ANG MGA MANLULUPIG NG PILIPINAS:
Legazpi’s armada reaches the Philippines and despite his restraint, blood begins to spill
Cibabao, Samar, Sandugo
‘Nuong hapon na una naming natanaw ang Pilipinas, dumaong kami sa isang magandang luok na tinawag duong Cibabao, at isang linggo kaming namarati duon.’
Pilipinas, 14 Febrero 1565 TANTIYA ng mga piloto na mahigit 2,000 leguas (9,600 kilometro) na ang nalayag ng pangkat mula Nueva España (ang Mexico ngayon). May mga mangingisdang kalapit sa dagat na nakipag-kaibigan sa kanila at sila ang nagbigay ng pangalan ng pulo, na sa pahayag ng ibang Español ay Zibaba o Ybabao (‘sa baba’ o ‘ibabaw’). Hindi na matiyak ngayon ngunit batay sa ulat ng mga tinungo nina Legazpi, maaring ang Cibabao ay Samar, isang panukalang may kalabuan. Naulat na Ibabao ang lumang tawag sa hilaga (north) ng pulo, at ang timog (south) ang dating tinawag na Samar o ‘sa Amar.’ |
|
Nang itanong nina Miguel Lopez de Legazpi sa mga mangingisda kung nasaan si Bernardo dela Torre, isa sa mga capitan ni Ruy Lopez de Villalobos na naiwan sa kapuluan nuong 1546, sinabi ng mga mangingisda na baka nasa bandang hilaga (north). Pinabigyan sila ni Legazpi ng mga handog, mga kutil-kutil na walang gaanong halaga ngunit kaakit-akit sa kapuluan dahil panibago. Nangako ang mga mangingisda na magdadala ng pagkain kinabukasan. Kahit na naglaho ang isang barko, ang San Lucas na may sakay na 20 tauhan, mahigit 300 tauhan pa rin ang kasama ni Legazpi, mga marinero at sundalo na malakas kumain lahat. Ipinamalita ng mga mangingisda na binigyan sila ng mga handog ng mga |
Español, kaya kinabukasan, nagtungo sa mga barko halos lahat ng mga tagapulo, pati ang mga musmos, at dinumog ang mga barko ng kanilang mga bangka.
Ang iba sa kanila, ang mga pinuno ng baranggay, ay nagyaya ng casi-casi (blood compact) ngunit tumanggi si Legazpi, sugo siya ng hari ng España kaya sa isang ‘hari’ rin lamang siya maaaring makipag-casi-casi. Si Mateo del Sanz, ang pang-2 pinuno ng mga Español ang hinirang ni Legazpi. Hiniwa ng tagapulo ang bisig at nagpatulo ng dugo sa isang baso ng alak. Ganoon din ang ginawa ni Sanz, at kapwa sila uminom hanggang naubos ang pinaghalong dugo at alak. Ito ang casi-casi, takda ng matalik na pagkakaibigan bilang ‘magkapatid sa dugo.’ |
Ang pinuno ng baranggay, si Ka Laian (sinulat ng Español na Calayan), ay pinasamahan ni Legazpi sa kanyang tauhan, si Andres de Ybarra, upang angkinin ang baranggay at pali-paligid sa ngalan ng hari ng España, nuong Febrero 15, 1565. Sumaksi sina Frayle Diego de Herrera, Frayle Pedro de Gamboa at ilang sundalo, at pinagtibay sa isang kasulatan ni Fernando Riquel, taga-ulat (notario, scribe) ni Legazpi. Maraming tagapulo ang nanuod sa ginawang pag-angkin, walang kamalay-malay na nagsimula na ang pagha-hari ni Felipe 2 sa kapuluan, at sila, ang mga “ayaw sa hari,” ay naging tagapag-silbi na ng mga dayuhan. |
Gaya ng ipinangako nila, binigyan ng mga tagapulo ang mga Español ng mga pagkain - isda, manok, itlog, isang biik (lechon, piglet) at kesong puti, malaki at mahalaga sa mga katutubo dahil sagad sa kanilang kakayahan bilang mga mangingisda lamang, ngunit kaunti at pinintasan nang lihim ng mga Español. Isinulat pa kay Felipe 2, ang hari ng España, dahil kulang ang pagkain sa 300 Español, at hindi sila sanay sa kesong puti (white cheese) na gawa sa gatas ng kambing (kaunti lamang ang mga kalabaw nuon, at sa Bicol lamang mayruon) at kaiba ang lasa sa keso (queso, cheese) na kilala ng mga Español, na gawa sa gatas ng vaca. |
Pinatay sa Isang Casi-casi Desperado pa rin sa pagkain ang mga gutom na Español, paulit-ulit pinilit ang mga tagapulo na magdala pa ng pagkain. Wala nang naibigay kaya tuluyan nang lumayo ang mga tao, hindi na nagpakita sa mga Español. Dahil dito, sa kanilang liham kay Felipe 2, inalipusta ng mga Español ang mga mangingisda bilang mga taksil at mapagsamantala. Pinaratang nila na pinuntahan sila hindi upang makipag-kaibigan kundi upang tiktikan lamang ang kanilang mga sandata at mga hangarin sa kapuluan. Sapat itong dahilan upang lumusob ang mga Español na mga conquistador, gaya ng ginawa nina Villalobos nuong 1545, upang kunin ang mga pagkain ng mga tagapulo. Ngunit dahil sa utos ni Felipe 2 na makipag-kaibigan at huwag digmain ang mga tao, pinahinahon sila ni Legazpi at ng iba pang pinuno ng pangkat. Pinalaot ni Legazpi ang 2 bangka ng mga Español upang humanap ng ibang matitigilan na maraming pagkain. Isang bangka ang pinalaot pa-timog (southward). Pinapunta ang pang-2 bangka, pinamunuan ni Juan dela |
![]() Isang kasama nila, si Francisco Gomez, ay bumaba sa dalampasigan nang walang pahintulot, nagkusang makipag-casi-casi sa mga taga-baranggay. Hihiwa na siya sa bisig upang patuluin ang dugo nang sibatin siya sa tagiliran ng isang tagapulo, tagos hanggang kabilang dibdib. |
Malaki ang ngitngit ng mga Español ngunit pinahinahon pa rin sila ni Legazpi na balisa sa hindi pagbalik ng unang bangka. Inangkin ni Legazpi mismo ang buong kapuluan ng Cibabao sa ngalan ng hari ng España, sinaksihan ni Fray Andres de Urdaneta. Pagkatapos, umalis na ang mga Español nuong Febrero 20, 1565, patungong timog hanggang lagpas dulo ng pulo. Kinabukasan, pagkalayag ng 30 leguas (144 kilometro), dumaong sila sa isang luok (bay) na tinawag nilang San Pedro sa malaking pulo ng Tandaya. (Malamang ang Tandaya ay Leyte, kung Samar nga ang tinuring na Cibabao. Ginamit din ni Legazpi ang pangalang Abbuyo, ang lumang tawag ng mga Aeta sa pulo ng Leyte, na natutunan nina Villalobos. Sa kasaysayan ng Leyte ngayon, sinasabing ang Abbuyo ay ang lungsod ng Abuyog, sa silangang gilid (east coast) ng pulo, sa timog (south) ng lungsod ng Tacloban.) May ilog duon at pinatunton ito ni Legazpi sa mga bangka sa pamumuno ni Martin de Goiti, kasama si Frayle Diego de Herrera, upang maghanap ng mga kabayanan na may pagkain. Mahigpit ang utos niya na mag-usisa lamang at huwag kalabanin ang mga indio. Umabot sina Goiti sa isang munting baranggay na tinawag na Cangiungo (gaya ng Cibabao, hindi na |
matiyak kung nasaan ito). Hindi sila tinanggap nang magiliw ng mga tagaruon, ngunit hindi sila dinigma at pinakain pa sila.
“Comamos! Bebamos!” (“Kain na! Uminon tayo!”) Niyaya sina Goiti ng isang tagaruon na marunong ng ilang salitang Español. Nang tanungin ng isang kasama, si Anton Batista, kung paano natuto ng Español, sumagot ang indio ng “Villalobos” at “Capitan Calabaza” at inakala ng mga Español na nakipag-kalakal ang tagapulo sa pangkat ni Villalobos nuong nakaraang paglakbay. Maniwaring nagalit ang pinuno ng Cangiungo sa idinaldal nitong taga-baranggay dahil hindi na siya nakita uli ng mga Español. Nang dumating ang buong pangkat nina Legazpi kinabukasan, sinalubong sila ng sigaw at galit ng buong baranggay, panay ang wasiwas ng mga kampilan, ang mahabang itak ng mga tagapulo, at hinagisan ang mga Español ng mga bato at pira-pirasong kahoy. Inutos ni Legazpi sa mga sundalo na pagbabarilin. Kumaripas patakas ang mga taga-baranggay at hindi na nagpakita uli sa mga Español. |
Cabalian, 5 Marso 1565 Sumisidhi na ang gutom ng mga Español - alingawngaw ng pagka-salat nina Loaisa, Saavedra at Villalobos - at madaling pinalaot uli ni Legazpi si Goiti, kasama ang isang malaking pangkat, upang magsiyasat sa dalampasigan at hanapin ang kabayanan (town) ng Tandaya. Nalito sa anyo ng dalampasigan, nakarating ng 15 legua (72 kilometro) sina Goiti bago nakita ang malaking nayon ng Cavalian (ang San Juan ngayon, sa gilid ng Cabalian Bay sa timog Leyte), at ang maraming baboy, manok, palay at camote duon. Mabilis na bumalik kina Legazpi si Goiti at nuong Marso 5, 1565, dali-daling pumalaot ang buong pangkat na gutom. Binati sila nang magiliw ng mga taga-Cavalian, nakipag-kaibigan at nangakong magbibigay ng pagkain. Ngunit nuong gabi ring iyon, nagsakayan lahat ng tao sa kani-kanilang bangka, dala ang mga ari-arian at pagkain, at nagsitakas. Umakyat sa barko kinabukasan ang isang pinuno, si Ka Matuan (sinulat na Canatuan ni Legazpi, Camutuan sa ibang salaysay) na anak ni Malitik (Malate kay Legazpi, at Maletec ng iba), upang makipag-casi-casi kay Legazpi. Tantiya nuon na 2 araw na lamang ang pagkaing nalalabi sa mga barko. Kaya binihag si Ka Matuan, pati mga kasama niya, sa utos ni Legazpi, upang pilitin ang mga taga-Cavalian na magdala ng pagkain sa |
mga barko.
Si Malitik ang pinaka-mataas na pinuno sa nayon, hukluban at bulag na sa katandaan, ngunit hindi rin nagdala ng pagkain ang mga taga-nayon kaya ang mga Español, 50 sundalo na pinamunuan ni Martin de Goiti, ang lumusob sa baranggay at nagpaputok ng kanilang mga arquebus (baril na de-sabog). Nang nagtakbuhan ang mga tagaruon, sinunggaban ng mga Español lahat ng pagkaing nakita, mga baboy, mga manok at maraming bigas. “Nag-fiesta kami!” sulat ni Legazpi kay Felipe 2, “may 45 baboy ang kinatay namin at kinain. Binayaran naman namin, ng mga kalakal na dala-dala namin.” Ipinadala ni Ka Matuan sa mga Español ang mga bayad ni Legazpi, kasama ang isang taga-Cavalian, upang maipa-mudmod sa mga may-ari ng baboy na kinatay at iba pang pagkain na ninakaw. Sa pagniniig nila ni Legazpi, tinuran ni Ka Matuan ang pangalan ng mga pulo-pulo sa pali-paligid, ang mga pinuno at mga nakata-taas na tao sa mga baranggay. Gaya ng ipinangako rin ni Ka Matuan, dinala niya sina Legazpi sa pulo ng Limasawa sa timog ng Leyte, isinulat na Massaua at Masagua ni Legazpi sa kanyang liham kay Felipe 2). |
Balik Sa Limasawa NANG datnan nina Ferdinand Magellan ang pulo ng Limasawa nuong 1521, puno ito ng maraming tao. Nang dumating ang pangkat ni Miguel Lopez de Legazpi nuong Marso 9, 1565, iilan-ilan na lamang ang namamahay duon, wala pang 20. At nagalit ang mga ito nang makita ang mga Español, at nagsitakas lahat. Bigo, pinawalan duon ni Legazpi si Ka |
Matuan at iba pang mga bihag matapos bigyan ng ilang pirasong damit, “at magkaibigan kami nang naghiwalay,” ang sabi ni Legazpi.
Nagpatuloy ang pangkat Español, iniwan ang pulo ng Limasawa at nuong Marso 11, 1565, nakarating sa pulo ng Camiguinin (Camiguin, sinulat na Canuguinen ni Legazpi). Dito man, nagtakbuhan ang mga tao sa gubat at bundok sa unang pagkakita sa mga Español. |
Bohol, 14 Marso 1565 Walang napala, naglayag sina Legazpi patungo sana sa Butuan, sa silangang hilaga (northeast) ng Vindanao (Mindanao) ngunit sinalungat sila ng malakas na hangin at tinangay ng agos ng dagat sa pulo ng Bohol nuong araw din iyon, Marso 14, 1565, at dumaong sa isang luok (bay) duon. Sinamantala nila ang pagkakataon upang kumpunihin ang mga sira sa capitana (flagship), ang barkong San Pedro. Ang maliit na ang barko na lamang, ang San Juan, isang patache, ang pinatuloy ni Legazpi sa Butuan. Sakay sina Guido Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer), si Andres de Mirandaola, ang factor (business manager) at si Capitan Juan dela Isla. Pakay nilang usisain kung saan iniimbak at kinakalakal ang kanela (cinnamon) na laganap sa Mindanao. At humanap ng mainam na mahihimpilan ng mga barko upang makapagtatag ng pamahayan (colony) |
ng mga Español. Isinama nila ang aliping (slave) Malay na tagapagsalita (interpreter), si Geronimo Pacheco, nang makasagap ng maraming balita tungkol sa kalakal sa pali-paligid. Inatasan silang bumalik pagkaraan ng 5 araw.
Sa may kalayuan, namataan ni Mateo del Sanz, ang Pangalawa (master-of-camp) ni Legazpi, mula sa kanyang almirante, ang barkong San Pablo, ang isang dyong (Chinese junk), barkong pandagat ng mga taga-Java. Akala niya isang parao, ang malaking bangkang pandagat ng mga katutubo, kaya isang bangka lamang, sakay ang 6 sundalo, ang pinasulong niya upang harapin ito. Tapos, nagpunta siya sa capitana upang ibalita ito kay Legazpi. Nawari ni Legazpi na kulang ang mga tauhan na pinasulong ni Sanz. Agad niyang pinalaot si Sanz mismo sa isa pang bangka na punong-puno ng mga sundalo. Ngunit nagsimula ang bakbakan at barilan sa dagat bago sila nakarating. |
‘Abordo! Abordo!’ Sugatan na ang ilang sundalo sa unang bangka nang nakalapit sina Sanz sa dyong na may dalang maraming pana at palaso (bows and arrows), mga sibat, mga baril at isang culverin, maliit na kanyon na gawa sa tanso (bronze cannon). Malakas ang luob ng 45 sandatahan (armados, defenders) sa dyong nang makitang 6 Español lamang ang sakay ng unang bangka, at binakbakan nila. Sinagupa na rin pati ang pang-2 bangka pagdating nina Sanz, ngunit ang mga ito, sabay sa sigaw ng “Abordo! Abordo!” ay lumusob agad at sinampa (boarded) ang dyong. Napatay agad ang isang sundalong Español, sinibat sa leeg nang umakyat |
sa dyong, 20 pang sundalo ang nasugatan bago napipilan ang mga sandatahan sa dyong. Nagtakbuhan ang 15 sandatahan, sumakay sa isang bangka sa likuran, at tumakas sa dagat.
Sumuko ang mga sandatahang naiwan sa dyong, at natuklasang mga moro (tawag ng Español sa mga muslim ng Morocco na dating sumakop sa España) pala sila mula sa Brunei. Handa silang mamatay para sa maraming dalang porselana mula China, bakal mula Borneo, at mga palayok at caserolang bakal mula India. Marami ring damask, sutla (silks), belo (veils) at sari-sari pang mga tela mula sa iba’t ibang pulo. Hila ang dyong, bumalik sina Sanz pagkaraan ng 2 araw. Ipinabalik ni Legazpi ang dyong at mga ari-arian, at pinakawalan ang mga moro, na tuwang-tuwa. |
Kaibigan ang Moro “Hindi pagka-ganid ang dahilang binihag namin sila,” sulat ni Legazpi kay Felipe 2. “Ang tangka ko ay hindi magdambong kung hindi makipag-kasunduan at makipag-kaibigan sa mga tagarito. Talagang kailangan namin ang magkaroon ng mga kaibigan dito.” Nang makita ng mga muslim ang mga kalakal na dala ng mga Español, ipinayo nila na tumuloy ang mga Español sa Borneo, Siam (ang Thailand ngayon) o sa Malacca, at madali nilang maipapag-palit ang mga dala nila duon. Sinabi ng kasamang marinero (pilot, navigator) ng mga muslim na 10 taon na silang umiikot sa mga pulo sa pali-paligid, hindi pa rin nila naubos |
ang inilalako nilang sutla at mga tela, pahiwatig na salat sa yaman ang mga tagapulo duon.
Sinabi rin ng marinero na 2 dyong mula Luzon ang nasa Butuan nuon, nakikipag-kalakal ng ginto, pagkit (wax) at mga alipin (esclavos, slaves). Mas malayo daw sa hilaga (norte, north) ang Luzon kaysa Borney (lungsod ng Brunei, nabulol sa Borneo at naging pangalan ng buong pulo). Sinabi ng mga taga-Borneo na dati, may 2 Español na bihag sa Cebu ngunit nuong matagal na, ipinagbili ang isa sa mga nagkalakal mula sa Borneo, na tinubos naman ng mga Portuguese at dinala sa Malacca. Hindi raw nila alam kung nasa Cebu pa ang pang-2 Español. |
Kagagawan ng Portuguese Ang marinerong muslim ang naghayag kina Legazpi kung bakit sindak at muhi ang mga tao duon sa Español. Nuong 2 taon sa nakaraan, isang pangkat ng mga Portuguese sa 8 parao, sakay ng maraming mandirigma mula sa Maluku, ang lumipol sa mga tagapulo. Nagkunwari silang mga Español, gaya nina Ferdinand Magellan, kinaibigan muna nila ang mga tao bago nila ninakawan, pinagpapatay at binihag upang gawing mga alipin. “Kaya ilag na ang mga tao sa Español,” sabi ng marinero. “Dito lamang sa |
Bohol, mahigit isang libong tao ang sinalanta.”
Matapos daw ng isang buwan ng pakikipag-kaibigan, inanyayahan ng mga Portuguese ang lahat sa isang malaking pamilihan (market fair) ng mga kalakal. Nang nagtipon ang mga tao, sinalakay nila. Mahigit 500 tao ang pinatay at 600 tao ang binihag at inalipin. Pumiyak si Legazpi, sinabing ibang bayan ang mga Portuguese, nagsisilbi sa kaibang hari. Hindi naniwala ang mga tagapulo, sinabi, “Magkakahawig kayo, pati ang mga damit ninyo at sandata, magkakatulad!” |
Casi-Casi, si Ka Tunas Tinulungan ng marinerong muslim ang mga Español, nakipag-usap sa mga taga-Bohol na makipag-kalakal ng pagkain. Nuon lamang nakatanggap ng sapat na pagkain sina Legazpi. Pumasok pa sa luoban ng Bohol ang marinero upang sunduin ang mga pinuno, si Ka Tunas (isinulat na Cicatuna ni Legazpi) at si Gala (Cigala daw), upang makipag-casi-casi kay Legazpi. Inulit ng 2 pinuno ang ulat ng marinero, na naranasan sa Bohol ang malupit na pagpatay, pagnakaw at pag-alipin ng mga dayuhang kamukha ng mga Español. At pinagpilitan ni Legazpi na kaiba silang mga Español sa mga Portuguese na may kagagawan ng kalapastanganan. Gayon pa man, pulos pangako lamang ang 2 pinuno at walang napala ang mga Español sa Bohol kaya naisip ni Legazpi na lumipat muli ng himpilan. Pinalaot niya nang 10 araw ang isang frigate (bangkang pandagat ng Español, mas malaki kaysa sa parao), kasama si Esteban Rodriguez, ang |
pangunang piloto ng pangkat dagat, at si Joan de Aguire, upang siyasatin ang malaking pulo na tanaw mula sa Bohol - ang pulo ng Cebu.
Kasama sa frigate ang marinerong muslim bilang tagapagsalita (interpreter) dahil alam niya halos lahat ng wika ng mga tagapulo. Sa 15 Español, may kasamang isang negro na nakarating na sa India at Melaka (Malacca) at alam na ang wika ng mga Malay. Nang bagtasin ng frigate ang pagitan ng Bohol at Cebu, tinangay sila ng malakas na agos ng dagat at ipinapadpad sa malayong dulo ng Cebu. Hindi sila nakabalik pasalungat sa agos kaya napilitan silang maglayag paikot sa buong pulo ng Cebu. Pagkaraan ng 10 araw nang hindi nagbabalik ang frigate, lubhang nabalisa sina Legazpi sa Bohol. Nagkusa ang ilang taga-Bohol, sakay sa kanilang mga bangka, at pumalaot din upang hanapin ang frigate. Samantala, bumalik ang barkong San Juan mula sa Butuan, bigo sa kanilang tangkang mag-usisa tungkol sa kanela (canela, cinnamon). |
Butuan, mga taga-Luzon “Natagpuan namin ang daungan ng Butuan,” sulat ni Mirandaola kay Felipe 2 tungkol sa pagsiyasat nila sa Beguindanao (Mindanao), “at may 2 dyong ng Moro kaming dinatnan, na mula daw sa Luson (Luzon) na malapit sa malaking pulo na tinawag na Borney (Brunei).” Nakipag-kaibigan daw sila ni Lavezaris sa pinuno ng Butuan ayon sa utos ni Legazpi. Pumayag nuong una ang mga taga-Butuan na makipag-kalakal sa Español ngunit tumanggi pagkatapos silang bulungan ng mga taga-Luzon na “masisira daw sila kapag nakipag-kalakal sa amin.” Napilitang sa mga taga-Luzon na lamang nakipag-kalakal ang mga Español na nilimot ang utos ni Legazpi na magsiyasat, lalo na nang mabalitaan nilang maraming dalang ginto ang mga taga-Luzon sa 2 dyong. Lulusubin na sana ng mga Español, ganti lamang daw sa ginawang pagsira sa kanila sa mga taga-Butuan, at dinaya pa raw sila, hinaluan ng lupa ang mga buslo ng pagkit (wax) na inilako sa mga Español. Pinigilan sila nina Capitan Isla, Lavezaris at Mirandaola. At upang |
maiwasan ang bakbakan laban sa mga taga-Luzon, mabilis na bumalik ang San Juan sa Bohol. Pinagalitan sila ni Legazpi dahil wala silang siniyasat, basta inatupag ang kani-kanilang pagkalakal.
Pagkaraan ng 9 araw, bumalik ang bangka ng mga taga-Bohol, hindi raw nila nakita o nabalitaan ang mga Español sa frigate at malaki ang kaba ni Legazpi na napatay silang lahat. Kapalaran naman, nuong gabi ring iyon, bumalik ang frigate. Pagod at gutom ang mga sakay ngunit malusog at walang napatay maliban sa marinerong taga-Borneo na tumulong sa kanila. Naligo raw sa isang ilog sa pulo ng mga negro (tinawag na Negros ng Español, dating Buglas ang pangalan) at pinatay ng mga tagaruon. “Hindi kami nakadaong sa lakas ng agos ng dagat,” sabi nila kay Legazpi. “Bumaybay na lamang kami sa pulo ng mga negro at sa Cebu.” Umikot pa sila sa buong Cebu upang makabalik kaya 20 araw silang “nawala” dahil bandang 150 legua (720 kilometro) ang sukat ng pulo. Marami silang nakitang mga tao, at mga pagkain, sa Cebu ngunit kahit na gutom na gutom na sila, dahil 6 araw na pagkain lamang ang dala nila nuong nagsimula, hindi sila naglakas luob na dumaong. |
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |