Zzubu, Avril 7, 1521.

PUMASOK kami sa daungan ng Zzubu bandang tanghali nuong Linggo, Avril 7, 1521, matapos daanan ang maraming baranggay. Nakita namin sa ilan na may mga bahay na nasa mga punong kahoy. Nang papalapit na kami sa pangunahing kabayanan, inutos ng capitan general sa lahat ng barko na iladlad ang kanilang mga watawat. Tapos, ibinaba namin ang mga layag, gaya ng gawi kapag nakikipagdigmaan, at pinaputok namin ang lahat ng cañon. At nagtakbuhan sa takot ang mga tao sa kabayanan.

Pinapunta ng capitan sa kabayanan ang kanyang ampon na anak, isang binatilyo, kasama ng tagapagsalita ng Malay (si Enrique), upang humarap sa hari ng pulo ng Zzubu (Cebu). At duon sa kabayanan, natagpuan nilang sindak na sindak ang mga tao, pati na ang hari, gimbal sa putok ng maraming naming cañon. Ngunit inawat sila ng tagapagsalita, sinabing gawi lamang ito kapag unang dating ng barko sa isang daungan, at pahiwatig ng payapa at pakipag-kaibigan. Parangal pa sa hari, ang sabi, Zzubu kaya pinaputok lahat ng cañon.

Huminahon ang hari at mga tao, at inutos sa isa niyang pinuno na itanong kung ano ang hanap namin. Sinabi ng tagapagsalita na ang panginuon niya ay pangunahing pinuno (capitan) ng pinaka-makapangyarihang hari sa daigdig, at ang utos niya ay tuklasin ang kapuluan ng Maluku (Moluccas, spice islands, lalawigan ngayon sa Indonesia). Subalit nabalitaan ng capitan sa mga pulo na nadaanan, lalo na sa hari ng Mazzaua (Limasawa), ang yaman at dangal (ng Cebu) kaya ipinasiya niyang dumaan upang dalawin ang hari at mag-imbak ng dagdag na pagkain at gamit sa aming paglalakbay.

Pigafetta Ferdinand Magellan FERDINAND MAGELLAN

Ang Unang Español
Na Dumayo Sa Pilipinas

Primo viaggio intorno al mondo

ni Antonio Pigafetta

Sumagot ang hari na malayang dumaong ang capitan, ngunit kagawian na lahat ng barkong dumaong duon ay kailangang magbayad ng buwis. Wala pang 4 araw nakaraan, sabi ng hari, nagbayad ng buwis ang isang barkong tinawag na iunco (dyong, barkong pandagat mula Java, bahagi ngayon ng Indonesia; tinawag na yunco ng Español, at junk ng English), may dalang ginto at mga alipin mula sa Ciama (Champa, bahagi ng Vietnam at ng Cambodia ngayon).

Ipinatawag ng hari ang nagkalakal sa dyong at, bilang patunay, ipinakita sa tagapagsalita na sumagot naman na ang capitan, bilang isang pinuno ng pinaka-malakas na hari, ay hindi nagbabayad ng buwis kahit kanino, at kung nais niya (ng hari ng Cebu) ng payapa, makakamit niya ang katahimikan, at kung nais niya ng digmaan, makakamit din niya ang digmaan.

Nuon sumabat ang nagkalakal sa dyong, sinabi sa sariling wika (Visaya), ‘Cata raia chita,’ ang kahulugan ay ‘Mag-ingat tayo, mahal na hari’ at sinabing ang mga dayuhang ito ang dumurog at sumakop sa Calicut (kaharian sa India), sa Malacca (kaharian sa Malaysia) at sa kalawakan ng India.

Kung tatanggapin mo sila ng mainam, maigi ang mapapala mo, subalit kung lapastangan ka, masama ang mangyayari sa iyo, gaya ng ginawa nila sa Calicut at Malacca.

( Sa katunayan, ang mga Portuguese ang sumakop sa mga puok na iyon, hindi ang mga Español, subalit hindi ito alam ng mga tagapulo.)

NAUNAWAAN ng tagapag-salita namin ang lahat ng sinabi, at sumagot siya sa hari na ang panginoon ng capitan ay higit na makapangyarihan sa dami ng mga barko at mga sundalo kaysa hari ng Portugal, at hinayag niya na ang panginoon ng capitan ay ang hari ng España at emperador ng lahat ng kahariang catholico. Kaya, sabi ng tagapagsalita, kung ayaw niyang makipag-kaibigan at ituring kami nang mainam, magpapadala ng maraming sundalo upang Cebu, Mactan, Bohol wasakin siya at ang kanyang kabayanan. Sumagot ang hari na pag-uusapan nila ng mga pinuno niya at ibibigay niya ang sagot kinabukasan.

Nagpahain ang hari ng maraming pagkain, pulos carne, sa mga mangkok na porselana, at maraming banga (jars) ng alak. Matapos kumain, bumalik na ang mga kasama namin at ibinalita sa capitan ang lahat ng nangyari at napag-usapan. At ang hari ng Mazzaua,

katabi ng capitan at itinuturing duon na pang-2 sa hari ng Zzubu sa kapangyarihan dahil sakop niya ang maraming pulo, ay nagtungo sa kabayanan upang purihin sa hari duon ang dangal at pugay ng aming capitan.

Lunes ng umaga, sumama sa tagapag-salita ang aming tagapag-sulat (notario, scribe) papunta sa kabayanan ng Zzubu. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno, ay nagtungo sa liwasan (plaza) upang makipag-usap sa mga kasama namin. Itinanong niya kung mayroon kaming iba pang capitan, at kung nais ng capitan na magbayad ang Zzubu ng buwis sa emperador na panginoon niya. Hindi, ang sagot ng mga tauhan namin. Ang balak lamang ng capitan ay makipagkalakal sa mga tao sa kabayanan. Masaya na ako, ang sagot ng hari, at sinabing nais niyang makipag-kaibigan sa capitan.

Bilang pahiwatig, magpapadala raw siya ng kaunting dugo mula sa kanyang kanang bisig, at ganito rin daw ang dapat gawin ng capitan. Pumayag ang mga tauhan namin. Idinagdag ng hari na lahat nang barkong dumaong duon ay naghahandog sa kanya, at binibigyan din niya ng mga alay. Tanungin daw ang capitan kung nais sundin ang gawing ito. Pumayag uli ang mga tauhan namin, at sinabi sa hari na siya na rin lamang ang mahilig sa gawi, siya dapat ang maunang maghandog, at gagantihan siya ng capitan ng nararapat.

UMAKYAT sa barko ang hari ng Mazzua nuong umaga ng sumunod na Martes, kasama ang Moro (Muslim) na nagkalakal mula Ciama (Champa), bilang sugo ng hari ng Zzubu na nagpasabi, iniipon na ang mga ihahandog sa capitan. Pagkatapos mananghalian, papupuntahin daw niya ang 2 lalaking pamangkin upang makipag-usap sa capitan.

Inutusan ng capitan ang isang sundalo na magsuot ng bakal at sinabi sa Moro na ganito kami lahat makipaglaban, at nasindak ang Moro. Ngunit pinahinahon siya ng capitan, sinabing wala siyang dapat ikatakot sapagkat mapurol ang aming mga sandata sa mga kaibigan, matalim lamang sa aming mga kaaway. At gaya ng pagkapit ng pawis sa damit, ganoon din ang kapit ng mga sandata namin sa mga kaaway ng aming simbahan.

Sa Moro sinabi ito ng capitan, dahil mas matalino siya kaysa sa mga iba, at maibabalita niyang lahat sa hari ng Zzubu.

Pagkakain ng pananghalian, umakyat sa barko ang pamangkin na tagapag-mana (principe, prince) ng hari, kasama ang hari ng Mazzaua, ang Moro, ang governador, ang pinuno ng pulis, at 8 pang pinuno, upang makipag-payapa sa amin. Ang capitan ay nasa upuang balot ng pulang pelus (velvet) at sa tabi niya nakaupo ang mga pinuno ng pangkat-dagat (fleet) sa mga upuang balot ng balat (leather).

Ipinatanong niya sa tagapag-salita kung gawi ng mga tao na makipag-usap nang lantad o nang lihim, at kung may kapangyarihan ang tagapag-mana na kasama nila na makipag-payapa. Oo, ang sagot nila sa tanong, may kapangyarihan sila mula sa hari na makipag-payapa at makikipag-usap sila nang lantaran, hindi patago.

Nagtalumpati ang capitan tungkol sa kapayapaan, nanalangin sa Dios na pagpalain ang kasunduan sa langit. Sinabi ng mga tagapulo na ngayon lamang sila nakarinig ng mga ganitong kataga, at galak sila sa talumpati. Nasiyahan ang Dumaong capitan sa mga sinabi, at nakita niyang matama siyang pinakikinggan kaya nagpatuloy siya at isinaysay ang mga paniniwala upang mahikayat silang maging catholico. Sino ang papalit sa hari pagkamatay, tanong ng capitan, at sinabi nilang walang anak na lalaki ang hari subalit maraming anak na babae.

Iesu Christo.

NAGING asawa ng pinaka-matandang anak na babae ang pamangkin ng hari kaya ito ang naging tagapagmana. At pagtanda raw ng hari at ng kanyang asawa, wala nang papansin sa kanila at magiging utos-utusan na lamang sila ng kanilang mga anak. Dito sinabi ng capitan na ang Dios ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at lahat ng bagay sa mondo, at inutos ng Dios sa bawat tao na igalang at sumunod sa mga magulang. Sinumang sumuway ay paparusahan ng walang katapusang apoy. Isinaysay ng capitan na lahat ng tao ay nanggaling kina Eva at Adan, ang mga unang magulang, at lahat tayo ay may kaluluwang hindi papanaw kailanman.

At marami pang hinayag ang capitan na masugid na dininig ng mga tao, at hiniling nila sa capitan na mag-iwan ng isa o 2 tao, igagalang at kukupkupin nila, na magtuturo sa kanila tungkol sa pagsamba ng catholico.

Sinagot sila ng capitan na hindi siya maaaring mag-iwan ng tao subalit kung nais nilang maging catholico, bibinyagan sila ng aming pari, at sa mga susunod na pagdalaw, magdadala siya ng maraming pari na magsi-sermon at magtuturo sa kanila tungkol sa simbahan. Sinabi ng mga tao na nais nilang kausapin muna ang kanilang hari, tapos sila ay magiging catholico.

Napaiyak kaming lahat nang narinig namin ang ganda ng loob ng mga tao. Sinabi sa kanila ng capitan na hindi sila dapat magpabinyag sa takot sa amin o para lamang pagbigyan kami, subalit kung talaga lamang na nais nilang maging catholico at mahal nila ang Dios. Kahit na hindi sila magpabinyag, sabi ng capitan, hindi kami magagalit subalit ang mga magpabinyag ay mas igagalang namin, at ituturing nang mas mabuti kaysa sa mga hindi binyagan. Sumagot silang sabay-sabay na magpapabinyag silang lahat nang kusa at hindi dahil sa takot.

Kapag kayo ay naging catholico, sabi ng capitan, bibigyan namin kayo ng mga sandata, sa utos ng hari (ng España) na panginoon namin, at hindi kayo makakasiping sa inyong mga babae na hindi binyagan sapagkat kasalanan ito. Hindi na kayo tutuksuhin ng demonio, sabi ng capitan kundi na lamang sa oras ng inyong kamatayan. Umamin ang mga tao na wala silang maisagot sa maraming magandang sinabi ng capitan subalit pinaubaya nila ang mga sarili sa kamay ng capitan, at dapat niyang ituring sila na mga tagapag-silbi.

May luha sa mga mata ang capitan nang yakapin niya ang mga pinuno, at hawak ang kamay ng hari ng Mazzaua at ng tagapag-mana, ipinangakong sisikapin niya ang walang katapusang payapa ng hari ng España. Nangako rin ang tagapag-mana at ang hari ng payapang walang hanggan.

Cebu DITO natapos ang pakikipag-usap. Nagpakuha ang capitan ng merienda para sa mga tao. Sa ngalan ng hari (ng Cebu), binigyan ang capitan ng hari ng Mazzaua at ng tagapag-mana ng mga handog, malalaking cajon ng bigas, mga baboy, kambing at manok. Humingi sila ng tawad na hindi sapat ang mga handog nila.

Bilang ganti, hinandugan ng capitan ang tagapag-mana ng magandang tela, isang pulang cap (maliit na saklob sa ulo), isang ginintuang taza, at maraming salamin (glass) sapagkat bantog ang salamin sa kapuluan. Wala siyang ibinigay sa hari ng Mazzaua dahil nabigyan na niya ng mga handog nuong mga nakaraang araw. Sa ibang kasama, nagbigay siya ng mga handog. Pinapunta ako at isa pang kasama ng capitan upang ihandog sa hari ng Zzubu ang isang bata (robe) ng dilaw at bughaw na sutla (seda, silk), isang magandang cap na pula, ilang piraso ng salamin at 2 ginintuang taza, nakalagay lahat sa isang pilak na plato (silver plate).

Nakaraang kabanata                 Ulitin mula itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata