![]() Himagsikan Sa Calamba Nuong 1639 Itinakda ng mga Sangley ang aklasan sa Pasko, nang maghahandog sila ng mga manok sa mga kaibigan nilang Español, gaya ng dating gawi. Magko-comedia pa sila sa labas ng isang tarangkahan ng Intramuros upang malinlang ang mga bantay. Tapos, pagdating ng oras, papatayin nilang sabay-sabay ang lahat ng Español. Nabigo ang kanilang balak nang maagang naghimagsik ang mga Sangley sa Calamba. Dahil hindi hinintay ang takdang araw, pinatay ng mga Sangley ang 60 sa mga nag-aklas sa Calamba... --Casimiro Diaz, OSA, Conquistas delas Islas Filipinas, 1616-1694 |
|
MARAMI at matagalan ang mga sanhi ng ika-2 himagsikan ng mga Sangley nuong 1639.
Una, takot ang mga Español sa dami ng mga Sangley, sa unti nilang Español, sa lapit ng China at sa layo ng tulong mula Mexico. Nuon, ang hukbo ng Español ay mayruon lamang 30 sundalo, 30 naka-kabayo (cavalleros), 50 Hapon at 70 Siao, mga mandirigma mula sa Terrenate, sa Maluku (Moluccas, spice islands), samantalang sa Parian lamang, mahigit 30,000 ang mga Sangley. Mayruon pang 10,000 sa mga kalapit na lalawigan. Kasalukuyang sinasakop ng mga Manchu (mga taga-Manchuria) ang kaharian ng Ming sa China nuon, at libu-libong Sangley ang lumikas mula sa hirap at digmaan. Pangalawa, walang tigil ang pagmalupit ng mga Español, dinadaya sa kalakal at kinakalkal ang yaman ng mga Sangley, marami pang pa-trabajo nang walang bayad. Muhi ang mga Sangley sa tingin nilang walang katarungang turing sa kanila. Pangatlo, maraming pusakal at mga takas mula sa China, mga ‘patapon’ na naglipana sa Pilipinas, lalo na sa Parian, naghahanap ng gulo o nanggugulo upang kumita nang malaki. Subalit ang puno’t dulo ng himagsikan ay iisa, si Sebastian Hurtado de Corcuera, ang governador ng Pilipinas mula 1635 hanggang 1644. |
Papunta sa Manila, nakita niyang umaapaw ang mga bodega sa Acapulco sa dami ng mga sutla (seda, silk), porselana at iba pang kalakal ng mga Sangley kaya sa utos niya, walang galleon na nag-viaje nuong unang taon niya sa Pilipinas. Kalakihan ng hanap-buhay ng mga Español, at kaisa-isang kita ng mga Sangley, ang kalakal sa Acapulco. Dahil inalis ni Corcuera ang kita sa isang buong taon, napilitan ang mga Español na itaas ang nalabing hanap-buhay nila - ang buwis. Ipinagbawal ng hari ng España na lakihan ang buwis sa mga indio (ang tawag sa mga Pilipino nuon) kaya ang buwis sa mga Sangley ang itinaas nila. Dahil dito, 2 ulit nalugi ang mga Sangley nuong taon na iyon - walang kita sa Acapulco, tumaas pa ang binayarang buwis.
Isa pang dahilang maghimagsik ang ipinataw ni Corcuera sa mga Sangley. Inutos niyang gawing palayan (rice farms) para sa mga Español ang isang bahagi ng baranggay Tabuko (Cabuyao ang tawag ngayon) sa tabi ng Laguna de Bay. Mahigit 6,000 Sangley ang kinaladkad duon ni Luis Arias de Mota, abogado ng Audiencia sa Manila na natanghal na alcalde dela Laguna, upang magsaka. Mataba ang lupang pinili ni Corcuera, tatawaging Calamba pagtagal ng panahon, subalit ligaw na gubat ito nuon at hindi angkop tirahan ng maraming tao. Naghirap ang mga Sangley, marami ang nagkasakit at mahigit 300 ang namatay sa luob ng 3 taon. Panay pa ang pahirap at nakaw na ginawa ni Mota, sa halip na tulungan silang mapagbuti ang kalagayan. Hindi na nakatiis, at sa paniwalang mamamatay din lamang silang lahat sa hirap, naghimagsik ang mga Sangley sa Calamba nuong Noviembre 19, 1639. |
Patayan Sa Calamba At Biñang May isang pangkat ng mga Hapon sa hukbong binuo ni Governador Corcuera upang puksain ang mga naghimagsik na Sangley, ngunit mas marami, doble, ang pangkat ng mga mestizong Intsik na lumaban sa mga Sangley... SINUGOD ng mga Sangley ang bahay ni Mota at pinatay ang malupit na alcalde. Sinunog nila ang mga barung-barong ng buong Calamba bago pinatakbo sa bundok ang kanilang mga asawa at mga anak. Kahit daw mapatay silang lahat, basta ligtas ang kanilang mga familia. Mabilis kumalat ang balita. Nag-aklas din ang mga Sangley sa Biñang, isang kalapit na putikan na ginagawa ring bukid-palayan para sa mga Español. Sinunog ang mga barung-barong at ang simbahan duon bago nagtatag ng tanggulan laban sa mga sundalong inasahan nilang susugod mula sa Manila. Gabi na kinabukasan nang dumating ang balita sa Manila. Nagpaputok ng mga cañon ang sundalo bilang babala. Pinapasok lahat ng Español sa Intramuros. Nuong gabi ring iyon, Noviembre 20, 1639, pinasugod ni Corcuera ang 30 sundalong naka-cavallo, pinamunuan ni capitan Martin de Aduña at may kasamang mga frayleng Jesuit. Tapos, bumuo siya ng hukbo mula sa mga Español at mga kakamping mandirigmang indio. Matapos mag-cavallo buong magdamag, dinatnan nina Aduña kinabukasan nang umaga ang 1,000 naghimagsik sa Biñang. |
![]() Samantala, nagpadala ng babala si Corcuera kay Alonso Garcia Romero, ang pinunong Español (castellan) sa Cavite upang lipulin ang mga Sangley duon. Sa Manila, nakaipon na si Corcuera ng 200 Español at 80 cavallero mula sa mga paligid. Bumuo rin siya ng hukbo ng mga indio - 100 Kapampangan at 400 Tagalog - na binigyan niya ng mga baril. Nang dumating ang balita na natalo sa Biñang sina Aduña, pinasugod niyang lahat ito, may dalang 2 cañon at pinamunuan ni Juan de Arceo, ang kanang kamay (maestro de campo) ng governador. |
Umabot Sa San Pedro Ang Bakbakan Ang Pasai ay isa sa 4 kahariang sumikat dati sa pulo ng Sumatra, sa tinatawag ngayong Indonesia, pagbagsak ng kaharian ng Majapahit 600 taon sa nakaraan. Sinalakay at tinalo sila ng mga Portuguese nuong 1521. Kahit hindi sila sinakop, nanghina naman ang mga Pasai. Pagpasok ng Islam, una sa karibal na kaharian ng Aceh (Banda Aceh ang tawag ngayon) sa dulong hilaga ng Sumatra, nadaig at sinakop ng mga Aceh ang Pasai nuong 1524 kahit na kakampi nila ang katabing kaharian ng Pedir at ang mga Portuguese sa Malacca (Melaka ang tawag ngayon). Nagsitakas ang mga Pasai at ilang pangkat ang tumuloy sa Luzon (may baranggay ng mga taga-Luzon malapit sa Malacca nang sakupin ito ng mga Portuguese nuong 1511) at nagtatag ng sariling baranggay, tinatawag na Pasay ngayon, malapit sa Manila na nuon ay mas maliit pa kaysa Intramuros. Hindi sila Muslim, bagkus kalaban pa nga ng mga Muslim ng Manila, kaya madali silang nabinyagan ng mga Español pagka-pasok nuong 1571.
MATAPOS talunin ang mga Español sa Biñang, sumugod pa-Manila ang mga Sangley
kinabukasan, Noviembre 21, 1639, kasama ang ilang libo mula sa Calamba. Sa San Pedro, sinalakay nila ang simbahan ng frayleng Jesuit na nagkulong sa luob, kasama ng 2 hermanos (lay brothers) at mga Pasai na nagtakbuhan duon sa takot pagkarinig na papalapit ang mga Sangley.
Pagkaraan ng isang araw, ayaw pa ring buksan ang simbahan kaya sinunog ito ng mga Sangley. Umakyat sa bubong ang mga Pasai at nakaligtas nang buhay pag-alis ng mga Sangley. May 15 Pasai na sumama sa frayle nang sumuko sa mga Sangley. Pinatay ng mga Sangley ang 15 Pasai, tapos iginapos ang frayle at 2 hermanos at binihag.
|
Nuon dumating ang hukbong Español ni Juan de Arceo at nagbakbakan sila hanggang dumating ang malaking pangkat ng Sangleys mula sa Manila at napatigil ang mga Español. Pinakawalan ng mga Sangley ang frayleng Jesuit upang makipag-payapa kina Arceo, subalit habang pinag-uusapan ang kasunduan, sumalakay sa likod ang 25 Español, pinamunuan ng isang teñente Benavides. Nabulabog ang mga Sangley at nagtakbuhan. Tumakas ang 2 hermanos at sumama sa 25 Español pabalik sa Manila nuong gabing iyon.
Habulin at patayin lahat! Pinasugod ni Corcuera ang hukbo ni Arceo kinabukasan upang lipulin ang mga Sangley na umuurong pabalik sa Calamba. Samantala, sa Los Baños, isa pang hukbo ng 500 indios ang binuo ni Fernando Galindo, almirante (admiral) sa hukbong dagat, at lumusob din. Nasukol nila ang 2,000 Sangley sa isang gulod sa Calamba at sabay-sabay silang sumalakay sa 2 panig - isang pangkat ng mga Español at mga Kapampangan at isang pangkat ng mga Tagalog ng Los Baños. Pinauna ng mga Español ang mga Kapampangan, tulad ng dating gawi. Walang sandata ang mga Sangley kundi mga sibat at mga bato na hinagis mula sa taas ng bundok. Natalo sila at nagtakbuhan papuntang timog, sa Kumintang (tinatawag ngayong Batangas). Duon, nag-ipon ang mga frayleng Augustinian ng pangkat-pangkat ng mga indio at pinatay lahat ng Sangley na natagpuan - lalaki, babae, bata at matanda, karamihan ay tumatakas lamang at walang kinalaman sa himagsikan. Inangkin ng mga indio ang mga ari-arian ng mga Sangley na pinatay nila. |
Aklasan Sa Sagar At Antipolo Ang Sanguyl, tinawag ding Sanggil o Sanguil, ay ang pulo ng Balut sa bukana ng Sarangani Bay sa Mindanao ngayon. Subalit dati, ang Sanggil o Sanggir, tinatawag ngayong Sanggihe, ay malakas na kapuluan sa pagitan ng Mindanao at Sulawesi, ang dating tinawag na Celebes, at karibal ng Maluku (Moluccas, spice islands) sa pagsakop at paghahari sa baha-bahagi ng Mindanao, Basilan at Jolo. Nakipag-digmaan pa ang mga tagaruon kay Ruy Lopez de Villalobos nuong 1543. SA paligid ng Manila, hinabol din, ninakawan at pinatay ang mga Sangley. Lumaban ang mga Sangley sa Antipolo subalit nasalanta sila. Nang nabalitaan ito ng mga Sangley sa Sagar, bahagi nuon ng Pasig na ari ng mga frayleng Augustinian, naghimagsik din sila. Sinunog nila ang simbahan at mga bahay sa Sagar, Pasig at San Mateo. Nagtatag sila ng ‘kuta’ at tinipon ang kalat-kalat na Sangley na nagtatago sa paligid. Nang nabalita ito sa Manila, nagkulong na ang mga Español sa Intramuros simula nuong Sabado, Noviembre 26, 1639, dahil nasa Calamba pa ang hukbo ni Arceo. Lumakas ang loob, malayang naglipana ang mga naghihimagsik sa kabilang panig ng ilog Pasig. Nuong Martes, Noviembre 29, 1639, sinunog ng mga Sangley sa Tondo at Santa Cruz ang convento sa Mayhaligi (ngayon ay mahabang landas ng Meyhaligue sa Tondo at Santa Cruz). Kumalat ang balita na paglusob sa Intramuros, isasanib |
nila ang 30,000 Sangley sa Parian, sa kabila ng ilog Pasig.
Napilitang sumugod sa Santa Cruz si Corcuera, kasama ang pangkat na pinamunuan ni Lorenzo de Olaso, upang harangin ang 4,000 Sangley mula Mayhaligi. Pagdating ng hukbo ni Arceo mula sa Calamba, hindi na pinapasok sa Intramuros at pinatuloy agad sa Santa Cruz din upang walang Sangley na makatawid sa ilog Pasig. Sa sindak ni Corcuera, pinapunta rin niya sa Santa Cruz pati ang mga Muslim na tanod (bodyguards) ng sugo (embajador, ambassador) mula Sanguyl na mga kampilan lamang ang sandata. Iniligtas ang mahigit 1,000 catholicong Sangley sa Santa Cruz, ibinangka patawid sa ilog at ipinasok sa Intramuros. Nagkusa ang 200 sa kanila, mga mestizong Intsik (indios chinos ang tawag ng Español), na bumalik sa Santa Cruz upang tulungan ang hukbong Español laban sa mga Sangley. Pumayag si Corcuera subalit kitang-kita niya nang sumanib ang 200 indios chinos sa mga naghihimagsik, at tumulong na sumakop sa kalahati ng Santa Cruz. Sunugin ang Santa Cruz! Ito ang utos ni Corcuera bago siya bumalik sa Intramuros. Pinagbabaril ng mga Español, Kapampangan at Tagalog ang mga Sangley. Marami ang tinamaan at, dahil wala silang baril at nasusunog na rin lamang ang Santa Cruz, umurong sila at tumakas. Pinasok ng mga Español, Kapampangan at Tagalog at ninakawan ang mga nasusunog na bahay. |
Nagwagi Ang Aklasan Sa Santa Cruz
Upang makamit ang tulong ng mga katutubo laban sa mga Sangley, binawasan o inalis ng mga Español ang buwis nila, binigyan pa sila ng sandata at parangal. Pinaka-mahalaga, hinayaan ng mga Español na angkinin ng mga katutubo ang anumang ari-arian na makuha nila sa mga pinatay nilang Sangley... Nagpadala si Corcuera ng mga cañon kay Olaso sa simbahan ng Santa Cruz upang bombahin ang mga Sangley na magtangkang sumugod sa Intramuros. Tapos, inutusan niya si general Juan de Esquerra na mamuno sa mga cavallero at habulin ang mga tumakas na Sangley. Inutusan din niya ang kapatid nito, si almirante Francisco de Esquerra, na mamuno sa isa pang pangkat ng mga sundalong Español at mandirigmang indios, lumihis at tambangan (ambush) ang mga Sangley sa kabilang landas.
Sa sunud-sunod na bakbakan, napaligiran at pinatay ng mga Sangley ang isang pangkat ng 12 Hapon at ilang Español, sina capitan Agustin Tenorio, capitan Martinez de Avendaño, ayudante (adjutant) Cristobal de Salgado at alferez (lieutenant) Pedro de Soria.
|
![]() Naiwang nag-iisa ang mga nasa simbahan ng Tondo, na ilang ulit sinalakay ng mga Sangley. Subalit malaki ang simbahan at halos 6,000 indios ang siniksik ng mga frayle sa luob, kaya napaurong nila paulit-ulit ang mga Sangley. Tinangka rin ng mga naghihimagsik na pasukin ang simbahan sa Binondo subalit napaurong sila ng mahigit 160 mestizong Intsik na nagtanggol duon, pinamunuan ng isang frayle, si Francisco de Herrera. Agad kinumpuni (repaired) ng libu-libong Sangley ang sirang tulay, bumitbit ang bawat isa ng kahoy at bato, at nagsimulang mabagtas uli ang ilog Pasig. |
Labanan Sa Tulay Ng Ilog Pasig Walang awa, kinatay ang libu-libong Sangley na walang sandata at walang kinalaman. Dala ng malaking takot, pinagpapatay ng mga Español pati ang mga alilang Sangley na nagsisilbi sa kanilang mga bahay. Sa Cavite, daan-daang Sangley ang kinaladkad palabas sa simbahan, tig-10 sa bawat pangkat, at pinugutan ng ulo... Tumagal nang 4 buwan ang himagsikan, wala pang 50 Español ang napatay subalit halos lahat ng Sangley sa Luzon ay napuksa... NAGKUBLI uli ang mga Español sa luob ng Intramuros mula nuong Noviembre 30, 1639, at naglipana uli ang mga naghihimagsik na Sangley. Winagayway nila ang kanilang mga watawat sa kabilang panig ng ilog Pasig habang kinukumpuni nila ang tulay na pinagiba ni Corcuera. Paputok-putok na lamang ng cañon ang mga Español hanggang nuong umaga ng Deciembre 2, 1639, nabuo ang tulay at naghimagsik na rin ang mga Sangley sa Parian. ‘Sugod sa tulay! Patayin lahat ng Español!’ Sinugod at pinatay ng mga Sangley ang mga negro at indio na iniwan ng mga Español na bantay sa simbahan sa Parian. Tapos, takbuhan sila papunta sa tulay upang makasama ang mga tumatawid mula sa Santa Cruz, subalit sinalubong sila ng hukbo ni Arceo, ang verdugo ng |
Calamba. Si Olaso naman, ang sumunog sa Santa Cruz, ang namuno ng hukbong tumatag sa paanan ng tulay upang harangin ang mga Sangley mula sa Santa Cruz.
Nuong una, napaurong nina Arceo ang mga taga-Parian pabalik sa simbahan, at napigil nina Olaso ang mga tumatawid. Subalit sa dami ng mga Sangley, ang mga Español ang napilitang umurong sa Intramuros upang hindi mapaligiran at madumog. Nang magkasama ang mga Sangley, sinimulan nilang wasakin ang mga bahay sa Parian at itinambak ang mga kahoy sa pader ng Intramuros upang gamiting akyatan. Sindak lahat ng Español. Pati ang mga frayle at mga pari ay gumamit ng sandata at nagtanggol sa itaas ng mga pader. Tapos, inutos ni Corcuera na simulang patayin lahat ng Sangley na nasa luob. Ang mga alila at muchachos sa bahay ng mga Español. Ang mga Sangley mula sa Parian na kumampi sa Español at dinala ang kanilang mga familia sa Intramuros upang makaiwas sa mga naghihimagsik. Pati ang mga catholico na iniligtas nila mula sa Santa Cruz. Pinagbabaril lahat habang nagmamaka-awa o nagtatangkang tumakas. Walang nakaligtas. Ang mga lansangan ng Intramuros ay natakpan ng mga bangkay ng Sangley. |
Sinunog Ang ‘Parian’
NAGSIMULANG masunog ang Parian. Daan-daang Sangley ang tumalon sa ilog Pasig subalit pinagbabaril ng mga Español na nakasakay sa mga bangka sa gilid ng Intramuros. Marami sa mga tumatakbong Sangley ang tinamaan at napatay ng mga cañon na patuloy na pinapuputok. Ang mga Sangley na nagtago sa silong-silong sa Parian ay namatay sa sunog.
Kinabukasan, Deciembre 3, 1639, lubusang natupok ang Parian, walang naiwang nakatayo maliban sa simbahan na gawa sa bato. Tantiya na umabot ng 3,000 ang Sangley na namatay sa labas at luob ng Intramuros. Lahat ng mga paupahan ng Español sa Parian, mahigit 80,000 pesos ang halaga, ay nasunog. Naglaho ang 3,000 peso na upa taon-taon duon. Wala sa mga ari-arian at kalakal sa Parian ang nasagip o nakalkal (looted) sapagkat ipinagbawal ni Corcuera na iwanan ng mga Español ang pagtanod nila sa taas ng pader.
|
![]() Sa Cavite, dinig na dinig ang putok ng mga cañon at kitang-kitang ang malaking usok mula sa pagsunog sa Parian. Nasindak ang mga Español, lalo na nang dumating ang balita nuong Deciembre 5, 1639, na nag-aklas na ang mga Sangley sa Parian. Kasabay dumating ang utos mula sa Manila na patayin lahat ng Sangley sa bawat lalawigan. Katatanggap pa lamang ni Alonso Garcia Romero, ang castellan sa Cavite, ng balita nang kumalat ang iba’t ibang tsismis at nagdambulan ang lahat ng tao - Español, indio, Sangley, Hapon, mga negro - naghinala sa isa’t isa. Nagsiksikan ang mga babae sa simbahan, nagdasal nang malakas. Duon din itinago ang mga mamahaling bagay sa kabayanan. |
Kinulong, Pinugutan Sa Cavite PINAKA-TAKOT ang mga Sangley, at matagal bago sila napahinahon ni Romero. Pinalabas niya sa kanilang mga bahay at ikinulong sa luob ng mga gusali ng municipio, sa pangako na ligtas sila sa ganitong paraan. Tapos, inutos ni Romero sa mga sundalo na ilabas tig-10 ang mga Sangley at pugutan ng ulo. Bandang 300 Sangley na ang pinatay sa ganitong paraan nang napansin ng isang Sangley na kinukuha ng Español ang sisidlan ng salapi ng bawat Sangley na inilalabas, at nahulaan nila na binibitay ang ang mga kinukuha. Nagsigawan ang mga Sangley at sinalakay ang mga Español habang tumakas ang iba. Sinara ng mga sundalo ang mga pinto at binaril mula sa mga ventana ang mga Sangley sa luob at sinumang nakalabas sa mga gusali. Marami ang napatay, pati 4 indios, 3 babae at isang bata na nagtago rin sa gusali at nasangkot sa patayan. Ang iba pang indios, marami ay babae, ay nagtalunan palabas sa mga ventana at, bagaman at sugatan, nakaligtas nang buhay. Nagsiga ang mga Sangley sa mga dingding hanggang nagkabutas-butas ang mga gusali at, habang namatay sa apoy ang mga naiwanan sa loob, mahigit 400 ang nakalabas at nagtatakbo. Sinalubong at sinabakan sila ng mga Español at mga Hapon subalit marami ang nakatakas matapos patayin, gamit lamang ang mga pamalo at mga bato, ang 2 Hapon at |
sugatan ang ilang Español, pati na si Romero. May 30 sa kanila ang nakaabot sa gilid ng dagat. Wala silang napagtaguan. Binabaril at pinatay sila ng mga sundalo. Ang ibang takas ay nakarating sa gubat at bukid.
Sa mga sumunod na araw, hinanap sila at ang iba pang Sangley na nagtago sa mga bahay-bahay, at pinatay isa-isa ng mga sundalo, katulong ang mga indio. May mga Sangley, sa kawalan ng pag-asa, ay nagbigti sa sarili o nagpatiwakal sa anumang paraan. May 23 lamang ang Sangley na nakaligtas nang buhay at nagdala ng balita sa Manila. Umabot sa 1,300 ang napatay sa Cavite. Maraming mga bangkay ang nagkalat sa Maragondon, Silang, at iba pang bahagi ng lalawigan. Pinuksa rin ang mga Sangley sa ibang lalawigan. Sa Pampanga, abot sa 1,800 ang pinugutan ng ulo ng mga Kapampangan, sa utos ni Santiago Gastelu, ang alcalde mayor (provincial governor), sa luob lamang ng isang araw. Sa Bulacan, mas marami ang mga Sangley subalit 500 lamang ang napatay ni Juan Diaz, ang alcalde mayor duon, sapagkat pulos mga taga-bukid at kalat-kalat ang mga ito kaya madaling nakatakas.
|
Tumulong Ang Mga Kapampangan
300 LAMANG ang nabitay sa Tondo sapagkat naging mainit ang bakbakan duon. Sa Bay, Laguna, 200 ang pinugutan ng ulo - ang mga nabihag sa Calamba at ang mga nagtago sa mga convento sa kabayanan ng Bay. Sa Pangasinan, 500 Sangley ang naipapatay ni Fernando Suarez Deza, ang alcalde mayor. Sa Ilocos, bandang 100 Sangley ang pinapatay ni Pedro de Tursis, ang alcalde mayor. Sa Taal at Balayan, sa Batangas, 500 ang napatay. Mahigit 600 Sangley ang pinatay sa mga baranggay at baybayin ng Zambales, pati na ang malaking bahagi ng hindi pa nabubuong lalawigan ng Bataan.
Sa paligid ng Manila, hindi natapos ang himagsikan sa pagsalanta sa Parian. Patuloy na nagkubli ang 300 Español sa Intramuros habang naglipana ang mahigit 25,000 Sangley sa kabilang panig ng ilog Pasig sa sumunod na 20 araw. Sinunog at winasak nila ang mga simbahan at bahay ng mga Español sa Kiyapo (ang Quiapo ngayon), Meyhaligue, Sampaloc, San Sebastian, San Francisco del Monte (bahagi ng Quezon City ngayon), at kapiraso ng San Juan dela Penitencia. Kahit na hindi nila napasok ang mga simbahan sa Tondo at Binondo, winasak at sinunog naman nila ang lahat ng mga bahay duon.
Hinamig ng mga Español lahat ng mga bangka sa ilog Pasig sa tabi ng Intramuros upang walang Sangley na makatawid sa ilog. Hinarang naman ng mga Sangley ang ilog Pasig mismo ng isang mataas na
|
bakod na bato. Nagdala ang bawat Sangley ng tig-isang bato at sa dami nila, madaling naitayog ang bakod na humarang sa pagdating ng pagkain mula sa lawa ng Bay (ang Laguna de Bay ngayon). Ilang ulit sumugod sina general Asaldegui at capitan Ugalde upang wasakin ang bakod, para makaraan ang mga bangka, subalit wala pang 1,000 ang hukbo nila, kabilang na ang 500 mandirigmang Kapampangan at Tagalog, kaya kahit maraming Sangley ang napatay nila, nanatili ang harang sa ilog Pasig.
Sa wakas, inamin sa Intramuros na magiging matagal ang digmaan, at baka matalo sila. Nagpuslit ng sugo si Corcuera sa lahat ng lalawigan na mag-ipon ng pagkain at mandirigmang indios na may baril na de boga (arquebusiers), pana at palaso, at sibat - at ipadala lahat sa Manila. Nuong Deciembre 7, 1639, dumating si capitan Santiago Gastelu, may kasamang ilang libong Kapampangan, may dalang 1,000 arquebus. Kasama rin si Juan de Sosa, frayleng Augustinian sa nayon ng Porac, may hila-hilang 800 Zambal na may mga pana at palaso. Upang ganahan ang mga Kapampangan at mga Zambal, ipinangako ni Corcuera na may gantimpala ang sinumang magdala ng pugot na ulo ng Sangley. Araw-araw mula nuon, habang bumubuo si Corcuera ng malaking hukbo, pangkat-pangkat ng mga mandirigma ang dumagit sa mga Sangley sa paligid at nagbalik ng mga ulo sa Intramuros. Subalit ang mga napatay nila ay mga takas lamang na hindi naman lumalaban, kaya nanatiling malakas ang ‘kuta’ ng mga naghihimagsik sa tapat mismo ng Intramuros. |
Nawalan Ng Tao Sa Parian PAGKABUO ng hukbo, ilang ulit sumalakay sina Corcuera. Marami silang napatay subalit lagi silang napilitang umurong sa Intramuros. Minsan pa, napaligiran ang pangkat ni Corcuera at Olaso, at muntik na silang napatay ng mga Sangley. Sinagip lamang sila ng pangkat ni Gastelu na sumugod mula sa katabing himpilan. Nabalik uli ang mga Español sa paputok-putok na lamang ng cañon mula sa Intramuros. Karamihan ng mga Sangley sa Manila ay lumiligtas lamang sa panganib, kasama ang kanilang mga familia. Sa patuloy na bakbakan, tumagal nang halos isang buwan, nagpasiya silang tumakas sa Lingayen, sa Pangasinan, na ilang daan taon nang kaibigan at kaugnay ng mga nagkakalakal mula sa China. Marami sa kanila ang nagbalak bumalik na sa China. Nuong gabi ng Jueves, Deciembre 29, 1639, tumalilis silang lahat. Nawalan ng kakampi sa paligid ng ‘kuta,’ napilitan ang mga naghihimagsik na humabol sa mga tumatakas. Dali-dali, naiwan pa nila ang 10,000 fanegas (bandang 6,800 cavanes) ng bigas sa ‘kuta.’ Hindi namalayan ng mga Español ang pagtakas ng mga Sangley. Kahit kinabukasan, wala nang pumaligid sa Intramuros o naglipana sa kabila ng ilog Pasig, wala pa ring nagkalakas-loob na lumabas kundi nuong inutos ni Corcuera na maghanap sila ng pagkain sa wasak nang Parian. Natagpuan nila ang bigas na naiwan, at natanto nilang wasak na ang |
himagsikan at matatalo na nila ang mga Sangley.
Sumugod sina Corcuera at sa pagitan ng Pasig at San Mateo, natanaw nila ang mga Sangley, magdamag at maghapong naglakad at tumigil lamang upang pumutol ng mga kawayan - mahigit 20,000 sa tantiya ng mga Español - na ginamit nilang balsa (rafts) patawid sa ilog nuong gabi ng Viernes, Deciembre 30, 1639. Kinabukasan, natagalan uli ang takas ng mga Sangley dahil sinalakay sila ng mga tagabundok - mga Aeta na pumapatay sa sinumang dumayo duon. Mahigit 70 Sangley ang napatay nila ng palasong may lason bago napatay ang isang Aeta at nagtakbuhan
|
Tumatag Sa Bocaue
SUMALAKAY agad ang mga Español kinabukasan, Enero 1, 1640, dahil hindi na lumalaban ang mga Sangley. Marami ang napatay nila, marami rin ang nalunod patawid sa ilog. Tinangka ng mga Sangley na tumawid sa Pampanga papuntang Lingayen subalit sinabakan sila araw-araw ng mga Kapampangan at napaurong ang libu-libong Sangley sa Bocaue, na palakad nuon ng mga frayleng Franciscan.
Wala nang pag-asang makarating sa Lingayen, duon tumatag ang mga Sangley at naghandang lumaban. Subalit tumigil na lamang sa tabi ang hukbo ng Español. Dahil napakaunti ng kanilang hukbo, inipon ni Juan Ramirez, ang pinuno (provincial) ng mga frayleng Augustinian, ang mga indio sa paligid. Inutusan ni Corcuera si Andres Lopez de Asaldegui na tumulong na isanib ang mga mandirigma sa hukbo.
Paulit-ulit sumalakay sina Corcuera, katulong ang mga taga-Bocaue, subalit lagi silang sinagupa ng mga Sangley at unti-unting nabawasan ang hukbo ng Español. Minsan, sinilaban ng mga Sangley ang talahib (cogon) sa bukid at nagtakbuhan ang mga indio, iniwan ang isang pangkat ng mga Español na napatay lahat.
|
Nuong gabi ng Enero 9, 1640, at kinabukasan uli, sinagupa ng mga Sangley ang pangkat ni Juan Bautista de Molina, may mga cañon at maraming baril na de-sabog. Napatay nila si Gastelu, ang capitan ng mga Kapampangan, subalit sukdulan ang napatay na mga Sangley ng mga cañon at baril.
Nuong hapon ding iyon, tumakas silang lahat, iniwan ang kanilang pagkain at mga sandata. Mabilis na humabol sina Corcuera. Pinatay lahat ng abutan - mahigit 1,500 - bago tumigil pagkalagpas ng 3 kilometro. Umurong ang mga Sangley sa Sagar at San Mateo, isa sa mga pugad ng himagsikan. Kumalat sila nang malawak, nilimas lahat ng bigas at pagkain na naiwan ng mga tagaruon na nagtakbuhan pagkarinig na parating ang mga Sangley. Nakarating ang mga Sangley hanggang sa Santa Cruz at Mahayhay, kung saan nila sinunog ang mga simbahan. Sinunog din nila ang simbahan sa San Mateo at ang convento ng mga frayleng Jesuit at simbahan sa Taytay. Apat na araw ang nagdaan bago dumating ang sumusunod na hukbo ni Corcuera, at naharang nila ang isang pangkat ng 100 Sangley, humahakot ng palay sa tabi ng ilog San Mateo. Tinaga ng katana (malapad na espada mula Japan) ng isang Sangley si capitan Juan Fiallo, nasugatan pati ang cavallo, subalit pinatay ng isang frayleng Jesuit ang Sangley bago nito napatay si Fiallo. |
Mga ‘Kuta’ Sa Antipolo PAGDATING ng hukbong Español, nagsimulang umurong ang mga Sangley papunta sa Antipolo. Sinunog nila duon ang convento ng mga Jesuit bago tumakas sa mga kalapit na bundok. Nagtatag sila ng mga ‘kuta’ at, mula nuong Enero 13, 1640, halos 2 buwan silang lumaban sa mga Español at sa libu-libong mandirigmang indios, karamihan ay mga Tagalog na tagaruon, kumampi sa Español upang maghiganti sa mga Sangley. Minsan, pumuslit ang isang pangkat ng 30 cavalleros at mahigit 100 indios, pinamunuan ni Fiallo, upang salakayin ang isang ‘kuta’ mula sa likod. Subalit napaligiran sila ng mga Sangley. Sa sindak, nagtakbuhan silang lahat, iniwan ang mga sandata at mga cavallo. Sa mga sumunod na araw, pa-isa isang bumalik sa hukbo ang ilang indios na nakaligtas. Anim na Español lamang ang nakabalik, ang iba ay napatay na lahat, pati |
si Fiallo. Nag-ipon ng mas malakas na hukbo si Corcuera, hinamig lahat ng sandata, cavallos at mandirigma mula sa paligid. Tapos, sumalakay sila nang sabay-sabay mula sa 3 panig. Gaya ng dati, pinauna ng mga Español sa harap ang mga mandirigma, at napahanga sila sa tapang ng mga Tagalog. Hindi pinansin ang mga sibat at bato ng mga Sangley habang gumagapang paakyat sa bundok at bakod ng mga ‘kuta.’ Marami ang napatay at nasugatan subalit nasampa ng mga Tagalog ang 2 ‘kuta’ sa bandang likuran. Dumating ang mga Español at pinatay ang mga Sangley na buhay pa.
Nasiraan ng luob ang mga Sangley sa iba pang ‘kuta’ at nagtakbuhan pababa sa bundok. Hinabol sila ng hukbo ni Corcuera nang isang legua (halos 5 kilometro) at marami ang napatay bago nakatalilis ang mga Sangley. Ang ibang nasukol sa mga bangin ay tumalon at nagpatiwakal kaysa magpabihag sa mga Tagalog. Mahigit 300 indios at bandang 20 Español ang napatay. Natagpuan sa mga ‘kuta’ ang bangkay ng mga Español na nabihag dati, pati isang hermano (lay brother) ng Augustinian. Pinugutan sila ng mga Sangley at itinapon sa bangin. |
Nasukol Sa Mahayhay
NAGKAHIWA-HIWALAY ang mga Español at indios sa paghabol sa mga Sangley na sumunog sa nadaanang baranggay at simbahan ng Baras. Sa baranggay ng Tamar, isang pangkat ng mga Español at indios ang napaligiran ng mga Sangley sa isang gulod. Napatay halos lahat sila bago dumating ang 500 Kapampangan na pinasugod ni Corcuera upang sagipin ang pangkat.
Balak ng mga Sangley na tumuloy sa Los Libones (baranggay at 2 pulo sa tabi ng Nasugbu, bahagi ngayon ng lalawigan ng Batangas). Duon sana sila gagawa ng mga sampan (champans, maliit na barkong pandagat gaya sa mga dyong ng mga taga-Java) upang makalayag pabalik sa China. Sinunog nila ang nadaanang baranggay ng Santa Maria at Siniloan. Sa isang bahagi ng Pangil, sinagupa sila ng mga tagaruon (malamang mga Dumagat) at maraming Sangley ang napatay.
Samantala, tumuloy ang hukbo ni Corcuera upang unahan ang mga Sangley at sa Mahayhay, hinarang nila ang pulutong. Kasama ng mga Español ang mga mandirigmang Tagalog mula sa buong paligid. Pati ang mga Dumagat, dating itinaboy at kalaban ng mga Tagalog, ay nasa tabi-tabi, at ang mga Aeta sa bundok-bundok ay nakapaligid. Lahat sila ay nais maghiganti dahil sa malawak na dahas at lagim na dinanas nila
|
![]() Nagtatag ng tanggulan ang mga Sangley subalit hirap, pagod at gutom na ang karamihan. Lumapit sa mga Español at nagmaka-awa ang ilang pangkat ng mga Sangley. Pinilit lamang daw sila ng mga naghihimagsik. Nagpadala ng mga sugo si Corcuera upang makipag-usap sa mga naghimagsik, inalok niya ng patawad para sa lahat ng sumuko. Isa sa mga sugo si Onofre Esbry, frayleng Jesuit na 28 gulang lamang. Nakipag-usap din si general Geronimo Enriquez, alcalde mayor ng Parian, na maraming kaibigan sa mga Sangley. Habang nag-uusap, daan-daang Sangley ang sumuko nang kusa at pinapunta ni Corcuera sa Manila. Nabawasan ang mga nasa tanggulan hanggang mahigit 7,800 na lamang ang naiwan, kaya sumuko na silang lahat. Binantayan sila ng hukbo ni Corcuera palakad pabalik sa Manila at nuong Marso 15, 1640, tumawid sila sa ilog Pasig at ikinulong sa Tondo, sa isang campo na sila na rin ang gumawa. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |