Conquistadores   ANG  KARANASAN  NG  PINAKA-MARAMING  DAYUHAN

Ang ‘Sangley’ Ay Intsik

‘Sinunggaban ng mga tauhan namin ang 2 dyong ng mga sangley at ninakaw lahat ng kalakal.
Tapos dinala dito ang isang dyong, puno ng kinalkal at 4 bihag na sangley. Pinakawalan din namin pagkaraan ng ilang araw at pinauwi sa kanilang dyong, kasama ang iba pang sangley na naiwan sa pulo nuong unang binihag sila...Malaki ang lungkot ko sa dinanas ng mga pobre na wala namang kasalanan. Higit kong pighati ang balitang inuwi nila sa China, kung ano ang dinanas nila, ang magiging pagtingin sa atin duon...’     -- Guido de Lavezaris, governador ng Pilipinas pagkamatay
ni Miguel Lopez de Legazpi nuong 1572, sa liham para sa virrey (viceroy) ng Mexico
mula sa Panay nuong 1570

‘Nuong nakaraang taon, 1572, dumating dito sa Manila ang 3 barko mula China; may 5 pang barkong nagpunta sa mga katabing pulo. Dala nila ang mga kalakal na karaniwang nilalako nila dito, lagi nilang nalalakbay dahil 8 araw lamang ang layag mula sa lupa nila...Para sa mga Español, mainam na gamit ang dinala nila, madaling nabili dahil kaming nandito ay maraming salapi, na kailangang kailangan naman ng mga sangley. Tuwang tuwa sila at nangakong babalik agad pagkaraan ng 6 buwan, at magdadala raw sila ng marami...’   --Hernando Riquel, notario ng cabildo sa Manila, Julio 1, 1573

Unang Harapan, Salpukan Agad

UNANG nagkita ang mga Intsik at mga Español sa tabi ng Mindoro nuong Mayo 1570. Sa madugong bakbakan, binihag ng pangkat nina Martin de Goiti at Juan de Salcedo ang 2 barkong pangkalakal ng mga Intsik at pinapunta ang isa sa Panay, kung saan nakahimpil nuon ang hukbong Español ni Miguel Lopez de Legazpi, lolo ni Salcedo at conquistador ng Pilipinas.

‘Seng Li’ (maglalako, trader) ang tawag ng mga katutubo sa Intsik, tawag na ginaya ng mga Español. Ang mga Intsik na rin ang nagbigay ng taguring ito, mula sa 2 kataga sa kanilang wika sa lalawigan ng Fujian (ang dating Amoy), ‘sheng’ o ‘kalakal,’ at ‘lei’ o ‘lumilibot.’ ‘Sangley’ ang sulat ng mga Español at pagtagal, porto de Sangley ang naging pangalan ng nakausling lupa (tinawag na ‘kawit’ ng mga katutubo at Cavit o Caviti ng mga Español) na dinaungan ng mga barko mula China na nagkalakal sa

Manila. (Naging Sangley Point ang pangalan nang pumasok ang mga Amerkano nuong 1898.)

Mahigit 1 taon bago pa nagbakbakan sa tabi ng Mindoro, nabatid na ng mga Español na nagkakalakal ang mga Intsik sa Pilipinas, siniwalat sa kanila ng mga taga-Portugal na sumakop sa Macao at nagkalakal na sa China mula pa nuong 1557, halos 8 taon bago dumating sina Legazpi. Ibinalita ito ni Andres de Mirandaola, factor (business manager ang katumbas ngayon) sa pangkat ni Legazpi, sa kanyang liham kay Felipe 2, hari ng España, nuong Julio 8, 1569. Isinulat ni Mirandaola na mukhang mas matalino ang mga sangley kaysa sa mga nakatagpo nila mula nuong umalis sila sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) nuong 1564. Nagsumbong daw ang mga Intsik na ninakaw ng mga Moro (tawag ng mga Español sa Muslim) ang kanilang mga kalakal kaya wala silang kayamanan maliban sa ilang piraso ng ginto at pilak, katumbas lamang ng 100 escudo o 1,000 real (salapi ng España).

Sangley Mayayamang Lungsod Sa China

NUONG 1560, umupa ang mga taga-Portugal ng maliit na pulo, tinawag na Kiao, mabato at walang tao, sa bukana ng Tang Kian, ang ilog ng Canton, at duon nila itinatag ang lungsod na tinawag nilang Macao. Mula nuon, sinarili ng mahigit 500 Portuguese ang mayamang kalakal ng Canton at Europa, sa maliit na upa ng 500 tael (14 kilo) ng ginto taon-taon, at pasuhol-suhol sa mga pinuno ng Intsik duon.

Sinabi ni Mirandaola sa kanyang liham kay Felipe 2 na nabatid mula sa mga Portuguese na malaki, mayaman at matao ang China, na higit na maunlad kaysa inulat ni Marco Polo mahigit 300 taon sa nakaraan. Inilista ni Mirandaola ang mga pinakamalaking lungsod duon, simula sa Paquin (Peking, Beijing ang tawag ngayon) na lungsod ng hari ng China, si Montehe (si Moutson, ika-12 hari ng Ming), at ng kanyang anak, si Taysu (si Chintsong, tinawag ding Wan leh, 6 taon gulang lamang nang mamatay si Moutson nuong 1572; ang ina niya ang nag-hari hanggang nagka-sapat na gulang siya).

Ang iba pang mayayamang lungsod ay Canton (ang Guangzhou ngayon sa lalawigan ng Guangdong na tinawag ding Kwantung dati), Nanquin (Nanking, Nanjing ngayon), Onan (Hunan), Huechiu (Hangzhou), Sensay (Shanghai), Sisuan (Szhechuan), Hinan (Hainan) at Chincheo.   ( Matagal pinagtalunan kung saan ang tinawag na Chincheo ng mga taga-Europe. Jiangsu ang lalawigan ng Nanjing subalit paniwala ngayon na Chincheo ang turing sa buong baybayin (coast) ng Xiamen (tinawag dating Amoy) sa lalawigan ng Fujian, ang dating Fukien o Hokien.)

Pilak, Ang Simula Ng Galleon Trade

NANG simulan ng mga taga-Manila ang lakbay-kalakal sa Mexico (Manila-Acapulco galleon trade) taon-taon, lalong nagbaha ng sutla (seda, silk), porselana at hampas-lupa mula sa China, kapalit sa pagkain (hibe o tuyong hipon ang pinaka-hilig nuon), pagkit (wax) at mga gamit-gamit. Higit sa lahat, pilak mula Mexico.

Agad nakita ng mga Intsik na pagkakataong kumita ng malaki ang pagdating ng mga Español na may dalang maraming pilak (silver) mula sa mayaman at maraming minahan sa Nueva España (Mexico ngayon). Mas kaunti ang pilak kaysa ginto sa China nuon kaya mas mahal. Lalo na pagkatapos ipitin ang kalakal nito ng mga pinuno sa Japan, isa sa 2 tanging pinagmulan ng pilak nuon.

Ang pang-2, India, ay lubhang malayo at mapanganib puntahan kaya hindi nilakbay ng mga Intsik. Isa pa, ang pilak duon ay karaniwang kinalakal ng mga Arabe o taga-India sa Malacca (Melaka ngayon, sa Malaysia), sa Sumatra at Java (2 malaking pulo sa Indonesia). Mga Muslim sila, naging tulay ng pagdanak ng Islam sa Malaysia at Indonesia, at magkaka-suki lahat. Kaya bago makarating sa China ang pilak, kaunti na at napaka-mahal dahil dumaan na sa maraming kamay.

Kaya naman kahit na bawal, pilit na itinakas ang pilak mula Japan ng mga magdaragat sa timog China. Sa laki ng kita, dumami ang mga nagpupuslit (smugglers), lumawak ang pagdarambong (piracy) duon na hindi sinuway

ng mga pinuno dahil naging garapal ang suhulan (graft and corruption).

Pulos tostones, salaping pilak sa Mexico, ang dala ng mga Español sa Pilipinas, kaya haribas ang mga Intsik upang magkalakal sa Manila. Kasama nila ang mga manggagawa at mga hampas-lupa mula sa timog China, sa mga lalawigan ng Fukien at Canton upang maghanap-buhay kahit paano sa Manila.

Pagkaraan lamang ng ilang taon, tinangka ng pamahalaan sa España at Mexico na bawasan ang paghigop ng China sa pilak ng Mexico, gaya ng pag-ipit na ginawa ng Japan. Subalit patuloy na dumanak ang mga Intsik, nasanay sa puslitan at suhulan sa Fukien at Canton, at kasabwat ang mga Español sa Manila na kanilang ‘abay’ (salitang Fukien: abe o apey - business partner o katuwang sa kalakal).

Nuong una, inanyayahan ng mga Español ang mga Intsik sa Manila upang kumita sila sa taunang kalakal sa Acapulco. Kailangan din nila ang husay ng mga Intsik sa pagtayo ng mga simbahan at bahay na bato at paggawa ng mga gamit at pag-ani ng pagkain ng mga taga-Manila. Hinikayat pa nila ang mga hampas-lupang Intsik na magtanim at magpalay sa pali-paligid dahil matumal at ilag ang mga Pilipino na magdala ng pagkain para sa mga dayuhan.

Subalit sa pagdanak ng mga Intsik sa Pilipinas, nagsimulang natakot ang mga Español - 500 lamang sila sa Intramuros samantalang umabot sa 20,000 ang mga Intsik nuong 1603, lagpas lamang ng 30 taon matapos agawin ni Miguel Lopez de Legazpi ang Manila mula sa mga katutubo.

Nakaraang kabanata                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayan                 Sunod na kabanata