ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS:     The conquest of the kingdom that sealed the fate of the islands

Bakbakan  Sa  Taal,  2  Ulit  Sinalakay  Ang  Manila

Botong LASPAG ang katawan at maysakit si Felipe Salcedo, apo ni Miguel Lopez de Legazpi, pagkatapos niyang bumalik sa Mexico mula Cebu, bagaman at silang 2 na lamang ni Andres de Urdaneta ang nakatayo pa nang dumaong sila sa Acapulco nuong Octobre 1565. Matagal bago siya gumaling. Halos 2 taon mula nuong umalis sa Pilipinas bago nakapaglayag uli si Felipe Salcedo nuong Abril 1567, sakay sa 2 barko at kasama ang 300 sundalo at marinero, katulong sina Capitan Diego de Artieda at si Capitan Andres de Ybarra. Dumaong sila sa Cebu nuong Agosto 20, 1567.

Matapos maghanda nang mahigit isang taon, lumaot uli si Felipe Salcedo nuong Septiembre 1568, sakay ang 132 pasajeros at mga tauhan. Pabalik sana sa Mexico.

Tinamaan sila ng bagyo at lumubog ang barko kahit na nagkubli sila sa Guam, sa kapuluan ng Ladrones (Marianas Islands ang tawag ngayon). Gumawa ng isang malaking balsa (raft), nakabalik naman silang lahat sa Pilipinas, subalit malaking pasakit sa katawan ang tinamo uli ni Felipe Salcedo bilang pinuno ng paglakbay. Napilitan siyang bumalik sa Mexico at magpahinga (retire) na duon. Ang kapatid niya, si Juan de Salcedo, ang naging pinuno ng mga sundalo ni Felipe Salcedo. Nuong 1570, lumusob siya sa Luzon.

Sunod sa utos ni Juan de Salcedo, ang binatang governador ng Panay at apo ni Miguel Lopez de Legazpi, nagsabit ang mga sundalong Español at mga mandirigmang Visaya ng mga sawali (bamboo mats) at banig (palm leaf mats) sa 2 tagiliran ng bawat parao. Natutunan na nilang mainam na

panangga (shields) ang mga ito sa mga palaso (arrows) na magaang at pampatay lamang ng isda at maliliit na hayop. (Ang mga palaso ng Español ay bakal at kayang tumagos sa bakal.) Handa ang mga sandata, tinunton ng pangkat ang ilog Pansipit. Kasunod ang mga bangka ng mga taga-Balayan na nagbunyag kay Salcedo na may kuta duon, hanggang narating nila ang baranggay ng Bombon (Taal ang tawag ngayon).

Walang tao.

Mabilis pa sa kulig, ninakaw ng mga taga-Balayan ang mga ari-arian sa bawat bahay, hanggang napuno ang kanilang mga bangka. Pagkatapos, nagpa-alam na sila, uuwi na raw sa Balayan upang hindi mangamba ang mga familia nila.

Pinatay ang mga Intsik

Nakita ni Salcedo na maraming bukid sa paligid, at maniwaring maraming nakatira sa banda ng lawa kaya ipinasiya niyang ipagpatuloy ang paghanap sa mga taga-Bombon at sa kanilang kuta. Hindi nagtagal ang pagtunton nila mula sa ilog Pansipit. Biglang umulan ng palaso (arrows) at tinamaan sa binti si Salcedo. Pinagba-baril ng mga sundalo ang dalampasigan, matayog sa magkabilang panig ng ilog, at tumigil ang patak ng mga palaso, sabay urong ng mga parao.

Lubhang mapanganib (peligroso, dangerous) kaya pinasiya ni Salcedo na lusubin ang kuta mula sa likuran. May lason (veneno, poison) ang palaso at pinahiran ang sugat ni Salcedo ng panlagas ng kamandag (herbal cure) bago bumalik ang mga parao sa tabi ng baranggay Bombong.

Sa isang bukid duon, natatakpan ng damong isang dangkal ang haba, nakarahap nila ang ilang daang mandirigma ng Bombong, sigawan nang sigawan at nagpapaulan ng mga palaso. Hinati ni Salcedo ang kanyang mga

sundalo at pinagba-baril ang mga mandirigma mula sa magkabilang tagiliran. Nang 40 mandirigma na ang napatay, tumakas na ang mga taga-Bombon. Humabol ang mga Español at mga Visaya.

Natagpuang nakagapos at duguan ang 2 Intsik na, matapos kalagan nina Salcedo, isinalaysay na kasama sila sa 2 dyong mula China, nagka-kalakal sa Bombon nang nabalitaan nilang may mga Español sa Mindoro. Biglang hakot sana sila ngunit pinigilan ng mga taga-Bombon, pinaligiran pa ang 2 dyong ng kanilang mga bangka.

Sa init ng away, nagpaputok ng culverin ang isang dyong at napatay ang isang pinuno ng Bombon. Tinugis ng mga mandirigma ang 2 dyong at sa putikan (pantano, swamp) palabas sa dagat, inabutan nila ang mga sangley. Winasak ang 2 dyong, pinahirapan ang mga nabihag at pinatay dahan-dahan.

Ayon sa mga Español na saksi, tumutulo pa ang dugo pa ang ibang bangkay ng mga sangley nang nakita nila.

Taal Balayan Laban sa Tulayan

Samantala, sa Balayan, paunti-unting nagbigay ng ginto ang mga taga-baranggay, ngunit alumpihit si Goiti sa pagkawala ng mga parao nang, 2 oras pagkalubog ng araw, dumating ang pangkat ni Salcedo at isinalaysay ang kanilang naranasan. Namalagi nang 3 araw sa Balayan sina Goiti upang mapagyaman si Salcedo na nagkasakit sa kamandag ng lason sa sugat.

Pagkaraan ng 3 araw, natauhan si Salcedo, ngunit mahina pa at naiwan nang lumunsad ang pangkat, kasunod ang 8 bangka ng mga taga-Balayan, sasama raw hanggang sa mga baranggay sa Tulayan na nararating pagkaraan ng isang araw na layag papuntang Manila. (Naglaho na ang sinulat ng Español na ‘Tulayansi,’ dating nasa banda ng Talin, malapit sa tinatawag ngayong Lian, sa timog (sur, south) ng Nasugbu.) Balak ng mga taga-Balayan na maghiganti sa mga taga-Tulayan.

Minsan kasi, tinangay ng bagyo ang isang bangka ng Balayan at ipinadpad sa dalampasigan ng Tulayan. Sa halip na tulungan ang mga taga-Balayan, ninakaw daw ang mga dalang kalakal mula Manila. Nang umangal ang mga taga-Balayan, pinatay ang 2, pinugutan at isinabit ang 2 ulo sa mga tukod.

May nakita nga ang mga Español na mga ulo ng tao, nakatusok sa mga sibat, sa mga baranggay na nadaanan nila. Ngunit pagsapit nila sa Tulayan, nakipag-kaibigan ang mga tagaruon at nangakong magbabayad ng buwis sa Español kaya ipinagbawal ni Goiti na maghiganti ang mga taga-Balayan.

“Kaming mga Español ang maghahatol sa mga away ninyo,” utos niya.

Humimpil sina Goiti ng isang gabi sa Tulayan bago lumaot uli pahilaga (northward). Higit na mabilis ang nakalayag na San Miguel, at 5 kilometro kalayo sa dalampasigan ang nilandas upang iwasan ang mga batuhan (corals) samantalang gitgit sa pampang ang mga sumusunod na parao, na sinasagwan lamang. Lumaki ang pagitan ng 2 pangkat. Palagi pa ang tigil

ng ibang parao sa mga nakitang mga baranggay sa dalampasigan, ngunit tuwing lapit nila, nagtakbuhan ang mga tao, dala ang kanilang pagkain at mga ari-arian kaya walang nanakaw ang mga nasa parao.

Paglapit sa Manila, nagsimula nilang nasalubong ang mga bangka na pangisda, tinawag na tapaque, hakot-hakot ang mga kalakal mula Manila - karaniwang palay at mga isdang walang ulo. Hinarang ng mga parao ang mga bangka, ninakaw ang mga palay at isda. Karamihan ng mga hinarang ay hindi pumiyak, umalis na lamang. Mayruong iba na lumaban.

Nasugatan ang 2 Español at napatay ang isang mandirigmang Visaya. Binihag ng mga Español ang mga lumaban.

Nagsiklab si Goiti nang malaman ang mga nangyari. Dumaong ang 2 barko sa isang maliit na luok, at ipinatawag ni Goiti lahat ng pinuno sa mga parao at binulyawan,

“Wala nang maglilimayon mula ngayon! Dito kayong lahat sa nakikita ko!”

Nagpalamig sa Cavite

MALAPIT na ang Manila, sabi ng isa sa mga bihag mula sa mga bangka. Kinabukasan, kasama ang bihag bilang gabay (guia, guide), lumikas ang buong pangkat at pumasok sa luok ng Manila (Bahia Manila, Manila Bay) nuong Mayo 19, 1570. Gulat ang mga Español sa laki ng luok. Akala nila, makitid na dagat sa pagitan ng 2 lupa ngunit sinabi ng bihag na bukana lamang ito ng iisang lupa.

Kasama sa pangkat ang 2 taga-Cebu, si Mahomet at ang kapatid niya, kapwa dating taga-Manila. Sa payo nila, hindi tumuloy ang pangkat sa Manila dahil mapanganib ang batuhan duon at kailangang hintayin ang pagtaas ng dagat (marea alta, high tide) bago makapasok sa ilog Pasig.

Sa halip, dumaong muna ang pangkat dagat sa luob ng isang nakalawit na lupa, 2 legua (kulang-kulang 10 kilometro) mula sa Manila. Ayon kay Mahomet, ito ang daungan (puerto, port) ng mga barkong pa-Manila.

Ang lupang lawit ay nagsilbing isang munting luok sa luob ng malawak na luok, at dahil sa hugis, tinawag ng mga tagaruon na Kawit.

(‘Cavit’ ang dinig ng mga Español, naging pangalan ng lalawigang Cavite). Tinawag ding ‘Sanglihan’ (pinagmulan naman ng tawag na Sangley Point) nang gamitin palagi ng mga barko mula China, dahil sang li o xang leh (maglalako, itinerant trader) ang tawag ng mga Intsik sa sarili.)

Malapit nang magtakip-silim nuon at pinasiya ni Goiti na kinabukasan na isugo sa Manila si Mahomet at ang kapatid upang magsiyasat kung gaano kalalim ang tubig sa bukana ng ilog Pasig, paiba-iba dahil sa naiipon at inaagos na buhangin at putik sa ilalim. Ang kapatid niya ang inutusang makiusap at humingi ng pahintulot mula kay Rajah Soliman, ang pinuno ng Manila. Nasa Manila ang familia ng kapatid kahit na sa Cebu siya naghahanap-buhay, at sa sariling bahay niya tutuloy kinabukasan.

Ipinangako niya, bago lumisan kinabukasan, na ibabalik agad ang sagot pagkaraan ng isang araw.

Cavite Tatlong araw bago bumalik ang sugo, kasama ang amain (tio, uncle) na nagsisilbi kay Raja Soliman, at ilan pang mga taga-Manila. Matapos ng mahabang papuri kay Soliman, sinabi ng amain na payag makipag-kaibigan si Soliman at maaaring manirahan sa Manila ang mga Español, gaya ng paghimpil nila sa Cebu at Panay.

Nagpasalamat si Goiti at sinabi sa mga taga-Manila na kailangan niyang makaharap si Soliman upang matupad ang utos sa kanya na makipag-kaibigan sa pinuno ng Manila. Ibinilin ng amain na sumunod sila nang 3 kilometro sa likuran papuntang Manila.

Habang naghihintay sa Kawit ng pasintabi mula Manila, namasdan ng mga Español ang malalawak na bukid at maganang pangingisda at kalakal ng mga tagaruon. Iyon ang pinaka-maunlad na lupa na nakita nila mula nang dumating ang pangkat ni Legazpi sa kapuluan. At habang sumusunod sa amain at mga sugo mula sa Cavite, nakita ng mga Español na punung-puno ng mga bangka, mga tao at mga baranggay ang pampang hanggang Manila. Maraming bangka ang lumapit kina Goiti at nagsumbong ang mga sakay laban kay Soliman. Hinamig daw lahat ng ari-arian nila at maraming pinatay sa mga lumaban.

Magalang na nakipag-usap si Goiti ngunit wala siyang sinabi tungkol kay Soliman.

Bakod, mga Kanyon sa Manila

MATAAS na ang araw, ika-10 ng umaga, nang dumaong sina Goiti sa pampang ng ilog Pasig sa tabi ng Manila. Karimot na lumapit ang mga Intsik mula sa 4 barkong nakadaong din duon, naglalako ng alak, sutla, manok at bigas. Sinumbong nila na kinuha raw ng mga taga-Manila nang walang bayad ang pinaka-mamahalin nilang kalakal. Pati raw ang mga timón (rudders) ng mga barko nila, kinuha. Magalang si Goiti ngunit wala pa rin siyang kibo tungkol sa mga taga-Manila.

Isinugo ni Goiti ang tagapagsalita (interpreter) na ibig niyang makaharap si Soliman.

Nakapaligid sa Manila ang matayog na bakod (barrigada, palisade) ng mga puno ng niyog. Nakatanod sa isang maliit na gulod ang 12 kanyon at culverin (maliit na kanyon) sa mga silat ng bakod. Sa tantiya ng mga Español, mahigit 2,000 tao ang nanduon, kasama ang mga babae at mga musmos. Nakahanay sa tabing-ilog ang maraming sandatahan, mga

mandirigma ni Soliman. Hanga ang mga mandirigma sa mga arquebus (baril na de-sabog) ng Español, na pinapu-putok gamit ang nagbabagang mitsa (mecha, fuse).

Bumalik ang sugo at sinabi kay Goiti na sa pampang siya sasalubungin ng 2 pinuno ng Manila, si Raja Laia, tinawag na Raja Matanda ng mga tagaruon, kasunod ang kanyang mas batang pamangkin, si Soliman, na may palayaw namang Raja Mura (bata o hindi pa hinog).

(Sa ibang ulat, Ladia o Laja ang pangalan ni Raja Matanda. Sanhi ng pagkalito ang sulat at bigkas sa titik “j” sa mga lumang wika sa Europe, madalas pinagpapalit sa “i.” Halimbawa si Antonio Pigafetta, ang sumulat ng paglakbay ni Ferdinand Magellan. Sinulat niyang “raia” ang “raja.” Nakalito rin ang madalas na bigkas “y,” kung minsan ay “z,” sa halip ng kasalukuyang “dzh.” Alinman, maniwaring hindi si Ladia ang amain na sumundo kina Goiti sa Cavite.)

Nagpalitan sina Goiti at Soliman ng talumpati - kapwa sila mapayapa, kapwa sila makapangyarihan, kapwa nila ipagtatanggol ang karangalan nila, at iba pa, bago sila nagyakap at nangako ng pakikipag-kaibigan.

Manila, 1683 Bumalik sa luob ng bakod sina Soliman at Laia. Isa sa ipinagdiinan ni Soliman ay hindi sila katulad ng mga maraming tattoo (mga Visaya, ang tinawag ng mga Español na pintados), pahiwatig na mababa ang tingin ng mga taga-Manila sa mga Visaya. Mukhang inis ang mga nakapaligid na mandirigma ng Manila kaya inutos ni Goiti sa maraming Español na nasa pampang na huwag pumasok sa Manila hanggang hindi humihinahon ang mga ito. Tapos, bumalik na siya sa barko, iniwan si Juan de Moron, ang sargento-mejor, na mamahala sa mga Español sa dalampasigan, na gabi na nang bumalik sa mga barko.

Bandang ika-3 ng hapon, nagpa-alam si Mahomet, na makikitulog sa mga kamag-anak sa Manila.

Napansin ng mga Español na parami nang parami ang mga mandirigma. Panay ang dating ng mga bangka sa Manila, puno ng mga sandatahan. At sa pagdami, lalong bumangis ang turing nila sa mga Español. Binihag nila ang ilang taga-Luzon na kaibigan ng mga Español nang dumalaw ang mga ito sa mga kamag-anak sa Manila. Sinugatan ang isang alipin ng sundalong Español, ginulpi ang 3 pang alipin ng ibang mga sundalo.

Hindi gumanti ang mga Español sapagkat mahigpit ang utos ni Goiti na walang makipag-away kahit na sa anong dahilan.

Casi-Casi ni Soliman at Goiti

Pagbalik kinabukasan, kasama ni Mahomet ang amain na sumundo sa kanila sa Kawit. Nabalitaan daw ni Soliman na hihingan ng buwis ang Manila. Dahil dito, binabawi na niya ang pahintulot, hindi na maaaring pumasok sa ilog Pasig ang mga Español.

Nagmaang-maangan si Goiti, “Sabihin mo kay Soliman na huwag paniwalaan ang mga sabi-sabi, mag-uusap kami uli at magkakasundo.”

Pagka-alis ng amain, pinasiya si Goiti na harapin si Soliman at, kasama ang 2 tagapag-salita lamang, pumasok sa Manila. Pinaligiran sila ng mga mandirigma at pinaghintay sa isang kubo (‘maliit na bahay’ ang ulat ng Español, malamang tanggapan lamang o hintayan ng mga dumadalaw).

Hangos na dumating si Soliman nang nalamang dumalaw si Goiti. Kasunod niya si Laia, at silang 3 ay nagtungo sa isang malaking bahay at duon sila nag-usap at nagkasundo - maaaring mamahay duon ang mga Español, at kapalit, hindi magbabayad ng buwis ang mga taga-Manila. Tapos, nag-casi-casi, sila -ininom ni Goiti ang dugo ng 2 raja, kahalo sa alak, at ininom ng 2 rajah ang dugo ni Goiti may halo ring alak.

Itinanong ni Goiti ang pangalan ng mga karatig baranggay, at tinuran nina Soliman at Laia ang 40 baranggay sa paligid, kapwa sa dalampasigan at sa luoban. Bago sila naghiwalay, nangako si Soliman na magpapadala ng pagkain sa mga Español. Tiwala si Goiti kay Laia, ngunit may alinlangan pa rin siya kay Soliman, kahit na naganap na ang casi-casi.

Patuloy ang pagdami ng mga mandirigma sa Manila.

Nuong hapon, pinayagan ni Goiti si Riquel, ang tagapag-tala (notario) ni Legazpi, na lumapag, kasama lamang ang isang paslit na utusan, upang alukin sina Laia at Soliman ng dala niyang mga testones na pilak (silver royal testoons) salapi ng España.

Isa sa mga raja ang nakipag-tawaran (haggle) sa kanya, 5 teston sa bawat alahas na ginto, ngunit 3 teston lamang ang alok ni Riquel. Si Mahomet ang nagsilbing tagapagsalita sa tawaran, at sinaway niya si Riquel, ipagpaliban daw muna ang pagkalakal at bumalik sa barko. Ipinasabi niya kay Goiti: Upang ipagdiwang ang kasunduan nuong umaga, magpa-parada at magpapakitang gilas ang lahat ng mga taga-Manila sa dalampasigan, pati sa dagat. Papuputukin ang lahat ng kanyon ng Manila! Huwag daw mabahala, kasayahan lamang.

Pagkabalik sa barko, nadatnan ni Riquel ang ilang mga taga-Manila na

tagapag-sagwan (oarsmen) ng mga bangka sa ilog. Dahil walang tulay, mga bangka ang inuupahan ng mga taga-Tondo at taga-Manila upang makatawid sa malawak na ilog Pasig. (Nagtagal itong gawain, naghanap-buhay pa nang ganito ang ama ni Andres Bonifacio.)

Nagsusumbong ang mga tagapagsagwan kay Goiti, balak daw ng mga mandirigma sa Manila na upakan ang mga Español oras na umulan, na inaasahan nila sa susunod na araw, nang mababasa at hindi magagamit ng mga Español ang kanilang mga arquebus.

Ang sumbong, ang pasabi kay Riquel, ang bangis at tirya ng mga mandirigma sa mga sundalong Español, at ang nakitang paghahanda ng mga mandirigma sa Manila - natunugan ng mga pinunong Español na may lihim na tangka si Soliman. Naging tatag ang hinala nina Goiti nang dumating si Mahomet, may balita mula kay Soliman.

Kagagawan ni Lakan Dula

May balak daw si La Candola (si Lakan Dula, pinuno ng nayon sa kabilang panig ng ilog Pasig, tinawag na Tondo) na lusubin sa dagat ang mga Español. Ipinasabi ni Soliman na niyaya siyang sumali sa pagsalakay ngunit tinanggihan niya si Lakan Dula sapagkat kaibigan na niya ang mga Español.

“Pinaghahanda ko ang aking mga mandirigma,” pasabi ni Soliman. “Kung sakaling sumugod nga si Lakan Dula, susugod din kami upang tulungan ang mga Español.”

Ipinabalik ni Goiti kay Mahomet ang kanyang pasalamat sa babala. Ipinasabi niya kay Soliman na, “Handa kaming lumaban! Kung hindi lamang madilim na, susugurin na namin si Lakan Dula!”

Nuong gabing iyon, lahat ng Español ay inutusang matulog nang nakasandata. Mga Español lamang ang pinayagan sa 2 barko; sa mga parao pinatulog lahat ng mga mandirigmang Visaya. Lahat ng iba pang kasama, ang mga taga-Balayan at mga sabit-sabit ay sa pampang pinatulog. Magdamag nagmatyag ang mga Español.

Kinabukasan, Mayo 24, 1570, nagsimulang lumapag ang mga Español. Isang bangka, sakay ang 3 sundalo, ang biglang lumubog papalapit sa pampang at, dahil sa suot na bakal, nalunod ang isa, si Juan Nunez, taga-Talavera, España. Kasama si Goiti ng malaking pangkat ng mga Español sa dalampasigan, sa labas ng bakod ng Manila, sa harap ng gulod na may mga kanyon ni Soliman.

Hindi pa bumabagsak ang inaasahang ulan nang, nuong ika-10 ng umaga, natanaw ng mga Español na papalapit ang maraming bangka.

St. James Tatlong kanyon ng Español laban sa 12 kanyon ng mga taga-Manila. Tapos, maiipit pa ang mga sundalo sa pagitan ng ilog at bakod sa magkabilang sugod, mula sa dagat at mula sa lupa. At malapit nang umulan. Mga batikang conquistador na nahasa sa habang buhay na digmaan, alam ng mga Español na hindi nila hindi maaaring hintayin na mabuo ang mga balak ng kalaban, kung ayaw nilang magapi.

Pinaputok ni Goiti ang isang kanyon sa barko.

Sumagot ang 3 kanyon ng mga taga-Manila. Haging ang 2 putok, masyadong mataas ang asinta. Ang pang-3 ay sumalpok, nabutas ang tagiliran ng barko ni Goiti, ang San Miguel.

Santiago! Santiago!

Hiyaw-hiyaw ang pangalan ng kanilang patron ng digmaan (Saint James), sumalakay ang mga Español. Sabay suot ng bakal na saklob-ulo (iron helmet), lumusob din si Goiti. Sa isang iglap, sinampa ng mga Español na naka-amba sa pampang ang gulod ng mga kanyon. Maaaring pinagpala sila ng santo ng kanilang digmaan laban sa mga Moro sa España nuong nakaraang 800 taon o maaaring mas mahusay silang makipag-digmaan dahil sa 800 taon nilang paglaban sa mga Moro.

Anuman ang dahilan, nadaig nila ang mga mandirigma ni Soliman. Nilusob ng mga Español at ng mga kasamang Visaya ang bakod ng kuta, sumingit sa mga siwang sa bakod na tinutukan ng mga kanyon, at inupakan ang mga nagtakbuhang mandirigma ng Manila. Sinunggaban ni Goiti, maestro ng mga kanyon (artillery chief) sa pangkat ni Legazpi, ang 12 kanyon sa gulod at pinagka-kanyon ang mga taga-Manila. Kumalat ang bakbakan sa buong nayon.

Sinunog ang Manila

Bagaman at nanalo, nakita ni Goiti mula sa tuktok ng gulod na hiwa-hiwalay ang mga sundalo at ang mga Visaya. Kahit sinalihan ng mga taga-Panay at mga taga-Balayan, napakaunti nila, wala pang 2,000, upang sakupin ang buong nayon. Batikang sundalo, alam ni Goiti na maaaring bumalik ang mga mandirigma ni Soliman at gapiin isa-isa ang kalat-kalat na mga Español, kahit daanin na lamang sa dami.

Inutos ni Goiti na sunugin ang mga bahay upang hadlangan ang pagbalik nina Soliman, at inutos na magtipon lahat ng Español sa gulod upang makapagtanggol sakaling lumusob ang mga mandirigma. Ngunit nadalá ang mga mandirigma sa takbuhan ng mga taga-Manila na lumigtas sa kumakalat na apoy.

Hindi nagtagal, namataan ng mga Español ang isang dambuhalang parao na tumatakas sa ilog Pasig, sakay ang mahigit 100 mandirigma at napapaligiran ng tumatakas ding mahigit 50 parao. Pinagka-kanyon sila ng mga Español mula sa gulod at mula sa barko. Isang bala ang sumabog sa gitna ng mga parao. Sumambulat ang mga mandirigma at bumagsak sa ilog. Nagkahiwa-hiwalay ang mga parao. Tumalilis si Soliman at ang mga kasama sa dambuhalang parao.

Tupok na ang Manila nang bumagsak ang inaasahang ulan.

Mahigit 100 mandirigma ni Soliman ang napatay sa Manila, binaril ng mga Español o namatay sa sunog. Marami pa ang napatay sa ilog nang tumakas, hindi masabi kung ilan. Mahigit 80 ang nabihag ng mga Español. Natupok halos ang buong nayon.

Maraming nakurakot ang mga Español, ang mga mandirigmang Visaya at ang mga taga-Balayan, lalo na sa malaking bahay ni Soliman at katabing imbakan (bodega, storehouse), puno ng salapi, pagkit (wax), bakal, tanso, mga porselana, bulak, mga kumot, at mga tapayan na puno ng alak. Ang mga kama at gamit bahay lamang, sabi ng mga nakakita, ay tumbas ng 5,000 piraso ng pilak (silver).

Pagkatapos ng sunog, nagkalat sa lupa ang pira-pirasong tanso at bakal, pinakinabangan ng kung sinuman ang dumampot.

Pinabantayan ni Goiti ang mga barko ng Intsik upang hindi manakawan at mawarak. Nuong hindi pa tapos ang bakbakan, ipinasauli na niya sa mga Intsik ang mga timón (rudders) at layag (sails) ng mga barko na kinuha ng mga tauhan ni Soliman. Mabilis ikinabit ng mga Intsik at lumaot lahat sa tabi ng barko ni Goiti upang hindi masalanta sa kaguluhan.

Sino ang Maysala?

Sa Manila, natagpuan ang 40 familia ng mga Intsik, at 20 familia ng mga Hapon. Isa sa mga ito ay binyagang catholico. Pablo raw ang pangalan niya, at humingi ng rosario kina Goiti, ngunit isinumbong ng ibang taga-Manila na isa siya sa mga tagapag-kanyon ni Soliman.

Kasama sa mga nabihag ang mga babaing Intsik na asawa ng mga Intsik na tumakas kasama ni Soliman. Nais ng ibang Español na gawin silang mga alipin ngunit inutos ni Goiti na ilipat sila sa mga barko ng mga Intsik. Isa ang nagpumilit sumama kina Goiti. Pagkaraan ng ilang araw, natuklas nilang baliw pala ang babae at kinuha siya ni Legazpi upang ipadala sa China.

Inusisa ng mga Español ang mga bihag na mandirigma: “Bakit nakipag-digmaan kayo, mayruon nang casi-casi?”

Si Soliman ang sinisi ng mga bihag: “Laging sinasalungat ang amain (si Raja Matanda). Malupit talaga ang pag-iisip!”

Naghintay nang ilang araw sa Manila si Goiti, sakaling may lumapit na taga-Luzon upang maki-usap. Nuong Junio 6, 1570, inangkin ni Goiti ang Manila at mga karatig sa ngalan ng hari ng España.

Sa isang kasulatan, sumumpa siya sa harap ni Riquel, ang tagapag-ulat ni Legazpi, at ng mga saksi (testigos, witnesses), kasama si Gavriel de Rrivera, ang punong pulis (chief constable), at iba pang pinuno ng Español, na sina Soliman at Laia ang may pakana at nagsimula ng

digmaan kahit nakipag-kasunduan na sa kanila si Goiti.

Kahit na inangkin niya ang lupa, hindi ginambala ni Goiti ang baranggay ni Lakan Dula (Alcandora ang sulat ng isang frayle) sa kabilang panig ng ilog Pasig. Alam niyang nais ni Legazpi lumipat sa Manila. Mainam na may baranggay na datnan ang mga Español sa halip ng sunog na nayon.

Ipinahakot niya sa barko ang mga kanyon ni Soliman, pati lahat ng mga ari-arian na nakalkal sa Manila pagkatapos ng sunog. Kasama ang 4 barkong Intsik nang lumunsad sina Goiti pagkatapos na walang lumapit upang makipag-usap. Nakuro niya na kulang siya ng mga tauhan upang tuntunin kung nasaan na si Soliman.

Nagtuloy ang mga barkong Intsik sa Mindoro habang dumaong sina Goiti sa Kawit upang maghintay uli nang isang maghapon, sakaling may nais duong makiusap o magsumbong gaya nuong una nilang pasok sa Manila, ngunit wala ring lumapit.

Sinamantala ni Goiti ang umiihip na hangin mula sa silangang hilaga (northeast), at upang hindi maipit ng darating na hangin mula sa timog (south), naglayag palabas sa luok Manila ang buong pangkat at bumaybay sa gilid ng Luzon. Dumaong uli sila sa Balayan upang magpahinga at mag-imbak ng tubig at pagkain.

Kinabukasan, pinatuloy niya sa Panay ang 2 barko, ang San Miguel at La Tortuga, sakay si Salcedo na maysakit pa dahil sa lason sa sugat, at 6 pang sundalong maysakit.

‘Paghati-hatian ang Lupa’

SAKAY sa mga parao, bumalik si Goiti sa Mindoro upang daanan ang mga baranggay na nangakong magdadagdag ng buwis na ginto, ngunit wala ni isang lumitaw. Pagkadaong ng pangkat sa ilog Baco, dumating ang pasabi mula Panay na bumalik agad dahil dumating na ang pangkat ni Capitan Juan dela Isla mula sa Nueva España (Mexico). Pinundaran ni Martin Enriquez, ang Pangalawa ng hari (virrey, viceroy), ang 3 barko upang dalhin ang mga liham ng hari, si Felipe 2, at ang sahod (sueldo, wages) ng mga sundalo at kawani.

Lumayag agad ang pangkat at nakabalik sa ilog Panay nuong Junio 15, 1570. Magana ang bati ni Legazpi kina Goiti, bagaman at napanghal nang marinig na sinunog ang Manila. Balak kasi ni Legazpi nuon pa na lumipat sa Luzon at duon itatag ang pamahayan (colony) ng mga Español. Sang-ayon si Legazpi at lahat ng naruruon na hindi masi-sisi si Goiti sa pagsunog sa nayon sapagkat ito ang pinaka-mabisang paraan, maaaring ang tanging paraan, dahil napakaunti ng mga Español upang mapuksa ang mga taga-Manila.

Gaya nina Goiti, lahat ng mga pangkat na kalat nuon sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan ay ipinatawag upang magpulong sa Panay at dinggin ang mga liham ng hari at upang tumanggap ng kanyang pabuya, dala lahat ng 3 barko

sa pangkat ni Dela Isla na nakarating sa Panay nuong Junio 23, 1570.

Inutos ng hari na paghati-hatiin ang kapuluan at ibigay bilang encomienda sa mga Español na sumakop sa Pilipinas. Inayunan din ng hari ang pagtatag ng pamahayan (colony) ng mga Español sa Cebu, na tinupad naman ni Legazpi. Bumalik siya sa Cebu at nag-iwan duon ng 40 - 50 Español upang magsimula ng pamahayan na binigyan ni Legazpi ng pangalan na El Nombre de Jesus bilang parangal sa estatua ng Santo Niño na natagpuan duon. Tumulong magtatag ng simbahan at convento duon si frayle Diego de Herrera, ang pinuno (provincial) ng mga Augustinian sa Pilipinas, na bumalik mula sa Mexico kasama ni Isla.

Pagbalik ni Legazpi sa Panay, naghanda na ang mga Español na lumipat sa Luzon ngunit naantal si Legazpi sa Panay, abala sa pamamahala sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Ayon kasi sa unang kasunduan niya kay Felipe 2, siya ang governador sa anumang masakop sa ngalan ng España sa bandang iyon ng daigdig. Sa liham namang dala ni Isla, siya ay ginanap nang adelantado ng buong kapuluan - governador habang buhay, at maaari niyang ipamana ang pagka-governador sa kanyang mga anak at apo.

Habang tumatagal, lalo namang sumisidhi ang gutom ng mga Español sa Panay sapagkat 2 - 3 taon nang salanta ang mga palayan duon ng mga naglipanang tipaklong (langostas, locusts).

Pagbalik sa Manila

WALANG patid ang amuki ng mga kasama, lalo na ng mga frayle, na iwan na ang Panay. Sa wakas, naglayag si Legazpi, kasama lahat ng barko at mga Español, nuong Abril 20, 1571. Dumaong sa Mindoro ang 27 barko, kasunod ang maraming bangka ng mga katutubo na nagpasiyang sumama sa Manila. Nag-imbak sila ng pagkain at gamit duon nang mahigit 2 linggo bago naglayag ng isa pang linggo bago pumasok sa luok ng Manila (Manila Bay) nuong ika-2 ng hapon ng Mayo 15, 1571, isang taon mula nang sunugin ni Goiti ang Manila.

Minasdan nilang nasusunog uli ang Manila.

Nang unang matiktikan ang buong sandatahang dagat nina Legazpi papasok sa luok Manila, ipinasunog na ni Soliman lahat ng mga bahay sa kanyang panig ng ilog Pasig. Mga bagong tayo lamang ang mga bahay, ipinasunog upang hindi mapakinabangan ng mga dayuhan, ngunit sa sindak ng mga tao at sa hangos makatakas agad ng mga alalay, maraming bahay ang naiwang hindi sunog.

Nakatayo pa rin ang baranggay ng Tondo, sa kabilang panig ng ilog Pasig na pinamunuan ni Lakan Dula. Siya nuon, sakay sa isang bangka, ang lumapit sa mga barko habang pinapanuod nina Legazpi ang sunog. Humiling si Dula ng pakikipag-payapa, sa ngalan ni Soliman at ng amain nito, si Laia (o Raja Matanda). Magalang siyang tinanggap ni Legazpi, sinabing wala silang balak wasakin ang Tondo o Manila. Hinimok ni

Legazpi si Dula na dalhin sina Soliman at Laia kinabukasan upang makipag-kasunduan.

“Wala silang dapat ikatakot,” sabi ni Legazpi kay Dula. “Hangad naming makipag-kaibigan, hindi maghiganti.”

Mapayapang nagbalik sa kanyang baranggay si Dula at sinimulan namang sakupin nina Legazpi ang mga bahay na naiwan sa Manila, ang kabayanang inangkin niya bilang adelantado ng buong kapuluan. Binigyan niya ito ng bagong pangalan, El Nuevo Reino de Castilia (‘ang bagong kaharian ng Castilia’), o sa madaling sabi, Nuevo Castilia (New Castille).

Kinabukasan, nakipagpayapa sina Dula, Soliman at Laia.

Sa mga sumunod na araw, habang pinaghati-hati ng mga Español ang mga lupa sa Manila, nagdatingan upang sumuko rin kay Legazpi ang mga pinuno ng mga karatig baranggay, ngunit hindi lahat.

Nuong Mayo 18, 1571, inilipat ni Legazpi ang pamahalaan. Malawak ang mga bukid at palayan ng Luzon kaya natiyak niyang hindi na magkukulang ang pagkain para sa kanyang mga tauhan.

Namatay ang matandang Legazpi pagkaraan ng isang taon, nuong Agosto 20, 1572, habang pinapalitan ang bakod na kahoy ng batong pader sa paligid ng Manila na, hindi nagtagal, tinawag na Intramuros (‘sa luob ng mga pader’).

Nangatwiran si Soliman

SA UNANG pagharap niya kay Miguel Lopez de Legazpi nuong Mayo 16, 1571, ipinagtanggol ni Raja Soliman ang sarili sa paratang na siya ang nagsimula ng bakbakan laban kay Martin de Goiti nuong nakaraang taon, 1570, ang unang pagdayo ng mga Español sa Manila.

“Alam n’yo nang lahat, walang hari at walang iisang may kapangyarihan dito kundi kanya-kanya ang panukala at patakaran, at ginagawa ng kahit sino kung ano na lamang ang maisipan nila. May mga tao ritong may higit na kapangyarihan kaysa sa akin, dahil kahit walang pahintulot ko, nilabag nila ang payapa at pagka-kaibigan, kaya ako ngayon ang pinaratangan ng paglabag sa tungkulin.

“Kung hindi ganito ang nangyari, kung ako ang nagpahintulot at nagpayo sa paglabag nila, ako ang dapat parusahan. Kung ako ang hari sa bayang ito, sa halip na panginuon lamang sa mga lupain ko, ang mga pangako ko

sana ay hindi nabali. Ngunit maraming tao ang kasangkot, at wala akong magagawa, nuon at ngayon man, kundi magsikap na sundin ng aking mga tauhan at mga kaibigan ang pagtangkilik ko sa katahimikan at pagka-kaibigan na napag-kasunduan nuon.”

Nang maunawaan ito ni Legazpi, naggawad siya ng kapatawaran sa lahat (general pardon) sa nangyari nuong nakaraang taon, at naghayag na mula nuon, ang mga pangako ay dapat tuparin.

Nag-alok si Soliman, ang kanyang amain, si Raja Laia (o Raja Matanda), at si Lakan Dula na aayain nila ang mga karatig na baranggay na sumuko at magbayad na rin ng buwis kina Legazpi, ngunit hindi nila natupad ito kahit anong subok ang gawin nila. Napansin ng mga Español na walang sapat na lakas ang 3 upang utusan ang mga pinuno sa paligid, at karamihan ng tao sa mga barrangay ay basta na lamang umaalis at lumilipat sa malayo upang makaiwas sa utos-utos ng kanilang mga pinuno.

Ang Bagong Kaharian ni Felipe 2

DAHIL ipinahayag sa Amin ng consejo at ng departamentos ng ejecutivo at ng judicial ng ciudad ng Manila, sa pulo ng Luzon sa Kanluran,

  • Na ang mga mamamayan ng lungsod na iyon ay nagsilbi sa amin nang buong lugod at katapatan, sa harap ng maraming paghihirap

  • Na pagkatuklas at pagkasakop sa pulo, at pagkatatag ng pamahalaan sa lungsod na iyon, binansagan ito ni Governador Miguel Lopez de Legazpi sa aming pangalan ng turing na Tangi at Laging Matapat na Lungsod (Ynsigne e siempre leal Cibdad) at sa pulo ng Luzon ang turing na Bagong Kaharian ng Castilia (Nuevo Reyno de Castilla)

  • At dahil hiniling sa amin, para sa kapakanan ng lungsod na iyon, at para sa alaala ng mga pinagdaanang paghihirap ng mga mamamayan duon, na kumpilan namin ang pagtanghal sa turing na Tangi at Laging Matapat na Lungsod ng Manila at sa pulo ng Luzon ang turing na Bagong Kaharian ng Castilia,

  • Na maaaring mangyari na ito ang aming nais mangyari, na ito ang maging turing dito, o kung anuman ang aming nais

    Kaya ngayon, matapos ng maingat na pagmuni-muni tungkol dito, at tungkol sa tapat at mabuting paglilingkod sa amin ng lungsod na ito at ng mga tao duon, kami ay sang-ayon sa hiling na ito;

  • At saksi ang mga naririto, na pinahihintulutan namin at iginagawad sa nasabing lungsod ng Manila ang turing na Tangi at Laging Matapat na Lungsod na ibininyag sa ngalan namin ng nasabing Governador Miguel Lopez de Legazpi;

  • At sa nabanggit na pulo ng Luzon ang turing na Bagong Kaharian ng Castilia na iginagawad namin, sa pamamagitan nitong kautusan, bilang parangal at pangalan na maaari nilang gamitin at itawag sa sarili, sa lahat ng documentos at contratas, at sa lahat ng liham na isusulat.

    At kami ang nag-uutos nito, sa sarili naming lagda at tatak (sello, seal) na pinagtibay ng aking Consejo de Las Indias.

    Madrid, Junio 21, 1574.    
    Ako,  Ang Hari      

  • Ang Pagbuwis sa mga Tao

    Manila,  21 Junio 1574.
    Pahayag ni Fray Martin de Rada, pinuno (provincial) ng mga Augustinian sa Pilipinas, kay Guido Lavezaris, ang pumalit na governador pagkamatay ni Legazpi:

    “Inakala ko na walang dapat baguhin sa pagsingil ng buwis na ginagawa ngayon ng mga Español - 70 ganta (210 litro) ng palay at isang piraso ng tela mula sa bawat indio - bagaman at may mga frayle na pumipintas dito, sa sermon nila sa misa, pati na sa mga confesionario. Ngunit nang ipunin ko ang kuru-kuro (opinion) ng bawat frayle dito sa Manila, nagkasundo silang lahat na walang sapat na karapatan ang Español na sakupin ang kapuluang ito sapagkat walang dapat makipag-digmaan nang walang pahintulot ng hari, maliban lamang kung ipinagtatanggol nila ang mga sarili.

    “Walang utos ang Kanyang Kamahalan kahit kailan man na salakayin natin at sakupin ang mga tao sa mga pulong ito. Katunayan, ipinagbawal ng kanyang kamahalan ang pagsakop sa kapuluang ito sa pamamagitan ng digmaan, nabasa ko sa isang liham na dinala ni Capitan Juan dela Isla mula sa Escorial (palacio sa España na favorito ni Haring Felipe 2) nuong bago namatay si Governador Miguel Lopez de Legazpi. Sinabi sa liham na hindi makatarungan ang paggamit ng dahas sa pagsakop dito, kahit na may dahilan para makipaglaban. Kaya lalong walang katwiran ang mga pagsakop na ginawa dito sapagkat wala, kahit isang dahilan.

    “Alam na ninyo, panginoong governador, na kahit saan tayo nagpunta rito, dinaan natin sa armas. Pinilit natin ang mga tao na makipag-kaibigan, tapos

    siningil natin ng buwis. At kapag hindi sila nagbigay, o kaunti lamang ang ibinigay, nilusob natin sila at kinalaban. At kapag ipinagtanggol ng mga tao ang sarili nila, pinagpa-patay sila at sinunog ang kanilang mga bahay. Madalas pang nangyari, pagkatapos wasakin ang baranggay at patayin ang mga mandirigma at sumuko ang mga tao upang hindi sila mapatay, siningil agad sila ng buwis. Gaya ng nangyari kailan lamang sa Los Camarines (sa Bicol).

    “At kapag tumakas ang mga indio sa takot nila sa mga Español, sinusunog ang kanilang mga bahay ng ating mga tauhan. Marami ang nasalanta at nasugatan. Hindi ko na babanggitin dito ang mga baranggay na ninakawan bago pa nakipag-usap ng pagsuko, at ang mga baranggay na sinalakay sa lalim ng gabi. Maraming ginawang dahilan upang mapasa-ilalim ang mga baranggay dito, at kinalkalan sila ng buwis na lahat ng makukuha sa kanila.

    Ano’ng consciencia ang ginamit sa pagsingil sa kanila ng buwis, bago pa sila nakatikim ng kabutihan mula sa atin, bago pa man nila tayo nakilala? Ano’ng karapatan at 3 ulit kumakam ng maraming ginto sa Ylocos nang hindi man lamang nakipag-usap sa kanila, maliban sa pagpunta ruon, pagsingil ng ginto, tapos bumalik na sa Manila? At ganito rin ang nangyari sa Los Camarines at sa Acuyo (malamang sa Leyte) at sa iba’t ibang baranggay na malayo sa Manila. Hindi ba malinaw sa lahat ng ito na walang katarungan ang pagsingil ng buwis?

    Isa pa, ang mga pinuno ng mga sundalo, at ang mga sundalo mismo, at ang mga nagpapayo sa kanila, at lahat ng makakapigil sana sa kanila, ay hindi pumipigil - lahat sila, at bawat isa sa kanila, ay may sala.

    Nakaraang kabanata                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata