![]() Digmaan: Ang Pagsakop Sa Cebu Pinasiya kong dalhin duon ang buong armada - pasiyang isinagawa ko sa tangkang makipag-kaibigan at makipag-payapa NUONG una, pasiya ni Miguel Lopez de Legazpi at ng mga pinunong Español na sa kalapit na pulo ng Camiguin itatag ang pamahayan (colony) kahit kaunti lamang ang mga tao dahil parang maraming ligaw na hayop na makakain at walang dumidigma sa kanila duon. Ngunit sa balitang dala ng frigate tungkol sa Cebu, nagkaisa ang mga Español na tumuloy duon dahil maraming pagkain, maraming tao na maglilingkod sa kanila at, sakali mang pumalag ang mga taga-Cebu, karapat-dapat lamang na lupigin sila dahil sa pagpatay nila sa pangkat ni Ferdinand Magellan nuong 1521. |
|
Milagro Ng Santo Niño SA ISANG bahay, nuong araw na sinakop ang Cebu, natuklasan ng isang marinong Español, si Mermeo, ang estatwa ng Santo Niño na handog ni Magellan sa
Wala na ang cross sa maliit na mondo na hawak, pudpod nang bahagya ang ilong (nariz, nose) ng Santo Niño at tuklap na ang isang pisngi (mejilla, cheek) dahil sa kapupunas, ngunit nakahimlay pa rin ito sa sariling lumang kuna (cradle) na balot pa rin ng ginto. Maraming bulaklak sa paligid ng Santo Niño nang natuklasan, maniwaring patuloy na sinamba ng mga taga-Cebu kahit na pagka-alis ng pangkat ni Magellan 44 taon sa nakaraan. Walang nakapagsabi kung bakit. Ipinakita ni Mermeo ang kanyang natagpuan kay Juan de Camuz, isa ring sundalo at magkasama silang nagdala kay Estevan Rodriguez, piloto at isa sa mga pinuno ng pangkat. Dali-dali silang nagtungo kay Legazpi na, nang nakita ang Santo Niño, biglang lumuhod at nagdasal sa langit. “Himala!” gilalas si Legazpi. Ipinatago niya ito at inutos na magtayo ng simbahan na pagtatanghalan ng ‘mapaghimalang’ estatwa. Sa isang procesion nuong Mayo 8, 1565, inilipat nina Urdaneta at mga frayleng Augustinian ang Santo Niño sa bagong simbahan, nuon ay isang kubo lamang, na tatawaging Santissimo Nombre de Jesus (‘kabanal-banalang ngalan ni Jesus’). |
Maging si Andres de Urdaneta at ang iba pang mga frayle ay sang-ayon sa pagsakop sa Cebu, kaya nuong Abril 27, 1565, dumaong ang buong pangkat ni Legazpi sa harapan ng Cebu. Nasa likod nila ang pulo ng Mactan. Alsa-balutan, 27 Abril 1565 “Paniwala akong makatarungan ang digmain sila,” ang sulat ni Legazpi, “sapagkat sila ang mga taong tumanggap kay Magallanes at kanyang pangkat-dagat. Si Hari Sarriparra (si Raja Humabon) at halos lahat ng tao ay nagpabinyag at tinanggap sa simbahan at nagkusang magsilbi sa hari ng España. Pagkatapos, si Magallanes at mahigit 30 ng kanyang mga kasama ay pinatay habang nakikibaka para sa pulong ito laban sa mga tao sa Matan (Mactan), ang katabing pulo na puno ng tao. Ang nangyari, nakipag-payapa ang 2 pulo nang sarili nila, at pinatay ng mga taga-Subu (Sugbu, dating pangalan ng Cebu) ang maraming Español sa pangkat-dagat ni Magallanes at ipinagtabuyan mula sa kanilang pulo ang mga buhay pa. Batid namin na lahat ng ito ay sapat na dahilan sa anumang gawin namin.” Kararating lamang nina Legazpi nang lumapit sa barkong capitana (flagship) ang isang indio (tawag sa mga Pilipino nuong panahon ng Español), sakay sa isang bangka, at hinayag na si Tupas, ang panginuon sa pulo, ay nasa kabayanan at darating siya upang makipagkita sa mga Español. Hindi nagtagal, dumating mula sa kabayanan ang isa pang indio, marunong magsalita ng Malay, at pasabi raw ni Tupas na naghahanda na siya upang makipag-usap, na darating siya nuong araw na iyon mismo, at isasama niya ang 10 sa pinaka-mataas na pinuno ng pulo. “Naghintay ako maghapon,” sulat ni Legazpi kay Felipe 2, “ngunit namasid ko na abala ang mga tao sa pagtanggal ng kanilang mga ari-arian mula sa kanilang mga bahay, at hinahakot sa bundok. At buong maghapon, at hanggang tanghali kinabukasan, hindi dumating si Tupas, ang anak ni Sarriparra na pumatay sa mga tauhan ni Magallanes.” |
Pinapunta ni Legazpi sa dalampasigan (playa, seashore) ang isang bangka, sakay sina Urdaneta, Mateo del Sanz na kanyang kanang-kamay (master of camp), at Hieronimo Pacheco na tagasulat (notario publico) at tagapagsalita (interpreter) ng Malay na, ayon kay Legazpi, gamit ng maraming katutubo. Saksi sina Urdaneta at Sanz habang hiniling ni Pacheco sa mga taga-Cebu na, bilang kapwa nagsisilbi sa hari ng Castilia, sana ay tanggapin nila ang mga Español nang mapayapa. Sa utos ni Legazpi, 3 ulit hinayag ni Pacheco ang sumpa ni Legazpi na “hindi ako naparito upang saktan kayo kundi upang makipag-kaibigan at pagbigyan kayo.” Walang bisa ang mga pangako ni Legazpi. Nagsama-sama ang mga mandirigma ng Cebu sa dalampasigan at sinuot ang kanilang escaupiles (rope armor, mga damit na gawa sa makapal na lubid) at nagsandata na ng kanilang mga sibat, kalasag (shields), mga pana at kampilan, ang mahabang pantaga (espada, sword) ng mga katutubo. Marami ang nagsuot sa ulo ng makukulay na balahibo ng manok at ang mga ito ay nagkakampayan sa hangin. Dumating pa ang maraming kakampi, sakay sa mga parao mula sa mga kalapit. Sa tantiya ng mga Español, halos umabot sa 2,000 ang mga mandirigma sa harap nila. |
|
Sugod, Sabay Kanyon! “Oras na upang matatag kami ng permanenteng pamahayan,” ulat ni Legazpi sa liham kay Felipe 2. “Angkop ang daungan at kabayanan ng Subu sa pangangailangan namin, at walang katuturang maghintay pa kami, at nakita na naming walang pag-asang makipag-payapa.” Pinasugod na sa pampang ang mga sundalong Español. Ipinasabi ni Legazpi sa kanyang kanang-kamay (master-of-camp), si Sanz, na isinigaw ng tagapagsalita, si Pacheco: “Ayaw n’yo rin lang ang aming pakikipag-kaibigan, at ayaw n’yo kaming tanggapin nang mapayapa, sa halip ay gigil kayong makipag-digmaan, hintayin n’yo ang aming pagdaong! Tiyakin n’yong magpaka-lalaki kayo, at ipagtanggol n’yo ang mga sarili n’yo laban sa amin! At bantayan n’yo ang inyong mga tahanan.” Matapang na sumagot ang mga indio, “Mangyayari na ang mangyayari! Hali kayo, naghihintay kami!” At naghiyawan na sila, itinaas ang kanilang mga kalasag at winagayway |
ang kanilang mga sibat. Handa na ang mga Español, bumaba sa mga barko at lumunsad, sakay sa mga bangka. Ang mga nagsisigawang mandirigma, mula sa kanilang hanay, ay sumugod nang tig-3 lalaki, at hinagis ang kanilang mga sibat sa mga bangka ng mga Español na dumadaong sa dalampasigan. Tapos, takbo sila pabalik sa hanay, at 3 ibang mandirigma ang susugod naman at maghahagis ng kanilang sibat.
Paulit-ulit ginawa ito, parang larô (juego, game) ng cañas (canes), taktikang gawa rin ng mga Español sa Europe, ngunit habang nakasakay sa kabayo (cavallo, horse). Sabay sa utos, pinagka-kanyon mula sa mga barko ang hanay ng mga mandirigma, pati ang kumpol ng mga parao sa may kalayuan. Ang mga bahay ay pinagka-kanyon din. “Kahit na magana ang ipinakita nilang pakiki-digma,” sulat ni Legazpi, “nang narinig nila ang putok ng mga cañon, at nakita ang pagsabog sa mga tinamaan, nagtakbuhan sila at iniwan ang kanilang kabayanan. Hindi na naghintay ng bakbakan, tumakas tagos sa malalawak, magaganda at mayayabong na bukid sa paligid. Hinabol namin ang mga tumakas, ngunit sila ang pinaka-mailap at pinaka-matuling tumakbo na nakita ko.” |
Bagong Lungsod ng Español Walang tinamaan o napatay, ngunit sindak na nagtakbuhan ang mga mandirigma at mga taga-Cebu, - lalaki, babae, mga musmos, kahit mga matanda. Nagulat ang mga Español sa bilis ng pagtalilis, lalo na nuong nagliyab at nasunog ang ilang kubo na tinamaan ng kanyon. Nasagip ang ibang mga bahay dahil lamang palayo ang ihip ng hangin nuon. Bumaba sa dalampasigan ang buong pangkat ng mga Español kahit walang tao at walang pagkain na natagpuan sa nayon. Inutos ni Legazpi na tumira ang 4 sundalo sa bawat kubo, at ipinagiba niya ang ibang mga bahay. Sinimulan ng mga Español wasakin ang mga kubo at linisin ang puok na piniling tatayuan ng kanilang pamahayan (settlement) na tatawagin nilang San Miguel. Tumagal ng ilang araw ang bakbakan. Gumapang pa isang gabi ang ilang mandirigma at sinunog ang mga kubo na tinutulugan ng mga Español. Sa kalat-kalat na labu-labo, isang Español, si Pedro de Arana, ang napatay ng mga tagapulo, habang mga 20 Taga-Cebu ang nabihag ng mga sundalo ni Legazpi. Nagsimula ang pangkat-pangkat ng mga Español na humakot ng mga |
pagkain - mga baboy, manok at bigas - mula sa mga karatig na bukid at baranggay. Sa mga bahay-bahay, nabihag din nila ang 6 babae, isa ay pamangkin ni Tupas, at asawa ng isang pinuno ng Cebu. Kasamang nabihag ang 2 anak ng babae at sa takot nito, ipinangako ng babae kay Legazpi na mapapalapit ng asawa niya si Tupas.
Nuong Mayo 8, 1565, inangkin ni Legazpi ang Cebu at mga karatig pulo, sa ngalan ng hari ng España. Nagpatayo siya ng matayog na bakod, mga pinatulis na punong-kahoy, paligid sa puok na binahayan ng mga Español.
|
Simula ng kahariang Español “Sinakop at nanatili kami sa kabayanan na iniwan ng mga katutubo na walang pagkain kahit ano,” ulat ni Legazpi. “Datapwa, paniwala ko na hindi magkakaruon ng gutom. Sa kabila ng aming paghihirap, mainam ang aming nakamit kahit na walang mapapalang pagkain kundi sa pamamagitan ng aming mga espada.” Malawak ang nayon ng Cebu, sakop ang dalampasigan hanggang sa malayong baranggay ng Mandaue. Sa dami ng tao, may mga kubo na itinayo sa mga sanga-sanga ng malalaking punong kahoy. “Maraming tao sa pulo, at mataba ang lupa,” sinuri ni Legazpi ang Cebu sa |
kanyang liham. “Apat na araw lamang pagkasakop namin sa kabayanan, umusbong na ang mga palay (Castilian seeds) na itinanim namin. Nakita namin ang kaunting ginto dito, sa damit ng mga katutubo. Nasa bukana kami, at malapit na ang mga pinaka-mayamang bayan ng mondo, pati ang mga dati-rating malalayong lakbaying lalawigan.”
Sinabi niya na sa luob ng 300 leguas (1,400 kilometro) sa paligid, natatagpuan ang makapangyarihang China, ang Burnei (Borneo), Java, Lauzon (Luzon), Samatra (Sumatra), Maluco (Maluku, Moluccas), Patan (dating tawag sa India), Sian (Siam, Thailand ang tawag ngayon), Japan at Lequios (Ryukyu islands, kasama ang Okinawa at nuon, ibini-bilang din ang Formosa na Taiwan ang tawag ngayon). |
Sumuko si Raja Tupas Isang umaga, pagka-alis ng San Pedro pabalik sa Mexico nuong Junio 1, 1565, dumating ang isang sugo mula kay Tupas upang makipag-usap. Ipinasabi ni Legazpi na kahit pinatay ang isang Español, nais niyang mapayapang makabalik sa Cebu ang mga tao. Nuong hapon ding iyon, dumating ang 2 pinuno ng Cebu, isa si Makyo (Simaquio ang sulat ng Español), ang asawa ng bihag na babae. Nang makitang mahusay ang turing ng mga Español sa asawa at 2 anak niya - “Bilang mga panauhin ang tingin ko sa kanila,” hayag ni Legazpi - nangako ang mga pinuno na isasama nila si Tupas sa susunod. Hindi sumipot ang mga pinuno sa araw na takdang pag-uusap uli, at ilang araw pa bago nagpakita si Tupas, at sumuko sa mga Español. Lumuhod siya at ang mga kasama sa harap ni Legazpi at sumumpang susunod sa mga utos, at magbibigay ng buwis at pagkain mula nuon. Gaya ng kanyang ama, si Rajah Humabon, sumumpa siyang maglilingkod sa hari ng España. |
Pagkatapos, hinainan sila ng merienda at pinalaya ang mga bihag, pati ang asawa at mga anak ni Makyo. Gulat at tuwa ang mga tao sapagkat hindi akalaing palalayain ang mga ito nang walang tubos (rescate, ransom).
Nagbalikan na ang mga taga-Cebu at nagsimula ang kalakal at pakikipag-kaibigan ng mga tao at mga Español. Madaling lumitaw ang pinaka-hilig na bilihin. Nahilig ang mga Español sa tuba at iba pang alak ng mga Visaya na “kaunti kumain ngunit malakas uminom.” Lagi naman bumili ang mga taga-Cebu ng bakal (iron), lalo na ang mga malaking pako (clavos, nails) na ginagamit sa barko dahil matulis na at agad naikakabit sa sibat. Kapwa ipinagbawal ni Legazpi ang kalakal dahil laging lasing ang kanyang mga tauhan, at kailangan ang mga pako sa mga barkong ipinagagawa niya. Ngunit nagpatuloy ang puslitan (smuggling) ng alak at pako, lalo na kung gabi, nang panay ang dalaw ng mga babae sa campo ng mga sundalo upang makipag-inuman at sumiping. |
Nabigo uli sa Mactan Sa hiling ni Tupas, dumalaw kay Legazpi ang kanyang asawa, akay-akay ng mahigit 60 babae. Lahat sila ay naka-postura, makukulay ang mga damit at nakasuot ng maraming gintong alahas (joyas, jewels) at mga sinsing. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang isang babae, pamangkin ni Tupas, at nagpabinyag na catholico sa ngalang Isabel. Tapos, nagpakasal siya kay Maestro Andrea, isa sa mga tauhan ni Legazpi na gumagawa ng mga barko. Pati ang anak ni Isabel, 3 taon ang gulang, at 2 pang bata - isang 7 taon gulang na lalaki at 8 taon gulang na babae - ang bininyagan din. Maraming taga-Cebu ang gumaya at nagpabinyag din. Nagsimulang nagkampihan ang mga taga-Cebu at ang mga Español sa paglusob sa mga kalaban ng mga taga-Cebu. Tinangka rin ni Legazpi na sakupin ang pulo ng Mactan bilang ganti sa pagpatay duon kay Magellan nuong 1521, ngunit |
gaya ng nangyari nuon, nabigo uli ang mga Español, na umiwas na duon mula nuon.
Nuong sumunod na taon, 1567, namatay sa lason ang isang marinero at isang Mexicano, at nagkasakit ang ilan pang tauhan ni Legazpi. Natuklasan na nilason ng isang babaing taga-Cebu ang alak na ipinagbili niya sa mga Español. Kinausap ni Legazpi si Tupas at dinakip ang babae na binitay matapos mag-kumpisal (confesar, confess) at mabinyagan. Nuong gabi ring iyon, isinuplong ni Tupas at nabihag ang isang pinuno ng Cebu na kasangkot sa pagpugot kay Pedro de Arana. Binitay siya kinabukasan duon mismo sa puok na pinugutan niya si Arana. Kahit malupit ang parusa, laging tapat ang turing at ipinagtanggol ni Legazpi ang mga taga-Cebu mula sa pagnakaw at pagmalabis ng mga Español, na hindi lahat nasiyahan sa pagpigil sa mga gawi nila bilang conquistadores. Ang iba ay lumaban kay Legazpi. |
BAGO pa nakarating sa Cebu, nagpasiya na si Miguel Lopez de Legazpi, si Fray Andres de Urdaneta at ang mga pinuno ng pangkat-dagat (armada, fleet) na pabalikin na sa Nueva España (Mexico) ang capitana (flagship), ang barkong San Pedro, ang pinaka-malaki at pinaka-matibay, oras na makapag-imbak ng sapat na pagkain para sa paglakbay pabalik. Utos ni Felipe 2, ang hari ng España, na bumalik at tuklasin agad nina Legazpi ang landas pabalik sa Nueva España upang gamiting landas ng palagiang kalakal ng mga spice mula sa Maluku. Ang San Pedro na lamang ang nalalabing barko na kayang tumawid uli sa dagat Pacific, maliban sa San Juan, isang frigate, na nais ni Legazpi gamitin pangsiyasat at panghakot ng bagong tatag na pamahayan (settlement) sa Cebu. Nakagiliwan ni Legazpi ang kapuluan. Maniwaring pinasiya niyang tumira na ruon habang buhay. |
|
“Mula sa kabayanang ito ng Subu, pinabalik ko ang isang barko (ang San Pedro), sakay ang prior (si Urdaneta) at ang aking apo, si Phelipe de Zauzedo (Salcedo) na dala ang mahabang salaysay na isinusulat ko rito para sa Inyong Kamahalan. Ihahayag nila nang lubusan, bilang mga saksi sa lahat, lalo na sa mga nangyari rito, ang kalagayan ng bagong pamahayan, at lahat ng mga ginawang pagsasa-ayos dito.” Nag-imbak ng 8 buwang pagkain at inumin sa San Pedro at naglayag si Urdaneta nuong Junio 1, 1565, kasama si Salcedo, si Fray Andres de Aguirre, 10 sundalo at 200 tauhan. Piloto si Estavan Rodriguez, katulong ang piloto ng San Juan na naiwan sa Cebu, si Rodrigo de Espinosa, na sumulat araw-araw ng mga naganap sa paglakbay. Patungong silangang hilaga (northeast), narating nila ang isang pulo na may 2 matayog na bulkan, at nag-imbak sila ng inuming tubig. Pagkaraan ng 10 araw, nuong Junio 10, umabot sila sa pulo ng ‘Felipina’ (ang Samar) at sinimulan nilang bagtasin ang dagat Pacific. Sa 11 taon paglibot ni Urdaneta sa Pilipinas at Maluku mula 1526 hanggang 1536, natutunan niya mula sa mga katutubo kung paano maglayag patawid sa dagat Silangan (Pacific). Isinulat pa ito nuong 1573 ni Capitan Diego de Artieda, kasama ni Legazpi papuntang Pilipinas bilang tagamasid (observer) ni Felipe 2: |
Makakapaglayag nang derecho mula Nueva España hanggang Pilipinas o Maluku mula katapusan ng Octobre hanggang Abril, nang umiihip pakanluran (westerly) ang masarap na hangin (brisas, breezes). Pabalik sa Nueva España, kailangang maglayag sa lamig ng hilaga (north), kapantay ng Japan, mula Octobre hanggang Abril nang umiihip ang malakas na hangin (vendavals, strong winds) patungong silangan (east). Nuong 1544 at 1545, sinubukan 2 ulit ang landas sa hilaga ng pangkat ni Ruy Lopez de Villalobos upang makabalik sa Mexico ngunit hindi nila nainda ang lamig, sakit at gutom sa matagal na paglayag. Napilitan silang bumalik sa Maluku at sumuko sa mga Portuguese. Nuong 1565, umakyat hanggang sa ginaw ng ika-36 guhit pahilaga (36 degrees latitude north) sina Urdaneta bago lumihis pasilangan. Pagkaraan ng 3 linggo, nuong Junio 21, 1565, narating nila ang isang pulo na tinawag nilang Espiritu Santo. Alam ni Urdaneta ang dinanas nina Villalobos, kaya nagdala sila ng maraming pagkain, at kahit nagkasakit halos lahat sila, at 16 ang namatay sa sakit at ginaw, patuloy silang naglayag - mabilis paminsan-minsan, lagpas 120 kilometro sa isang araw, at kung minsan naman, 25 kilometro lamang sa isang araw. |
Nuong Septiembre 18, 1565, natanaw nila ang pulo na tinawag nilang Deseada (desired, ang minithi), ang unang lupang nakita nila sa 3 buwan at halos 8,000 kilometro mula Cebu. Sumunod na Sabado, Septiembre 22, 1565, natanaw nila ang usling lupa (cabo, cape), tinawag nilang Santa Catalina. Nasa America na sila. Lumiko sila patimog (southward) at binagtas ang baybayin ng California hanggang nuong ika-10 ng umaga nuong Septiembre 27, namatay sa sakit ang piloto, si Rodriguez, at inilibing siya sa dagat sa tapat ng maputing usling lupa, tinawag nina Urdaneta na Cabo Blanco (White Cape). Nilagpasan nila ang isa pang usling lupa, Cabo Chamela naman ang ibininyag. Kinabukasan, Octobre 1, 1565, narating nila ang Puerta dela Navidad, ang pinagmulan ng lakbay ni Legazpi. Lahat ay maysakit, kulang na lamang sa 20 ang nakatayo pa, ngunit pinatuloy ni Urdaneta ang barko sa Acapulco, narating nuong Octobre 8, 1565, nang si Urdaneta at si Salcedo na lamang ang may lakas pa upang magbaba ng ankla (anchor). Mahigit 9,000 kilometro ang tantiya nilang nilayag nila mula Cebu. |
Nagtuloy si Urdaneta sa España upang ihayag sa harap ni Felipe 2 ang paglayag at pagtuklas ng landas pabalik sa Nueva España. Ginawaran ng parangal at gantimpala si Urdaneta bago siya nagbalik sa Nueva España at tutuloy sana uli sa Pilipinas ngunit sinaway siya ng mga kaibigan. Pumasok siya uli sa convento at isinulat na lamang ang kasaysayan ng 2 paglakbay niya, nuong kasama siya ni Jofre de Loaisa, at nuong kasama siya ni Legazpi. Nalathala ang ulat tungkol kay Loaisa. Ang kasaysayan ni Legazpi ay nasama na lamang sa mga kasulatan sa mga indio (archives of the indies) sa España. Ang tinuklas niyang landas ang ginamit sa sumunod na 250 taon ng galleon trade, ang balikang kalakal mula Pilipinas hanggang Mexico. Ang kalakal na ito ang dahilan nagtatag ng mga mision na magagamit ng mga barko sa baybayin ng California, mga mision na naging mga lungsod ng America, kabilang ang San Francisco, Monterey, Los Angeles at San Diego. Namatay si Urdaneta sa Nueva España nuong 1568. Nuong taon na iyon sinalakay ng mga Portuguese ang pangkat ni Legazpi sa Cebu. |
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |