ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS: The conquerors sortie against the northern islands, bent on plunder and tribute

Mindoro 2  Salakay  Sa  Mindoro

MAYO 8, 1570. Pumeka mula sa ilog Panay si Martin de Goiti, ang Pangalawa (master-of-camp) ni Miguel Lopez de Legazpi, at si Capitan Juan de Salzedo, apo ni Legazpi, governador ng pulo ng Panay, at conquistador ng Mamburau at Loban, 2 baranggay sa Mindoro.

Kasama ang 110 sundalong Español - 90 nakasanda ng de boga (arquebusiers) at 20 marino - sakay sa dyong (barkong pandagat ng mga taga-Java) na may 3 kanyon (cañones, cannon), ang San Miguel, at sa maliit na barkong frigate, ang La Tortuga.

Kabuntot ang 15 parao, bangkang pandagat ng mga tagapulo, sakay ang mahigit 400 mandirigma mula Cebu at Panay, tinawag na pintados ng mga Español dahil sa mga tattoo nila, at sa pagpahid nila ang pulang tisa (red clay) sa buong katawan, subalit ‘Visaya’ ang tawag nila sa mga sarili.

Lulusob sila sa mayamang kaharian ng Luzon.

Ang Unang Lusob

PAGKA-ALIS ng mga Portuguese nuong 1569, tumawid si Miguel Lopez de Legazpi, kasama ang mga pinuno ng kanyang pangkat, sa pulo ng Panay upang kumalkal ng buwis (tribute) mula sa mga tagaruon. Inutusan din niya si Capitan Salcedo, ang apo (nieto, grandson) niya, na kumuha ng pagkain at buwis mula sa mga tao sa iba’t ibang pulo sa tabi.

Pinuno na si Salcedo nuon ng mga kawal (soldados, soldiers) na dinala sa Pilipinas ng kapatid niya, si Felipe de Salcedo. Sakay sa 15 malalaking bangka (banca, canoes) na kinuha sa mga taga-Cebu at taga-Panay, hinakot ni Salcedo ang 40 kawal at maraming taga-Cebu sa pulo ng Elem (Ilin ang tawag ngayon) sa timog (south) ng Mindoro.

Walang lumaban sa mga taga-Elem, mabilis na sumuko lahat at nagbigay ng buwis at pagkain. Hinatak ni Salcedo ang isang tagaruon upang gamiting gabay (guia, guide) at tumawid sa pulo ng Mindoro.

Tinunton nila ang kanlurang baybayin (western coast) at isang madaling-araw (alba, dawn), nilusob nila ang malaking baranggay ng Mamburau (Mamburao ang tawag ngayon). Takbuhan ang mga tao at tumakas sa gubat sa paligid ngunit marami sa mga taga-Mamburao ang nabihag ng mga Español. Marami ang nakalkal nila duon.

Kinunan ng pantubos (rescate, ransom) ang mga may ari-arian. Ang mga mahirap ay pinakalawalan na lamang nang walang bayad, maliban sa isa na pilit nilang isinama bilang gabay sa marami pang mayamang bara-barangay sa maliit na pulo ng Loban (ang Lubang ngayon), 15 leguas (72 kilometro) sa kanlurang hilaga (northwest) ng Mindoro.

Pag-alis nina Salcedo, nagbalikan ang mga taga-Mamburao mula sa mga gubat. Nang nakita nilang wasak-wasak ang buong baranggay dahil sa pagkalkal ng mga Español, ayaw na nilang itayo uli duon ang kanilang baranggay. Sila na mismo ang sumunog sa kanilang mga bahay, sinilaban at lubusang binura ang buong baranggay.

3 Kuta ng Lubang

KAHIT hatinggabi na dumating ang pangkat sa Lubang, pinasiya ni Salcedo na lumusob agad. Tahimik niyang inilagay ang kumpol-kumpol ng kanyang mga sundalo at mga taga-Cebu sa paligid ng mga baranggay upang tambangan (ambush) ang sinumang lumapit. Pagdating ng madaling-araw, sumalakay silang lahat.

Ngunit walang tao sa mga barangay. Nabalitaan na pala nila ang pagdating ng mga Español at tumakas silang lahat, hakot ang lahat ng kanilang pagkain at mga ari-arian, at nagtago sa 3 kuta (fuerzas, forts) na itinayo nila sa luoban. Ang mga ito ang kauna-unahang kuta na nakita ng mga Español sa Pilipinas.

Malaki ang 2 sa mga kuta, cuadrado ang hugis (corte, shape) may 10 culverin (maliliit na kanyon) sa bawat tagiliran. Bawat pader (muro, wall) ng kuta ay mahigit 3 metro ang tayog, at bawat kuta ay paligid ng tubig, kulang-kulang 5 metro ang lalim. Maliban sa mga culverin, ang mga sandata ng mga nasa kuta ay mga pana at palaso, mga sibat, at mga malapad na kampit (cuchillo, knife). May bahid na lason ang kanilang mga palaso (flecha, arrows).

Pinaligiran ng mga Español ang unang kuta. Hinimok ni Salcedo ang mga taga-Lubang na sumuko at magbayad ng buwis. Sinagot siya ng mga

Arquebusier palaso at putok ng mga culverin.

“Fuego!”

Isinigaw ni Salcedo ang salakay at pinagba-baril ng mga Español ang mga taga-Lubang. Ngunit wala silang nagawa sa 3 oras ng pagsalakay, ni hindi sila nakalapit sa kuta dahil sa lalim ng tubig. Nagtago ng isang bangka ang mga taga-Lubang, nakatali sa labas ng kuta, upang gamitin sa pagtakas kung saka-sakali. Sa malas nila, nakita ito ang mga taga-Cebu, nilangoy ng 2 sundalong Español, at hinila papunta kay Salcedo habang binabaril ng mga sundalo ang sinumang taga-Lubang sa kuta na pumana o kumanyon sa 2 lumalangoy.

Pinagbabaril uli nang tumawid ang 15 sundalong Español na sakay na sa bangka, at pagdating sa kuta, sinugod ang mga taga-Lubang. Napaurong sa kabilang panig ang mga nasa kuta, naiwan ang 40 mandirigma na pinatay nang dumami na ang mga Español sa paulit-ulit na hakot ng bangka.

Nagtalunan na at tuluyang tumakas ang mga taga-Lubang nang dumating at sumampa na rin ang mga taga-Cebu. Nadaig ang mga nagtatanggol sa kuta.

Mayo 2, 1570

Mahigit 100 taga-Lubang ang napatay, at mahigit 50 ang nabihag ng mga Español. Nakuha rin ang 12 culverin, at lahat ng pagkain at ari-arian ng mga taga-Lubang sa luob ng kuta.

Kinabukasan, pinakawalan ni Salcedo ang isang bihag na hindi sugatan at pinapunta sa pang-2 kuta sa bandang kalagitnaan ng pulo, upang himukin silang sumuko rin at magbuwis sa mga Español. Hindi masyadong malayo ang pang-2 kuta at bumalik agad ang bihag:

Ayaw sumuko ng pang-2 kuta, at sabik silang makipag-patayan sa mga Español!

Kinabukasan, sumugod ang mga Español at ang mahigit 400 mandirigma mula Cebu at Panay, nadagdagan pa ng ilan-ilang taga-Mindoro. Humarap si Salcedo sa pang-2 kuta at ipinasigaw sa tagapagsalita (interpreter) na magdurusa sila kapag hindi sila sumuko at ibigay ang kanilang mga pagkain at ari-arian sa mga Español.

Sigaw din ang sagot ng mga mandirigma sa pang-2 kuta, sinundan ng mga

palaso at paputok ng kanilang mga culverin. Pinagbabaril naman sila ng mga Español. Buong maghapon silang nagbarilan at nagputukan sa init ng araw, walang nangyari. Malapit na ang takipsilim (anochecer, sunset), pagod na ang mga Español, gutom at buong araw hindi kumain, nang umurong sina Salcedo sa mga bangka nilang nakadaong sa pampang ng kalapit na ilog. Ipinasiya niya na lumusob uli kinabukasan, paligiran at gitgit hanggang magiba ang kuta.

Umasa ang mga tao sa pang-2 kuta na umalis na mga kalaban kaya napanghal sila at nasiraan ng luob nang nakita nilang bumalik kinabukasan ng madaling-araw ang mga Español at ang daan-daang kakamping mandirigma. Lalo silang nasindak nang agad at masugid silang ginitgit at binakbakan uli ng mga Español at mga mandirigma.

Natanto nila na hindi sila titigilan ng mga Español hanggang hindi sila napapatay na lahat, at hindi nagtagal silang nagpasiyang sumuko na.

Binigyan nila si Salcedo ng 100 tael (mahigit 4 kilo) ng ginto, na pinaghati-hati sa mga sundalong Español. Kinalkal din ng mga Español at ng mga kasamang mandirigma ang mga pagkain at ari-arian sa pang-2 kuta.

Ang Huling Kuta

Nuong araw ding iyon, bandang ika-10 ng umaga, sinugod nina Salcedo ang pang-3 kuta sa isang maliit na pulo sa tabi ng Lubang. May 300 Parao mandirigmang tagaruon ang nagkubli sa isang tuktok ng maliit at mabatong burol (cerro, hill). Mabilis na pinaligiran nina Salcedo kaya naharang pa nila ang huling bangka, sakay ang bandang 30

mandirigmang mabagal tumakas.

Maghapon uling nakipag-barilan ang mga Español sa 300 tao sa tuktok ng burol. Kinabukasan, gumawa ang mga Español at mga kakamping mandirigma ng mga hagdan (escaleras, ladders) upang akyatin ang burol. Nang nagsimulang isaklay ang mga hagdan sa burol, nasiraan na ng luob ang mga nasa itaas at sumuko na kay Salcedo.

Nagbigay sila ng 100 tael ng ginto, gaya ng mga sumuko sa pang-2 kuta.

Hakot-hakot lahat ng nakalkal na pagkain at ari-arian nang bumalik sa Panay si Salcedo at naghayag kay Legazpi, ang lolo niya. Nakatagpo niya ruon si Martin de Goiti na kababalik din kasama ng kanyang mga tauhan matapos salakayin at sakupin ang pulo ng Acuyo. (Hindi na matanto kung saan itong pulo. May ulat na maaaring ito ang malaking baranggay ng Abuyog sa Leyte.)

Pinarangalan si Salcedo na conquistador ng Mamburao at Lubang, ang mga kauna-unahang sinakop niya.

Papasok sa Luzon

BAGAMAN at maraming nakalkal ang 2 pangkat, hindi inasahang magtagal ang pagkain, ayon sa karanasan nina Legazpi sa Cebu, hanggang hindi sila nakaka-tuklas ng malaking puok na may sapat na bukirin (arrozales, ricefields) upang mapakain taon-taon ang mga Español. May ilan-ilan nang mga Español ang humiwalay at naki-bahay na sa mga tao sa iba’t ibang pulo sa karatig upang makakain araw-araw.

Upang hindi magkalansag-lansag ang kanilang hukbo, nagpulong ang mga pinuno at mga frayle. Pinasiya nilang subukang sakupin ang Luzon.

Nabalitaan nilang malawak at mayamang kaharian ito na maaaring tahanan nang permanente ng buong hukbo. Ipina-alaala ng mga frayle na dapat mapayapa ang gagawing pagpasok sa Luzon, ayon sa utos ni Felipe 2, hari ng España, na huwag tularan ang naganap na madugong pagsakop ng mga Español sa America.

Sumang-ayon sina Legazpi at ang mga pinuno.

Sina Goiti at Salcedo ang piniling mamuno sa ‘pakikipag-kaibigan’ sa Luzon. Alalay bilang mga pinuno si Sargento Mejor Juan de Moron, Mejor Amador de Rriaran, punong pulis Graviel de Rribera, at ang tagapag-ulat (notario) ni Legazpi, si Hernando Riquel.

Pagkalayag pahilaga (northward) nang 2 araw, nilagpasan nila ang pulo ng Zibuyan (Sibuyan, sa pagitan ng Romblon at Masbate), 14 leguas (67 kilometro) ang layo sa Panay, matayog, bundukin at bantog sa dami ng minahan ng ginto.

Bandang 15 leguas (72 kilometro) sa hilaga ng Sibuyan, nadaanan nila ang maliit, bilog at matayog na pulo ng Banton (sa pagitan ng Romblon at Marinduque). Nakatira duon ang ilang Español, kasama ng maraming tagapulo na makikisig at kinukulayan ang mga katawan, at nabubuhay sa pag-pastol at paglako ng mga kambing (cabras, goats).

Barko ng mga Intsik

Sa kanluran (occidental, west), 12 leguas (58 kilometro) mula Banton, malaki ang pulo ng Bindoro (Mindoro), ang tinawag na ‘munting Luzon’ (lesser Luzon). Bahagi nito, sa kanluran, ang baranggay ng Mamburau at ang pulo ng Lubang (sa tapat ng Batangas), kapwa nalupig na ni Salcedo nuong nakaraang taon, at nagbabayad na ng buwis (tribute). 2 dyong

Nabalitaan ng mga Español na pulos moro (muslim) ang nakatira sa mga dalampasigan sa paligid ng pulo. Sa gubat ng mga bundok sa luoban, may mga hubad-hubad na tao, unang tinawag ng mga Español na Chichimeco, tapos Manguian. (Mangyan, ‘tagabundok,’ ang tawag sa kanila ngayon.)

Sa hilaga (norte, north) ng pulo dumaong ang buong pangkat ni Goiti.

Pinakalat niya sa paligid ang mga sundalo at mga Visaya upang magsiyasat. Sa kanyang nakita na, walang mga bukid sa pulo at malamang kulang sa pagkain: Hindi maaaring mamahay dito ang mga Español ni Legazpi. Pagbalik ng mga nagsiyasat, ibinalita na may 2 dyong ng mga sangley (xiang li, tawag sa sarili ng mga nagkakalakal mula China) sa ilog Bato (Baco ngayon) 5 legua (24 kilometro) ang layo.

Lumakas ang ihip ng hangin, pakanlurang timog (southwest). Mapanganib pumasok sa ilog ang 2 barkong San Miguel at La Tortuga. Inutos ni Goiti kay Salcedo na dalhin ang karamihan ng mga parao, naisasagwan kahit saan, at makipag-payapa sa mga taga-China. Kalilipat pa lamang ng mga sandatahang de boga (arquebusiers) nang naging bagyo ang hangin at, nuong gabi, nagkahiwa-hiwalay ang mga barko.

Nagkanlong sina Goiti, sakay sa San Miguel, sa tabi ng isang gulod sa dalampasigan. Natangay sa malayo ang La Tortuga at 4 parao na iniwan ni Salcedo.

Ang mga parao ni Salcedo man ay nakalat din. Pagkaraan ng bagyo nuong madaling-araw, naghanapan silang lahat. Isang pangkat ng mga parao, ang napadpad sa banda ng ilog Baco, ay nagpaputok ng mga arquebus (baril na de-sabog) upang marinig ng mga nawawalang kasama.

Biglang lumusob ang mga Intsik.

Bakbakan sa Dagat

Maaaring nagulat sa putukan ng mga baril, bumulwak mula sa ilog ang 2 dyong, ladlad lahat ang layag, hinahalibas ang mga tambol, bumubuga ang mga torotot at mga sipol, naghihiyawan at panay ang paputok ng mga culverin (maliit na kanyon) at malalaking kuwitis (cohetes, rockets).

Sanay sa digmaan sa Mexico, hindi nasindak ang mga sundalong Español, at lumusob din sila. Pinaligiran nila ang 2 dyong at pinagba-baril ng arquebusiers ang mga Intsik. Napilitang magkubli ang mga sangley. Inakyat ng ibang sundalo ang mga dyong at naghalo ang balat sa tinalupan.

Sa 80 sangley, 23 ang pinatay. Nabihag ang iba. Hinalughog ang 2 dyong at nakalkal ang maraming sutla (seda, silk), ginintuang sinulid, mga pabango (perfumes), mga porselanang mangkok, mga telang bulak (cotton), bakal, tanso, pagkit (wax) na nabili ng mga Intsik sa Mindoro, at mga sinoratas - malalaki at magagandang banga (jars) na porselana.

“Ano’ng ginawa n’yo!?”

Galit si Salcedo nang nakitang sinalanta ng mga sundalo at mga mandirigma ang mga sangley. Agad siyang dumating, kasama ang ibang mga parao, nang narinig ang bakbakan.

Pagdating ng San Miguel, lalong galit si Goiti, binulyawan pati ang mga Intsik.

“Hindi kayo dapat sumugod! Gusto lang naming makipag-payapa!”

Pagbalik ng hinahon, pinakawalan ni Goiti ang mga bihag na Intsik at ibinigay ang isa sa mga barko nila upang makabalik sila sa China. Dumaong sila sa baranggay sa tabi ng ilog Baco. Si Riquel, ang tagapag-sulat ni Legazpi, ang inutusang mangasiwa ng pagkumpuni sa barkong babalik sa China.

Pinapunta ni Goiti sa Panay ang pang-2 barko ng mga Intsik, sakay ang mga nakalkal na kalakal, 4 sundalo, 4 Intsik at 12 taga-Mindoro na sumapi sa mga Español. Nangako ang mga taga-Baco na magbibigay sila ng 200 tael ng ginto, kung maghihintay si Goiti nang ilang araw. (Ang tael ay lumang sukat sa China, katumbas ng 1.5 onsa o ounce. Kulang-kulang 9 kilo ang 200 tael ng ginto.)

Ibinalita nila kay Goiti na may 3 pang dyong ng mga sangleys sa Mindoro, ang pangunang nayon sa pulo, 5 legua (24 kilometro) ang layo. Inutos ni Goiti sa mga taga-Baco na ipunin nila ang ginto at tatanggapin niya pagbalik mula sa Mindoro. Umaga kinabukasan, sumulong ang buong pangkat.

Kutang Mindoro

TANGHALI na ng Mayo 17, 1570 nang namasdan ng mga Español ang kutang bato sa Mindoro, sa isang matarik na gulod na naliligid ng pader na bato, 4 metro ang kapal, at nakasampa duon ng maraming culverin. Nakahanay sa gulod at pader ang 400 mandirigma, naka-sibat, may pana ang iba, nakasuot ang marami ng makukulay na putong (head wraps).

Umuugong ang ihip sa maraming kabibe, saliw sa dagundong ng mga tambol at gong, at hiyawan ng mga mandirigma nang dumaong ang San Miguel, kasunod ang La Tortuga at mga parao. Sa gitna ng ingay ng mga mandirigma, napuna ni Goiti na nagda-dalawang luob (hesitate) ang mga taga-Mindoro, nais makipag-payapa ng marami. Inutusan niya ang buong Parada pangkat na manatili sa malayo sa pampang, at kasama lamang ng isang sundalo, isang binyagang Visaya na tagapag-salita (interpreter), at si Riquel, ang tagapag-ulat,

lumapit at tumayo si Goiti sa paanan ng kutang bato.

Nagsugo ang mga mandirigma ng isang taga-kausap (negotiator) na bumaba sa pader. Inamuki ni Goiti na sumuko silang lahat at walang masasaktan. Umakyat pabalik ang taga-kausap, at isang pinuno naman ang bumaba at nangakong makikipag-payapa at magba-bayad ng ginto kung lalayo muna sina Goiti. Pumayag si Goiti at sinabing bago sila lumayo, magpaparada ang mga sundalo bilang parangal sa kasunduan nila.

“Huwag kayong mabahala sa pakitang gilas namin,” payo ni Goiti bago sila bumalik sa pangkat Español sa dalampasigan.

Sa bawat sigaw na utos, magilas na nagpangkat-pangkat ang mga sundalo, iba’t ibang panig ang hinarap, sabay-sabay ang paputok ng baril, sabay-sabay ang duro ng mga sibat at espada, tapos magsasama-sama uli, susugod at babaril, nakatutok ang mga espada at sibat, babaligtad at susugod sa ibang dako, baril at tutok uli.

Nasindak lahat ng tagapulo, pati ang 400 Visaya na nahaluan ng 200 mandirigma mula ilog Baco at mga karatig baranggay, lalo nang sumali sa pakita ang mga kanyon ng barkong San Miguel.

Unang ibinayad ng mga taga-Mindoro ay 60 tael ng ginto, at sa sumunod na 5 araw, nakapagbigay sila ng 200 tael lahat-lahat.

Palagi ang usisa nina Goiti tungkol sa kaharian sa Luzon at sinabi ng mga taga-Mindoro na lubhang malayo ito, at maaaring hindi nila marating dahil sa masama ang panahon. Dagdag pa na napakaunti ng mga Español upang humarap sa kaharian, may maraming dambuhalang parao na nakapagsa-sakay ng maraming culverin at 300 mandirigma, kayang gumapi at magpalubog ng 2 parao nang sabay.

Sa halip na matakot, lalong nasabik ang mga Español sa hayag ng yaman at lakas ng Luzon. Inutos ni Goiti na mag-ipon pa ng ginto at kukunin niya pagbalik mula Luzon, at hatinggabi nuong Mayo 13, 1570, pumalaot pahilaga ang buong armada.

Tanghali ng araw na iyon nang dumaong ang San Miguel at La Tortuga sa isang kapuluan (maaaring sa Verde o sa Maricaban) sa pagitan ng Mindoro at Luzon upang hintayin ang mga mabagal na parao ng mga

mandirigma na pinamunuan ni Salcedo. Humimpil nang 2 araw duon sina Goiti bago itinuloy ang layag nang banayad upang hindi gaanong maiwanan ang mga parao papuntang Luzon. Natuklas nila ang isang malawak na luok (Balayan Bay ang tawag ngayon) at dumaong ang San Miguel sa tabi ng baranggay ng Balayan sa dalampasigan ng tinatawag ngayong lalawigan ng Batangas.

Kaiba ang nilandas ng mga parao nang pumasok sa luok, mas malapit sa dalampasigan, at nasalubong nila ng mga bangka ng mga taga-Balayan na nangingisda nuon. Nakipag-kaibigan sila at itinuro kay Salcedo ang bukana ng ilog Pansipit na papasok sa malaking lawa ng Bombon (Taal Lake ang tawag ngayon) na mayruon daw malaking kuta (fort) ng mga taga-Bombon. Maiglap na naghanda ng mga sandata at pananggalang ang mga Español at, kasunod ang mga taga-Balayan, pinasok ang ilog upang lusubin ang kuta.

Nakaraang kabanata                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata