Cargadores   ANG  KARANASAN  NG  PINAKA-MARAMING  DAYUHAN

Panahon Ng Amerkano: Alis D’yan, Intsik!

Ang libu-libong Intsik na pinagpapatay ninyo d’yan ay mga taksil sa sarili nilang bayan, mga walang utang na luob sa kanilang mga magulang at kamag-anak. Maraming taon na ang nagdaan, ayaw pang bumalik sa China. Dahil dito, wala akong pagturing sa kanila...     --Wan Leh, emperador ng China,
sagot kay Governador Pedro de Acuña nuong 1605, kung bakit ayaw niyang ipaghiganti
ang pagpuksa sa mga Intsik sa Pilipinas nuong 1603

PAGPASOK ng Amerkano nuong 1898, kinailangan sa pamamahala nila sa Pilipinas na malaman kung ilan ang mga tao kaya nagka-bilangan (census) nuong 1903 nang natiyak nilang mahigit 7½ milyon ang mga Pilipino at mahigit 56,000 ang mga dayuhan. Subalit bago pa nagbilangan, tiniyak muna kung sino ang Pilipino at sino ang dayuhan. Hinayag nila na ang mga nakapailalim sa España (Spanish subjects) nuong Abril 11, 1899, pati na ang mga anak nila, ang ituturing na mamamayan (citizens). Tinuring na ring mamamayan ang mahigit 15,000 mestizong Español na kaunti lamang, daig karamihan pa ay sa Pilipinas na isinilang at lumaki. Binansagang dayuhan (aliens) ang mahigit 14,000 Español na, hindi naman nagtagal, ay nag-alisan na, at ang mahigit 42,000 Intsik dahil mamamayan pa rin sila ng China kahit marami sa kanila ay matagal na sa Pilipinas.

‘Hindi Ka Kasali Dito!’     (Chinese Exclusion Acts)

Ang mga Intsik ay hindi binyagan, at nag-aasawa sila ng marami. Isa pa, hindi ko alam kung paano natin sila mapipigil sa America kung papayagan natin silang pumasok dito sa Pilipinas...     --United States consul, pahayag sa Manila, 1901

BAGO pa pumasok ang mga Amerkano sa Pilipinas nuong 1898, matagal na silang nakaharap, at nakalaban, ng mga Intsik. Mula pa nuong panahon ng Español, nakapasok na ang mga Pilipino at mga Intsik sa Exclusion 1882 America bilang tagapagsilbi sa mga barko na taon-taon pabalik-balik sa Manila at Mexico, ang tinawag na galleon trade. Kahit na pagka-tatag ng United States of America, patuloy ang puslit ng mga Intsik duon, nagsilbi nang walang bayad sa mga barko at ‘tumalon’ pagkarating sa daungan (port). Nabalita nuong pang 1830 na may mga Intsik nang naglalako sa mga lansangan (street vendors) ng New York. May mga Intsik na ring nag-trabajo sa mga hacienda ng azucar (sugar plantations) ng mga Amerkano sa Hawaii bagama’t malaya pa ang pulo nuon, hindi sinakop ng America kundi nuong 1898.

Hindi sinita ang mga Intsik nuong una, sabay lamang sila sa milyon-milyong taga-Britain at iba pang taga-Europe na dumanak sa America mula pa nuong 1502. Unang nagkasundo ang America at China nuong 1835, malayang nakapasok at nagkalakal sila sa isa’t isang bayan. Sinamantala ito ng mga Intsik nuong 1849, isang taon pagka-tuklas ng ginto sa California.

Nuong 1850, nang simulang silang singilin ng buwis (foreign miners tax), mahigit 1,000 lamang ang Intsik sa America, subalit umabot ng 20,000 pagkaraan lamang ng 2 taon, nuong 1852, hanggang halos 37,000 ang nabilang nuong 1860, karamihan sa San Francisco at paligid, malapit sa mga minahan ng ginto.

Nagsimula ang galit sa mga Intsik ng mga Amerkano sa buong kanlurang baybayin (west coast) ng America - sa California, Oregon at Washington State - kumalat pati sa British Columbia sa kanlurang (western) Canada. Inagaw daw lahat ng hanap-buhay at kalakal, at pinaliit ang kita nila dahil panay ang tanggap ng mas murang sahod. Madalas napilitan ang mga police at sundalong Amerkano na ipagtanggol ang mga Intsik upang hindi mapatay sa iba’t ibang lungsod sa kanlurang America.

Lalong nag-alab ang galit nang umupa ng libu-libong Intsik ang Central Pacific Company upang maglatag ng riles ng tren (railroad) patawid sa America, natapos nuong 1869. Tapos, lumipat pa ang mga Intsik sa ibang states upang mag-trabajo sa tren. Nagsimula silang usigin at pahirapan sa maraming puok. Nuong 1854, ipinagbawal ang mga Intsik sa mga hukuman sa California. Pagkaraan ng 4 taon, pinagbawal na ang pagpasok ng Intsik duon. Pinagbayad pa ang mga Intsik na nanduon na ng 2.50 dolyar buwan-buwan simula nuong 1862, ‘buwis’ para sa pulis daw. Sa Texas, hindi binayaran ang mga Intsik, naghabla pa sila nuong 1870 upang makuha lamang ang mga sueldo.

Nuong 1872, pinawalang bisa ang batas sa California na nagbawal sa mga Intsik na pumasok sa hukuman subalit nuong 1875, ipinagbawal naman ng California ang pagpasok ng mga babaing Intsik. Sa kabayanan ng Chico, ginulpi pa ng taga-California ang mga Intsik nuong 1877.

Sumunod na taon, ipinagbawal na maging mamamayan (naturalization) ang mga Intsik. Tapos, nuong sumunod na taon, 1879, ipinagbawal sa California na maging kawani ng pamahalaan (government employee) ang Intsik. Tinangka pa ng California na palayasin ang mga Intsik mula sa bawat lungsod at kabayanan duon, subalit sinalungat sila ng pamahalaan ng America (federal government) sa Washington DC.

Mahigit 100,000 na ang mga Intsik sa America nuon, karamihan ay nasa California. Nuong 1880, nagkasundo ang America at China na higpitan ang pagpasok ng mga Intsik sa America. Sa California nuong taon na iyon, ipinagbawal ang pag-asawa ng Intsik at ‘puting’ Amerkano. Pagkaraan ng 2 taon, nuong 1882, lumabas ang unang ‘Chinese Exclusion Law’ - ipinagbawal nang 10 taon ang pagpasok ng Intsik sa America. Kailangan pang magdala ang bawat Intsik ng kasulatan (certificate) na hindi siya ‘puslit’ (illegal entrant).

Nuong 1885, umabot sukdulan ang karahasan nang lipulin ng mga Amerkano ang ilang libong manggagawang Intsik sa kanilang campo sa Rock Springs, sa Wyoming. Samantala, sa San Francisco, hiniwalay ang paaralan ng mga Intsik upang hindi ‘mahalo’ sa mga batang Amerkano. Sa ibang lungsod ng California, pinaslang din ang ilang Amerkano na nagtanggol sa mga Intsik o umusig sa mga Amerkano na pumatay sa mga Intsik.

Sumunod na taon, 1886, sinalakay at pinalayas ng mga Amerkano ang mga Intsik sa Tacoma, Seattle at iba pang lungsod sa kanlurang baybayin (west coast) ng America. Ipinagbawal na rin ang pagpasok ng Intsik sa Hawaii. Nuong 1888, hinayag na huwad (null and void) ang mga

Massacre 1885 kasulatan (certificates) ng 20,000 Intsik at pinalayas sila.

Nuong 1892, inilabas ang Geary Law, ang pang-2 ‘Chinese Exclusion Law’ - 10 taon uling bawal pumasok ang Intsik sa America. Kailangan pang magpa-lista (register) ang bawat Intsik na nasa America na. Sa timog California, tinangka uling palayasin ang lahat ng Intsik nuong 1893. Nuong 1896, sinunog ng mga Amerkano sa Hawaii ang Chinatown sa Honolulu. Pagkaraan ng 2 taon, nuong 1898, sinakop ng America ang Hawaii. Nuon naghatol ang hukuman pangbayan (federal court) na mamamayan (citizen) ang sinumang Intsik na isinilang sa America.

Nuong taon ding iyon, 1898, pinasok ng Amerkano ang Pilipinas.

‘Bawal Pumasok Sa Pilipinas!’

BINARA ng mga Amerkano ang pagbalik ng mahigit 50,000 Intsik na dati nang nakatira sa Pilipinas at tumakas lamang sa China dahil sa himagsikan ng 1896. Nuong Septiembre 1898, isang buwan lamang pagkatapos sakupin ng hukbong Amerkano ang Manila, hinayag ni General Elwell S. Otis na papairalin sa Pilipinas ang mga batas ng America na humahadlang sa pagpasok ng mga Intsik, ang tinawag na Chinese Exclusion Acts.

Nasupalpal ang mahigit 50,000 ‘datihang’ Intsik, pati ang libu-libong taga-Fujian at Guangdong na sabik ding dumamba sa marami at malaking kalakal at hanap-buhay na dala ng mga Amerkano. Umalma ang mga Intsik, ang consul ng China sa Manila, pati ang ambassador nila sa Washington DC. Nagtanghal pa ng boycott - pag-irap sa lahat ng kalakal ng America - ang mga Intsik sa luob at labas ng China nuong 1905. Subalit nabigo sila, halos 80 taon tumagal ang Chinese Exclusion Acts.

Mga pinuno ng hukbong Amerkano ang natigatig sa dami ng Intsik na nais pumasok, at utos-militar lamang ang ginawang paghadlang ni Otis sa pagpasok ng mga Intsik. Kaya masinsing inusisa nuong 1899 ng pumalit na pamahalaang civil, ang Philippine Commission na pinamunuan ni Jacob Schurmann, ang tinawag na ‘Chinese problem’ - Tulong ba o sagabal ang mga Intsik sa pag-unlad ng Pilipinas?

Nagpahayag ang mga pangunahing nagkakalakal at maalam sa pananalapi (finance) sa Manila, Pilipino at dayuhan. Kinapanayam nina Schurmann pati 2 Intsik na yumaman sa Manila, ipinaliwanag kung paano umunlad ang Intsik kahit na mga hindi nakapag-aral. Nasiwalat sa pag-usisa na sinasarili ng mga Intsik ang maraming kalakal sa kapuluan, maging pakyawan (wholesale) o tingi (retail).

Hindi pinasiya ng Philippine Commission na paalisin ang mga Intsik na nasa Pilipinas na, subalit pinagtibay nila ang utos ni General Otis at pinigil ang pagpasok ng iba pa mula sa China. Dalawang pangkat lamang ng Intsik ang pinayagang pumasok:

  1. Ang mga dati nang nakatira sa Pilipinas at tumakas lamang mula nuong Deciembre 31, 1895 hanggang Septiembre 1898 dahil sa Himagsikan ng Katipunan. Kailangang magpakita sila ng katibayan na dati na silang nakatira sa Pilipinas.
  2. Ang mga nakalista sa kasunduan ng America at China nuong 1835 na maaaring pumasok, at inaasahang lalabas uli - ang mga pinuno at kawani ng pamahalaan, mga guro, mag-aaral (students), mga magkakalakal (merchants) at mga turista.

Itong paghigpit ay ukol sa Intsik lamang sapagkat malayang labas-pasok ang mga Hapon sa Pilipinas nuong panahon ng Amerkano.

Sari-saring ‘Palusot’ Upang Makapasok

PUMALIT nuong 1901 ang pang-2 Philippine Commission, pinamunuan ni William Howard Taft, ang unang governador-general ng America sa Pilipinas. Pinilit niyang pigilin ang pagdami ng mga Intsik upang hindi matulad sa mga Malay sa Singapore na napailalim sa mga dayong Intsik. Inutos niya nuong Marso 1903 na, sa luob ng 6 buwan, lahat ng Intsik ay kailangang kumuha ng licencia, may kalakip na larawan nila, bilang patibay na sa Pilipinas sila nakatira. Ganito agad natunton ang dami ng mga Intsik. Ipinatapon sa labas ng bayan (deported) ang mga walang licencia.

Nuong 1912, pinayagan nang maging mamamayan (citizens) ang mga anak ng mga Pilipina na iniwan ng kanilang mga asawang Intsik. Kaiba nuong panahon ng Español, sila na ang tinawag na ‘mestizo,’ at tinuring na silang ‘Filipino.’ Tapos, pinayagan na ring pumasok ang mga anak ng Intsik na nakatira sa Pilipinas, kung wala pa silang 20 taon gulang. Nuon nagpasukan ang maraming Intsik, babae at lalaki. Nuong 1903, isa lamang sa bawat 20 Intsik ang bata; nuong 1935, naging isa sa bawat 3 Intsik. Malinaw na dayà ang maraming nakapasok na Intsik.

Dinayà rin ng mga dayo ang ibang ‘lusot’ - nagkunwaring ‘nagkakalakal’ o ‘turista’ subalit hindi na umalis; nagpanggap na ‘mestizo’ na anak ng naiwang Pilipina; hinuwad ang licencia na dati na silang nakatira sa Pilipinas. Walang namatay na Intsik nuon - binili ng mga bagong salta ang mga licencia at papeles ng mga patay at ‘nabuhay’ sila nang walang hanggan.

Dahil sa mga puslit, ang 42,000 Intsik na dinatnan ng mga Amerkano sa Pilipinas nuong 1899 ay umabot sa 130,000 nuong 1939. Pinaka-marami ang pumuslit nuong 1932 hanggang 1939, panahon ng maraming digmaan

Osmeña (warlord wars) sa China, nang na-doble ang dami ng Intsik sa Pilipinas.

Kapuna-puna sa usisa ang Philippine Commission nuong 1899, lumitaw na laban sa Intsik ang mga pinunong Pilipino, marami ay mga ‘chinos indios,’ mga mestizong Sangley, mga ‘may dugong Intsik,’ ang mga ‘bagong indios.’ Ang mga nausog mula sa pagkalakal at nalugi nang dumagsa uli ang mga Sangley nuong huling 80 taon ng panahon ng Español.

Marami sa kanila ay nahalal sa unang Batasang Pilipino (Philippine Assembly) na tinaguyod ng mga Amerkano nuong 1907. Karamihan ay mga kasapi sa Partido Nacionalista (Nationalist Party) na binuo ng isang mestizong Intsik, si Sergio Osmeña ng Cebu.

Masugid nilang sinupil ang pagdami ng mga Intsik sa mga batas na pina-iral nila sa kapuluan, hawi sa mga batas na ginamit nuong panahon ng Español upang gawing pinaka-mababa sa lipunan ang mga Sangley. Mas mataas ang buwis na binayaran ng mga Intsik. Kailangang magpa-lista sa pamahalaan ang bawat Intsik sa Pilipinas. Pinahayag ni Osmeña at iba pang pinuno ng Assembly na laban sila sa pagpasok ng mga Intsik sapagkat kailangang ‘ipagtanggol’ ang mga gawain, industria at pag-unlad ng Pilipino.

PINA-IRAL nila nuong 1921 ang Bookkeeping Act, - lahat ng kasulatan sa kalakal ay dapat isulat sa English, Español o anumang wika (dialect) sa Pilipinas, upang maunawaan ng mga kawani ng pamahalaan. Nabulabog ang 15,000 companias ng mga Intsik dahil hindi nila kayang isalin lahat ng kanilang mga talaan (journals). Nagbanta ang sugo ng China (Chinese minister) sa Washington DC na iuutos din nilang isalin sa wikang Intsik lahat ng kasulatan ng mga Amerkanong nagka-kalakal sa China. Nasupil lamang ang batas nang ihabla ng Samahang Kalakal ng Intsik (Chinese Chamber of Commerce) sa pinaka-mataas na hukuman ng America (United States Supreme Court).

Nuong 1923 naman, ipinagbawal ng Batasang Pilipino ang pagsali ng Intsik sa lakbayang pulo-pulo (inter-island shipping). Sa luob lamang ng 10 taon, ‘naglaho’ lahat ng barko ng mga Intsik, bagaman at kumalat ang mga bulong na sa halip na ipagbili ang kanilang mga barko, ‘umupa’ lamang ang mga Intsik ng mga Pilipinong ‘may-ari.’

Mula nuon, natanto ng mga Intsik na kailangang ma-ingat ang turing nila, hindi

lamang sa mga Amerkano, kundi pati na sa mga Pilipino. Lumalo pa nuong 1930 nang hinigpitan ng Batasan ang pagkalakal sa kahoy (forest industries) at nauntal ang lumalagong lumber industry ng mga Intsik. Pati ang mga Pilipinong negociantes ay nagsama-sama sa Bagong Katipunan, sa National Economic Protectionism Association at sa iba pang lapiang nag-ukol ng yaman ng bayan para sa mga Pilipino lamang.

Sa kabila ng lahat ng paghigpit, dumami ang mga Intsik at lumago ang ‘hawak’ nila sa kalakal at kabuhayan sa kapuluan. Nuong 1920, tinantiya ng pahayagang New York Evening Globe na 85 por ciento ng kalakal sa Manila ay ari ng Intsik. Nuong 1925, inamin ng pamahalaang Amerkano na Intsik ang nagpapalakad sa 70 por ciento ng kalakal tingi (retail trade) sa buong Pilipinas. Daig din ang bahagi ng mga Intsik sa kiskisan ng palay, sa imbakan at pagluwas ng bigas, ng tobaco at alak, sa mga pagawaan ng zapatos at copra nuong 1920 hanggang 1940.

Kahit na, nuong panahong iyon, iisa lamang ang Intsik sa bawat 100 tao sa Pilipinas.

Nakaraang kabanata                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayan                 Sunod na kabanata