San Juan de Dios hospital Ang lipunang San Juan ay mga mandirigmang magiting (knights), ang dating lipunan ng pagamutang San Juan (Order of Hospitaliers of Saint John), itinatag sa Jerusalem nuong 1023 upang alagaan ang mga cruzado (crusaders) na sumasakop duon nuon. Kinilala sila ng pope sa Rome nuong 1113. Matapos mapa-alis ng mga Muslim ang mga cruzado mula sa Jerusalem, kinilala silang lipunang Rhoda (Order of Rhodes) dahil sa paghimpil nila sa pulo ng Rhodes, sa dagat Mediterranean, mula nuong 1291 hanggang 1523. Isa sa mga magiting (knights) ng lipunang Rhoda si Antonio Pigafetta, kasama ni Ferdinand Magellan pagpasok sa Pilipinas nuong 1521.

Sa iba’t ibang naging pangalan ng samahan, isa ang lipunang magiting ng Malta (Order of the Knights of Malta) nang ibigay sa kanila ni Carlos 5, hari ng España, ang pulo ng Malta sa may paanan ng Italy sa dagat Mediterranean din, nuong panahon ni Pigafetta. Nalanta at lumiit ang samahan nang sakupin ng mga taga-France ang Malta nuong 1798 sa utos ni Napoleon Bonaparte, ang emperor ng France. Nakilala na lamang sila sa Pilipinas bilang tagapamahala sa Manila ng pagamutan (hospital) ng San Juan de Dios (Order of Saint John of God), ang naging pangalan ng lipunan nuong bandang huli.

Pumalaot ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Pumalaot  Si  Jofre de Loaisa,  1525-1526
The Failed Loaisa Voyage of 1525-1526

Madrid,  5 Abril 1525

ISANG frayle (friar) na pinuno ng lipunang San Juan (Order of Saint John), si Fray Garcia Jofre de Loaisa, ang napiling capitan general ng pangkat dagat (fleet) na binubuo na nuon upang maglakbay sa Moluccas. Siya rin ang hinirang na maging governador ng Moluccas, sakaling magtagumpay ang kanilang paglakbay. Taga-Madrid, España, si Loaisa, kamag-anak at kapangalan ng arsobispo ng Sevilla nuon. Ang barkong Sancta Maria dela Victoria ang capitana (flagship) ni Loaisa.   (Capitana ang tawag sa barko ng pinuno ng pangkat dagat, Almirante ang tawag sa barko ng pang-2 pinuno.)

Napiling ingat-yaman (treasurer) si Hernando de Bustamante. Si Diego Ortiz de Orue ang ungkat-yaman (accountant). Piniling capitan si Rodrigo de Acuña ng ika-4 na barko, ang San Gabriel.

Toledo,  13 Mayo 1525

Hinirang si Juan Sebastian del Cano na Pangalawa (almirante, deputy commander) ni Loaisa bilang pinuno ng Sebastian Cano pangkat dagat at capitan ng isang barko, ang almirante. Si Cano ang capitan at pinuno ng Victoria pabalik sa España pagkamatay ni Magellan.

Kapalit na governador ng Maluku, sakaling hindi magampanan ni Loaisa, hinanay sina Pedro de Vera, Rodrigo de Acuña, Jorge Manrique at Francisco de Hoces. Pinili si

Diego de Covarrubias na factor general (business manager) ng lakbayan, tagapamahala ng bilihan at lakuan ng kalakal.

Kasama at isa sa mga pinuno sa capitana si Andres de Urdaneta, na magkakaruon ng malaking bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ipinanganak si Urdaneta nuong 1498 sa Villafranca de Guipuzcon, sa España. Nag-aral siya sa colegio ngunit nang namatay ang mga magulang, napilitan siyang nagsundalo na lamang. Natanyag ang kanyang giting sa digmaan sa Alemania (Germany) at Italy at itinanghal siyang capitan, pinuno ng isang compania ng mga sundalo. Pagbalik sa España, nag-aral siya ng mathematica at astronomia, at naging dalubhasa siya sa navigation, ang paglalandas sa lawak ng dagat.

Corunna,  24 Julio 1525

Patimog kanluran (southwestward) naglayag ang pangkat ni Loaisa upang tawirin ang lawak ng dagat Atlantic hanggang South America sa kabilang baybayin. Kabilang ang mga barko at mga capitan ng Sancta Maria dela Victoria, ang capitana, ang Santi Espiritu, ang almirante, ang San Gabriel ni Rodrigo de Acuña, ang Santa Maria del Parral ni Jorge Manrique, ang Nunciado at ang Santiago.

Sinamang-palad ang pangkat sa haribas ng masamang panahon. Naglaho at pinaniwalaang lumubog ang Nunciado sa isang malakas na bagyo. Naligaw ang San Gabriel at ganap na nawalay sa pangkat. Nakarating sa España ang barkong San Gabriel nuong Mayo 28, 1527, pagkaraan ng isang taon ng paliguy-ligoy sa dalampasigan ng South America matapos mapahiwalay sa pangkat ni Loaisa. Sakay ang 27 tauhan at 22 indio mula Brazil ngunit wala ang capitan, si Rodrigo de Acuña.

Iniwan siyang bihag ng mga taga-France sa banda ng Brazil. Matapos siyang ipatapon ng mga ito sa dalampasigan, sinagip siya ng isang barko ng mga Portuguese at dinala sa Pernambuco, isang kabayanan (pueblo,

town) sa Brazil na sakop ng kaharian ng Portugal. Ikinulong siya duon nang 1½ taon bago pinayagang bumalik sa Portugal nuong katapusan ng 1528.

(Hindi lahat ng naglahong barko ay lumubog sa dagat. Karaniwan nuon na magkahiwa-hiwalay ang mga barko at magkaligaw-ligaw lalo na sa gabi o kapag may bagyo. Nangyari rin nang maraming ulit na sadyang tumakas, para sa iba’t ibang dahilan, ang mga naglahong barko. Ang lahat ng uri ng paglalaho ng barko ay naganap sa mga unang paglakbay ng mga Español papuntang Pilipinas at Maluku.)

Sa talaan (ship log) ni Martin de Uriarte, piloto ng capitana, tumagal ng kulang-kulang kalahating taon bago naabot ng pangkat dagat ang ilog Santa Cruz sa timog ng Brazil, sa South America, nuong Enero 18, 1526.

Hirap na hirap na ang pangkat, at hinambalos uli sila ng isa pang dambuhalang bagyo bago nila narating ang luok ng Birhen (Cabo de Virgines, Cape of the 11,000 Virgins), ang silangang bukana ng lagusan ni Magellan (Magellan Strait) nuong Enero 24, 1526. Nawarak ang barko ni Sebastian del Cano, ang Santi Espiritu, 9 tauhan ang nalunod. Kasama sa mga nasagip si Cano at lumipat sa capitana, ang Sancta Maria dela Victoria.

Cabo delas Virgines,  Enero 1526

Ayon kay Juan de Areizaga, isang pari (priest) na kasama sa paglayag, inabot ng mahigit 2 buwan ang paghimpil ng pangkat upang magkumpuni ng mga barko, magpahinga ang mga tauhan at maghanap ng pagkain bago sila nakapasok nuong Marso 29, 1526, sa lagusan ni Magellan, natuklas nuong 1520 patawid sa South America papuntang dagat Pacific at Pilipinas.

Inabot ng 2 buwan ang pagtawid sa lagusan at bago sila nakalabas nuong Mayo 26, 1526, nagkasakuna sa capitana. Nagliyab ang isang palayok ng alkitran (alquitran, pitch) at, ayon sa pahayag ni Urdaneta, isa sa mga sakay ng Sancta Maria dela Victoria,

“Muntik nang masunog ang buong barko ngunit, sa awa ng Dios, napatay namin ang sunog.”

Pagkalabas ng pangkat sa dagat Pacific, naubusan ng pagkain, tubig at gamit ang isa sa mga barko, ang Santiago, at napilitang humiwalay sa pangkat at humanap ng saklolo. Binaybay nila ang kanlurang pampang (west coast) ng South America patungo sa kahariang nabalitaan nilang sinakop ni Hernando Cortes para sa España, tinawag na Nueva España (ang Mexico ngayon). Kulang-kulang 1 taon na ang nakaraan nuon mula nang umalis ang pangkat sa España.

Matagal na niyang nasakop, subalit katatapos pa lamang lupigin ni Hernando Cortes ang mga lumalaban pang Aztec nang dumating ang Santiago, ang nawalay na barko ni Loaisa. Inutusan niya si Capitan Alvaro de Saavedra Ceron na hanapin sina Loaisa sa Maluku.

Ito ang isa sa mga hayag ni Francisco Davila, isa sa mga tauhan, at ni Juan de Areizaga, ang pari na sakay sa barko. Pagkatapos dumanas ng maraming hirap, kapwa sila nakabalik sa España.

Dagat Pacific,  Julio 1526

Sa ulat ni Andres de Urdaneta kay Carlos 5, ang hari ng España,

“Pagkaraan ng ilang araw, tinamaan kami uli ng malakas na bagyo at kami ay nagkahiwa-hiwalay, at hindi na kami nagkita pa uli. Sa dami at sidhi ng aming paghihirap, namatay si Tejada, ang ungkat-yaman (accountant), at si Rodrigo Bermejo, ang piloto ng capitana. Nuong Julio 30, 1526, namatay si Fray Garcia de Loaisa, ang capitan-general, at ayon sa lihim na atas ng kanyang kamahalan (ang hari, si Carlos 5), si Juan Sebastian del Cano ang pumalit bilang capitan-general. Nuong Agosto 4, 1526, namatay din si Del Cano, pati na ang punong ungkat-yaman, si Alvaro de Loaisa, pamangkin ng yumaong capitan-general.”

Sa isang liham nuong Junio 11, 1528, hinayag ni Hernando dela Torre, isang tauhan sa capitana, ang mga dinanas nila sa Sancta Maria dela Victoria. Si Sebastian Del Cano daw ang pumalit na capitan general ng pangkat dagat pagkamatay ni Loaisa ngunit siya man ay namatay ilang araw

lamang pagkatapos.

Namatay o naglaho na raw lahat ng mga capitan ng barko, mga pinuno at taga-pamahala. Sinabi ni Torre na hinalal siya ng mga nalalabing tauhan ng barko bilang capitan general at governador ng Maluku dahil siya na lamang ang payag pang maglingkod bilang pinuno. Kalakip sa liham ang talaang barko (ship logs) ni Martin de Uriarte, ang piloto ng capitana.

Pagkaraan ng maraming taon, siniyasat ang pagkamatay ni Loaisa. Nuong Septiembre 7, 1534, hinayag ng nagsiyasat, si Juan de Mazuecos, na sa sakit namatay si Loaisa sa kalagitnaan ng dagat Pacific, 400 leguas (1,920 kilometro) mula sa lagusan ni Magellan.

Pati raw lahat ng kasalo kumain ni Loaisa ay namatay sa luob ng 40 araw. Pinagtibay nito ang ulat ng mga buhay pang tauhan. Sa ulat nuong Mayo 3, 1529, ni Hernando de Bustamante, ang ingat-yaman (tesorero, treasurer) ng pangkat ni Loaisa, at ni Diego de Salivas, sinabing 61 tauhan sa pangkat ni Loaisa ang namatay sa sakit.

Ladrones,  4 Septiembre 1526

Mahigit 4 buwan sa dagat ang pangkat bago muling nakakita ng lupa nuong Septiembre 4, 1526. Ang pulo na dinatnan ay kabilang sa 13 pulo na tinawag nina Magellan na Islas delos Ladrones o kapuluan ng mga kawatan (Marianas Islands ang tawag ngayon, kabilang ang Guam) matapos nilang natuklas ang mga ito nuong 1521. Duon nuon, ayon kay Urdaneta, “Natagpuan namin ang isang lalaking taga-Galicia (sa España) na naiwan sa pulo, kasama ng 2 pang tauhan mula sa barko ni Espinosa. Namatay daw ang kanyang mga kasama kaya siya na lamang ang nalalabi.”

Si Gonzalo Gomez de Espinosa ang capitan ng isang barko sa pangkat ni Magellan patungo sa Pilipinas nuong 1521.

(Mahirap ang buhay ng mga tauhan sa barko at malupit ang turing sa kanila ng mga pinuno kaya marami sa mga ‘naiwan,’ sa katotohanan, ay kusang ‘talon barko’ upang makatakas sa parusa ng capitan. Paminsan-minsan, kung nakararami ang mga tauhang puot sa capitan, pinapaslang nila ang capitan at mga pinuno ng barko, at sila ay

nagiging mga mandarambong (pirates) sa dagat o nakiki-bahay na lamang sa mga katutubo (natives) sa mga pulo-pulo. Tulad ng nangyari sa isang barko sa pangkat na ito ni Loaisa, ang Santa Maria del Parral.)

Nuong 1538, halos 13 taon pagkatapos ng lakbay ni Loaisa, hinayag ng 3 tauhan ng Santa Maria del Parral na buhay pa, na tinambang (ambush) ang kanilang barko ng mga tagapulo na pumatay sa capitan nila, si Jorge Manrique, at sa karamihan ng mga kasama nila. Ngunit pinaratangan sila ng ibang mga tauhan ni Loaisa na sila mismo ang pumatay sa kanilang capitan, katulong ang iba nilang kasama na tumakas pagkatapos. Sa ulat nuong Mayo 3, 1529, nina Hernando de Bustamante at Diego de Salivas, hinayag na totoong ang mga tauhan ang pumatay kay Capitan Manrique.

Isang linggong naglagak ng tubig at pagkain ang nalalabing barko ni Loaisa sa Guam. Dumukot at bumihag pa sila ng 11 tagapulo, upang gamiting gabay (guias, guides) at alila (servants), bago lumisan patungo sa Maluku nuong Septiembre 10, 1526.

Maluku,  Octobre 1526

Isang buwan bago nakadaong ang pangkat sa isa pang pulo nuong Octobre 8, 1526. Magiliw ang pagharap sa mga Español ng mga tagaruon hanggang hadlangan sila ng isang taga-Melaka (Malacca), ipinahayag na papatayin silang lahat ng mga Español. Pagkaraan ng 2 araw, tumakas ang 11 taga-Guam na dinukot ng mga Español, sakay pa rin sa bangkang pandagat na sinasakyan nila nuong binihag sila ng mga Español.

May ulat na sa Surigao unang dumaong ang capitana, ngunit hindi na ito matiyak ngayon. Hindi na rin matiyak kung sa Pilipinas nga ang pulo na narating ng pangkat ni Loaisa dahil maunti, magkasalungat at malabo ang mga ulat tungkol dito.

Napilitan ang mga Español na umalis agad dahil sa muhi at takot ng mga tagapulo na sinulsulan ng lalaking taga-Melaka. Dumaong sila sa pulo ng Terrenate (ang Ternate ngayon), isa sa mga pulo ng Maluku, nuong Octobre 21, 1526.

Hindi nagtagal, nuong Noviembre 4, 1526, nakarating sa kanila ang balitang tatag na ang mga Portuguese sa mga karatig pulo. Sukdulan na ang kanilang hirap at kahinaan kaya napilitan silang makiusap na lamang sa mga Portuguese at nagmaka-awa na huwag silang lupigin. Gayon pa man, 9 Español ang pinatay ng mga Portuguese. Tumalungko na lamang ang mga Español sa Terrenate at naghintay, umaasa ng tulong mula sa España. Mahigit 1½ taon lamang ang itinagal ng lakbay ni Loaisa.

Philippine south Nuong panahong iyon, itinuturing ng mga katutubo sa banda ruon kasama sa Maluku ang mga pulo ng Mindanao, na walang pangalan nuon maliban sa turing na kalakihang Maluku ng mga taga-Maluku. Ang mga Español sa sumunod na 100 taon ang nag-uso ng pangalang Mindanao mula sa pagdinig nila sa tawag sa ng mga Maingdanao o Magindanao.

Ang Melaka na pinagmulan ng nagbabala laban sa mga Español, ay malawak na kaharian dati ng mga Muslim na Malay sa banda ng tinatawag ngayong Malaysia, malapit sa Singapore.

Bilang isang sundalo sa hukbo ng Portugal, unang nakarating si Magellan sa Melaka nuong 1509, at sa Sumatra, kung saan niya napulot si Enrique, ang Malay na ginamit niyang alipin at, pagkarating sa Pilipinas nuong 1521, taga-pagsalita (interpreter).

Pagkaraan ng 2 taon, nuong 1511, nilusob, pinuksa at sinakop ang Melaka ng sandatahang dagat (armada, navy) ng Portugal. Nuon nagtakasan ang maraming Muslim papuntang Borneo at Pilipinas, kabilang ang maharlikang angkan ni Kabungsuan (‘ang bunso’) na nagtatag ng Islam sa Mindanao.

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata