Walang Hari o Batas, KAILAN MAN, walang kinilalang hari ang mga Kapampangan,o sinuman na kinilala at sinunod ng lahat. Sa kani-kanilang baranggay lamang sinusunod ang mga pinuno ng mga tagaruon, ang mga tao na tinawag na mga timagua (timawa). Ang pinaka-malakas sa mga pinuno ang nagha-hari sa lahat, kahit sa ibang pinuno, kahit na sa kanyang mga kapatid, sapagkat wala silang inatupag kundi ang kanilang sariling kapakanan. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Cronica Española
Mga Ugali Ng Mga Unang Kapampangan
|
Wala rin silang mga batas sa pamamahala sa yaman at mga gamit ng bayan. Sila-sila at kanya-kanya silang nagkakalakal hanggang ibig nila, ng anumang ari-ariang mayruon sila. Ang mga alituntunin lamang ay pag-utos ng pinuno ng baranggay kung kailan magsaka sa bukid, at pag-utos na tulungan siyang magtanim at mag-ani ng palay. |
|
Makalumang Katarungan Kung may bintang (asunto, charge) ang mga timagua, ang mga karaniwang tao, dinadala nila sa pinuno ng baranggay. Ipatatawag niya lahat ng tao na kasangkot sa hablahan at susubuking pagkasunduin sila sa isang harap-harapan lamang. Kung magkasundo, wala nang hablahan. Kung ayaw magbigayan, pinasu-sumpa niya ang magkabilang panig na susundin nila ang anumang hatol na igawad niya. Tapos, agad niyang inu-usisa ang bawat tao, pati na ang mga saksi (testigos, witnesses) na dala ng magkalaban upang pagtibayan ang kanilang mga bintang at mga balik-bintang (contra-cuenta, counter-charge). Walang isinusulat, at walang talaan (documentos, records) ang kanilang |
mga paglilitis (juicios, trials).
Kung magkasing-dami at pantay-pantay ang mga pahayag (testigos, testimonies) ng magkabilang panig, ang hatol ay hati ang 2 panig sa bayad ng paglilitis. Kung daig ang isang panig, ang hatol ay bayad niya lahat ang gastos o multa. Kung ayaw sumang-ayon ang natalo, pinagtutulungan siya at pinipilit magbayad. Ang bayad sa mga saksi ng nanalong panig ay batay sa taas ng kanilang katayuan sa baranggay. Malaki rin ang bayad sa pinuno na lumitis sa hablahan. Halos kalahati ng bayad sa nanalo ay napupunta sa pinuno at sa mga saksi. Ang mga saksi ng natalong panig ay hindi binabayaran, at binabawi kung mayruon man silang tinanggap bago naglitis. |
Patayan, Digmaan Kung ang isang pinuno ay napatay ng karibal na pinuno, agad dinidigma ang pumatay, pati na ang kanyang angkan, ng mga kamag-anak at kakampi ng napatay. Kapag napatay nila ang pumatay, tapos na ang bakbakan. Kung hindi, patuloy silang nagpapatayan hanggang mapagod. Pagkaraan lamang ng panahon saka pumapagitna ang iba pang mga pinuno ng baranggay upang patigilin ang bakbakan. Pati ang mga pinuno ng kakampi nilang mga baranggay ay uma-awat na rin. Upang magkasundo muli, pinagbabayad nila ang pumatay sa familia ng napatay ng 70 - 80 tael (30 - 34 kilo) ng ginto. Kung mataas na pinuno ang napatay, lagpas pa ng 100 tael (42 kilo) ng ginto ang bayad. Pagkabayad, magkaibigan na silang lahat uli. Kalahati ng bayad ay ibinibigay sa mga kamag-anak ng napatay. Ang kalakihan ng natira ay |
pinaghahatian ng mga pinuno na umawat sa digmaan, at ang kapiraso ay ibinibigay sa mga timagua na alalay ng pinatay.
Kung ayaw pumayag makipag-payapa ng mga kamag-anak ng pinatay, pinagtutulungan sila ng mga pinuno na umawat hanggang pumayag silang huminahon. Kung isang timagua ang pumatay sa pinuno o anak nito, pinapatay siya agad ng mga kamag-anak ng pinuno. Pati ang kanyang asawa at mga anak ay binibitay kung mahuli nila. Kinukuha ang lahat ng ari-arian ng timagua at hinahati sa mga anak ng pinuno o, kung walang anak, sa mga magulang, kapatid at iba pang malapit na kamag-anak. Kung walang kamag-anak ang napatay na pinuno, ang ari-arian ng timagua ay ibinibigay sa sinumang naghiganti sa pagpatay, na karaniwang nagiging pinuno sa baranggay bilang kapalit ng napatay. |
Kung nakapatay ang pinuno ng isang timagua, binabayaran niya ang mga anak nito ng 10 - 20 tael (4 - 8 kilo) ng ginto. Kung walang mga anak ang pinatay, kalahati ng bayad ay kinukuha ng pinuno na naglitis at ang natirang kalahati ay napupunta sa iba pang mga pinuno sa baranggay, maliban sa pinuno na pumatay sa timagua at nagbayad ng multa. Kung pumatay ng timagua ng isa ring timagua, kailangang bayaran niya ng 10 - 20 tael (4 - 8 kilo) ng ginto. Kung wala siyang pambayad, bibitayin siya ng pinuno ng kanyang baranggay sa isang punong kahoy o sa isang arigue (haligi ang tawag ngayon). O sasaksakin siya ng sibat hanggang mamatay. Kung ayaw ng pinuno na siya ang bumitay, ang pinuno ng ibang baranggay ang bibitay. Kung pumatay ang isang taga-baranggay ng kanyang kapatid o amain (tio, uncle), hindi siya binibitay subalit kukunin lahat ng kanyang ari-arian. Ibibigay sa familia at kamag-anak ng pinatay ang kalahati ng mga ari-arian. Ang mga pinuno ng baranggay na lumitis sa pagpatay ang mga |
tumatanggap ng natirang kalahati.
Kung pumatay ang isang babae ng isang lalaki, o kapwa babae, ang multa o parusa sa kanya ay sunod sa isinulat ko sa itaas, napapag-iba lamang ayon sa katayuan ng babae at ng pinatay. Tungkol sa pagpatay ng ama sa kanyang anak, o ng anak sa kanyang ama, wala akong nakuhang pahayag tungkol sa hatol dahil sabi nilang lahat na wala silang nagugunitang ganuong patayan. Pinatay Sa Kulam Kung napatay ang isang tao ng matanda o mancocolam (mangkukulam), maaari siyang saksakin ng balarao (puñal, knife) ng pinuno ng baranggay, o ng sinumang pinuno duon. Kinukuha ang mga ari-arian ng matanda o mancocolam, kalahati ay ibinibigay sa familia o kamag-anak ng napatay at ang kalahati ay ibinibigay sa bumitay sa matanda o mancocolam. |
Sinunog ang Bukid, Bahay Kung sinunog ang baranggay o bukid, ang parusa ay batay sa kung sino ang sumunog. Kung pinuno o mataas ang katayuan ng sumunog, multa ang parusa. Ang laki ng multa ay batay sa laki ng pinsala, ayon sa hatol ng ibang mga pinuno ng baranggay at ng mga pinuno ng mga karatig baranggay. |
Hindi iniilit ang anumang natirang ari-arian ng sumunog pagkatapos niyang bayaran ang multa.
Kung ang sumunog ay isang timagua, binibitay siya at lahat ng kanyang ari-arian ay iniilit. Kung hindi sapat ito upang bayaran ang nasira sa sunog, ang asawa at mga anak ng timagua ay ipinagbibili bilang alipin. |
Nakawan Ang parusa sa nakawan ay batay din sa katayuan ng nagnakaw, matapos siyang pilitin na isauli sa may-ari ang ninakaw. Kung siya ay pinuno o nakakataas sa baranggay, pipili ang mga pinuno ng baranggay ng isang isa sa kanila bilang hukom (jues, judge) na maglilitis sa nagnakaw. Karaniwang ang pinaka-matanda o pinaka-marunong ang pinipili. Ang hukom ang magpapasiya kung gaano kalaki ang multa na babayaran ng nagnakaw. Kalahati ng multa ay ibinibigay sa hukom, ang kalahati ay napupunta sa mga pinunong pumili sa kanya. |
Kung timagua ang nagnakaw, pinagbabayad din siya ng multa, ayon sa pasiya ng pinuno na lumitis sa kanya. Kung wala siyang pambayad, ipinagbibili siya bilang alipin sa ibang baranggay upang mabayaran ang multa. Kung alipin ang nagnakaw, ang kanyang panginuon (señor, master) ang nagbabayad ng multa. Sa halip, maaaring kaladkarin ng panginuon niya sa ninakawan upang hagupitin (latigo, lash) bilang parusa. Kung nahuli ng may-ari ang magnanakaw sa ‘acto’, maaari niyang patayin o bugbogin ang magnanakaw nang walang ganti o parusa. |
Paglibak, Paninirang Puri Malaki ang galit ng mga katutubo (naturales, natives) at malamang magpatayan kapag nalibak (insulto, insult) sila, lalo na kung mga pinuno ang kasangkot sa paglibak. Sinasadya nilang gawing malaki ang parusang multa upang maiwasan ang ganitong patayan. At ganito ang paglitis: Pumipili ang magkabilang panig - ang nilibak at ang limibak - ng isang pinuno na karaniwan ay ang pinaka-tanyag sa buok puok, upang maging hukom at magpasiya kung gaanong kalaki ang insulto at magkano ang dapat na multa. Kung ang pinaka-tanyag na pinuno ay kasangkot sa paglibak, pumipili ang ibang mga pinuno ng 3 o 4 sa kanila upang maging mga hukom. Kung ayaw pumayag sa hatol ang alin mang panig, nagkakaruon sila ng paligsahan ng handaan. Ang magka-away ay kapwa gumagasta upang |
magdiwang ng magkahiwalay na piging, kainan at inuman. Kung sino ang gumasta ng mas malaki ang siyang tinuturing na mas magiting at mas malakas (at dahil dito, lumalaki o lumiliit ang multa batay sa kung siya ang lumibak o ang nilibak).
Nangyayari na ang paligsahan ng handaan, dahil labis-labis ang lasingan duon, ang nagiging dahilan ng digmaan nila. Labis-labis ang laki ng multa kapag nilibak ng isang timagua ang isang pinuno. Labis-labis din ang parusa kung walang pambayad ng multa ang timagua - ginagawa siyang alipin. At kung lubhang mataas na pinuno ang siniraan, pati ang asawa at mga anak ng timagua ay ginagawang alipin din. Sa kabilang dako, kung ang pinuno ang lumibak sa timagua, napakaliit ng multa at madalas ay wala pa. |
Pag-aasawa, Bigay Kaya Ang ugali nila ay laging isa lamang ang asawa, subalit maaari nilang iwanan at mag-asawa sa iba sa anumang dahilan, kahit pagbabago lamang ng kanilang damdamin. Sa ganuong gawi, maaari silang mag-asawa ng higit sa isa, basta sunud-sunod at hindi sabay-sabay. Maaari rin silang magkaruon |
ng 3 o 4 iba pang babae bilang kasuyo. Ang itinuturing na tunay na asawa ay ang babae na kasiping niya lagi sa bahay.
Ang lalaki ang nagbibigay ng bigay caya (bigay kaya, dowry) sa babae. Ang pagbigay nito, kasabay ng handaan na basta inuman lamang ng maraming alak, ang itinuturing nilang kasal o pag-aasawa. |
Divorcio, Saulian ng Bigay Kaya Kapag iniwan ng lalaki ang kanyang asawa, hindi na niya maaaring bawiin ang bigay caya na ibinigay niya. Kung ang babae ang humiwalay sa lalaki, kailangang isauli ng babae ang 2 patong (doble, double) ng bigay caya, kahit na mayruon siyang anak sa |
lalaking iniwan niya. Anumang ari-arian na naipon ng mag-asawa ay pinaghahatian nang pantay kapag naghiwalay sila.
Kung ang lalaki ay nabalo (viudo, widower), at wala silang anak, isasauli sa kanya ang buong bigay caya. Kung may anak, kalahati lamang ang isasauli, kahit na patay na ang naging anak; ang kalahati ay hawak pa rin ng magulang o kamag-anak ng namatay na babae. |
Pamana, Anak ‘sa Labas’ Laging may pamana ang lahat ng mga anak, hindi tinatanggal kahit na iba-iba ang mga ina nila, basta sila ang asawa nuong ipanganak sila. Walang pamana ang mga anak sa babaing hindi asawa, ang tinatawag nilang asiao yndepat (‘asawang hindi dapat’). Kahit na walang tunay na anak ang namatay, ang mga kamag-anak niya ang nagmamana, hindi ang mga anak na tinatawag nating bastardo (illegitimate, ‘anak sa labas’). Hindi nila ugali na magpamana sa anak nang higit pa rito, maliban sa maliliit na halaga, gaya ng 3 o 4 tael (1.2 o 1.6 kilo) ng ginto, o kapirasong |
lupa na katumbas nito ang halaga.
Kung buhay pa ang anak pagkamatay ng magulang, lahat ng ari-arian ay minamana niya. Kung musmos pa ang anak, ang mga lolo at lola - ang mga magulang ng namatay - ang humahawak sa mana, kahit buhay ang isang magulang, maging ama o ina, ng bata. Kung patay na ang lolo at lola, ang pinaka-malapit na kamag-anak ng namatay na magulang ang hahawak sa mana. At sila rin, hindi ang buhay pang ama o ina, ang magmamana sakaling mamatay ang musmos na anak. |
Hatian ng Alipin Kung alipin ang ama at ina, pantay-pantay ang turing sa kanilang mga anak. Kung kapwa sila ari ng iisang panginuon, alipin at ari rin nito ang kanilang mga anak. Kung magkaiba ang panginuon ng ama at ina, pinaghahatian ang mga anak. Ang pangunang anak ay alipin ng panginoon ng ama, gayon din ang pang-3 anak, ang pang-5, atbp. Ang pang-2 anak naman ay ari ng panginuon ng ina, pati ang pang-4 na anak, ang pang-6. atbp. |
Kapag hindi pantay ang hati, ang nalabing anak ay nagsisilbi nang kalahati ng panahon sa panginuon ng ama, at kalahati sa panginuon ng ina. Kung malaya ang isang magulang, hinahati ang mga anak sa ganuong paraan. Kaya kung malaya ang ama, malaya rin ang unang anak, ang pag-3, pang-5, atbp. Kung ang ina ang malaya, ang pang-2 anak ay malaya, ang pang-4, ang pang-6, atbp. Gawa nila ito upang laging pantay ang 2 magulang, kaya kung may labis na isang anak, siya ay itinuturing na kalahating malaya, kalahating alipin. |
Agawan ng Lupa Kung mag-away ang mga pinuno tungkol sa lupa, nililitis sila ng ibang mga pinuno na hindi kasangkot sa away. Haharap at maghahayag ang lahat ng saksi, tulad ng ibang hablahan, pagkatapos nilang sumumpa na susunod sila sa anumang hatol ng mga hukom. Ugali nila na sumumpa sa ngalan ng buaya, sa araw, buwan o anumang pinagpipitagan nila. Kung umangal ang sinumang panig sa hatol, tulung-tulong ang lahat ng pinuno na paaminin sila, at ganito natatapos ang agawan sa lupa. |
Lahat ng ito ay sinikap kong tuklasin mula sa mga matandang katutubo ng lalawigan ng Pampanga, at mula sa mga frayle na naglilingkod duon. Kung hindi mainam ang aking pagsulat, nawa ay patawarin ng inyong kamahalan ang aking mga kakulangan...
|
ANG PINAGKUNAN
Balik sa ‘Mga Dios at Halimaw ng Tagalog’ Balik sa itaas Tahanan ng mga Kasaysayan |