Ilonggot girl       NINUNO MO, NINUNO KO:  Paghanap sa mga Unang Pilipino

Parangál At Pag-alay sa Patáy
‘Status symbol’ at Katayuan sa Lumang Lipunan

Manghâ ang mga unang Español sa lawak ng paggamit ng mga katutubo (natives) sa gintô at ibá pang mamahaling bakal bilang palamutî (ornaments) at salapî (currency). Lahát ng mga babae at lalaki ay may alahas (jewelry) na gintô - mga hikaw (earrings), kuwintás, purselas (bracelets) at sintás bukong-bukong (anklets). Ipinahayag ni Antonio Pigafetta, kasama ni Ferdinand Magellan nuóng 1521, na lahát ng lalaki sa Butuan at ibáng bahagì ng Mindanao na naratíng niyá ay nagpapa-butas ng tenga (earlobe) upang sabitan ng gintóng hikaw, at ng titì (penis) upang kabitán ng didal ( pins) na gintô rin.

Inulat namán ni Miguel Lopez de Legazpi pagkaratíng nuóng 1565 na “ayaw nang mag-abaláng humanap pa ng gintô” ang isang pinuno (village chief) dahil mayruón na siyáng 2 hikaw, 2 purselas at isang kuwintás; lahát ay gawa sa taginting na gintô (fine gold)...
--Grace Barretto-Tesoro, Burial Goods in the Philippines: An Attempt to Quantify Prestige Values

Sa mga yungíb ng Ngipe’t Duldug
sa Tabon, at Leta-Leta sa El Nido

WALÁNG kabaong na bangà sa yungíb ng Ngipe’t Duldug sa Tabon. Kahit na sa yungíb ng Leta-Leta sa pulô ng Langen, sa El Nido, sa Palawan din, siniyasat mulâ nuóng 1965 ni Robert Fox ng National Museum of the Filipino People. Mahalagá ang mga natagpuáng alay sa patáy (burial goods), tantiyáng mulâ nuóng patapós na ang Makabagong Panahón ng Bató (Late Neolithic period) - mga maník (abalorios, beads) na gawâ sa mamahaling bató (precious stones) at kabibi (shells), isáng daras (adze), kuwintás (necklace) at sandók na kabibi (shell scoop). Kabilang sa mga mamahaling bató ang batóng ihada (jade), agate, jasper at chalcedony. Ang hulíng 3 ay likás sa Pilipinas, subalit walâ sa Palawan, kayâ mga ‘imported.’ Patí na ang batóng ihada, mas sikát ang mga itó kaysa sa mga nasa paligid (local goods) dahil bihirà, mas mahirap nakamít at pinag-abalahán pang bitbitín mulâ sa malayò.
Agate

MARAMI sa mga Unang Pilipino ang inilibing na mayaman.

Isáng “pagawaán” ( factoria, workshop) ng mga alahas na kabibi (seashells) ang natuklás sa isáng yungíb sa isá sa mga pulô ng Camote (Camote Islands), sa pagitan ng Cebu at Leyte, iniwan bandáng 500 taón sa nakaraán o bahagyâ na lamang bago dumatíng ang mga Español. Natagpuán duón ang ibá’t ibáng urì ng kabibing hikaw (earrings), purselas (bracelets), pangsabit sa kuwintás (breast pendants) at butíl-butíl na patingkád sa damít (sequins). May mga purselas ding gawâ sa talukap ng pagóng (tortoise shell), butó (bones), 2 urì ng tansô (copper and brass), patí mga maník (abalorios, beads) na sari-sarì ang kulay.

Ginawáng kuwintás ang maraming butíl-butíl (beads) na gawâ sa kabibi, bató, pasô at porcelana. May gawâ rin sa gintô, at mga “imported” na salamín (glass beads). Natagpuán din ang mga paták (globs) ng tinunaw na salamín kayâ sinapantaha ng iláng nag-aghám sa Unang Tao (archaeologists) na nasimulán ang paggawaán ng salamín (glass making) dito sa Pilipinas, bagamán at hindî lumawak o ipinagpatuloy man lamang.

Magastos ang lubháng init na kailangan upang tunawin ang salamín. Magastos din ang mga bakal na kasangkapang pang-hugis nitó bago lumamíg at tumigás. Subalit malamáng hindî gastos ang dahiláng nauntál ang industria ng salamín sa Pilipinas, sapagkát kung alín ang mas mahál, iyon ang mas ninais ng mga Unang Pilipino na isiping kapiling ng kaniláng mga bangkáy.

Sa Sorsogon: Ibá ang Alay sa

WALÁNG bangkáy o kalansáy sa 8 bangà na natuklás sa Tigkiw na Saday, sa Sorsogon, tantiyáng ginamit na kabaong 2,200 - 1,800 taón sa nakaraán. Dalawá lamang ang diniinan ng palamutî (impressed designs). At 2 lamang ang may takíp na pasô (earthenware), ang ibá

Babae, Ibá ang sa Lalaki

ay tinakpán ng mga malalakíng bató ng bulkán (volcanic tuff), ang bawat isá ay 50-60 kilo ang bigát. Akalà ngayóng lubusang nalusaw ang mga bangkáy sa asim (acidity) ng lupà, subalit ang kapansín-pansín ay ang pagka-kaibá ng mga biyayang ibinurol (grave goods).

Ayon kay Eusebio Dizon ng National Museum of the Filipino People, ang mga kagamitáng bakal (metal tools) ay inilibíng kasama ng mga lalaki, at mga maník (abalorio, beads) na gawâ sa salamín (vidrio, glass) ang isinama sa mga babae. Takdâ itó ng pagka-kaibá ng gawain at katayuan ng mga tao nuóng unang panahón.

Kabibi Yungíb ng Duyong sa Palawan

NAKATALIKOD, hindî nakatihayà, inilibíng ang isáng lalaki sa yungíb ng Duyong sa Palawan 5,100 taón sa nakaraán. Bandáng 25 taón gulang, matangkád ang lalaki, 5’10” o 179 centimetro, subalit nakatalungkô siyá nang nahukay, nakabaluktót ang mga bisig at paá sa ilalim ng katawán. Maitim ang kanyáng mga ipin, dahil marahil sa nga-ngà (betel nut chewing).

Sa paanan niyá ang ‘alay sa patáy,’ 6 kabibi (seashells) na tinawag na arca. Ang isá ay mayruón pang apog (lime) para sa nga-ngà. Kasama sa mga ‘alay,’ sa magkabiláng tabí ng lalaki, ang 5 daras (adzes), isá ay gawâ sa kininis na bató (polished stone), at 4 na gawâ sa kabibing tridacna. Mayruón ding 3 bilóg na kabibi, 2 ay katabí ng kanang tenga (ear) at inakalang hikaw (earrings), at ang isáng mas malakí, gawâ sa kabibing conus litteratus, ay nasa dibdíb, maniwaring sabit-kuwintás (breast pendant).

Lahát ng ‘alay’ ay nakuha sa paligid. Sinisisid pa nang malalim hanggáng ngayón sa Visayas ang mga kabibing tridacna tulad ng iniwan sa Duyong, mas mahalagá kaysa sa mga bató sapagkát mas mahirap makamít, at mas matagál gawíng gamit. Kayâ sa buóng Pilipinas, 2 puók lamang ang natagpuáng may daras na kabibi. Ang isá pang daras sa Duyong ay gawâ sa karaniwang bató na bulwak ng bulkan (volcanos). Maraming bató tulad nitó sa lahát ng kapuluan dahil sa dami ng mga bulkan sa Pilipinas. Kahit karaniwan, iniwan itóng ‘alay’ sa Duyong dahil mahalagá sa pamumuhay ng mga Unang

Pilipino - pamputol ng punong kahoy, pang-uka at pang-hugis ng mga bangkâ (boats), at pang-linis ng gubat sa mga kaingin (midden farming). Maniwaring mahál ang mga ‘alaydaras na kabibi bilang ari-arian, subalit kasing halagá ang daras na bató dahil sa paggamit nitó nang pang-araw-araw.

Samantalà, pahiwatig ng halagá ng nga-ngà ang mga sisidláng kabibi. Laganap itóng gawî sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia, India at Africa mulâ pa nuóng Unang Panahón hanggáng nitóng kamakailán lamang. Inulat ng mga Español na ginamit ng mga tagapulô ang nga-ngà sa pakikipag-usap sa mga kaibigan at pakikipag-kasunduan sa mga kakampí sa pali-paligid. Iwinangis itó sa gawî ng cigarillo at tobaco ngayón.

Ang mga hikaw at ibá pang palamutî ay mahalagá rin nuón, bahagì ng ‘damít’ at yaman ng bawat tao, na kailangan at dalá-dalá nilá sa kaniláng paglakbáy sa ‘kabiláng buhay’.

Gintô sa Ipin:  Ibá-ibáng Urì ng

BANDÁNG 700 - 600 taón sa nakaraán, inilibíng ang 51 tao nang pahigâ (supine) sa baranggáy Balingasay, sa Bolinao, Pangasinan. Tapos, ipinatong ang mga bangà sa lupà, sa ibabaw ng pinaglibingán, parang mga palatandaan (lápidas, headstones).

Kabilang ang isáng sanggol (infant) na ibinurol sa ilalim ng isáng bangà na gawâ sa China nuóng panahón ng kahariáng Ming (Ming dynasty), 1368 - 1644.

Ang ibá ay mga karaniwang bangà na gawâ sa Pangasinan, ginaya ang mga bangà mulâ China, at mababang urì lahát maliban sa isá na kulay lunti at diláw (green and yellow). Pagkaraán ng maigsíng panahón, iniwan ang libingan at hindî na ginamit uli, hindî alam kung bakit. Natuklás sa mga libingan ang ari-arian ng mga mayamam -

Maharlika sa Bolinao, Pangasinan

mga kagamitáng bató (stone tools), kidkiran ng sinulid (spindle whorls) na gawâ sa tisá (arcilla, clay) , butó na ihip sa kalán (tubular bone), palayák at pasô (earthenware vessels). Natuklás din ang mga kabibi (seashells) at mga gawâ sa kabibi - purselas (bracelets), singsing (rings) at maník (beads). May isáng purselas na gawâ sa butó at mga maník na gawâ sa salamín (vidrio, glass) at mamahaling bató (semiprecious stone), tinawag na carnelian.

Ang mga sandatang bakal (iron weapons) ay iták, panaksák (puñal, dagger), sibát (lancia, spears) at patalim (cuchillo, knife). Ang mga gawâ sa tansô (bronze) ay mga pang-kalakal (tradewares) - mga maník, purselas, singsíng, purselas, alambre at mga salapî ng China (Chinese coins). Ang pinaka-mayaman ay

gawâ sa gintô (oro, gold) - mga maník, hikaw, isáng suklay (peine, comb), isáng sabit-kuwintás (colgante, pendant) at mga sinulid (gold threads). Binutasan at pinasakan ng gintô ang ipin (gold pegged teeth) ng 8 bangkáy.

Gumaya sa gawî sa China ng paglagay ng gintô sa ipin, silá ang pinaka-mataás na maharlika duón nuón, nang ilibíng kasiping ng mga kagamitáng bakal. Sapantaha na mas mababà ang mga maharlika na may gintô sa ipin subalit waláng kagamitáng bakal. Mas mababà pa ulî ang mga inilibíng nang may kagamitán subalit waláng gintô sa ipin.

Pinaka-mababà daw ang mga bangkáy na waláng gintô sa ipin at waláng kagamitáng bakal, bagamán at sapantaha na ‘may kaya’ (rico, well-off) ang sinumang inilibíng nang may ari-arian, kahit na gawâ sa bató.

Nakaraáng kabanatà              Ulitin mulâ sa itaás              Mga Kasaysayan Ng Pilipinas              Listá ng mga kabanatà              Sunód na kabanatà