Ang Mga Taga-Manila

Ang kanilang mga diwata at ugali, batas
at pamahalaan, pag-aasawa at ‘asawa sa labas,’
patayan, nakawan, pag-alipin at hatol sa hukuman

SI ‘BATALA’ (Bathala) ang sinasamba dati ng mga moro na taga-Manila bilang diwata (dios, god) na nagha-hari sa lahat, at siyang lumikha (creator) sa mga tao at sa mga baranggay.

(Dahil maraming taga-Borneo sa Manila nuong unang dating ng mga Español, tinawag nila ang mga taga-Manila na moro, ang tawag sa muslim ng mga Español. Bagay na binulaan ng mga frayle nuon dahil, maliban sa hindi pagkain ng baboy, wala raw alam ang mga taga-Manila tungkol sa pagsamba ng Islam. Pilit at matagal na tinawag na moro ang mga taga-Manila dahil matibay na dahilan ito ng mga Español upang sakupin at alipinin sila.)

  PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO:   Chronicles of the Early Filipinos

Census at Analysis ng Pilipinas nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Ayon sa mga moro, maraming alagad (ayudantes, agents) si Batala na uma-alalay sa kanya at pinapu-punta niya sa daigdig (mondo, earth upang ibigay sa mga tao ang lahat ng tinatamasa nila. Itong mga alagad ay tinatawag nilang añitos na may kanya-kanyang tungkulin daw.

Ang ilan ay ukol sa bukid, ang iba ay pang-lakbay sa dagat, mayruon para sa digmaan, at mayruon din sa pagpa-pagaling sa sakit. May sari-sariling pangalan daw sila, gaya ng añito ulan (rain god) at añito lupa (earth god). Sinasamba at nag-aalay (offering) ang mga moro sa iba’t ibang añito, ayon sa kung ano ang kailangan nila.

Pagsamba ng ‘Catalonan’

Ang pagsamba ng mga taga-Manila ay katulad ng Pintados (mga Visaya). Tumatawag sila ng isang catalonan (‘kataló’ o ‘kausap’ ng diwata) na, tulad sa Pintados, ay nagsisilbing pari sa kanilang pagsamba o pag-aalay. Nananawagan ang catalonan sa añito upang makamit ang anumang hinihingi ng tumawag sa kanya.

Nag-aalay ng maraming pagkain - kanin, carne at isda - ang catalonan na nagdadasal hanggang ‘pasukin’ ng añito ang katawan niya. Hinihimatay siya, bumubula ang bibig. Umaawit at dasal nang dasal ang mga tao hanggang matauhan uli ang catalonan at sabihin sa kanila ang sagot ng añito. Kung ang panawagan ay para sa isang maysakit (enfermo, sick), maraming alay na ginto, kuwintas at mga alahas, upang ‘tubusin’ ang paggaling ng maysakit.

Tumatagal ang pag-aalay hanggang hindi gumagaling ang sakit.

Nang tanungin ko kung bakit sila nag-aalay sa añito at hindi kay Batala, sabi nila na lubhang malaking puon si Batala at hindi maaaring kausapin ng kung sino lamang. Sa langit daw siya nakatira, subalit dahil kaluluwa na sugo sa lupa ang añito, nakakaharap niya si Batala at maaari siyang maki-usap para sa mga tao.

Sa ibang puok, lalo na sa mga bundok, kapag namatay ang tatay, nanay o malapit na kamag-anak, nagtutulong ang mga tao sa pag-ukit sa kahoy ng isang estatua (wooden idol, larawan ang dating tawag ng mga Pilipino sa estatua) bilang alaala (recuerdo, memorial) sa namatay. Nagpipitagan (respeto, cherish) sila sa mga larawan kaya sa isang bahay, natagpuan ang mahigit 200 estatua.

Ang mga ito ang tinatawag nilang mga añito. Sabi nila na kapag namatay ang tao, nagiging añito at naglilingkod kay Batala. Nag-aalay ang mga tao ng pagkain, alak at ginto sa mga añito upang makiharap kay Batala para sa kanila.

Pamahalaang Baranggay

Gaya sa Pintados (mga Visaya), wala ring pamahalaan ang moros (mga taga-Manila). Mayruon lamang sila sa kani-kanilang puok na mga pinuno na pinagpi-pitagan at sinusunod nila. Ang mga pinuno ang nagpapa-iral ng mga batas na dapat sundin, at nagpa-parusa sa mga may kasalanan.

Sa mga baranggay (pueblos, villages) na may 10 - 12 pinuno, isa lamang, ang pinaka-mayaman, ang sinusunod ng lahat. Kinikilala nila ang mga matatandang familia, kaya malaking tulong din ito sa sinumang nais maging pinuno.

Kapag kailangang magpa-iral ng bagong batas, tinitipon ng pinaka-mataas na pinuno sa kanyang bahay ang lahat ng ibang pinuno. Nagtatalumpati (discurso, speech) siya tungkol sa maraming kasalanan na dapat ituwid ng mga bagong batas, at parusa sa mga pangahas, upang matahimik uli ang baranggay.

Itong sunduan (conferencia, meeting) ay hindi ginagawa ng Pintados

(mga Visaya) dahil wala sa kanilang payag na pailalim sa ibang pinuno.

Pagkatapos ng talumpati, sumasagot ang ibang mga pinuno na tama ang mungkahi, at dahil siya ang pinaka-mataas na pinuno, maaari niyang gawin ang anumang nais niya at sila ay sasang-ayon (aproban, agree).

Sa ganitong paraan, nagpapa-iral ng mga kautusan (reglas, regulations) ang pinuno para sa ikagi-ginhawa ng baranggay, lalo na’t marunong sumulat at bumasa ang mga moro dito, ugali na hindi pa kilala ng mga katutubo sa ibang mga pulo (nuong 1582).

Sasang-ayon ang ibang mga pinuno sa mga bagong kautusan. Tapos, agad lalakad ang tagapaghayag (heraldo, town crier) na tinatawag nilang umalahocan. Ang umalahocan ay maaari nating ituring na mayordomo o administrador. Liligid siya sa buong baranggay at mga kalapit na sakop ng pinuno, may dalang kulingling (campanilla, bell) at ipapahayag sa lahat ng tao ang bagong alituntunin at parusa sa mga lumabag.

Sasagot ang mga tao na susunod sila sa mga kautusan.

Naki-usap, Inalipin

Mula nuon, sinumang lumabag ay dinadakip upang iharap sa pinuno, at pinarurusahan ayon sa panibagong utos. Kung ang parusang gawad ng batas ay bitay (ejucucion, death penalty), maaaring maki-usap ang maysala na magpapa-alipin na lamang siya sa halip na mabitay. Kung sa gayon, patatawarin siya at gagawing alipin.

Ang lahat ng ibang pinuno ay hukom (juez, judge) din sa kani-kanilang

purok (district) subalit ang malalaking usapin (asunto, case) ay dinadala sa pinaka-mataas na pinuno. Ipinatatawag niya lahat ng iba pang pinuno upang pag-usapan at pagpasiyahan (consenso, agreement) nilang lahat kung ano ang magiging hatol (sentencia, judgment).

Karaniwang ang mga pinuno ang nagpa-pataw ng buwis (tribute) sa kanilang mga tao, subalit walang takdang halaga maliban sa pasiya (decision, decree) ng kinaukulang hukom o pinuno.

Kasalan, Paghihiwalay

Katulad sa Pintados ang mga ugali ng moros (mga taga-Manila) ukol sa bigay kaya (dote, dowry). Kaya kung sumuway ang lalaki sa pangako at humiwalay sa asawa, hindi na niya mababawi ang bigay kaya na aariin nang lubusan ng asawang babae. Gayon din kung ang babae ang humiwalay, kailangan niyang isauli ang bigay kaya na ibinigay ng asawang lalaki.

Kung sumiping sa ibang lalaki ang asawa at umalis ang asawang lalaki dahil sa paki-apid (adultery) 2 patong (doble, 200 percent) ng bigay kaya ang kailangang isauli ng babae.

Kung mag-asawa ng iba ang babae, ang pang-2 asawa ang nagbabayad ng bigay kaya sa iniwang lalaki, may patong pang multa na higit-kumulang sa bigay kaya, ayon sa hatol ng hukom na nagpasiya sa usapin.

Naki-apid, Nahuli

Kapag nahuli ng isang pinuno ang asawang babae na nakiki-apid sa ibang lalaki, may karapatan siyang parusahan ang babae ng bitay. Pati ang ibang lalaki ay maaari niyang patayin nang walang ganti (sin castigo, with impunity).

Kung isa lamang ang napatay at nakatakas ang pang-2 naki-apid, nagdi-digmaan ang 2 angkan (familias, clans) hanggang mapatay ang

maysala.

Kung nakatakas kapwa (parejo) ang 2 naki-apid (adulterers), kailangan tubusin nila ng ginto ang kanilang buhay. Kung pinuno rin ang naki-apid, ang tubos (amortizacion, ransom) ay 100 tael (higit-kulang sa 4.2 kilo), 50 tael (timbang ng Intsik) bawat isa. Pagkabayad ng tubos, patatawarin ang naki-apid at magkaibigan na uli sila.

Hindi kasing laki ang multa sa timaguas (mga timawa).

Asawa ‘sa Labas’

Sinumang nahuling nakiki-apid sa asawa ng iba ay pinarurusahan. Kung datu o pinuno ng baranggay ang nahuli, binibitay. Pinapatay din ang lalaking sumiping sa ‘babae’ o ‘asawa sa labas’ ng datu o maharlika.

Maari ring patayin ng lalaki ang sumiping ng asawa niya, kung nahuli niya ang dalawa ‘sa acto’ subalit kung nakatakas ang kasiping na lalaki, multa lamang ang parusa sa kanya. Hanggang hindi nababayaran ang multa, mahigpit na magka-away ang 2 familia. Ganito rin ang batas ng mga timawa.

Digmaan, Nakawan, Pag-alipin

Katulad ng Pintados (mga Visaya) ang mga gawi ng mga taga-Manila tungkol sa digmaan at pag-alipin ng mga bihag sa labanan (prisioneros, captives). Sinumang nabihag sa digmaan ay ginagawang alipin.

Mayruong batas ang mga katutubo ukol sa mga magnanakaw, batay sa laki ng ninakaw. Kung hindi abot sa 4 taels (1 guhit o .10 kilo) ng ginto o

20 pesos ang halaga ng ninakaw, kailangan lamang isauli ng nagnakaw at bayaran ang multa o anumang parusa na igawad ng hukom.

Kung 4 tael o higit pa ang ninakaw, ginagawang alipin ang nagnakaw. Kung abot sa isang cati (8 guhit o .8 kilo) ng ginto o higit pa ang ninakaw, malaking nakawan ang turing at mabigat din ang parusa. Binibitay ang nagnakaw, o kung nagmaka-awa siya, inaalipin siya at ang buong familia niya, o kung walang asawa, ang lahat ng kasama niya sa bahay.

Walang Pitagan, Patay!

May batas dito na bitayin ang sinumang lumapastangan o magsalita ng bastos sa isang pinuno. Kung kaya niyang tubusin ang kanyang buhay, dapat siyang magbayad ng 15 tael (mahigit kalating kilo) ng ginto. Nag-aambag ang mga kamag-anak upang bayaran ito. Kung walang pambayad, maaaring humingi ng awa ang bibitayin, at magpapa-alipin na

lamang siya sa pinuno na winalang-hiya niya.

Kung ang lapastangan ay isa ring pinuno o mataas na tao sa baranggay, pinagka-kasundo sila ng iba pang mga pinuno, ayon sa kanilang mga lumang gawi, at pinarurusahan ng multa ang maysala. Kung ayaw pumayag ang lapastangan, nagkakaruon ng digmaan ang 2 pangkat o baranggay ng mga pinuno.

Pagsira sa Puri

Batas din dito na kapag hinamak (insulto) ng isang timagua ang isa ring timagua, dapat magbayad ang lapastangan ng multa ayon sa hatol ng pinuno o hukom. Kung malaki ang insulto, malaki rin ang multa, higit sa karaniwang 5 tael (2 guhit o 1/5 kilo) ng ginto.

Kung walang pambayad ang lapastangan, ginagawa siyang alipin ng

hinamak niya. Maaaring magmaka-awa ang lapastangan at umutang ng pambayad ng multa mula sa isang kaibigan o sa pinuno ng baranggay. Nagiging alipin siya ng sinumang nagpahiram ng pambayad. Hindi ginagawang alipin ang kanyang mga anak o mga kamag-anak, maliban lamang sa mga anak na isinilang habang siya ay alipin.

Makaka-laya siya kapag nabayaran nang buo ang multa, o utang na pinambayad sa multa.

Umutang, Inalipin

Karaniwan sa mga tagapulo na umutang kapag nagipit, at magpa-utang upang makatulong. Kapag umutang sa pinuno ng baranggay, kailangang bayaran ang inutang pagkaraan ng takdang panahon na pinagkasunduan nila. Dagdag sa bayad, kailangang ibigay sa pinuno ang kalahati ng

anumang tinubo ng umutang, may utang na luob pa dahil pinautang siya.

Kung nalugi ang umutang at hindi nakabayad, ginagawa siyang alipin. Pati na ang mga anak niya na ipanganak pagkatapos niyang maging alipin ay itinuturing na alipin din. Yung mga anak na ipinanganak nuong malaya pa siya ay nanatiling malaya.

Socio sa negocio

May mga batas ang mga tao dito ukol sa 2 lalaki na naghati sa kalakal at kapwa nagtustos nang magkapantay na puhunan. Naglayag ang isa upang magkalakal habang naiwan ang isa sa baranggay. Kung dala ng naglakbay ang buong puhunan, salapi (ginto) o paninda, at nabihag siya ng mga kalaban o ng mga tulisan, kailangan siyang tubusin ng ka-socio na naiwan sa baranggay. Subalit kalahati lamang ng tubos (rescate, ransom) ang babayaran niya dahil ka-socio lamang siya.

Ang bihag ay pinakakawalan at wala na siyang dapat bayaran, kahit na yung pinambayad upang tubusin siya.

Kung naubos ang salapi o paninda dahil sa sugal o ginasta sa babae ng ka-socio, kailangang bayaran niya ang buong halaga ng ginamit niya. Pati ang mga anak niya ay inaasahang tumulong magbayad. Kung wala siyang pambayad, siya at kalahati ng mga anak niya ay nagiging alipin ng ka-socio na dinaya. Kung matapos bayaran ang winaldas na salapi o paninda, pinapalaya na sila.

Parusa sa Pagpatay

Ang batas nila ay sinumang pumatay ay dapat mamatay din. Subalit kung magmaka-awa ang pumatay, gagawin na lamang siyang alipin ng familia ng napatay.

Kung alipin ang pinatay, lahat ng kasangkot sa pagpatay ay ambag-ambag nagbabayad sa panginuon ng halaga ng alipin. Tapos, hahatulan pa sila ng hukom ng anumang parusa, karaniwang dagdag na multa. Kung walang pambayad sa panginuon o ng multa, ginagawang alipin ang mga pumatay.

Kung timawa ang pinatay, bitay ang hatol sa lahat ng pumatay subalit pagkatapos mahatulan, maaaring piniliin ng pumatay na maging alipin na lamang sila, kung magmamaka-awa sila.

Kung datu o maharlika ang pinatay, lahat ng tao sa baranggay na pinagpatayan ay ginagawang alipin. Ang mga pinuno lamang ng pagpatay ang binibitay. Kung mapatunayan na hindi buong baranggay kundi sapakat (conspiracy) lamang ng isang pangkat ang pagpatay, ang 3 o 4 pinakapuno ng sapakat ang binibitay. Ang iba pang kasapakat ay inaalipin, pati na ang kanilang mga familia.

Pinasok ang Bahay

Binibitay ang sinumang ‘umakyat’ ng bahay ng datu o maharlika sa gabi nang walang pahintulot. Pagkahuli sa kanya, karaniwang pinahihirapan muna upang isiwalat kung may kasapakat siya, o kung inutusan siya ng

ibang datu o maharlika. Kung inutusan siya, hindi siya pinapatay, ginagawang alipin na lamang. Sa halip, ang nag-utos na datu o maharlika ang bibitayin, maliban na lamang kung bayaran niya ang multa ng ginto. Pagkatapos magbayad ng multa, malaya na ang datu o maharlika na nag-utos na ‘pasukin’ ang bahay.

ANG  PINAGKUNAN

Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata                     Balik sa itaas                     Balik sa Tahanan ng mga Kasaysayan                     Lista ng mga kabanata