![]() Capanpanga, Ylocos At Yvalon The new Manila monarchy surges to subdue the rest of great island of Luzon Dahil sa tuntunin ni Legazpi na isali sa kurakot ang mga kakamping tagapulo, maraming Visaya at taga-Luzon
HINDI sumuko lahat ng mga katabing baranggay nang sakupin ang Manila ng mga Español ni Miguel Lopez de Legazpi nuong Mayo 1571. Isa sa mga laban sa pagsakop ang malaking nayon sa kabilang panig ng ilog Pasig, kulang-kulang 2 legua (halos 10 kilometro) mula Manila, ang Butas. (‘Sa butas’ o ‘nabutas’ ng ilog ang dating pangalan, naging Navotas paglaon ang nuon ay mas malapit sa Manila, sa banda ng kasalukuyang Caloocan.) Kakampi ang mga karatig nayon at baranggay kaya ipinatawag sila nina Dula, Soliman at Laia ngunit sa paghaharap nila sa Tondo, matatag ang mga taga-Butas, ayaw sumuko sa mga Español. Inutos ni Legazpi kay Martin de Goiti, ang kanyang Pangalawa (maestro-de-campo, master-of-camp), na bumuo ng hukbo upang durugin ang Butas. |
|
Labanan sa Navotas Pagkatapos magsimba nuong tanghali ng Junio 3, 1571, sumugod ang 70 sundalo, sakay sa kulang-kulang 20 bangka. Kasama ang ilan daang mandirigmang Visaya sa kanilang mga bangka. Sumali rin ang ilang daan ding mga taga-Luzon na nais maki-bahagi sa kalkalan ng maku-kurakot sa labanan (spoils of battle). Hinarap sila ng ng mga taga-Butas, patalon-talon at nagsisigawan, may dalang mga maliit na kanyon (culverin) sa 70 bangka. Sabik ngunit walang alam sa digmaan, pumana agad ang mga taga-Butas at nagpa-putok ng mga culverin kahit hindi pa abot ang mga bangka ng mga Español. Sa tubig bumagsak lahat ng palaso (flechas, arrows) at bala ng kanyon. Nasukat tuloy ni Goiti ang dami at lakas ng mga kalaban. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na itali nang tig-2 ang kanilang mga bangka upang hindi tumaob sakaling magbanggaan sa tubig. Tapos, pinagsagwan niya nang mahinay ang mga Español at dahan-dahang lumapit sa mga lalong nalito at natarantang mga taga-Butas. Gaya ng hula ni Goiti, agad nagpaputok uli ng mga culverin at pumana ang |
mga kalaban bago nakalapit nang abot ang mga Español. Tapos, habang nagka-carga sila ng mga bala at pana, pinagba-baril sila ng mga sundalong Español. Marami sa mga taga-Butas ang tinamaan nang sabay-sabay, at gaya ng hangad ni Goiti, nasindak ang mga bagito sa digmaan at sumagwan lahat patakas, pati ang kanilang mga pinuno.
Nang nakita ng mga Visaya at mga taga-Luzon na kakampi ng mga Español na nagtakbuhan na ang mga taga-Butas, sumugod sila at humabol, tumalon pa sa tubig at lumangoy ang marami upang marating agad ang mga tumatakas. Napatay nila ang marami sa mga taga-Butas, sira na ang luob at hindi na nakalaban. Winasak at sinunog ang nayon ng Butas. Lahat ng mga bangka ng mga taga-Butas, ang mga culverin, pati mga ari-arian sa nayon ay nilimas ng mga Español at ng mga kakamping mandirigma. Mahigit 200 taga-Butas ang nabihag sa nayon, may 300 pang nahuli sa habulan pagkatapos. Kinaladkad silang lahat kinabukasan pabalik sa Manila upang gawing mga alipin (esclavos, slaves). Matapos piliin ang bawat ika-5 para sa hari ng España, pinaghati-hatian sila bilang mga alipin ng mga Español at ng mga kakamping mandirigma. |
3 Kuta sa Pampanga Hindi nagtagal pagkatapos ng bakbakan sa Butas, dumating ang ilang katutubo upang isumbong ang mga baranggay sa pampang (Capangpanga ang dinig ng mga Español) ng malaking ilog sa hilaga (ilog Pampanga ang tawag ngayon). Naparuon si Goiti, kasama ng 100 sundalong Español at, gaya nang dati, ng mga mandirigmang Visaya at taga-Luzon na mas marami kaysa dati. Mahigit 1,000 na ang mga kakampi ng mga Español at mahigit 100 na ang mga parao at mga bangka ng pangkat pagpasok sa malaking Ilog Pampanga. Natuklas ng mga Español na marami sa mga taga-Pampang ang nagkubli sa kanilang mga kuta. Gamit ang sindak at amuki, halos walang bakbakan kahit na sa una dahil sa dami ng mga kasama niya, nalupig ni Goiti ang 3 tanggulan ng mga taga-Pampang - ang huli ay madaling |
sumuko nang narinig na hindi sila gagawing alipin, bagaman at kailangan silang magbayad ng buwis na ginto, pagkain at mga ari-arian. Kinuha rin pati ang mga culverin nila.
Nang natanggap ang utos ni Legazpi na bumalik agad, agad ngang iniwan ni Goiti ang iba pang baranggay sa Pampanga (Halos buong gitnaang (central) Luzon ay tinawag na La Pampanga ng mga Español nuon). Dumating ang 2 barko mula Mexico, dala ang 100 sundalo ni Capitan Juan Lopez de Aguirre, at naghihintay na sa Panay. Inutos ni Legazpi kay Goiti na sunduin ang mga barko at ihatid sa Manila. Inutos din ni Legazpi na kunin na ang asawa ni Goiti sa Cebu at tumira na sila sa lupang ibinigay sa kanila, sa timog bukana ng ilog Pasig, sa tabi ng Manila (ang kasalukuyang South Harbor at Port Area). Bilang pabuya sa kanyang paglilingkod, ibinigay din kay Goiti ang mga lupain sa ilog Bombon (Taal river ang tawag ngayon). |
Kuta ng Cainta LUMUWAS sa Manila ang mga pinuno ng Caynta (Cainta, nasa lalawigan ng Rizal ngayon) na nasa tabi ng ilog Pasig sa bukana ng lawa (laguna, lagoon) ng Bai (Bay ngayon), upang sumuko sa mga Español, sumumpa ng pananalig at mangako na magbabayad ng buwis. Nagkataon na abala nuon si Goiti at ang hukbong Español sa paglupig sa 3 kuta sa Pampanga, kaya nakita ng mga pinuno ng Cainta na kaunti lamang ang mga Español, at ilan lamang sa kanila ang may sandata. Inakala ng mga taga-Cainta na kayang-kaya nilang gapiin ang mga Español. Kaya, pagkabalik sa Cainta, tumanggi silang magbigay ng buwis. Hinamon pa nila ang mga Español, “Pumarito kayo sa Cainta nang makita n’yo kung paano namin ihahagis ang mga dayuhan mula sa aming mga lupa!” Hindi agad lumusob sa Cainta ang mga Español. Naghintay nang 2 buwan si Legazpi, panay ang himok sa mga taga-Cainta, sakaling magbago sila ng isip. Subalit nagpatuloy ang paghamon nila, kaya pinasugod ni Legazpi ang hukbo ng 100 sundalo at mga mandirigmang Visaya at Tagalog upang durugin ang baranggay ng Cainta. Nagkataon nuon naman na hindi pa bumabalik si Goiti mula sa pagsundo sa kanyang asawa sa Cebu at sa 3 barko ni Capitan Aguirre sa Panay kaya |
ang kanyang apo, si Juan de Salcedo, ang pinili ni Legazpi na pinuno ng salakay. Dala ang 3 malalaking kanyon, pumalaot sina Salcedo nuong Agosto 15, 1571.
Sa utos ni Legazpi, naghintay pa uli nang 3 araw si Salcedo. Ipinakita niya ang malaki at malakas niyang hukbo, at niyaya ang mga taga-Cainta na yumuko sa pagsakop ng España, gaya ng ginawa nila sa Manila. Ngunit malaki ang tiwala ng mga taga-Cainta sa kanilang kuta kaya isinigaw nilang nais nilang makipagdigmaan, isinumpang saksi ang langit na higit ang kapangyarihan ng kanilang bathala kaysa dios ng mga Español. Pagkaraan ng 3 araw, hinati ni Salcedo ang kanyang hukbo. Iniwan niya ang 3 kanyon at maraming sundalo sa tabi ng ilog, sa harap ng kuta, upang makipag-kanyunan sa mga taga-Cainta. Pinamunuan ni Salcedo ang pang-2 pangkat, lumigid sa likod ng kuta at duon lumusob. Pinaputukan sila ng culverin na mga nagtatanggol duon. Napatay ang 2 Español. Sinibat sa dibdib, tagos sa suot na bakal, napatay ang pang-3 Español, subalit samantala, nakapasok na ang pangkat ni Salcedo sa kuta at nagsimulang nagapi ang mga taga-Cainta. Dahil sa 3 napatay na Español, nag-juramentado ang mga sundalo. Pinatay lahat ng 400 taga-Cainta sa luob ng kuta - lalaki, babae at mga musmos. Winasak at sinunog ang kuta at ang buong nayon. Kaunti lamang ang nakatakas nang buhay, at sila ay tahimik na sumuko. |
Bai at Paracale SUMUKO rin lahat ng mga baranggay sa paligid ng lawa (Laguna de Bay), pati ang baranggay ng Bay, na pinaligiran ng hukbo ni Salcedo at isa-isang pinagbayad ng buwis na ginto, pagkain at ari-arian. Masugid na conquistador, hindi nagkasiya si Salcedo. Pagkatapos supilin ang buong paligid, iniwan niya ang galley (maliit na barkong pandagat) sa lawa at pumeka sa kabilang panig ng Luzon upang hanapin ang nabalitaang mga mina ng ginto sa puok na tinawag na Paracale. Kasama niya ang 60 sundalo at ilan sa mga pasunud-sunod na mandirigmang Visaya. Bata at malakas, mapusok ang ginawang lakad ni Salcedo kahit na tag-ulan nuon at maputik ang daan. Nahirapan nang husto ang mga Español, 4 ang namatay, kabilang ang bagong dating na Sargento Juan Ramos. Sa bandang dulong timog (southern end) ng Luzon (Camarines |
![]() Habang abala si Salcedo sa pagsakop sa mga lupain sa silangan ng Manila, inabot ng mahigit isang taon, nagpatuloy ang pagsupil ng Español sa iba pang bahagi ng Luzon. |
KASAMA ni Goiti ang kanyang asawa pagbalik sa Manila. Gaya sa utos sa kanya ni Legazpi, sinundo niya ang asawa mula sa Cebu, habang hinahatid niya ang 2 barkong galing sa Mexico na naghintay sa pulo ng Panay. Hindi nagtagal sa Manila, bumalik si Goiti sa malaking ilog sa hilaga, ang tinawag nilang provincia ng Capanpanga upang ipagpatuloy ang naantal na pagsupil sa mga baranggay duon. Kasama ang 150 sundalo at maraming mandirigmang Visaya at Tagalog, nilusob niya ang nayon ng Vites (ang Betis na malayo na ngayon sa ilog Betis na dating kinatayuan ng baranggay at kuta, malapit sa ilog Lubao). Ito ay isa sa pinaka-malakas at matibay na kuta, ayon sa ulat ng mga tagaruon. Nagkataon naman, bago nasimulan ng mga Español ang pakikibaka, nilapitan sila ng pinuno ng isang baranggay duon na galit sa mga taga-Vites. Inalok ng pinuno ang sarili na maging gabay (guia, guide) ng mga Español. Alam daw niya ang lihim na pasukan sa kuta ng Vites. Nahimok niya si Goiti at lihim na nakapasok lahat ng 150 sundalo sa kuta bago namalayan ng mga taga-Vites, na mabilis na sumuko. Dinurog ng mga Español ang kuta. Sunod-sunod nang sumuko rin ang iba pang mga baranggay sa ilog Pampanga. Naganap na ang paglupig sa pinaka-mayamang bahagi ng Luzon, ang Manila at Tondo, at ang mga magiging lalawigan ng Bulacan, Pampanga (kasama ang magiging Nueva Ecija, Tarlac at bahagi ng Bataan), Morong (Rizal ang tawag ngayon), Cavite, Laguna at hilagang Batangas. Ang nalalabi na lamang, pagkaraan ng 1572, ay ang provincia ng Yvalon, at ang Yloquio o Los Ilocos, na kapwa aasikasuhin ng mga conquistador pagkamatay ni Legazpi. |
|
Namatay si Legazpi BIGLANG-BIGLA at hindi inaasahan sapagkat masiglang gumising nuong umaga, namatay si Legazpi nuong Agosto 20, 1572. Malamang atake sa puso, asphyxia o naubusan ng hininga, ang atas ng mga Español. Bago namatay sa gulang ng 67 taon, sinimulan ng adelantado na itatag ang pamahalaan (cabildo, municipal government) sa Manila, batayan ng paghahari ng mga Español sa Pilipinas sa susunod na 327 taon, at hinirang niya ang mga pinuno duon. Sa kanyang mga kasulatan (papeles, documents), natuklas ng mga pinunong Español ang atas ni Felipe 2 na si Guido de Lavezaris, ang |
ingat-yaman (tesorero, treasurer), ang kapalit bilang governador ng kapuluan sakaling pumanaw si Legazpi.
Kaya walang pumiyak, at tahimik na pumalit bilang governador si Lavezaris, veterano ng paglakbay ni Ruy Lopez de Villalobos nuong 1541-1546. Ipinagpatuloy niya ang pagsakop ng kapuluan na sinimulan ni Legazpi. At ang pagbigay sa mga Español ng mga lupain sa Pilipinas bilang mga encomienda (palabigasan tulad ng hacienda, subalit karaniwang isinasauli sa pag-aari ng hari pagkamatay ng encomendero). Ibinigay ni Lavezaris sa sarili ang malalaking lupain sa Pampanga, sa tabi ng 2 masaganang ilog ng Betis at Lubao. |
Yvalon at Los Ylocos NUONG unang bahagi ng 1573, inutusan ni Lavezaris si Juan de Salcedo na sakupin ang Yvalon sa bandang silangang timog ng Luzon, at ang mga mina ng ginto sa Paracale. Kasama sa mga parao ang 120 sundalo at ilang daang mandirigmang Tagalog, nasakop agad ni Salcedo ang paligid ng ilog Vicor, ang magiging provincia ng Los Camarines (mga lalawigan ngayon ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon), at ang pulo ng Catanduanes na pinamamahayan nuon ng mga bantog na mandarambong (piratas, pirates). Bumalik si Salcedo sa Manila nuong Julio 24, 1573, dala ang maraming ginto, buwis ng tantiyang mahigit 20,000 tao sa puok na tinatawag ngayong Bicol, mula sa pangalan ng ilog. Isinulat ni Lavezaris kay Felipe 2, hari ng |
España, na balak niyang pamahayan (colonia, settlement) ng mga darating na Español ang Paracale, malapit sa mga mina ng ginto, at isang araw na lakbay mula sa ilog Vicor.
Pinalaot uli ni Lavezaris si Salcedo nuong katapusan ng taon ng 1573, may kasamang 80 sundalo at mga mandirigmang taga-Luzon, upang sakupin ang mga tao sa mga dalampasigan ng kanlurang hilaga (northwest) ng Luzon. Tinawag itong Los Ylocos, sa tabi ng ilog Vigan (mula sa Biga-an o puok na maraming biga, isang uri ng gabi o yam). Inutos ni Lavezaris na duon itatag ang kabayanan (town) na tatawaging Fernandina, bilang parangal sa bagong silang na anak ni Felipe 2. Itong mga lupain ang ibinigay ni Lavezaris na encomienda ni Salcedo, hindi nagtagal matapos niyang sakupin nang mapayapa. Ang Fernandina ay naging bahagi ngayon ng kabayanan, tapos lungsod, ng Vigan. |
NUONG katapusan ng 1573, matapos mapasuko ang Ibalon at ang Ilocos, masasabing natapos ang pagsakop ng mga Español sa Pilipinas. Marami puok ang hindi pa nila narating man lamang dahil lagi silang kulang sa tauhan. Mula nuong pagdating ni Legazpi nuong 1565, hindi man umabot ng 4,000 ang mga Español na nakarating sa Pilipinas, karamihan pa ay mga Americano (tawag ng Español sa mga Español at meztiso na isinilang sa Mexico at iba pang bahagi ng America) tulad ng magkapatid na Salcedo. Gayun man, natalo na nila nuong 1573 lahat ng maaaring pumigil sa paghahari ng España sa Pilipinas, pati na ang mga Portuguese. ang puok ng mga Zambal (Zambales at mga bahagi ng Bataan at Pangasinan ngayon) sa kanlurang gilid (western edge) ng gitnaang Luzon, sa tabi ng dagat ng Intsik (South China Sea). Ang silangang gilid (east coast) ng gitnaang Luzon, ang magiging lalawigan ng Tayabas, Isabela at Cagayan, sa tabi ng dagat Pacific, ay walang naitalang mga nayon o baranggay na kailangang lupigin. Lubhang makapal ang gubat, masyadong matayog ang mga bundok duon, ang tatawagin ng mga Español na Sierra Madre (bulubunduking inang o dambuhala, mother of a mountain range), kaya nanatiling malaya at payapa ang mga baranggay ng mga Igorot at ang palibot-libot na mga Ita. Ang isa pang bulubundukin sa Luzon, ang tatawaging Cordillera ng mga Español, ay hindi kailan man masasakop nang lubusan ng mga Español dahil sa alituntunin ni Felipe 2, ang hari ng España, dahil sa bangis ng mga tagaruon at tatag ng kanilang pagtanggi na maging catholico at dahil ayaw ng mga Español na magpakahirap na umakyat duon, wala namang mahihita. Tanggi rin ang mga kakampi nilang mandirigmang Visaya at Tagalog na makipagdigmaan duon. |
|
Kahit na ang mga Muslim sa Jolo at kanlurang Mindanao, katulong ng Borneo nuong una, at 300 taon na makikipagtunggali sa mga Español, ay walang sapat na lakas upang iwaksi o hadlangan ang pananakop. Katunayan, sinakop sila at ang kakampi nilang Brunei, sa Borneo, nuong 1576, at sinakop pa uli nang ilang ulit pagkatapos, ngunit kakaiba kaysa ibang bahagi ng Pilipinas ang ginawa nilang paulit-ulit na paglaban sa mga dayuhan, nagkampihan pa minsan laban sa mga Visaya, at lapat ihayag sa kahiwalay na aklat ng kasaysayan ng Pilipinas (sa ‘Moro-Moro’ na kasalukuyang tinitipon pa at isusulat sa mga darating na araw) . Maraming pa ring labanan ang gagawin ng mga katutubo sa mga susunod na taon, gaya ng pagpuksa sa mga Zambal. Walang balak ang mga Español nuon at sa sumunod na 50 taon na sakupin ang magiging mga lalawigan ng Bataan, Zambales at bahagi ng Pangasinan at Tarlac, ngunit napilitan dahil sa walang patid na pagdarambong ng mga Zambal sa mga baranggay ng Pampanga at Tondo (nuong unang tatag, sakop nitong 2 lalawigan ang magiging Bulacan at Nueva Ecija). Ngunit ang mga labanan, gaya ng ginawa ng mga Muslim, ay maituturing nang aklasan (rebellion) na lamang at, gaya ng darating na 85 taon na paghihimagsik ni Dagohoy sa Bohol, ay walang pag-asa na mapatalsik ang mga Español. (Ang mga aklasan ay inipon at inulat sama-sama sa isang kahiwalay na aklat, ‘Aklasan ng Charismatic Pinoy,’ na mababasa sa website ding ito.) |
|
Mga Bahagi ng Bagong Kaharian |
|
NUONG 1573, 2 taon matapos sinakop ang Manila, isinulat ni Capitan Diego de Artieda, sugo ni Felipe 2, hari ng España at ng Pilipinas, ang mga puok sa pinaka-bagong bahagi ng kaharian ng Castilia.
“Sa kanluran ng kapuluang tinawag na Chamurres o Ladrones (Marianas Islands ang tawag ngayon) ay ang pulo ng Mindanao, 350 leguas (1,680 kilometro) ang sukat paligid. Sa pinaka-malaking bahagi nito, ang sukat ay 140 leguas (672 kilometro) ang haba at 60 leguas (288 kilometro) ang lapad. Nakausli ang bahagi nito sa hilaga, sa pagitan ng 2 ilog ng Butuan at Zurigan (Surigao), kapwa bantog sa ginto, subalit walang nakita kahit ano ang mga Español na nagtungo ruon. “Sa Mindanao tumutubo ang kanela (cinnamon). “May isa pang pulo sa silangang hilaga ng Mindanao, tinawag na Tandaya (Samar). Ang sukat nito ay 140 leguas (672 kilometro) paikot, at halos tatsulok (triangle) ang hugis (corte, shape) nito. |
“Sa tabi nito ang pulo ng Baybay, mas malapit at 10 leguas (48 kilometro) ang layo sa Mindanao at 98 leguas (470 kilometro) ang laki nito paikot. Sa pagitan nitong 2 pulo ay isang lusutan (San Juanico Strait), wala pang 5 kilometro ang lapad. (Ang Baybay ay Leyte, tinawag ding Acuyo at, kapag kasama ng Samar, Tandaya. Ang Tandaya at iba pang mga pulo duon ang bininyagan ng ‘Felipinas’ ng pangkat ni Villalobos nuong 1545)
“Sa timog ay may maliit na pulo, tinawag na ‘Munting Panay’ (Panaoan, tinawag ding ‘Munting Palawan,’ tapos ‘Paragua’ hanggang natapos ang panahon ng Español) at sa kanluran nito ang pulo ng Mazoga (Limasawa, tinawag ding Masava at Masagwa). Ang lahat ng mga tagaruon ay magkakatulad ang anyo, damit, sandata at gawi. “Sa pulo ng Zubu (Cebu) itinayo ang campo, hanggang nilansag ito ng mga Portuguese, dahil mainam ang daungan duon sa pagitan ng katabing maliit na pulo ng Mattan (Mactan), na halos walang tao, maalinsangan at pulos putikan (swamps). Duon napatay si Magallanes (Ferdinand Magellan). |
“Sa kanluran ng Zubu ay may pulo na tinawag na Buglas o Negros, dahil maitim ang mga tao duon. Ang laki nito paikot ay 600 kilometro. Lagpas nito, sa bandang kanlurang hilaga (northwest) ang Panae, pulong puno ng palay at sari-saring pagkain. Pinapunta ako duon ng governador at ginawa ko ang plano ng isang kuta na ginagawa duon ngayon.
“Sa aking amuki, inilipat ang campo sa pulo ng Panae at duon ko itinuon ang kuta, 12 kilometro sa luoban, sa pagitan ng 2 magkahiwalay na bisig ng isang ilog - hindi maaaring pasukin sa pamamagitan ng isang bisig lamang. Sa pang-2 bisig, sa paanan ng kuta, 14 gabion (tiklis na 1 - 2 metro ang haba, puno ng lupa) ang pinagpatung-patong at sinampahan ng 12 malalaking kanyon (artilleria). “Sa silangang hilaga (northeast) ng Panae ang pulo ng Masbat (Masbate) na kaunti lamang ang tao kaya hindi maraming ginto ang namimina duon. Sinasabing 4 - 8 metro lamang ang lalim ng mga mina ng ginto duon. “Lagpas duon ang malaking pulo ng Yvalon (Bicol) o Luzon, maraming ilog na may ginto ngunit paunti-unti lamang ang nakukuha dahil ang mga pinuno duon ay mga Moro. Nuong nasa Panae ako, pinapunta ng pinuno duon ang kanyang utusang moro subalit nahirapan siyang palitan ng isang marco (lumang barya, old coin) ng ginto ang 4 pilak na ipinagbili ko. |
May mga kalabaw (buffalos) duon (sa Bicol, o mas malinaw, sa Camarines), bagaman at hindi pa namin lubusang nasisiyasat ang puok at wala pang nakaka-alam kung ano ang nasa mga gilid nito sapagkat hindi pa namin naiikit man lamang.
“Lagpas pa, sa bandang hilaga (north) at timog (south), ay maliliit na pulo - ang isa ay may kahuyan ng Brazil na gusto ng Anglis (xang lehs o sangleys, mga Intsik) mula sa China na pang-tina at pangkulay ng kanilang sutla (seda, silk). (Malamang tinukoy ang mga kapuluan ng Batan at Babuyan, sa hilaga ng Luzon, tinubuan ng mga puno ng sibucao na may pulang dagta na minahalaga, lalo na ng mga Intsik, at higit na mainam pang-tina sa tela kaysa ginagamit nuong mga puno sa Brazil, sa South America.) “Sa timog ng Zubu, bago dumating sa Mindanao, may isang maliit na pulo, tinawag na Bohol. Maraming niyog (palms) at mga ugat-ugat (raices, roots, mga camote at gabi) na kinakain ng mga tao. Kakaunti ang palay. Sa pagitan nito at Matan (Mactan) ay maraming mga maliliit na pulo na walang tao, mga usa (ciervos, deer) lamang at mga baboy damo (verracos, boars) na naglipana rin sa karamihan ng mga pulo dito. “Subalit sobra-sobra ang init dito kaya nuong araw ding napatay ang hayop, napapanis agad. |
![]() “Sa kanlurang timog (southwest) ang pulo ng Jolo, tahanan ng mga mandarambong (piratas, pirates). Hindi pa namin napupuntahan ang pulong ito. “Sa hilaga ng mga pulong ito, ang pinaka-malapit sa Luzon ay ang Xipon (Hapon, Japan) na hindi pa namin nararating, at ibinalita lamang sa amin ng mga moro (muslims) na nakikipag-kalakal duon. Sinabi sa akin ng mga Portuguese na mabangis ang mga tao duon. Nabalita na nakarating duon ang mga frayleng Theatin subalit walang nakapagsabi kung ano ang nangyari sa kanila. |
“Marami daw duong mina ng pilak (silver) na ginagamit pambili ng sutla at iba pang gamit mula sa China na malapit lamang, kaya nakatulad nila ang kabihasnan (civilization) nito. Laging nakabihis at naka-zapatos ang mga tao duon. Nagka-calvo ang mga lalaki, inaahit o binubunot ang buhok sa ulo. Ang mga babae naman ay ayaw maki-apid (adultery) at celosa sa mga asawa, gawi na pambihira sa mga puok dito.
“Sa silangan, sa pagitan ng Xipon at China, ay ang kapuluan ng Lequios (Ryukyus Islands, itinuturing nuong kabilang ang pulo ng Taiwan). May sabi na mayaman sila datapwat wala pa akong naka-katagpong nakarating na ruon kaya sapantaha ko na maliliit ang mga pulo, at hindi sila mahilig makipag-kalakal. “Sa hilaga nila ang malawak na lupaing tinatawag na China na abot daw hanggang Tartaria (Tartary, lumang tawag sa Mongolia at Manchuria). Mataas at mayaman ang kabihasnan nila. Ang hari raw ay may 300,000 kawal (soldados, soldiers) at 2 sa bawat 3 ay naka-kabayo (cavallo). “Kung nais ng Inyong Kamahalan na tuklasin ang bayang iyon, malugod akong maglilingkod kung ako ay papayagang magkaruon ng 2 galleon na may tig-40 soldados sa bawat isa at may sapat na sandata, pagkain at kagamitan, lalo na ang malalaking kanyon.” |
Nakaraang kabanata Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |