Portuguese nao   ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Sumalakay  Ang  Mga  Portuguese
Portuguese Armada Besieges the Conquerors of Cebu

ISANG oras bago magtanghali nuong Oct 21, 1568, lumusob ang mga ‘nao’ o galleon ng mga Portuguese at pinagka-kanyon ang kuta (fuerza, fort) ng mga Español sa Cebu. Hindi tumigil ang pagpasabog sa mga Español at mga taga-Cebu hanggang bumaba ng araw.

Kinabukasan, Octobre 22, 1568, pinasugod ni General Gonzalo Pereira, ang pinuno ng hukbong dagat (armada, navy) ng Portuguese, ang 2 nao at isang patache, mas maliit na barko, sa kabilang pasukan sa Cebu upang harangin ang anumang sasakyang magtangkang magdala ng pagkain o kagamitan para sa mga Español.

Pagkatapos ng 2 araw, kinanyon uli at nilusob ng mga Portuguese ang mga baranggay sa paligid ng Cebu, pinatay ang mga tagaruon, pati ang mga babae at mga bata, ninakawan at sinunog ang mga bahay sa Gavi, Cotcot, Diluan, Denao at Mandavi (ang Mandaue).

Pagkaraan ng 10 araw, nuong Octobre 30, 1568, inamin ni Pereira na pinaputukan niya ng mga kanyon (cañones, cannon) buong maghapon ang Cebu at mga karatig na baranggay. “Maraming itim na tao, mga indio, ang napatay,” sabi niya. “May ilang Español ding namatay.”

Ipinilit niya na gumanti lamang siya dahil kinanyon ang mga barko niya ng mga Español mula sa kanilang fuerza (fort). Tatlong buwan hinarangan ng mga Portuguese ang daungan ng Cebu at kaunting pagkain lamang ang naipasok sa mga Español hanggang nuong bagong taon, Enero 1, 1569.

‘Hanapin si Legazpi!’

Kararating pa lamang sa Pilipinas ng pangkat ni Legazpi nuong 1565 nang ipag-utos ng hari ng Portugal, “Hanapin sina Miguel Lopez de Legazpi na umalis sa Nueva España, sakay sa 4 barko.”

Dahil sa sari-saring digmaan ng mga Portuguese laban sa mga taga-Arabia at taga-India upang sakupin ang mga lupain duon, isang taon bago natupad ng Pangalawa (virrey, viceroy) ng hari ang utos.

Nuong Octobre 1566, pagkarating ng sira-sirang San Geronimo, inutos ni Legazpi sa kanyang Pangalawa (master-of-camp), si Mateo del Sanz, na humakot ng buwis na pagkain, bigas at kanela (canela, cinnamon)

mula sa mga tao sa Panay at Mindanao. Datapwat biglang bumalik sa Cebu si Sanz nuong Noviembre 16, 1566, walang dalang pagkain, naiwan pa sa Dapitan ang kanyang barko, ang San Juan, dahil sa balitang dumating na ang sandatahang dagat (armada, navy) mga Portuguese na, sabi ni Legazpi sa kanyang liham kay Felipe 2, hari ng España, “hindi matutuwa na may mga Español dito sa Pilipinas.”

‘Sama-sama Tayong Mamamatay!’

Natanaw nina Sanz ang isang barko malapit sa Mindanao at 4 pang barko 150 kilometro sa banda ng Cebu. Kinabukasan, Noviembre 17, 1566, dumating ang 2 barko ng Portuguese sa Cebu, may sakay na 80 sundalong Portuguese at mga magdaragat (marineros, seamen) mula sa Malabar, isa sa mga sakop na lupa ng Portuguese sa India. Pagkatapos masdan ang campo ng mga Español at ang nayon ng mga katutubo, umurong agad ang 2 barko at naglaho.

Lalong minadali ng mga Español ang pagtayo ng kanilang tanggulan (fuerza, fort). Takbuhan ang mga taga-Cebu sa gubat at bundok, namangka ang iba patungo sa ibang pulo. Hinakot ng maraming taga-Cebu ang mga familia nila sa mga kaibigan nilang Español sa campo, at nangako,

“Sama-sama tayong mamamatay!”

Portuguese bombardment Ang Unang Babala

Pagkaraan ng 2 araw, lumitaw uli ang 2 barko. Isinugo ni Legazpi si Martin de Goiti na magdala ng pagkain at inumin, at makipag-usap sa mga Portuguese na pinamunuan ng isang Capitan Melo. Sabi ni Melo na binagyo sila at nahiwalay sa pangkat dagat na pinalusob ng viceroy nila sa India upang hanapin sina Legazpi sa Maluku (Moluccas, spice islands) na akala nilang sadya ng mga Español.

Inanyayahan ni Goiti ang mga Portuguese na magpahinga muna sa Cebu ngunit, matapos magpasalamat sa pagkain at inumin, umalis ang 2 barko ng Portuguese upang habulin at sumanib uli sa kanilang armada sa Maluku. Lulusubin daw nila ang isang pulo duon, ang Amboina, ganti sa ginawang pangahas ng mga tagaruon laban sa mga catholico.

Mahigit kalahating taon ang lumipas bago lumitaw uli ang mga Portuguese sa Cebu. Nuong Julio 10, 1567, handa na ang barkong San Juan maglakbay pabalik sa Mexico upang magdala ng mga liham at humingi ng tulong nang sumulpot ang 2 maliit na barko (galleys) ng Portuguese mula sa Maluku, pinamunuan ni Capitan Antonio Ronbo da Costa (Antonio Rrumbo de Acosta sa sulat ng Español) upang sunduin at dalhin ang mga Español mula sa Cebu.

Tapos, ayon sa mga liham na dala nila mula sa kanilang general, si Gonzalo Pereira, itutuloy ang mga Español sa India upang makasakay sa mga barko pabalik sa Portugal at España. Tumanggi si Legazpi kahit na, nuon, ang San Juan lamang ang barko nilang kayang tumawid pa ng dagat.

Binalaan siya ni Costa bago umalis ang 2 galley na kapag hindi siya pumayag paalis sa Pilipinas, babalik silang may dalang malakas na armada upang puksain lahat ng Español sa Cebu. Isinulat ni Legazpi nuong Julio 23, 1567, na wala silang sapat na tauhan o sandata, o kahit bala ng kanyon, upang lumaban sa mga Portuguese dahil kulang at mabagal ang dating ng tulong mula sa Nueva España.

Ngunit hindi siya tuminag mula sa campo Español sa Cebu.

Portuguese bombardment Pagbalik ng Portuguese Armada

Tatlong araw pagka-alis ni Costa, pumunta na sa Nueva España ang San Juan nuong Julio 26, 1567, dala ang mga ulat ng nangyari, hiling ng tulong, mga kanela (cinnamon) at iba pang spices, mga puno ng sampaloc (tamarind trees) at luya (ginger roots) upang maitanim sa Mexico. Sa sumunod na isang taon, nagkaruon ng bagong capitana (flagship) si Legazpi, ang barkong San Pablo, ginamit panghakot balikan sa Cebu at sa Acapulco, Mexico.

Kaka-alis pa lamang nito, sakay ang 132 tauhan at mga pasajero, nang dumating nuong Septiembre 18, 1568, ang isang maliit na barko ng Portuguese, sakay uli si Capitan Da Costa, ang nagdala ng liham mahigit isang taon nakalipas. Sinabi niyang kasama siya ng isang malaking armada, pinamunuan ni General Pereira, na parating mula sa Maluku upang palayasin ang mga Español mula sa Pilipinas. Napahiwalay daw siya sa pangkat at, dahil alam na niya kung nasaan ito, nagtuloy na lamang sa Cebu upang magpahinga. Subalit maaaring sadyang pinauna si Costa sapagkat umalis din siya, matapos makipag-merienda kina Legazpi, upang sumanib uli sa armada.

Bumalik si Costa sa Cebu pagkaraan ng 10 araw upang iabot ang mga liham mula kay General Pereira na, ayon sa kanya, malapit na. Sinagot ni Legazpi ang mga liham nuon ding araw na iyon, Septiembre 28, 1568, at dinala ni Costa pag-alis.

Paglipas ng 2 araw lamang, nuong Septiembre 30, 1568, dumating ang armada ni Pereira - 4 malaking nao o galleon, 5 maliit na barkong galley at mas maliliit na fusta (patache). Kasunod ang maraming mga parao ng mga mandirigma mula sa Maluku. Mapayapang nagtagpo sila ni Legazpi, dumalaw si Pereira sa campo nuong una, at si Legazpi naman ang nagtungo sa barko ni Pereira, ang San Francisco, nuong pang-2 pakikipag-usap. Nuon sinabi ng Portuguese na bibigyan niya ng patawag (summons) ang mga Español.

‘Alis Dyan!’

Dumating ang unang patawag nuong Octobre 14, 1568, at matapos sagutin ni Legazpi, sinundan ng 2 pa, nuong Octobre 19 at Octobre 21, na dadalhin nina Pereira ang mga Español sa India upang makabalik sa España mula duon, na kailangang umalis ang mga Español dahil sakop ang Pilipinas sa bahagi ng mondo ng Portugal, ayon sa kasunduan sa Tordesillas nuong 1494 (Treaty of Tordesillas), binago at pinagtibay ng kasunduan sa Zaragosa nuong 1529 (Treaty of Zaragosa).

Pagkatapos kapwa sagutin ni Legazpi nang palansi-lansi, nainip si Pereira sa mga katwiran at pinalusob ang kanyang mga barko, pinagka-kanyon at winasak ang tanggulan ng mga Español.

Tatlong ulit pang nagsulatan sina Pereira at Legazpi pagkatapos, nuong ika-27, ika-30 at ika-31 ng Octobre 1568, nagsisihan kung sino ang may kasalanan sa bakbakan.

Sa 3 buwan ng pagharang ng Portuguese sa Cebu, paulit-ulit ang salakay nila at ng mga mandirigma mula Maluku sa mga walang laban na mga baranggay at mga pulo sa paligid, subalit hindi sila lumusong kahit minsan sa Cebu sa takot na marami sa kanila ang mapapatay ng mga Español.

Ang mga Español na nabihag o sumuko sa kanila ay hindi nila sinaktan, subalit maraming taga-Cebu ang nakita mula sa campo ng mga Español na pinatay, o binihag ng mga Portuguese at mga taga-Maluku upang gawing alipin.

Nagsawa, Umalis ang Portuguese

Dahil sa mga gulo sa mga sakop (colonies) nila, hindi nakapagtagal ang mga Portuguese. Nang natanto ni Pereira na hindi susuko ni Legazpi kahit na nakulong nang 3 buwan sa Cebu, umalis na ang armada nuong Enero 1, 1569, at bumalik sa Maluku. Kahit na labis-labis ang lakas ng armada - mahigit 1,000 sundalo at mandirigma - at daig na daig ang hukbo ni Legazpi, umamin ng pagkabigo si Pereira dahil maraming kalaban ang Portuguese sa mga kapuluan ng Maluku at sa lungsod ng Malacca (Melaka ngayon). Hindi niya maaaring payagang mabawasan nang malaki ang kanyang sandatahan sa pakikipagbaka sa mga Español. Kahit na magwagi siya sa Cebu, tiyak na matatalo naman siya sa marami at madalas na labanan sa ibang mga kapuluan.

Sampung ulit sinalakay ng mga muslim mula sa Sumatra at Java ang Porta da Santiago, ang kuta ng Portuguese () sa Malacca. Nuong 1574 - 5 taon lamang pagkatapos ng pag-kanyon sa Cebu - muntik nang nagwagi ang mga muslim. Katunayan, nuong Octobre 19, 1568, isang araw bago kinanyon ang Cebu, nagpadala ng utos si Pereira sa hari ng Ternate, isa sa mga pulo ng Maluku, na siyasatin ang pag-usig sa mga catholico sa

mga karatig pulo ng Morobachan (Batjan ngayon), Anboyno (Amboina ngayon) at Celebs (Celebes ngunit Sulawesi ang tawag ngayon).

Ipinausig din niya ang pataksil na salakay ng mga tagapulo ng Taguima (ang Basilan ngayon) sa mga Portuguese na nagka-kalakal sa Maluku. Binihag daw ang kanilang barko at pinatay ang mga tauhan. Binihag ang mga Portuguese na buhay pa at ipinagbili sa mga taga-Jolo na kaibigan ng mga Portuguese. Gumanti lamang ang mga taga-Basilan dahil madalas magdaan duon at pagmalupitan sila o dayain ng mga Portuguese na papunta o pabalik sa Maluku.

Hindi alam ni Pereira nuong umalis siya sa Cebu na iyon ang pinaka-huling lusob ng mga Portuguese sa Pilipinas. Hindi na rin nagampanan ni Pereira ang mga tungkulin, namatay siya sa Maluku pagkabalik mula sa Cebu. Pumalit sa kanya si Diego de Sanbucho bilang governador ng Maluku, ngunit dinatnan niyang watak na ang kanilang fuerza (fort) sa Terrenate (Ternate ngayon), winasak ng mga tagaruon nuong 1574 dahil pinatay ng isang Portuguese ang hari ng pulo, binihag ang isang anak nito, si Francisco, at ang 3 kamag-anak, sina Enrique, Pablo Desa at Jordan de Fletes. Dinala muna nila sa India, tapos sa Malacca.

Himagsikan sa Maluku

Nag-ulol sa galit ang mga taga-Ternate. Nilusob at pinaligiran ang fuerza hanggang namatay sa gutom ang mga Portuguese duon. Ang mga nakatakas ay tuluyan nang nag-alsa balutan at, dala ang mga familia at mga ari-arian, pati ang mga vaca (cattle), lumikas sa pulo ng Anbon (Ambon ngayon) o sa lungsod ng Malacca, sa Malaysia. Hindi nagtagal, tumuloy na rin sa Ambon ang mga nagpunta sa Malacca.

Nagbagong-luob ang mga taga-Ternate, hiniling na ibalik ang anak ng hari, si Francisco, at makikipag-payapa sila, isasauli pa ang kuta sa Portuguese.

Subalit tapos na ang paghahari ng Portugal sa Maluku. Bagaman at nanatili at nagkalakal ang mga Portuguese sa mga bahagi ng kapuluan sa sumunod na 100 taon, unti-unting naglaho ang kanilang kapangyarihan sa Maluku mula nuong himagsikan sa Ternate.

Nagtagal din ang mayamang kalakal ng mga Portuguese sa Goa, India, sa Macao, China, at sa Hirado at Nagasaki, kapwa sa Japan. Subalit hindi

na lumawak pa ang abot ng Portugal at, mula nuong himagsikan sa Ternate, isa-isang naglaho ang mga sakop ng Portuguese sa Asia.

Nuong 1578, napatay si Sebastian, ang hari ng Portugal, habang dinidigma ang mga moro (muslim) sa Morocco, Africa. Walang siyang iniwang tagapag-mana (infante, heir apparent), kaya inangkin ni Felipe 2, hari ng España, ang trono (throne) ng Portugal bilang anak ni Princesa Isabel ng Portugal na asawa ng ama niya, si Carlos 5, emperador ng Roma (Holy Roman empire).

Nuong 1581, iniluklok si Felipe 2 sa Lisbon, lungsod ng kaharian ng Portugal. Mula nuon, ang hari ng España ay hari din ng Portugal, hanggang nakapag-sarili (independent) uli ang mga Portuguese nuong 1640. Huli na, nalagpasan na ng ibang kaharian sa Europe ang lakas at kapangyarihan ng Portugal nuon.

Nuong 1593, nagtatag ng kuta (fuerza, fort) sa Ternate ang mga Español mula sa Pilipinas. Sa sumunod na 50 taon, Manila ang namamahala, at hindi na mga Portuguese kundi mga Español ang naghari sa Maluku, katulong ang mga Kapampangan ng Luzon.

‘Hindi Maaaring Pagkatiwalaan’

BAGAMAN at 3 buwan matatag na humarap si Legazpi sa mga Portuguese mula nuong Octobre 1568 hanggang Enero 1569, nayanig ang lahat ng mga Español. Alam nilang kahit anong oras nuon, kaya silang puksain ng mga kalaban at wala silang maaasahang tulong mula kahit saan. Nagpasiya si Legazpi at ang mga pinuno na umalis sa Cebu. Mawawari ang gimbal na dinanas ni Legazpi sa kanyang sulat kay Marquez Gaston de Peralta, ang Pangalawa (virrey, viceroy) sa Nueva España, nuong Julio 7, 1569.

“Winasak ng mga kanyon ang campo namin,” sabi niya.

Umangal siya na may mga Portuguese na dumating sakay sa San Pablo mula sa Nueva España, at hiniling niya kay Peralta na pigilin ang mga

Portuguese na papunta sa Pilipinas. “Hindi maaaring pagkatiwalaan ang mga Portuguese, at maligaya ako kung wala sila dito,” sulat ni Legazpi.

Nuong 1570, sunod sa utos ng hari, si Felipe 2, na alisin ang mga hindi-Español sa kanyang pangkat, pinabalik ni Legazpi sa Mexico ang mahigit 10 Portuguese na tauhan niya. Mayruon pang ibang Portuguese na naiwan, sulat niya sa hari nuong Julio 25, 1570, na pababalikin niya sa susunod na barko. Kung hindi raw pagsasama-samahin ang maraming Portuguese sa isang barko, makaka-iwas sa gulo. Umangal din si Legazpi sa kanyang liham na nawalan ng tiwala ang mga katutubo sa mga Español dahil wala silang nagawa sa paglapastangan ng mga Portuguese.

“Magiging mas mahirap kaysa nuong una,” sabi niya, ang hulihin muli ang kalooban ng mga tao.

Lumipat sa Panay

GAYA ng dinanas nina Loaisa, Saavedra at Villalobos, imposible ang naging buhay nina Legazpi nang nawala ang mga katutubo na naglingkod at nagpakain sa kanila dahil sa pagpatay at panakot ng mga Portuguese.

Ang suliranin ng mga Español ay kung saan sila makakalipat. Sira na ang papel nila sa Cebu, Bohol at mga karatig pulo. Sa mga pulo ng Camiguin at Negros, kaunti ang bigas at kaunti ang tao, walang makakapag-lingkod sa kanila. At sa Negros, gaya sa Butuan at iba pang bahagi ng Mindanao, pinapatay sila at dinidigma ng mga tao. Walang sapat na pagkain sa Ybabao (Samar) at Acuyo (Leyte).

(Maraming taon ang lumipas bago natuklas ng mga Español na 2 magkahiwalay na pulo ang tinatahanan ng mga Waray-Waray.)

Lagi nang nagpagawa si Legazpi ng maliliit na barko upang magamit panghakot ng buwis na pagkain at gamit sa mga pulo. Nuong Marso 5, 1567, pinalaot mula sa Cebu ang isang bagong frigate, ang Espiritu Santo, upang humanap sa mga pulo ng Gigante, sa silangang hilaga (northeast) ng Panay, at humakot ng pagkit (wax) na ibinabalot sa barko

upang hindi pasukin ng tubig. Mahirap hanapin dahil bihira ang pagkit, dagta ng isang uri ng punong-kahoy, na ginagawang kandila (candela, candles) ng mga katutubo at ng mga Intsik. Walang nakitang pagkit ang Espiritu Santo kaya humakot na lamang ito ng maraming bigas sa Panay.

Ito ang naalaala ni Legazpi at ipinasiya niyang sa malaking pulo ng Panay ilipat ang campo ng mga Español.

Hindi nagpalit ang taon pagka-alis ng mga Portuguese, nuong 1569, itinatag nina Legazpi sa tabi ng ilog Banica ang kanilang campo na tinawag nilang Capiz, mula sa pangalan ng malaking kabibi (tulya) na naglipana duon, at pangalan ngayon ng lalawigan sa pulo ng Panay. Mas maunti ang tao kaysa sa Cebu, subalit hindi sila nasangkot sa lapastangan ng mga Portuguese, hindi pa sila galit sa mga Español at naniwala sa pa-asta-asta nina Legazpi. Pumayag silang maglingkod at magpakain sa mga Español.

Higit sa mahalaga sa lahat, maraming palayan (ricefields) at bigas duon.

(Sa sumunod na 50 taon, ang Panay ang pinagkunan ng bigas ng mga Español, kahit nasa Manila na, hanggang nasakop nila ang mga palayan ng gitnaang (central) Luzon, ang ginawang palabigasan (rice granary) ng Pilipinas.)

Galleon sinks Ang Pinakahuling Conquistador

KAA-ALIS pa lamang ng San Pablo, ang bagong capitana (flagship) ni Legazpi papunta sa Nueva España (ang Mexico) nuong 1568 nang dumating ang armadang Portuguese ni Pereira. Habang kulung-kulong nito ang mga Español sa Cebu, natanggap nila ang balitang nawarak at lumubog ang San Pablo sa isang bagyo habang nakadaong sa kapuluan ng Ladrones (tinatawag ngayon Marianas Islands, kabilang ang Guam).

Nakaligtas ang 132 sakay ng barko at, matapos gumawa ng malaking balsa (raft), nakabalik lahat sa Pilipinas. Malaking hirap at kapansanan ang dinanas ng pinuno ng paglakbay, si Felipe de Salcedo, apo ni Legazpi. Napilitan siyang magpahinga (retire) na. Ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng isang compania ng mga sundalo ay isinalin sa kanyang kapatid, si Juan de Salcedo na, sa mga susunod na taon, ay tatanghaling kahuli-hulihang mananakop (the last conquistador) ng Pilipinas.

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata