![]() ![]() Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
Sinulat ni Apolinario Mabini
Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero |
|
Ang Politica Ng Pagbabago, At Ng Himagsikan SA AKING pag-unawa, ang himagsikan (revolucion) ay ang unos ng mga tao upang bigla at sukdulang ibahin ang 3 kapangyarihan ng bayan - ang pamunuan, ang batasan, at ang litisan o hukuman. Kung ang pag-iiba ay mahinahon at mabagal, ito ay tinawag na pagbabago (evolution). Sa turan kong unos ng mga tao, sinadya kong kinakailangang daig-karamihan ng mga mamamayan ang maghangad at magsikap ng pag-iiba. Ang panawagan at pagsisikap ng pangkat-pangkat lamang, para sa ikauunlad ng sila-sila na rin, ay hindi dapat tukuying himagsikan, ni hindi pagbabago. Minimithi ng lahat ng nilalang, kanya-kanya o sama-sama, na mapagbuti ang kanilang kalagayan, kaya masasabing ang himagsikan ay karaniwang tinatangka ng mga taong mahigpit na kailangang tulungan ang mga sarili. |
Ngunit laban sa mithing ito ng pagbubuti ang kailangang pagtatanggol sa sarili at mga kasama, na sadyang sumusuway sa karahasan ng mga tao, nagpa- pakita sa kanila ng pagdurusa at dalamhati na nagiging bunga nito, at nagpa- pagunita sa kanila na may mga sinungaling at taksil na gumagamit ng dunong at yaman upang magsamantala sa mga dukha at walang muwang, mapagbuti lamang ang mga sarili nila, kahit na ikalunos sa halip na ikabuti ng mga tao.
Malulunasan itong paghahamok sa mahinahong pag-iisip, na pipili sa dahan- dahang pag-iiba na mabagal man ay makakaiwas naman sa dusang ibubunga ng karahasan, at gaya lamang ng unti-unting paglaki ng tao. Karaniwang pasiya ng mga mamamayan na maghintay nang matagalang pagbubuti dahil, una, tugma ito sa kanilang mga hangarin, at pangalawa, ang mga ligalig na nagmumungkahi ng aklasan upang maging sikat sila ay laging nagkukubli at lumilitaw lamang kapag galit na ang mga tao. |
Ngunit ang paghihintay ng mahinahong pag-iiba ay hindi maaaring ganapin kung sinusupil ng pamahalaan, tulad ng pagkalanta ng mga tanim sa mabato at tigang na lupa. Kapag kinusa ng pamahalaan na panatiliing aba ang mga tao, sa anumang dahilan, hindi maiiwasan ang himagsikan. Ang mga nilalang na lumalaki ay kailangang may layang makarating sa abot ng kanilang mga kakayahan; kung hindi, sila ay tutubong may kapansanan, mga pilantod at paralitico pa, kalagayang katumbas ng kamatayan na rin. Labag ito sa atas ng kalikasan, na piliin ng mga tao ang sariling pagyao, kaya sisikapin nilang itumba ang anumang pamahalaan na humadlang sa kanilang pagbuti. At kung ang pamahalaan ay palakad ng mga tao rin, at hindi ng langit, ito ay tiyak na mabubuwag. Ang dayuhan, kung makapangyarihan, ay maaaring sakupin nang sapilitan ang mga tao, labag man sa hangarin ng mga tao, ngunit ang dayuhang pamahalaan ay daranas ng palagiang aklasan hanggang masalanta nang husto ang sigla at pag-iisip ng mga tao sa mahaba at walang patid na pakikipaghamok. Kung ang hanap ng sumasakop na dayuhan ay kalakal lamang at hindi ang pagdanak ng labis nilang mga mamamayan, sila na rin ang tutuligsa sa kanilang layunin sapagkat sa pakikibaka sa mga tao, pinupuksa nila ang mga bibili mismo ng kanilang kalakal. |
|
Malalansag ang lipunan ng dayuhan Kung ang lipunan ng mga dayuhan ay likas na mapagpalaya at mapagbiyaya, ang pagmamalupit at patuloy na pagpuksa sa mga sakop na tao ay magbubunga ng pagsalungat sa mga dayuhan mismo at ang pagkalansag na rin ng kanilang lipunan. Sa ganitong pangyayari, ang mga sakop na tao ay maaaring magwagi, bagay na maniwari ay hindi maaasahan sa simula ng paghahamok. Ang mahinahong pag-iisip na nagpapayo sa mga taong maghintay ay nagpapayo rin sa mga sumasakop na magmuni-muni. Walang silbi na asahang pagbutihin ng mga sumasakop ang kalagayan ng mga tao kung ito ay salungat sa ikabubuti ng mga sumasakop sapagkat ang mga hayag ng mga sumasakop |
ng pagkalinga sa mga tao ay takip lamang sa tunay nilang hangad. Ngunit walang katuturan na kalabanin ang mga batas ng kalikasan kaya magiging matalino ang mga sumasakop kung makikipagkasundo, sa halip ng makipagdigmaan, sa mga tao. Yabang ang laging dumadaig sa damdamin ng mga sumasakop, at nagsusulsol na tanggihan nilang ang lahat ng hiling ng mga tao, na kahinaan ng loob ang makinig sa pagsamo ng mga sinakop. Kailangang isaisip lagi na sariling dangal man ang pinagmulan ng magiting na pagsisikap at pagganap ng matayog na gawain, ito naman ay laging taksil na tagapagpayo sa pagmumuni kung ang hinaharap na panukala ay mainam ganapin o hindi.
Makikita sa pagsuri sa kasaysayan ng himagsikan ng Pilipinas kung may katuturan o wala ang mga pahayag kong ito. |
Nakaraang kabanata Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |