ANG MGA MANLULUPIG NG PILIPINAS:
Chinese pirates attempt to carve a kingdom in the islands
Sumalakay Si Limahóng Sa Manila At Pangasinán
NAGLIPANA ang mga mandarambong (piratas, pirates) at mga tulisan (bandidos, outlaws) sa timog dalampasigan (southern coast) ng China nuong isilang duon si Dim Mhon, sa lungsod ng Tru Cheo sa lalawigan ng Cuy Tan, na tinawag na Catim ng mga Portuguese. Lumaki siyang marahas (violent) at tampalasan (destructive). Bata pa siya nang natutong mag-tulisan sa mga lansangan ng China. Paglaki, naging pinuno siya ng mahigit 2,000 tulisan. Siya ang takdang nakilala sa Pilipinas sa pangalang Limahong. Lubhang lagim ang pinalawak niya, inutos ng hari sa mga pinuno sa timog China na dakpin nang buhay si Dim Mhon at dalhin sa lungsod ng Tay Bin. Binalaan ng mga kabig, winasak ni Dim Mhon ang isang kabayanan (pueblo, town) sa tabing dagat at tumakas, dala lahat ng barko mula duon. |
|
Pinalubóg sa Tabí ng Ilocos LIGTAS sa dagat mula sa mga kawal ng hari, hinarang at ninakaw niya ang bawat nasalubong na sasakyang dagat, hanggang nakapag-ipon siya ng 40 barko. Tapos, sinimulan niyang dagitin ang mga kabayanan at lungsod sa dalampasigan ng China. Napansin siya uli ng mga alagad ng hari. Sa isang lungsod ng mga tulad niyang mandarambong, sinalakay niya ang isang pinuno, si Vinh To Quiam. Nakatakas ito sa 5 barko, ngunit naagaw ni Dim Mhong ang 55 pang barko ni Vinh, kaya umabot ng 95 ang mga barko ng pangkat ni Dim Mhong at nagmistulang hari siya sa dagat sa timog ng China. Pinagbayad pa niya ng buwis ang mga lungsod duon. Nag-utos uli ang hari ng China. Inipon ng mga pinuno duon ang 135 |
barkong pandigma (warships), sakay ang mahigit 40,000 kawal, upang patayin si Dim Mhong. Mabilis na tumalilis ang pangahas sa isang ligaw na pulo, tinawag na Ton Sua Qua Ti Canh, kulang-kulang 200 kilometro mula sa China ngunit nasa landas ng mga barko na nakikipag-kalakal nuon sa Manila. Nadambong ng pangkat niya ang 2 sa mga barko, at nalaman ni Dim Mhong na kaunti lamang ang mga Español sa Manila at panatag ang mga ito, halos walang tanggulan (fuerza, fort).
Dahil ipinagbawal ng hari ng China na makipag-digmaan ang mga Intsik sa mga katabing bayan, natiyak ang mga Español na ligtas sila. Ni hindi nila isinampa ang mga kanyon (cañones, artillery) sa paligid ng Intramuros upang ipagtanggol ang lungsod. Takot si Dim Mhong sa hukbong dagat (armada, war fleet) ng China na humahanap sa kanya, kaya pinasiya niyang sakupin ang Manila at gawin itong kaharian at tanggulan niya. |
Mabagal na Babalâ GULAT ang mga taga-Ilocos, nuon lamang nakakita ng ganuong karaming barko, nang dumaan sa tabing dagat ang buong pangkat ni Dim Mhon nuong kalagitnaan ng Septiembre 1574. Madaling nakarating ang balita kay Juan de Salcedo sa itinatag niyang kabayanan ng Fernandina sa tabi ng ilog Biga-an (Vigan ang tawag ngayon). Dumating din ang balita mula sa isang kawal (soldado, soldier) niya, si Sargento Sayavedra, na nakasaksi sa pagwarak ng isang galeria (galley), maliit na barkong pandagat na may mga layag (velas, sails) at mga sagwan (remos, oars). Nautusan ni Salcedo na humakot ng gamit at pagkain sa Manila, hinarang ang galeria nina Dim Mhong at pinatay ang sakay na 25 sundalong Español at mga taga-Luzon na taga-sagwan (remeros, rowers). Agad isinugo ni Salcedo ang 3 sundalo at 4 tagapulo na taga-sagwan sa isang bangka upang balaan ang Manila sa lumalapit na pagsalakay. Humarabas ang bangka nang ilang araw sa maghapon at walang patid na |
pagsagwan upang unahan ang mga barko ng mga mandarambong, ngunit sadyang mabagal ang bangka kaysa mga naka-layag na mga barko. Nabigo, natambang pa ang bangka ng mga barko ni Dim Mhon papasok sa luok Manila (Manila Bay ang tawag ngayon) nuong Septiembre 28, 1574. Napilitang sumadsad sa pampang ng Mariveles (sa magiging lalawigan ng Bataan), tumakas ang mga Español sa gubat.
Pugad ng mga pugot-ulo (headhunters) ang Mariveles nuon kaya hindi sumunod ang 3 sundalong Español sa mga katutubong taga-sagwan papasok sa lilib ng gubat. Nagkanlong na lamang sila sa mga talahib (malezas, elephant grasses). Nakita nila ang pagsira sa bangka nang natagpuan ito ng mga tauhan ni Dim Mhon bago tumuloy ang mga mandarambong papuntang Manila. Hindi lubusang nawasak ang bangka. Kinumpuni ito ng 3 sundalo at tangka nilang gamitin, pagsikat ng araw kinabukasan, upang ipagpatuloy ang pagluwas sa Manila. Datapwa, mabagal na lamang sila dahil tagpi-tagpi (patched up) na ang bangka, wala pa ang mga taga-sagwan nila. |
PABABA na ang araw nuong Septiembre 29, 1574, nang pasukin ng pangkat dagat ni Dim Mhon ang luok ng Manila kaya hindi sila natanaw ng mga taga-Intramuros na walang kamalay-malay sa dumating na panganib. Mula nuong sumugod ang mga Portuguese sa Cebu, ito ang sunod na pagkakataon muntik nang natapos ang 9 taon paglupig ng mga Español sa Pilipinas. Sa unang tuusan, dapat nanalo ang mandarambong, naging kaharian ng Intsik ang Manila, at iba ang naging kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit sa hindi nalahad na dahilan, ginanap ni Dim Mhong ang una sa 2 mali niya, nang iutos nuong gabing iyon: “Pumasok kayo nang tahimik para walang magising, tapos sunugin n’yo lahat ng bahay duon! Patayin n’yo lahat ng makita ninyo! Lahat ng tao!” Tama ang pasiya ni Dim Mhong na lumusod agad bago sila natunugan ng mga Español, ngunit sa halip na isugod lahat, 700 tauhan lamang ang pinasalakay niya, pinamunuan ng kanyang kabig, si Sioco, taga-Japan at isa ring mandarambong. Lalabas sa mga sumunod na naganap na kulang na kulang ang 700 upang sakupin ang Manila. |
|
Pinatay si Goiti Maagap lumunsad ang mga tauhan ni Sioco sa mga bangka sa dilim ng gabi, dala ang mga pansunog na paputok (fire bombs) na gagamitin sa patupok sa Manila. Lumihis ang mga bangka mula sa bukana ng ilog Pasig upang umiwas sa mga mangingisda sa Tondo na parit-parito buong magdamag. Sa kabilang panig ng Manila sila nagtangkang dumaong. Ang hangin tuwing gabi ay palayo sa lupa at patungo sa dagat. Sinamang palad pa ang mga lumulusob dahil malakas ang hangin nuong gabing iyon at inabot sila ng ilang oras bago naka-abot sa kabilang dalampasigan. Lalong malas, malayo nang halos 5 kilometro mula sa Manila, sa purok na tatawaging Ermita, kaya napilitan silang lumakad nang matagal. Mataas na ang araw, bandang ika-9 ng umaga nuong Septiembre 30, 1574, nang nakarating sila sa Manila. Ang unang nakita ng mga mandarambong, sa tinatawag na Bagumbayan (ang Rizal Park ngayon) ay bahay ni Martin de Goiti, ang Pangalawa (maestro de campo, master-of-camp) ng governador. Nakita rin ng ilang taga-Manila sa tabing dagat ang papalapit na mga sandatahan, pinagkamalan nilang mga moro (muslim) mula sa Brunei (Borneo) na kaaway ng mga Español. Takbuhan at sigawan ang mga |
taga-Manila upang ikalat ang babala.
“Burney! Burney! Lumulusob ang mga Burney!” Kababangon pa lamang nuon ni Goiti, tinanghali ang gising dahil masama ang katawan. Narinig niya ang mga sigaw datapwat hindi naniwala dahil patapos na ang tag-ulan at alam niyang salungat ang ihip ng hangin, papuntang timog (south). Hindi maaaring maglayag pahilaga (northward) ang mga taga-Brunei papuntang Manila. “Mga lasing, tumahimik kayo!” Dumungaw sa bintana si Goiti at sinigawan ang mga lalaking humihiyaw sa takot, at nuon niya natanaw ang mga sumusugod na mandarambong ni Sioco. Walang panahon, naisuot lamang ni Goiti ang kamisang bakal (iron mail shirt) at nahugot ang espada (sword) bago siya dinumog ng mga Intsik. Nagtitili ang asawa ni Goiti, suot ang saklob na bakal sa ulo (iron helmet), nilait ang mga Intsik na sumusunog sa bahay nila. Sinunggaban ng mga Intsik ang mga alahas at sinsing niyang ginto. Ninakaw pati ang damit na suot kaya hubad-hubad siya nang saksakin sa leeg ng mga mandarambong at iniwan, akala ay patay na. Ngunit buhay pa ang asawa ni Goiti at, sa gulo ng sunog, nakapagtago sa mga talahib sa labas ng bahay, at naligtas sa kamatayan. |
Pinanuod ang Sunog Napatay si Goiti, pati ang 4 lalaki at isang babae na kasama sa bahay. Natupok ng apoy ang bahay, na nagsilbing patibay sa mga hiyaw ng babala na mabilis na kumalat sa
Upang magkaroon ng karagdagang panahon, isang pangkat ng 14 sundalong Español ang humarang sa dalampasigan at sumagupa sa mga |
Intsik. Napatay silang lahat ngunit nagka-panahon ang mga tauhan nina Capitan Velasquez at Capitan Lorenzo Chacon na tapusin ang harang (barrigada, barricade) ng mga barilis na puno ng buhangin. Mula sa likod nito, pinagba-baril nila ang mga mandarambong.
Matapos mapatay ang 80 kasama, umurong ang mga tauhan ni Sioco at nagtakbuhan sa kanilang mga bangka sa malayong pinag-iwanan at bumalik sa mga barko ni Dim Mhong. Balak nilang bumalik, kasama ang buong hukbo, upang ipagpatuloy ang pagwasak sa Manila. Sa dagat, akala ni Dim Mhong na natupad ang kanyang mga balak nang nakita niya ang mga sunog sa Manila. Ang laki ng kanyang puot nang ibalita ng mga umurong na buo pa ang sandatahang Español. Binulyawan niya si Sioco at ang kanyang mga capitan. Pagkatapos, pinasiya ni Dim Mhong ang kanyang pang-2 mali. Dahil pagod silang lahat sa magdamag na pagsagwan at maghapong labanan, pinasiya niyang pagpahingahin ang mga tauhan nang isang araw bago lumusob uli . Lumihis ang malaking pangkat-dagat ni Dim Mhong at dumaong sa Cavite. At natapos ang unang labanan sa Manila. |
Sumaklolo si Salcedo Nuong araw na iyon, Septiembre 30, 1574, maghapong nagsagwan ang 3 sundalo mula Mariveles sa kanilang tagpi-tagpi at mabagal na bangka. Huli na upang balaan ang mga taga-Manila, kasalukuyang nasusunog at nakikipag-patayan nuon sa mga lumusob na Intsik, ngunit mayruon silang pang-2 balita na mahalaga at kailangang makarating sa Manila kahit na paano. Habang nagpapatayan sa Manila, humahangos ang pangkat ni Salcedo sa baybayin ng kanlurang Luzon. Natagalan ang pag-alis ni Salcedo mula sa Ilocos dahil nag-ipon pa ng mga bangka, inagaw mula sa mga baranggay sa pali-paligid ng ilog Biga-an, nag-imbak ng pagkain at inumin, at kumuha pa ng mga bagong tao upang magsagwan. Nawalan kasi sila ng sasakyan, at mga taga-sagwan, nang wasakin ang kanyang galeria ng mga tauhan ni Dim Mhong at patayin lahat ng sakay |
nito. At 54 lamang sa 100 sundalo ni Salcedo ang kasama sa pagsaklolo niya sa mga taga-Manila.
Sa Manila naman, pagka-alis ni Dim Mhong, manhid pa ang mga Español sa gulintang ng biglaang bakbakan, sa pagka-patay kay Goiti, ang pinaka-mataas na pinuno na tiningala ng mga sundalo sa Pilipinas pagkamatay ni Legazpi nuong nakaraang taon. Hindi lamang ang mga Español ang gimbal sa nangyari, pati ang mga Sangley, ang mga Intsik na nagka-kalakal sa Manila, ay nasindak sa pagdayo ng mga tampalasan na lagi nang dumadambong sa kanilang mga barko sa dagat. Lumapit ang isang kilalang nagka-kalakal, si Sin Sai, kay Guido Lavezaris, ang ingat-yaman (tesorero, treasurer) na pumalit kay Legazpi bilang governador ng Pilipinas, at isiniwalat ang lahat ng nalalaman tungkol sa mga mandarambong. |
Babalik ang bakbakan! Nuon nalaman ng mga Español ang pangalan ni Dim Mhon, ang dinig nila ay Limahong, at ang matagal na niyang pangungulimbat sa China. Hindi sila hukbong ipinadala ng hari ng China, sabi ni Sin Sai. Isa ito sa mga pangamba ng mga pinuno sa Manila. Alam nilang ipinagbabawal ng hari ang makipag-digmaan ang mga Intsik sa mga katabing bayan. Kaba ng mga taga-Manila na nagbago ang alituntunin, na ang paglusob nuong araw na iyon ang simula lamang ng digmaan laban sa China. “Hindi!” sabi ni Sin Sai. Katunayan, inutos ng hari ng China na dakpin at bitayin si Dim Mhon, kasalukuyang hinahanap ng malaking sandatahang dagat na binuo upang durugin ang kanyang pangkat. Binalaan ni Sin Sai si Lavezaris sa gawi ng pandarambong ni Dim Mhong: “Hindi pa tapos si Dim Mhon, nagpapahinga lamang ng isang araw. Sa makalawa, babalik siya at mas malakas na pangkat ang lulusob sa Manila!” Maiglap na pinamunuan ni Lavezaris ang pagtayo ng mga dagdag na tanggulan sa kuta (fuerza, fort) sa tabi ng Manila. |
“Duon tayong lahat paglusob uli ng mga Sangley,” utos ni Lavezaris sa mga Español, gamit ang tawag sa sarili ng mga Intsik sa Manila, Xang Leh (maglalako, sinulat na Sangley ng mga Español). Sunod sa payo ni Sin Sai na hilig ni Dim Mhong gumamit ng apoy upang sunugin ang mga kalaban, ipinaalis ni Lavezaris ang bubong na pawid ng mga bahay sa Manila.
Magdamag at maghapon kinabukasan, Octobre 1, 1574, nagtatag ng tanggulan ang mga Español sa paligid ng kuta at lumikas duon lahat ng mga familia at mga kasama. Ingat-yaman buong buhay, naisip ni Lavezaris nuong nakaraang araw pa na mag-imbak ng pagkain sa kuta, sakaling saklawin ni Dim Mhon ang buong paligid at maging matagalan ang labanan. Matumal ang mga katutubong Tagalog sa Manila na maghakot ng pagkain para sa mga Español, naaalaala pa nila kung paano sila nilupig wala pang 4 taon sa nakaraan, kaya inutos ni Lavezaris na dukutin ang 2 pangunahing pinuno ng mga Tagalog upang piliting magluwas ng pagkain ang mga tao. Datapwa, kalat na ang balita sa buong puok na naghihintay lamang ang mga mandarambong sa Cavite at, batay sa nangyari nuong unang labanan, magagapi ang mga Español sa susunod na pagsalakay. |
Nag-aklas ang mga Tagalog Nuong Octobre 1, 1574, habang nagtatag ng tanggulan at lumilikas ang mga Español, pumaligid sa Manila ang mahigit 1,000 katutubo sa kani-kanilang mga bangka, tinutuya, nilalait at isinisigaw ang napipintong pagkatalo ng mga dayuhan. Nuong umagang iyon, sa gitna ng kaguluhan, nakarating din sa wakas ang 3 sundalo mula sa Mariveles. Huli na ang babala nila tungkol sa pagsalakay ngunit sumigla at nabuhayan ng luob ang mga Español sa pang-2 nilang balita: Pabalik na sa Manila ang pangkat ni Salcedo! Samantala, kumalat sa buong paligid ang aklas ng mga Tagalog. Lahat ng frayle ay binihag at dinuraan, sinampal, minurat, - ang mga pinakasidhing lapastangan (insultos, humiliation) ng mga tao. Pinatay ang mga alipin at utusan ng mga frayle at mga Español. Kinatay din ang mga kambing (goats) na ari ng mga Español, mahilig uminom ng gatas nito. Ayaw kasi nila ang lasa ng gatas ng kalabaw, at wala pang vaca sa Pilipinas kaya mga kambing ang ginagamit. |
Nuong hapon ng patuloy na pag-aklas, kumalat ang balita na pinatay ang 2 pinuno na ipinabihag ni Lavezaris. Ipiniit ang 2 sa bahay ni Constable Osorio, ang punong pulis (police chief) ng mga Español, ngunit ipinagkaila nito na siya ang pumatay. Kagagawan daw ni Sancho Ortiz de Agurto, ang sargento ni Capitan Velasquez. Ipinapatay sa mga alipin ang 2 pinuno dahil sa pag-aklas ng mga Tagalog. Nuong gabi ng araw na iyon, Octobre 1, 1574, dumating sa Manila sina Salcedo. Napagkamalan niyang mga bangka ng mga mandarambong ang mga nag-aaklas na Tagalog na nakapaligid sa Manila, sa dalampasigan ng luok at sa pampang sa timog ng ilog Pasig, kaya sa hilagang dalampasigan ng Tondo sila pumasok sa ilog bago biglang lumihis at umahon sa tabi ng Intramuros. Kahit 54 lamang ang dalang sundalo ni Salcedo, nagdiwang ang mga Español, panalig na 10 mandirigma ang katumbas ng bawat sundalo. Lugod din sila sa pagdating ni Salcedo na sunod kay Goiti lamang sa taas ng tingin ng mga Español. |
Nagkamali si Limahong MADALING ARAW, ika-4 umaga ng pang-3 araw, Octobre 2, 1574, nang lumitaw uli sa luok sa harap ng Manila ang pangkat-dagat ng mga mandarambong at nuon nabunyag ang mga pagkakamali ni Dim Mhong. Una, hindi na niya nagamit bilang sandata ang sindak (panic) ng gulat (surprise). Nagkaruon ng panahon ang mga taga-Manila na magtatag ng matibay na tanggulan, isinampa pa ang mga kanyon na dating nakalatag lamang kung saan-saan, at nakapag-ipon ng mga sandata. Higit sa lahat, nagkaipon-ipon ang mga sundalo sa lungsod at paligid, at kahit na bandang 200 lamang, sila ang pinaka-mahusay na sandatahan sa buong Europe nuon at, masasaksihan ni Dim Mhong nuong araw na iyon, tunay na mapanganib makatunggali. Mahigit 1,000 tauhan ang pinalusob ni Dim Mhong sa 2 pangkat, isa sa panig ng ilog Pasig papasok sa Manila at ang pang-2 pangkat sa |
dalampasigan, sa harap mismo at tuluy-tuloy sa kuta. Naunang nakarating ang pangkat sa Manila na wala nang tao. Sinunog nila ang mga bahay, ang simbahan ng mga Augustinian at ang isang galeria na kinukumpuni at inihahanda sanang panglakbay sa Mindanao.
Natagalan nang kaunti ang pang-2 pangkat, ang mga lumulusob sa dalampasigan. Nainip si Sargento Agurto, ang nagpapatay daw sa 2 pinuno ng mga Tagalog, at pinuno ng mga Español sa harap ng luok. Lumabas siya upang tanawin kung nasaan na mga mandarambong, nang bigla siyang dinamba ng mga ito na nakalapit na pala sa mga talahib sa tabi ng kuta. Nasangga ng kanyang camisang bakal ang halibas ng sibat ngunit binaril siya sa dibdib ng arquebus (baril na de-sabog ng mga taga-Europe) ng isa pang mandarambong, at napatay. Nadaig at napaurong ang mga Español duon sa lakas ng sagupa ng pang-2 pangkat ni Dim Mhong, at bandang 80 lumulusob ang nakapasok sa kuta. |
Ginapi sa Kuta Hindi namalayan ng 80 lumusob sa luob, nagsimula nang umurong ang unang pangkat, ang ibang mga mandarambong sa luob ng Manila. Tapos, umurong pati na ang mga nasa harap ng kuta sa dalampasigan, - sinagupa ng mga nag-aabang na sundalo sa ibang panig ng labanan at napipilan. Lubusang naiwanan ang 80 Intsik sa luob ng fuerza at walang awa silang kinatay ng mga Español. Sinubukan ni Dim Mhong, naghihintay sa dalampasigan sa tabi ng mga barko niya, na patayin ang mga nagtatakbuhang mandarambong upang mapigil ang pag-urong, at mapalusob uli sa kuta, ngunit nabigo at napilitan siyang umurong din, dala ang mga barko sa Cavite uli, sakay ang maraming sugatan. Mahigit 200, isa sa bawat 5 tauhan niyang sumugod, ang naiwang patay sa Manila, pati ang 80 naiwan sa luob ng kuta, dahil walang binihag nang buhay ang mga Español. Maliban kay Sargento Agurto, 2 pang Español ang napatay, ang alcalde ng Manila, si Francisco de Leon, at isang |
magdaragat (marinero, sailor), si Sancho Ortiz.
Nagpahinga nang 2 araw sa Cavite sina Dim Mhon, inilibing ang mga sugatan na namatay, bago tumakas mula sa luok Manila nuong Octobre 5, 1574. Nag-amba siya ng maraming bangka sa bukana ng ilog Pasig upang hadlangan ang sinumang Español na humabol sa kanya. Wala namang balak lumaot ang mga Español sapagkat wala silang barko na mapagsa-sampahan ng kanyon at, kung walang kanyon, wala silang laban sa dami ng mga barko ni Dim Mhon. Sa pag-alis ng mga mandarambong, natapos ang pag-aklas ng mga Tagalog. Pinakawalan ang mga frayle, humingi ng patawad mula sa mga Español, at naging mga masunurin uli. Natapos nuon ang kasaysayan ng ika-2 pagkakataon na nasupil sana ang pagsakop ng mga Español sa Pilipinas. Subalit hindi pa natapos ang kasaysayan ni Dim Mhon. |
HINDI nagtagal, nabalita sa Manila na nagtuloy ang pangkat ng mga mandarambong sa ilog ng Pangasinan, halos 200 kilometro sa hilaga (norte, north), at sinakop ang mga baranggay duon. Gaya ng gawi nina Dim Mhong sa China, dinukot ang mga pinuno ng mga baranggay upang mapilit magbigay ng pagkain ang mga tao. At balita pa, sinimulan daw nilang dambungin ang mga barko na dumaan duon. Nagsumbong sa mga Español sa Manila ang mga ninakawang nagka-kalakal. Agad ipinatawag ni Lavezaris ang mga sandatahang Español at mga kakamping mandirigma na kalat nuon sa buong Pilipinas - ang mga sundalo ni Capitan Pedro Chaves sa Bicol, mahigit 100 sundalo mula Cebu, ang mga sundalo ni Salcedo na naiwan sa Ilocos, at iba pang mga sandatahan sa Visayas at Mindanao. Tinipon silang lahat sa Manila. Tinapos muna ang kuta sa Intramuros bago hinirang ni Lavezaris na Pangalawa (master-of-camp) si Salcedo, kapalit ni Goiti bilang pinuno ng lahat ng sandatahang Español sa Pilipinas. Si Salcedo nuon ang nanguna sa pangkat ng 256 sundalong Español na sasalakay sa Pangasinan. |
|
Binuwag ang Barrigada Kasama sa hukbo ni Salcedo ang bandang 2,500 mandirigma - mga Visaya mula Cebu, Leyte, Bohol at Panay, at mga taga-Luzon, mga Tagalog na kampi sa mga Español o nais maki-bahagi sa anumang makukurakot mula sa mga mandarambong ni Dom Mhon. Pati si Lakan Dula at mga anak at kamag-anak niya ay kasamang lumaot nuong Marso 23, 1575, sakay sa 59 parao, malalaking bangkang pandagat ng mga tagapulo. Pagkaraan ng 7 araw, dumating sila sa ilog Pangasinan nuong Marso 30, 1575. Itinutok nila ang 4 kanyon sa makitid na bahagi ng ilog upang hadlangan ang pagtakas nina Dim Mhon. Hinayag ng mga tiktik (espias) ni Salcedo na may malaking tanggulan (defensive works) ang mga mandarambong na napapaligiran ng malaking harang (barrigada, barricade) ng mga puno ng niyog. Hindi raw mahigpit ang pagbantay, nakahanay lamang ang mga barko sa tabi ng ilog. Bumuo ng 2 pangkat si Salcedo. Ang una, 72 sundalo na pinamunuan nina Capitan Chaves at Capitan Chacon sa 9 bangka, 8 tauhan sa bawat |
bangka, ang aagaw sa 1 o 2 barko ni Dim Mhon, gagamitin sana upang barahan ang ilog nang hindi makalaot ang mga mandarambong.
Ang pang-2 pangkat, si Capitan Gabriel de Ribera at 28 sundalo, ang sasalakay sa tanggulan upang hindi makatulong magtanggol ang mga Intsik duon sa pag-agaw ng barko. Sinalihan ang 2 pangkat ng daan-daang mandirigmang Tagalog at Visaya. Nabigo ang unang tangka, hindi nakaagaw ng barko ang unang pangkat at sumama na lamang sa pangkat na lumusob sa tanggulan. Pagsapit ng ika-10 umaga, nakapasok sa harang ang mga Español at pinaslang ang maraming mandarambong na hindi nakatakas papunta sa kuta ni Dim Mhon sa luoban. Nabihag sa tanggulan ang mahigit 70 babae at mga anak, dinukot ng mga mandarambong mula sa mga lungsod sa China nuong nakaraan. May napatay na 5 Español at mahigit 30 mandirigmang Visaya at Tagalog. Paglubog ng araw, napilitang umurong ang mga Español pabalik kay Salcedo upang hindi mapipilan sa dilim ng mga mandarambong. |
Hinarangan ang Ilog Pangasinan Kahit hindi naka-agaw ng barko, nabarahan din ang ilog ng mga barko ng mga mandarambong. Habang sumasalakay sina Chaves, Chacon at Ribera, biglang lumitaw sa harap ng hinimpilan nina Salcedo ang 35 barko ni Dim Mhong. Sa gulat at sindak, nagtalunan ang mga Intsik, iniwan ang mga barko at tumakbo pabalik sa kuta ni Dim Mhon. Hinalughog, sinira at sinunog nina Salcedo ang karamihan ng mga barko at ginamit na pangharang sa ilog. Maniwaring pinaghakot ni Dim Mhon ang 35 barko ng buwis na pagkain sa mga baranggay sa paligid. Nagsali-salisi sa iba’t ibang sapa ng ilog Pangasinan ang mga barko bago nagsama-sama uli at pabalik na nang datnan ang hindi inaasahang campo ng mga Español. Kinabukasan, si Salcedo mismo ang namuno sa buong hukbo pagsalakay sa kuta ni Dim Mhon. Ngunit nang nakita niyang lubusang matibay ito, umurong ang mga Español at humimpil na lamang sa tabi ng harang sa ilog upang gutumin ang nakulong na mga mandarambong. Duon, hinintay nilang sumuko sina Dim Mhong. |
Sa 4 buwan nakaharang sa ilog sina Salcedo, may dumating pang 200 mandirigma na sumapi sa mga Español, mga taga-Ilocos at Pangasinan, subalit hindi na lumusob pa uli pa si Salcedo, dahil marahil sa atas ni Lavezaris na huwag lustayin ang buhay ng mga napaka-unting Español sa Pilipinas. Inaliw na lamang ng mga Español at mandirigma ang mga sarili sa walang patid na sugalan at pagbuwis sa mga tagaruon kaya lubhang nahirapan ang mga taga-Lingayen sa paghakot ng maraming pagkain sapat sa malaking pangkat, mahigit 2,000 tao. Hindi nagtagal, nagkaruon na rin ng malaking barko ang mga Español na ginamit panghakot ng pagkain mula Manila. Minsan, dumalaw sa pangkat si Fray Martin de Herrada, pinuno (provincial) ng mga Augustinian, at si Sin Say, Intsik na kakampi ng mga taga-Manila. Dumating din ang isang barko ng sandatahang dagat (armada, fleet) ng China, pinamunuan ni Omoncon, ang inatasan ng hari ng China na hanapin at bitayin si Dim Mhon. Matapos nakita kung paano nasukol ng mga Español ang mga mandarambong, umuwi na sina Omoncon. |
Nakatakas si Limahong Namatay si Salcedo Hindi namalayan ng mga Español, nakagawa ng 30 barko sina Dim Mhon mula sa mga punong-kahoy sa paligid na gubat. Nahukay din nila at napalawak ang isang sapa na nakaduktong sa ilog Pangasinan. Nuong Agosto 4, 1575, nakapuslit lahat ng mandarambong at tumakas sa dagat ng China (South China Sea). Hindi na muli narinig si Dim Mhon sa Pilipinas hanggang pagkaraan ng ilang taon, nabalitang namatay siyang naghihirap at nag-iisa, wala nang mga tauhan, sa isang ligaw at ilang na pulo. Ipinag-patuloy ng mga Español ang pagsakop sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sinupil ni Capitan Chaves ang mga baranggay sa Camarines na hindi pa sumuko sa España. Nagbalikan ang mga Español sa mga pulo sa Visaya at Mindanao upang angkinin ang kani-kanilang encomienda. Gayon din ang ginawa ni Salcedo sa Vigan. Tapos, sinimulan niya uli ang pagtuklas sa ibang panig ng Ilocos. Hindi natapos ang taon, pinalitan si Lavezaris ni Francisco de Sande, taga-Caceres, España, at dating alcalde ng Audiencia sa Mexico, bilang governador ng Pilipinas. Sa pamamahala ni Sande natapos ang pagsakop ni Capitan Chaves sa Camarines at naitatag duon ang lungsod ng Nueva Caceres Si Sande mismo ang namuno sa isang sandatahang dagat, karamihan ay |
![]() Pabalik, sa bandang Mindanao, inutusan niya si Capitan Rodriguez de Figueroa na lusubin ang mga moro (muslims) sa Sulu (Jolo) na kakampi ng natalong sultan ng Brunei. Pinuksa ni Figueroa ang mga taga-Jolo at tumuloy siya sa Mindanao upang tuklasin, at sakupin, ang mga baranggay duon na laban sa mga Español. Sa Ilocos, pagkatapos maglakad maghapon sa init ng araw, sa patuloy na pagtuklas sa mga baranggay duon, uminom ng maraming tubig na malamig si Salcedo. Nilagnat siya at namatay nuong Marso 11, 1576. |
![]() Si Koxinga, Ang Lagim Ng Formosa SA MANILA nuong Mayo 5, 1662, dumating ang sugo (embajador, ambassador) mula kay Koxinga. Kailangan daw pumailalim sa kanya ang Pilipinas at magbayad ng buwis (tribute) sa kanya ang mga Español sa Manila. Nakakayanig man ang utos ng Intsik na conquistador ng Formosa, kagimbal-gimbal din naman ang kanyang sugo - si Vittorio Ricci (Victorio Riccio, sa Español), isang frayleng Dominican mula sa Florence, Italy. Kagulat-gulat din ang suot ni Ricci, ang makulay at mayamang baro ng isang mandarin, ang maharlika at mga pinuno sa China. Naging frayle si Ricci sa colegio ng mga Dominican sa Rome nuong 1635. Simula nuong 1648, nagturo siya ng pagsamba (theology) at naglingkod sa mga Intsik sa Manila nang 7 taon bago siya ipinadala sa China upang tumulong magpalawak ng simbahang catholico duon. Nakatagpo niya, at nakagiliwan siya, ni Koxinga, at tuluyang naging kawani (employee) si Ricci ng malupit na mananakop ng tinatawag ngayong Taiwan. Handa nang lumusob sa Manila si Koxinga at ang kanyang 100,000 hukbo, sakay sa kanyang 15,000 champans. (Ang champan o sampan ay malaking bangkang pandagat, o maliit na barko, na gawa ng Intsik, ginaya sa barkong pandagat ng mga taga-Java, mas malaki kaysa sa parao o proa, na tinawag na dyong o jung. Kaya tinawag ng English na Chinese junk o ‘junk’ ang sampan.) |
|
Tinalo ang mga Dutch Kasama sa utos na ipinasabi kay Ricci, binalaan ni Koxinga ang mga Español sa Manila na kapag tumanggi silang sumuko at magbuwis, gagawin niya sa kanila ang ginawa niya sa mga Dutch. Malaki ang ngitngit ng mga Español subalit malaki rin kanilang takot - 3 buwan lamang ang nakaraan, nilupig ng dambuhalang sandatahan ni Koxinga ang huling kuta (fuerza, fort) ng mga Dutch. Sinakop niya ang buong pulo ng Formosa (Taiwan ang tawag ngayon), pinalayas lahat ng dayuhan matapos ng 2 taon ng digmaan, mula nuong 1661 hanggang 1662. Magulo ang pinagmulan ni Koxinga at marami ang kanyang mga pangalan - Coseng, Cogsin, Tchen Tcheng-kung at Pompoan. Isa pang pangalan, Kue-sing o Gue-sing-ye, ‘ampon ng hari’ ang kahulugan, ay maniwaring |
isang pahiwatig. Nasabing inampon siya ni emperador Con Gun, ang huling hari ng angkan ng Ming (Ming dynasty) sa China. May ibang ulat na si Tang, isang principe ng mga Ming, ang umampon sa kanya. Ang mga Dutch daw ang unang tumawag sa kanya ng Koxinga.
Ama niya ang makapangyarihang mandarambong na Intsik, si Zheng Zhilong, at ina ang isang Haponesa, si Tamura Matsu. Isinilang siya sa Hirato, Japan, nuong 1624. Nagtaksil ang ama, dating kakampi ng mga Ming, at sumanib sa mga Qing (Qing dynasty), ang mga taga-Manchuria na sumakop sa China simula nuong 1644. (Tinawag silang Tartaro ng mga taga-Europe dati; mas angkop ngayong tawagin silang mga Manchu.) Laban si Koxinga sa pagbaliktad ng ama niya, at nang nagpatiwakal ang ina niya pagkatapos nagahasa nuong sakupin ng mga Qing ang lungsod ng Nan-an, lalo siyang napuot. Isinumpa niyang ibabalik ang paghahari ng mga Ming. |
Ang Huling Ming Ang tiyak lamang ngayon ay si Koxinga ang kahuli-hulihang pinuno ng hukbo ng mga Ming at pagkatapos sakupin ng mga Manchu ang kalakihan ng China pagkamatay ni Con Gun, sinikap niyang bawiin ang lungsod ng Nanquin (Nanking) na pusod ng kaharian. Naulat na 1 million ang kanyang hukbo at nagapi sana niya ang mga Manchu kung hindi niya kinailangang sakupin muna ang 9 lungsod sa paligid nito. Nagkapanahong ang mga Manchu na maghanda ng 400,000 sundalong naka-kabayo (caballeros, cavalry) na dagdag sa kanilang hukbo sa lungsod. (Labis-labis ang ulat ng frayleng Jesuit; mas kapani-paniwalang 100,00 ang mga kawal ni Koxinga. At malamang wala pang 40,000 ang mga sundalong naka-kabayo na idinagdag ng mga Manchu sa kanilang hukbo.) |
![]() Pagkabalik ni Koxinga sa kanyang pulo ng Hia Mun (tinawag ding Emuy o Amoy) sa tabi ng lalawigan ng Fookien (Fujian ang tawag ngayon), dinala niya ang 25,000 tauhan at nuong Abril 1661, nilusob naman ang pulo ng Formosa na sakop-sakop ng mga Dutch, ang mga taga-Netherlands nuon. Napatay ang 1,600 Dutch sa 9 buwan ng pagsakop bago sumuko si Frederik Coyett, ang governador ng Dutch sa Formosa. Pagkatapos binalak ni Koxinga na sakupin ang Pilipinas, mas malaki at mas mayamang himpilan sa paglaban niya sa pagsakop ng mga Manchu sa China. |
Nagkamatayan sa Sindak Tumanggi ang mga Español sa banta (aviso, threat) ni Koxinga. Pinulong ni Sabiniano Manrique de Lara, governador sa Manila nuon, ang mga pinuno ng pamahalaan at ng simbahan upang maghanda sa inaasahang paglusob. Dahil 600 sundalo lamang ang nasa Manila, ipinatawag nila ang lahat ng hukbong naipadala sa Yligan, Calamianes at Zamboanga, pati na ang mga sandatahan sa Ternate, sa Maluku. Nais ng ibang pinuno na patayin lahat ng Intsik sa Pilipinas datapwat nagkasundo silang ipatapon na lamang sa China ang mga Intsik na hindi catholico. Inilihim nila ang pasiya hanggang hindi naitatag ang mga kabayo at sundalo sa paligid ng Manila dahil inasahan nilang magda-dambulan ang mga Intsik, baka mag-aklas pa laban sa mga Español, dahil malapit nang dumating si Koxinga. |
Ngunit kung bagabag ang mga Español, sukdulang sindak naman ang mga Intsik, na nahulaan pa na pahihirapan sila ng mga Español. (Nasabing may mga tiktik sila sa mga pulong ng Español. Mas kapani-paniwala na narinig ng mga alilang Intsik ang usapan ng mga Español sa Intramuros.) Nagkagulo nang husto sa Manila, pati na sa Cavite, nang nag-alisan bigla ang mga mayamang Español, dala lahat ng ari-arian, papuntang Mexico. Marami ring mga Español, mestizo at mga Tagalog ang kumutya sa mga Intsik na pupugutan silang lahat ng ulo - condenado a muerte - (hatol ng kamatayan) bilang ganti at upang hindi sila makatulong kay Koxinga. Mabilis kumalat sa mga Intsik ang tsismis (rumor) na sa Mayo 25, 1662 ang nakatakdang pagbitay sa kanilang lahat, kaya nuong gabi ng Mayo 24, 1662, nagtakbuhan na sila at tumakas mula sa Parian, ang purok ng mga Intsik sa labas ng Intramuros. |
Pinatay ang Frayle Dinumog ng mga hindi binyagan ang daungan (muelle, pier) at nagsampahan sa mga barko. Marami ang hindi nagkakapit, nahulog sa tubig at nalunod. Tumakas mula sa Manila kahit ang mga Intsik na catholico upang magtago sa mga gubat at bundok. Nalunod ang marami na nagtangkang lumangoy patawid sa ilog Pasig. Pinagba-baril ng mga sundalo mula sa Intramuros ang mga tumatakas mula sa Parian. Umabot sa Mariveles ang dambulan. Inagaw ng mga Intsik ang mga champan, barkong ng mga nagka-kalakal mula sa China, na natagpuan duon at naglayag papuntang China. Maraming Intsik ang nabaliw sa sindak, nagpakamatay na lamang sa luob |
ng Parian.
Nuong gabi ng Mayo 25, 1662, natagpuan ang bangkay ni Fray Jose de Madrid, frayleng Dominican na taga-Cebu, nagtapos sa Colegio de Santo Tomas sa Intramuros nuong 1646. Nagturo siya sa Santo Tomas bago napadala sa China upang tumulong magpalawak ng catholico duon. Bumalik siya sa Pilipinas upang hindi mapatay, nang usigin ng mga Intsik ang mga misionerio sa China. Pinatay siya ng mga Intsik na nag-aklas sa Parian upang mapilitan ang ibang Intsik na sumapi sa aklasan. Dahil daw sa pagpatay kay Madrid, hindi na sila patatawarin ng mga Español. |
Pinuksa ang mga Intsik, Sumbong kay Koxinga Dahil sa kaguluhan, nagalit ang maraming Español at mga Tagalog na nagsimulang hanapin at patayin ang mga takas na Intsik. Humadlang sa kanila ang mga frayleng Jesuit at si Governador Lara na nangakong hindi sasalingin ang sinumang Intsik na bumalik sa Manila sa luob ng ilang araw. Mapayapa raw makaka-paglayag ang mga nais bumalik sa China, at papayagan silang dalhin ang kanilang mga ari-arian. Pinayagan pa niyang manatili sa Pilipinas ang ilang daang Intsik na naglilingkod sa Intramuros at sa mga tanggulan (fuerzas, forts). Ang mga hindi bumalik ay hinabol at pinatay ng mga Español at ng mga mandirigmang Tagalog at Kapampangan. Ang 2 pinuno ng pagtakas mula sa Parian ay nabihag at binitay sa harap ng mga tao. Pagkatapos, ang mga Intsik sa Parian ay pinilit na tumulong sa pagpatibay ng mga tanggulan sa Manila at Cavite. Palagi nang pinabantayan sa mga Tagalog ang mga Intsik sa Parian. Mabilis nagsumbong ang mga unang takas na Intsik kay Koxinga sa |
Formosa na ipina-patay ng mga Español lahat ng Intsik sa Pilipinas. Hindi lamang ang mga nagka-kalakal kundi lahat daw, pati na ang mga Intsik na nagpabinyag na catholico at nakatira na ruon. Sumabog ang puot ni Koxinga at pinasiya niyang lumusob agad sa Manila kahit na masama ang panahon at malamang mawarak ang kanyang sandatahang dagat (armada, war fleet) sa bagyo.
“Kahit mawala ang kalahati ng hukbo ko,” sigaw ni Koxinga, “kayang durugin ng natirang kalahati ang mga dayuhan!” Buo na ang balak ni Koxinga na sumugod agad at daigin ang bagyo at ang Español, subalit 2 ang humadlang sa kanya. Una, nais niyang bitayin ang kanyang anak na lalaki. Kin Sie ang pangalan ng anak, tinawag ding Sya, Tsing King Mai at Sipuan. Lumaki siyang mahilig magbasa at mag-aral, hindi mandigma o maghari. Pinabayaan niya ang kahariang pinaghirapan ni Koxinga na makuha, at naging tamad at duwag ang hukbong ipinamahala sa kanya. Sa halip na pasupil, umaklas si Kin Sie, tinulungan at ipinagtanggol ng mga mandarin, ang mga maharlika ng Intsik, sa lungsod ng Vi Cheo (tinawag ding Fu Chau at Foo Chow). |
Ang Tadhana ni Koxinga Ang pang-2 pumigil kay Koxinga ay ina-apoy siya ng lagnat. Nasa Fort Zeelandia, isa sa mga kuta na inagaw niya mula sa mga Dutch, nang kumulo ang utak (delirio) niya. ‘Nakakita’ siya ng libu-libong tao na pugot lahat ang ulo, humarap sa kanya at humiling ng ganti sa kalupitang sinapit nila. Kinalmot at inuka niya ang sariling mukha, at kinagat ang sariling mga kamay. Pagkaraan ng 5 araw ng ganitong lagnat, namatay si Koxinga, sumisigaw hanggang huli sa mga alalay niya na bitayin nila ang kanyang mga kaaway at ang kanyang anak, si Kin Sie. Si Kin Sie, pagkatapos pumalit bilang hari ng Formosa, ang nag-utos kay |
Ricci, ang frayle na isinugo sa Manila nuong Mayo 1662, na bumalik duon upang ibalita ang pagkamatay ni Koxinga, at upang makipag-payapa sa mga Español. Pagkatapos gawin ito ni Ricci nuong Abril 1663, bumalik siya sa China subalit hindi nakapagtagal duon dahil sinimulan ng mga Qing, ang mga bagong hari ng China, na usigin lahat ng mga misionario at mga catholico duon.
Tumakas si Ricci sa Formosa nuong 1664 ngunit umabot din duon ang pag-usig sa mga catholico kaya napilitan siyang tumakas uli. Bumalik siya sa Manila nuong Marso 1666. Ipiniit siya ng mga Español dahil sa paglingkod niya kay Koxinga subalit pinawalan din pagkaraan ng panahon. Nagka-tungkulin siya sa mga Dominican ng ilang taon. Namatay si Ricci sa Parian nuong Febrero 17, 1685. |
Nakaraang kabanata Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |