio 1567

PAGKASAKOP na pagkasakop sa Cebu nuong Abril 1565, walang inatupag ang mga Español kundi magkamkam ng kayamanan. Dahil naitakas ng mga taga-Cebu ang kanilang mga ari-arian nuong mga nakaraang araw, walang nakalkal ang mga conquistador sa nayon. Tumuloy sila sa libingan (cementerio), hinukay at ninakaw ang mga alahas, karamihan ay ginto, na nakaburol kasama ng mga bangkay. Tapos, nuong Mayo 16, 1565, inutos ni Legazpi, general, pinunong conquistador, at magiging unang governador ng Pilipinas, na kailangang ipalista ang lahat ng nakalkal na ginto upang makunan ng buwis para sa hari ng España, si Felipe 2.

Hindi nagalak ang mga Español sa pagbawas nang ika-5 bahagi ng ‘kanilang’ ginto. Paglon, sinundan pa ni Legazpi ng mga utos na huwag nakawan ang mga katutubo - dapat may kapalit o bayad lahat ng kinuha. Lalong nag-ngitngit ang mga tauhan na sumama lamang papuntang Pilipinas upang magkamal ng yaman at ari-arian ng mga sasakuping tao. Kaya nang sumidhi ang pagkulang ng pagkain at gutom ng mga Español, nagsimulang umalma ang mga conquistador.

Cortes arrival Ang Unang Aklasan

3 LINGGO lamang matapos angkinin ni Legazpi ang Cebu at mga karatig pulo sa ngalan ng hari, pinagmumura siya ng mga pinuno ng hukbong Español. Pinamunuan ni Pedro de Mena, ang mga pinuno na mula sa mga maharlikang familia sa España at Mexico, tumanggi sila nuong Mayo 27, 1565, na maglingkod bilang alalay (guardaespaldas, bodyguards) ni Legazpi. Tungkulin iyon ng mga alila, himutok nila. Pinagalitan sila ni Mateo del Sanz, Pangalawa (master-of-camp) ni Legazpi. Bilang parusa, pinaglingkod sila bilang mga karaniwang kawal (soldados, soldiers) sa hukbo. Naghiganti sila at sinunog ang bahay ni Legazpi. Napatay ang apoy subalit nasunog at nasugatan ang ilang tauhan. Ipinadakip ni Sanz si Mena at isa pa sa mga kasapakat, si Esteban Terra. Nilitis sila at hinatulan. Binitay kinabukasan si Terra. Pinatawad ni Legazpi si Mena at iba pang kasangkot sa aklasan.

Aztec massacre Ang Ika-2 Aklasan

SUMIDHI ang gutom ng mga Español, kinain pati mga pusa at daga sa Cebu. Sanay bilang mga conquistador sa America na inagaw kahit ano ang magustuhan, umangal ang mga tauhan sa utos ni Legazpi na bayaran nila ang pagkain o anumang kunin mila mula sa mga taga-Cebu. Nagkasundong mag-aklas (mutiny) ang maraming tauhan, ilan ay mga hindi-Español, ang iba ay mababang pinuno (petty officers) ng pangkat dagat (armada, fleet) habang karamihan ng hukbo ay nakikibaka sa Mactan sa pamumuno nina Mateo del Sanz at ni Martin de Goiti, ang 2 pinaka-mataas na pinuno ng hukbo.

Binalak ng mga nagsapakat na agawin ang maliit na barkong San Juan, ang frigate, at magligalig sa buong kapuluan. Dadambungin nila lahat ng dyong (Chinese junks) na matagpuang nagka-kalakal mula sa Borneo, Luzon at Venduro (ang Mindoro). Pagka-ipon ng sapat na pagkain, inumin, gamit at kayamanan, tutuloy sila pabalik sa Nueva España (Mexico), Guatemala o Peru, ang 3 malalaking sakop (colonies) ng España sa America. Kung mapilitan, balak din nilang dumaan sa Lusutan ni Magellan (Magellan Straits) at tumuloy sa España o sa France. Sakali namang salungat ang panahon, sa kabilang panig sila tutuloy, sa Malacca (ang Melaka) at buong lugod silang Aztec attack tatanggapin ng mga Portuguese duon dahil nais nilang iwaksi ang mga Español sa Pilipinas.

Pinili ng mga kasapakat si Pablos Hernandez, taga-Venice, Italy, at iba pa bilang mga pinuno ng aklasan. Itinakda nila mag-aklas sa Noviembre 27, 1565. Upang hindi sila mahabol nina Legazpi, balak nilang palubugin ang nalalabing galleon, ang San Pablo, ang bagong gawang maliit na barko, ang frigate na Espiritu Santo, at anumang barko na ipinagagawa nuon ni Legazpi. Mahigit 40 tauhan ang kasapi sa aklasan, pati ang kapatas (maestro, crew captain) ng San Pablo na may hawak sa lahat ng kanyon (cañones, cannon) sa barko. Sa hindi matantong dahilan, ipinagpaliban nila nang isang araw ang aklasan, sa Noviembre 28, 1565.

Bago sumapit ang takdang araw, bumalik sa Cebu ang hukbo nina Sanz at Goiti, at maniwaring nagbagong luob ang kapatas ng San Pablo at isinuplong ang gagawing aklasan kay Sanz na agad nagsumbong kay Legazpi. Nagsuot ng sutana ng frayle si Pablos Hernandez at tumakas subalit wala siyang napagtaguan kaya nagbalik at sumuko. Ipinabitay siya, kasama ni Pierres Plin, taga-France na piloto, at isang tauhan mula sa Greece. Ang ibang mga kasangkot ay pinatawad ni Legazpi. Inutos niya na mula nuon, Español lamang ang maaaring gamiting salita ng mga tauhan.

Umamin ang ibang kasangkot na kasapakat din sila sa pagnakaw ng San Pablo at, sabay sana ng San Lucas, sa pagtalilis sa gitna ng dagat Pacific nuong nakaraang taon. Nagkasundo na raw sila sa Puerta dela Navidad, Mexico, pa lamang. Nuong gabing tumakas ang San Lucas, sinubukan nilang ibaba ang mga layag ng San Pablo. Kunyari, gumagaya lamang sa ginawa ng capitana (flagship), ang barko ni Legazpi, subalit natutop sila ni Sanz at binalaan silang bibitayin kung humiwalay sa capitana, kaya hindi naituloy ang pagtakas.

Ang Ika-3 Aklasan

DAHIL sagad na sa gutom, iba’t ibang pangkat ang pinalaot ni Legazpi upang maghakot ng pagkain at gamit mula sa mga pulo sa malapit at sa malayo. Gaya nuong ika-2 aklasan, sinamantala ito ng mga naiwang tauhan sa Cebu upang magsabwatan (complicidad, conspiracy).

Sa pamuno ng isang soldado, tinawag na Carrion, binalak nilang agawin ang isang dyong ng mga taga-Luzon at mangulimbat (robo, robbery) sa

pali-paligid hangkang makapag-ipon ng sapat na pagkain, kagamitan at kayamanan upang makapaglakbay sa Maluku (Moluccas, spice islands) upang sumanib sa mga Portuguese na karibal ng mga Español.

Isiniwalat ang balak ng isang taga-France na, gaya ni Carrion, ay kasangkot sa unang aklasan subalit pinatawad at hindi pinarusahan ni Legazpi. Dinakip si Carrion at isa pang tauhan.

Hindi na pinatawad uli, binitay silang dalawa.

Cortes siege Ang Ika-4 Aklasan

PAGDATING ni Andres de Urdaneta sa Nueva España (ang Mexico) matapos tuklasin ang landas pabalik mula Pilipinas nuong Octobre 1565, pinalaot agad ng mga Español duon ang barkong San Geronimo pabalik sa Cebu upang mag-balita at magdala ng pagkain at tulong kina Legazpi. Subalit madalian ang paggawa sa barko, paghanda sa mga kagamitan at pagpili sa mga tauhan kaya isang taon bago nakarating ang barko sa Cebu nuong Octobre 15, 1566, bulok at sira-sira dahil sa mga patayan at 2 aklasan.

Ang piniling capitan, ang pangalan ay Pericon, ay walang muwang. Ang piloto na piniling maglandas sa San Geronimo ay isang taksil.

Si Lope Martin din ang piloto ng barkong San Lucas na tumakas mula sa pangkat dagat ni Legazpi nuong Noviembre 1564 habang papunta sa Pilipinas. Matapos mahirang sa San Geronimo, bumuo siya agad ng aklasan upang nakawin ang barko at mangulimbat (robo, piracy) sa dagat Pacific. Walang alam at walang ginawa si Capitan Pericon, kahit na madalas siyang bastusin at hindi sinunod ng mga tauhan. Kahit na sinabi sa kanya ni Martin, “Nagkakamali ka kung akala mo Conquest of Mexico madadala mo ako sa Pilipinas. Bibitayin ako ni Legazpi oras na makita niya ako.”

Pinatay ng mga nag-aklas si Pericon at ang kasama niyang anak na lalaki. Naagaw nila ang barko subalit nag-away si Martin at ang isa pang pinuno ng aklasan, ang kapatas (maestro, ship master) ng barko. Balak sana ng kapatas na dakpin si Martin subalit inunahan siya at siya ang nabitay.

Pina-ikot ni Martin ang barko pabalik sa lusutang Magellan (Magellan Straits) upang sa dagat Atlantic dambungin ang mga galleon na papuntang España, puno ng ginto at alahas na kinamkam mula sa mga Inca ng Peru at mga Aztec ng Mexico, sa America. Ipinangako ni Martin na lahat sila ay yayaman, subalit lihim na balak niyang itapon sa isang ligaw na pulo ang mga tauhan ng barko na ayaw sumapi sa kanya.

Kunyari ay nagpapalipas lamang ng tag-ginaw (invernal, winter) sa isang pulong malapit sa Barbudos, kabilang sa tinatawag ngayong Marshall Islands, pinalapag ni Martin ang karamihan ng mga tauhan. Natiktikan ang tangka niya ng isang pari, si Juan de Viveros, na nakiusap na huwag silang iwan duon upang mamatay ng gutom.

Dalhin man lamang sila sa Pilipinas, himok ni Viveros, at duon sila iwan. Nang ayaw makinig ni Martin, sumugod ang mga tauhan at, balik aklas (contra-rebelion, counter mutiny), inagaw ang barko mula sa pangkat na nag-aklas. Si Martin at 26 kasama niyang nag-aklas ang iniwan duon sa maliit na pulo at nagpatuloy ang San Geronimo papunta sa Pilipinas.

Bago dumating, binitay nila ang 2 tauhan na kasangkot sa pagpatay kay Capitan Pericon at sa anak niya. Pagkadaong ng barko sa Cebu, nilitis at binitay ang tagasulat (notario, scribe) ng barko dahil kasangkot din sa

pagpatay kay Pericon. Pinatawad ni Legazpi ang iba pang kasangkot sa aklasan dahil marami nang Español ang namatay sa sakit at sakuna, at kulang na kulang sa tauhan ang mga conquistador ng Cebu.

Bulok lahat ang dalang pagkain at gamit sa San Geronimo dahil hindi mainam ang paghanda. Ang barko mismo ay sira-sira. Nais sanang tastasin at gamitin sa paggawa ng isang mas maliiit na barko, ngunit natuklas ng mga karpintero (carpenteros, carpenters) na bulok na rin ang mga kahoy dahil hindi mahusay ang pagkakagawa at inapura ang pagtapos sa barko.

Ang Ika-5 Aklasan

NUONG kaarawan ng pagkakita uli sa Santo Niño, Abril 28, 1567, bumalik sa Cebu ang isa sa 2 barkong pinapunta sa Mindanao upang humakot ng kanela (canela, cinnamon). Hangos ang bagong gawang maliit na barko (frigate) at kasunod agad-agad ang pang-2 barko, ang San Juan, dahil sa dala nilang balita.

Namatay si Mateo del Sanz, ang Pangalawa (master-of-camp) ni Legazpi. At nag-aklas uli ang mga kawal (soldados, soldiers) at mga tauhan.

Dala-dala ng unang barko ang 2 sa mga pinuno ng aklasan, ipinabalik sa Cebu upang malitis at mahatulan. Ang pangunahing pinuno, si Martin Hernandez, taga-Portugal, ay nag-aklas nang ipagbawal ni Sanz sa mga kawal at tauhan ang magkalakal ng kanela para sa sarili nila.

Nuon, nag-iipon si Legazpi at nagpapadala ng tone-toneladang kanela kay Felipe 2, hari sa España, upang pambayad sa paglakbay sa Pilipinas at pagtustos sa pagsakop nila sa Cebu at mga karatig pulo. Nag-aklas ang mga kasapakat ni Hernandez sa pagsarili ng hari ng mayamang kalakal subalit naudlot ang mga balak nila nang bitayin ni Sanz si Hernandez.

Nagkataon naman, nilagnat at namatay si Sanz at 15 pang Español na kasama sa Mindanao. Pumalit sa kanya si Martin de Goiti, batikang (veterano) conquistador at kapatas (maestro) ng mga kanyon (chief of artillery).

Si Goiti ang nagpatuloy ng pag-usig sa mga nag-aklas at ipinabitay niya ang 2 kawal at isang marinero na, maliban kay Hernandez, ay pinaka-puno ng aklasan. Siya rin ang nagpasiya, dahil sa dami ng mga Español na namatay at maysakit, na pabalikin ang 2 barko sa Cebu, bihag ang 2 pang pinuno ng aklasan upang iharap kay Legazpi at maparusahan.

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata