Pizarro     ANG  MGA  MANLULUPIG  NG  PILIPINAS

Si Ruy Lopez de Villalobos Sa ‘Felipinas,’ 1541 - 1546
Spanish Warlords in the Americas Finance Expeditions to the Spice Islands

HIGIT na malapit ang lakbay ng mga Portuguese papuntang silangang timog (southeast) Asia, maigsi nang 8,800 kilometro kaysa sa layag mula España, kaya pagkasawi ng paglakbay ni Alvaro de Saavedra nuong 1529, napanghal na rin si Carlos 5 at nakipag-kasundo sa mga Portuguese nuong taon ding iyon sa Saragossa, España (Treaty of Zarragoza of 1529). Binili ng Portuguese sa halagang 350,000 ducats (mahigit 800 milyon piso) ang tanging karapatang gamitin ang lagusan ni Magellan (Magellan Strait) sa paanan ng South America. Itinatwa naman ni Carlos 5 ang anumang pag-angkin sa Maluku ang (Molucas, spice islands).

Peru conquest Nagsimula na nuon bumuhos ang ginto, pilak at mga mamahaling bato (gems) mula sa mga nilulupig na mga kaharian sa America, ngunit lubhang abala at baon sa gastos si Carlos 5 sa pagtustos sa iba’t ibang digmaan niya sa Europe, laban kay Dakilang Sulayman (Suleiman the Magnificent) ng kaharian ng mga Ottoman sa Turkey, laban kay Martin Luther at mga protestante sa Germany, Switzerland at England, at laban kay Francis 1, hari ng France, tungkol sa pagsakop sa ilan-ilang lupain sa Italy. Minsan, sinakop pa ng kanyang hukbo ang Rome mismo. Napahiya tuloy siya sa Pope na humirang sa kanyang emperador ng mga catholico (Holy Roman emperor).

Nuong 1524, bago nagkasunduan sa Saragossa, itinatag ni Carlos 5 ang Consejo de Indias (Council of the Indies) upang magpayo sa pagsakop ng mga conquistador sa America, lalo na si Hernando Cortes na tumakas mula sa kanyang amo sa Cuba nuong 1519 - paalis pa lamang sa España si Magellan nuon - at sumakop sa kaharian ng mga Aztec sa Mexico nuong 1521 - nuon naman pinatay si Magellan sa Mactan.

Nuon pang 1513, tinawid ni Vasco Nunez de Balboa ang kitid ng Central America sa pagitan ng North at South America at narating ang tinawag niyang dagat Pacific. Pahilaga, natuklas naman ni Francisco Coronado ang mga bangin ng Colorado nuong 1535. Nuong taon na iyon inakyat ni Francisco Pizarro ang mga bundok ng Andes sa South America, kasama si Diego de Almagro, dinukot ang hari ng mga Inca at sinakop ang Peru. Nilipol naman ni Hernando de Soto ang mga Seminole nang angkinin niya ang lupaing tinawag niyang Florida sa North America nuong 1539. Pagkaraan ng 2 taon, itinatag ni Pedro de Valdiva ang bayan ng Chile sa tabi ng dagat Pacific sa South America.

Nuong taon na iyon, 1541, sunod-sunod ang mga pangyayari na nagtulak sa mga Español na dumayo uli sa Pilipinas.

Jalisco, 28 Marso 1541

SUMULAT sa hari ng España si Pedro de Alvarado, ang adelantado (‘ang nauna’ o governador) ng Guatemala sa South America, tungkol sa kasunduan niya kay Antonio de Mendoza, ang pangalawa ng hari (virrey, viceroy) sa Nueva España (ang Mexico ngayon), na magpundar ng pagtuklas at pagsakop sa mga ‘pulo sa kanluran’ (islas de poniente, western islands, ang palayaw ni Ferdinand Magellan sa Pilipinas).

Sunod lamang kay Hernando Cortes ng Mexico, si Alvarado ang pangunahin sa mga unang conquistador na Español sa America. Ipinanganak nuong 1485 sa Badajoz, malapit sa Portugal, bata pa siya nang nagtungo sa America nuong 1510 at lumaban sa maraming digmaan at paglupig sa mga lupa na tinawag na Nueva España. Hinirang siyang magiting (knight) at ginawang pinuno ni Cortes, at ibinigay sa kanya ang tungkulin ng governador ng Guatemala nuong 1523.

Ipinanganak si Mendoza sa kilalang familia sa Granada, España nuong katapusan ng ika-15 sandaang taon (15th century). Paglisan ni Cortes bilang governador ng Mexico, si Mendoza ang hinirang na Pangalawa (virrey, viceroy) duon. Nagtayo siya ng matatag na pamahalaan, nilimas ang mga mina (mines) ng pilak at ginto, nagpalawak ng paggamit ng salapi sa Mexico, nagpatayo ng pamantasan (university) at mga colegio, at nagsimula ng limbagan (printing).

Nuong 1534, naantal ang balak niyang magpundar ng pagpasok sa mga kapuluan ng Pacific nang nabalita ang pagtuklas at pagsakop sa kaharian ng Peru ni Francisco Pizarro, isa ring sikat na manlulupig mula España. Pagkatapos lamang nito natuloy ang balak nila ni Mendoza na pundaran ang paglakbay sa dagat Pacific.

Nagkasundo sila dati na maghati sa paglayag at pagtuklas sa mga bagong lupain sa bahagi ng daigdig (mondo, world) na hindi pag-aari ng mga Portuguese. Subalit sinarili ni Alvarado ang pagpalaot sa pangkat dagat (armada, fleet) ni Francisco Vasquez patungo sa mga pulo sa kanluran.

Kaya nagdala siya ng 11 barko sa Nueva España upang iwaksi ang mga alingasngas at ayusin ang ugnayan nila ni Mendoza. Dahil sa kusang luob na ito ni Alvarado kay Mendoza, nagkasundo sila uli. Hinati nila ang kanilang mga barko at tauhan. Isang bahagi ay babaybay sa gilid ng America, sa banda ng California, upang tumuklas ng mga kaharian at kayamanan ng mga indio. Ang pang-2 pangkat ay pupunta sa mga pulo sa kanluran.

Hindi na nila nabatid ang kinahinatnan ng kanilang mga balak sakupin ang mga pulo sa kanluran at iba’t ibang bahagi ng America. Nuong 1550, inilipat si Mendoza sa Peru at naging Pangalawa duon hanggang namatay nuong Julio 21, 1552, sa lungsod ng Lima. Pinatay naman si Alvarado ng mga indio nuong Julio 4, 1541, bago pa lumisan ang pangkat dagat, nang lusubin niya ang isang baranggay sa Guatemala.

Talavera, España, 25 Julio 1541

Nahayag ang kasunduan ang hari ng España kay Alvarado nuong 1538 at 1539, at kay Mendoza nuong 1541, tungkol sa pagtuklas, paglupig at pagsakop sa mga kapuluan sa kanluran. Inalok si Alvarado na sisimulan niya ang paglakbay sa luob ng 15 buwan pagkarating niya sa Guatemala, magpapalaot ng 3 barko - 2 ay mga galleon, ang pinaka-malaking barkong pandagat nuong panahon na iyon - na may dalang pagkain at gamit para sa 2 taon, may sapat na mga tauhan at mga bihasa (veterans), at nakasandata ng mga kanyon (cañones, cannon).

Magpupundar din daw siya ng mga barkong uusisa sa iba’t ibang baybayin ng America. At kapag may natuklas na mainam na lupa, ipinangako niya na magpupundar pa ng dagdag na 10 barko, 800 sundalo at 300 kabayo (cavallos, horses) upang sakupin ang mga lupa. Ang lahat nang ito ay gastos ni Alvarado, at walang ibabayad sa kanya ang hari ng España maliban sa pagiging governador niya sa Guatemala hanggang ibig niya o hanggang hindi siya tinatanggal ng hari dahil sa mga kasalanan.

Malaki ang mga ipinangako ni Alvarado sa hari sapagkat alam niyang nagpupumilit si Hernando Cortes na payagan siya ng hari ng España na tuklasin at sakupin ang mga pulo sa kanluran gaya ng ginawa niyang pagdurog sa kaharian ng mga Aztec sa Mexico.

Pilipinas

Sa panig ng hari, ipinangako kay Alvarado na walang ibang pahihintulutang maglakbay sa mga kapuluan sa kanluran sa susunod na 7 taon. Kasama sa kasunduan kung paano paghahatian ang mga kayamanan na makukuha sa mga lupaing lulupigin. Ipinagpaliban nila ang pasiya kung ano ang gagawin sa mga tao na matatagpuan at susugpuin nila sa mga pulo-pulo, bagama't binalak nilang ilaan ang mga lupa sa mga Español na magnais mamahay sa mga lupang nasakop.

Sa kasunduan kay Mendoza, ika-3 ang bahagi niya sa kikitain ng pangkat dagat na binuo nila ni Alvarado.

Mexico, 15 Septiembre 1542

BILANG pinuno ng paglakbay sa kapuluan sa kanluran, hinirang ni Mendoza ang bayaw niya, si Ruy Lopez de Villalobos, isang abogado at mula sa kilalalang familia sa Malaga, España.

Si Gonzalo Davalos ang ginawang ingat-yaman (tesorero, fleet treasurer) ng pangkat dagat. Si Guido de Lavezaris ang ungkat-yaman (accountant) at si Martin de Islares ang factor (katumbas ng business manager ngayon).

Ibinigay ni Mendoza lahat ng utos at pahayag kay Villalobos nuong Septiembre 18, 1542. Kasama sa paglakbay ang mga pari at frayle na magpapalawak sa simbahang catholico, kabilang si Fray Geronimo de San Estevan, prior ng mga Augustinian, sina Fray Nicolas de Perea, Fray Alonso de Alvarado at Fray Sebastian de Reina.

Puerto de Navidad, 22 Octobre 1542

Tinanggap ni Villalobos ang pangkat dagat, kabilang ang 4 galleon na pinaka-malaking barko nuon sa Europe:

  1. Santiago, ang capitana (flagship) ni Vilallobos, pinamunuan ni Capitan Bernardo dela Torre
  2. San Jorge, capitan si Alonso Manrique
  3. San Antonio, capitan si Francisco Merino
  4. San Juan de Letran, capitan si Mathias de Alvarado
  5. San Christoval, maliit na barkong pandagat, tinawag na galley; capitan si Pedro Ortiz de Rueda
  6. San Martin, mas maliit pang barko, tinawag na fusta; capitan si Christoval de Pareja
Nuong araw ding iyon, sumumpa silang tutuparing lahat ang atas sa kanila.

Dagat Pacific, 1 Noviembre 1542

LUMUNSAD ang pangkat dagat, sakay ang 400 tauhan at sundalo, at 400 indio bilang katulong at utusan. Isinalaysay ni Garcia Descalante Alvarado, kasama sa pangkat dagat, ang dinanas ng lakbay ni Villalobos sa isang liham para sa Pangalawa sa Nueva España. Sinabi niyang lumunsad ang pangkat mula sa Puerto de Joan Gallego (La Navidad ngayon) sa Nueva España nuong Noviembre 1, 1542.

Isa sa mga barko ay nagkaroon ng butas at nagsimulang pasukin ng dagat, nakapagpatuloy lamang sa walang puknat na paggaod ng bomba (water pump) at pagwaksi ng tubig. Tinamaan din ang pangkat ng bagyo (storm) at nasiraan ang isa pang barko.

Pagkalayag ng 180 leguas (864 kilometro), nadaanan nila ang 2 pulo na walang tao, na tinawag nilang Santo Thomas (ang San Alberto ngayon)

at Aniublada (‘Cloud Island,’ ‘pulo ng ulap;’ Isla del Socorro ngayon).

Bandang 80 leguas (384 kilometro) pagkalagpas duon, namataan naman nila ang isa pang pulo na tinawag nilang Roca Partida (‘Divided Rock’ o ‘putok na bato;’ tinatawag ngayong Santa Rosa).

Lagpas 62 araw silang naglayag bago nakarating sa mababa at gubatang kapuluan na binigyan nila ng pangalang Coral Archipelago. Dumaong sila duon sa isang pulo, ang Santisteban (San Estavan). Tinawag nilang Los Jardines (The Gardens) ang mga kasunod na pulo dahil sa kapal ng gubat ng mga ito.

Nuong Enero 23, 1543, nadaanan nila ang isang pulo, tinawag na Matalotes (Sailors) sapagkat binati sila ng mga tagaruon sa wikang Español, “Buenos dias, matalotes!” (“Good morning, sailors!”). Ang sumunod na pulo ay tinawag nilang Arrecifes (Reefs) dahil puno ng coral at batuhan.

Mindanao, Pebrero 2, 1543

Nuong Pebrero 2, 1543, mahigit 3 buwan pagka-alis sa Mexico, dumaong sila sa isang magandang luok (bahia, bay) na tinawag nilang Malaga (Baganga ang tawag ngayon, hawig sa katagang bunganga sa Tagalog). Nasa bukana ito ng isang malaking pulo na tinawag nilang Cesarea Karoli (Kaharian ni Carlos, tinatawag ngayong Mindanao).

Tinantiya ng mga piloto, pagka-ikot sa pulo, na 350 leguas (1,680 kilometro) ang sukat nito. Isang buwan silang nagpahinga sa Mindanao bago sinimulang hanapin ang Mazagua (Limasawa, pulo na hinimpilan ni Ferdinand Magellan nuong 1521, at kung saan ginanap ang unang misang catholico sa Pilipinas), ngunit pinadpad sila ng bagyo at napilitan sumilong sa pulo ng Sarrangar (Sarrangani, sa timog ng kasalukuyang Davao del Sur).

Saranggani, Pebrero 29, 1543

Isang frayleng Augustinian, si Geronimo de San Estevan, ang nagsaysay: “Pebrero 29, 1543, na nang nakita namin ang mga pulo ng Bindanao (Mindanao), San Juan (pulo ng Balut) at San Antonio (pulo ng Saranggani).”

Nagka-pangalan ng San Juan ang pulo ng Balut at ng San Antonio ang katabing pulo ng Saranggani nuong 1538 dahil kay Antonio Galvano, Portuguese na governador nuon ng Maluku. Pinapunta niya si Francisco de Castro sa mga pulo upang binyagan at gawing catholico ang mga tao.

Sa pulo ng Mindanao, naging ninong si Castro sa binyag ng 6 datu at ng kanilang mga familia at mga tauhan. Ang ugnayang ito sa mga Portuguese ang isa sa mga dahilan ng lupit ng mga katutubo sa karibal na pangkat ng mga Español ni Villalobos.

Sarangani “Isa sa aming mga barko ay lubhang nasiraan sa malaking bagyo na tumama sa amin nuong palapit kami sa pulo na tinawag naming Matalotes. At nuon pa sa luok ng Mazau (Baganga), nagsimula na kaming nagutom at nagkasakit, kaya nang ayaw ibigay sa amin ng mga taga-San Antonio (Saranggani) ang kanilang mga pagkain, nilusob sila ng mga tauhan namin,” pahayag ni Fray San Estavan ng ginawa nina Villalobos sa Saranggani.

Sa pahayag naman ni Garcia Descalante Alvarado, naging masungit ang mga tagapulo kaya binakbakan sila ng mga Español, sa pamumuno ni Mathias de Alvarado, ang capitan ng barkong San Juan de Letran. Matatag na nagtanggol ang mga katutubo, gamit na sandata ang mga bato, tirador, bakawan, mga pana at palaso, at mga sibat na pinatulis at pinatigas sa apoy, ngunit ginapi sila ng mga Español.

Pagkasakop sa pulo, nakatuklas sina Villalobos ng mga porselana at mga kalembang (campanas, bells) na kakaiba (mga gong) at gamit ng mga tagapulo sa kanilang mga pagdiriwang. Naka-kalkal din sila ng mga pabango (perfumes), mga batong palamuti gaya ng amber, at ginto.

Nag-away ang mga Español nang paghati-hatian ang mga nakamal na yaman ng mga tagapulo. Umangal ang mga sundalo nang 2 magkahiwalay na hamig ang ginawa para kay Villalobos at kay Mendoza, ang Pangalawa ng Mexico. Bakit hindi na lamang ibigay kay Villalobos ang ika-7 bahagi na hinihingi niya, at dagdagan na lamang daw ng isang batong alahas.

Nang maayos ang away at bahagian ng kalkal, inutos ni Villalobos na itanim ang dala nilang mais mula Mexico ngunit kahit 2 ulit itinanim, hindi

tumubo ang mais. Nagalit uli ang mga tauhan at umangal, “Hindi kami nagpunta rito upang magtanim kundi upang manglupig!”

Sumagot si Villalobos, “Naparito ako rito sa tanging hangad na tuklasin ang landas parit-parito sa Nueva España, at upang magtatag ng kabayanan na pamamahayan ng mga Español.”

(Nagmula ang mais sa America, tinuklas ni Christopher Columbus (Cristobal Colon) para sa España nuong 1492. Unang tumubo ito sa Pilipinas nuong 1524, may 2 taon mula nang dalhin ito sa Cebu ni Magellan.)

Namatay sa Gutom

Nakaranas ng malaki at mahabang gutom ang mga Español sa pulo ng Saranggani, at ilan sa kanila ang namatay. Hayag ni Frayle San Estevan, “Kaunti lamang ang natagpuan namin sa pulo, bigas at sago, ilang manok at baboy, at 3 usa. Naubos lahat pagkaraan lamang ng ilang araw, pati ang mga dala naming pagkain sa mga barko ay naubos na rin.”

Nagsikap daw si Villalobos na akitin ang mga tagapulo, nagsitakas lahat dala ang kanilang mga ari-arian at pagkain, na makipagkaibigan at bumalik sa kanilang mga tahanan, ngunit walang nangyari.

“Nakakita kami ng ilang puno ng cocoa (niyog),” ulat ni Frayle San Estevan, “at sa laki ng gutom ng mga tauhan, pati ang mga bubot at ubod nitong palmito ay kinain. Kinain din ang anumang frutas at fig (saging) na natagpuan. Sa bandang huli, pati ang mga aso, pusa at daga sa pulo ay nilapa at naubos. Kinain din nila ang mga suso at bulati sa gubat, pati mga tanim na hindi nila kilala. Marami ang nalason at namatay.”

Lubhang makamandag, sabi ni San Estevan, ang isang uri ng bayawak (lizard), kulay abo at kumikinang ang kaliskis. Namatay karamihan ng kumain nito. Ang mga alimango sa gubat (land crabs) ay naging sanhi ng pagkabaliw ng sinumang kumain, lalo na kung kinain pati ang bituka.

Sinabi naman ni Garcia Descalante Alvarado, nagsugo si Villalobos ng isang barko upang makipagkasundo sa mga taga-Mindanao at humanap ng pagkain. Sa unang pagharap, maniwaring matalik ang pakitungo ng mga katutubo at naglunsad ng isang bangka ang 6 na Español at lumapag sa

Sangihe dalampasigan. Bigla silang sinalakay ng mga tagapulo. Napatay ang isang Español at nasugatan ang 5 kasama.

Umurong ang mga Español ngunit, dahil sa masidhing gutom, lumusob si Villalobos at 25 sundalo sa kapuluan ng Santguin (Sanguir, tinawag ngayong Sangihe, sa pagitan ng Mindanao at Sulawesi, ang dating Celebes). Dumaong sila sa isang maliit na pulo at hinarap ang mga tagaruon na nagkubli sa kanilang kutang bato sa tabi ng malalaking punong kahoy. Iisa lamang ang pasukan sa kuta, sa bandang dalampasigan kung saan nakatayo ang mga bahay ng mga katutubo, nakatuntong sa mga tukod.

Ulat ni Alvarado na ayaw isuko ng mga tao ang pagkain nila kaya binakbakan sila ng mga Español. Tumagal nang 4 oras ang labanan hanggang nagapi ang mga tagapulo. Ayaw pa ring sumuko kaya pinagpapatay silang lahat nina Villalobos, pati ang mga babae at musmos.

Isa lamang sa mga Español ang napatay, bagaman at marami ang nasugatan. Sa katapusan ng lahat ng ito, kaunti lamang ang natagpuan nilang pagkain.

Tandaya ‘Felipinas,’ 1543

Pagbalik sa Saranggani, gipit na si Villalobos. Nuong Agosto 4, 1543, pinalaot niya ang San Martin, ang fusta na pinaka-maliit nilang barko, upang bumalik sa Nueva España at humingi ng tulong. Kasabay nito, nuong araw ding iyon, pinalakbay ni Villalobos si Bernardo dela Torre sa barkong Santiago, ang capitana (flagship) ni Villalobos, kasama pa ng 2 barko, papunta sa mga pulo na, ayon sa ulat ng pangkat ni Magellan, sagana sa pagkain at mabait sa mga Español.

Hinayag ni Frayle San Estevan ang sinapit ng Santiago sa matagal na paghanap sa pagkain, maraming puok sa Mindanao ang kanilang narating ngunit walang nakitang baranggay na hindi ilap sa mga Español. Pagkalayag ng 40 leguas (190 kilometro), hindi na nakausad pa ang Santiago sa lakas ng salungat na hangin at napilitang dumaong sa luok na tinawag na Sacayan (Cagayan) upang maghintay ng magandang panahon.

Nagpatuloy ang 2 kasamang barko pandagat na dahil mas maliit, ayon kay Alvarado, nakalapit sa dalampasigan upang maghanap ng pagkain. Ngunit kasawian ang natagpuan nila. Sa isang bahagi ng Mindanao, lumapag ang 14 Español upang humanap ng pagkain, 10 sa kanila ang pinatay ng mga katutubo. Mahigit 50 araw silang naghintay duon bago nasaklolohan ng Santiago.

Nagtungo sila sa pulo-pulo ng Tandaya (Leyte, ayon sa ilang pahayag, Samar sa pahayag ng iba; maaari ring turing sa lahat ng mga pulo duon). Tinanggap sila nang mainam ng mga tagapulo. Siniyasat ni Capitan Bernardo dela Torre ang pali-paligid, pati na ang Mindanao, at binigyan niya ang mga pulo ng pangalang ‘Felipinas’ bilang parangal kay Felipe 2, principe ng Asturias at tagapagmana ni Carlos 5, hari ng España. Iniwan duon ang mga maysakit at lumaot muli ang barko upang hanapin ang mga naiwang kasama ngunit walang natagpuan sa kanila, kundi isang liham na nagsabi sa kanilang magtuloy sa “kapuluan ng Talao, 40 leguas (192 kilometro) sa timog ng Maluco.” (Ang Talao ang tinatawag ngayong kapuluan ng Talaud o Salibabo, sa pagitan ng Mindanao at mga pulo ng Gilolo (ang Halmahera ngayon), sa hilaga (north), hindi timog (south) ng Maluku.)

asia1501 Portuguese, Agosto 7, 1543

Nagbalik sa Tandaya ang barko ngunit wala na ruon ang mga iniwang maysakit, hinakot na pala ng barkong San Juan de Letran na bumalik na kay Villalobos sa pulo ng Saranggani. Nanatili sa Tandaya si Frayle San Estevan at ang mga tauhan ng Santiago nang 2 buwan, dahil may pagkain duon, hanggang ipinatawag sina Villalobos ng hari ng Tidore (Tidor), sa Maluku.

Nuong Noviembre 1521 naka-alis sa Maluku ang pangkat nina Sebastian del Cano at Antonio Pigafetta, sakay sa Victoria, ang tanging barko ni Magellan na nakabalik sa España nuong Septiembre 1522. Agad nagtatag ang mga Portuguese ng kuta (fuerza, fort) at pamahayan (settlement) sa pulo ng Ternate sa Maluku nuong bandang Agosto 1522, sa hangad nilang sakupin ang kapuluan at patuloy nilang masarili ang kalakal ng spices, at labanan ang pagpasok ng mga Español at iba pang mga taga-Europe.

Sa pangkat ni Villalobos, 3 araw pa lamang pagka-alis ng barkong Santiago, kasama si Frayle San Estevan, upang maghanap ng pagkain, nang dumating ang mga sugo ni Jorge de Castro, pinuno ng hukbong Portuguese sa kapuluan ng Maluku. Naging mainit ang palitan nila ni Villalobos.

“Itigil ninyo ang paglupig sa mga tao!” sabi ni Castro sa mga liham nuong Julio 20, 1543, at nuong Septiembre 2, 1543. Niyakag niyang umalis na sina Villalobos sa mga lupaing “nasa luob ng mga sakop ng hari ng Portugal, ayon sa kasunduan ng pinaghatian” (Treaty of Tordesillas). Sa sagot na liham nuong Agosto 9 at nuong Septiembre 12, nangatwiran si Villalobos: Mabuti ang turing niya sa mga tao, tinutupad niya ang utos sa kanya ng hari ng España na “huwag lumabag” sa kasunduan ng pinaghatian, at siya ay nasa luob ng mga sakop ng hari ng España, ayon sa Mindanao pinaghatian.

Sa España, nagalit ang hari, si Carlos 5, dahil sa pagpasok nina Villalobos sa mga sakop ng Portuguese, at sisisantihin sana si Mendoza kung hindi nalamang na si Villalobos ang nagkusang pumunta sa Maluku, labag sa utos ni Mendoza.

Samantala, patuloy ang pagkamatay ng mga Español sa gutom at sakit sa pulo ng Saranggani. Lahat ng puntahan nila upang kumuha ng pagkain ay salat. Sinulsulan pa ng mga Portuguese ang mga tagapulo na gutumin ang mga Español sapagkat papatayin silang lahat ng mga ito. Dumating ang barkong Santiago mula sa Tandaya, kasama si Frayle San Estevan, at ibinalita kay Villalobos na maraming pagkain sa ‘Felipinas,’ sa banda ng ‘Buio’ (Abuyo, ang dating tawag ng mga Aeta sa pulo ng Leyte). Dahil sagad na ang pagkasalat sa Saranggani, walang nagawa si Villalobos kundi lisan na ang pulo. Upang higit na mainam makatagpo ng makakain, naghiwa-hiwalay ang mga Español. Nagtungo sa Buio, sa Tandaya, ang ilan. Ang iba ay kumalat sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Isang pangkat ay nagtungo sa Talao (Talaud o Salibabo), tulad sa sinabi sa liham.

Ngunit malagim ang naging lakbay ng mga Español patungo sa Buio, sinalubong ng malakas na bagyo at sinalungat ng puot ng mga tagapulo, pinatay ang 11 Español na lumapag sa dalampasigan upang humanap ng pagkain. Nahirapan din ang mga Español na nagtungo sa kapuluan ng Salibabo at pagkatapos, nagtuloy sa malaking pulo ng Gilolo (ang Halmahera ngayon) dahil kalaban ng hari duon ang mga Portuguese na nasa katabing pulo ng Ternate.

Maluku, 1544

Sa sulsol ng hari ng Gilolo, pinilit ni Villalobos ang mga Portuguese na isauli ang mga kanyon ng Español na inagaw nila, ngunit hindi siya pinansin ng mga Portuguese. (Malamang mga kanyon sa barkong Trinidad, ang capitana ni Magellan na kinamkam ng mga Portuguese nang sumuko sa kanila ang nalabing pangkat ng Español sa Maluku nuong Octobre 1522.)

Bagaman at nabawasan, patuloy pa rin ang malaking paghihirap at pagkamatay ng mga Español sa gutom at sakit dahil hindi sagana sa pagkain sa Gilolo kahit na pinaka-malaking pulo sa Maluku. Nanawagan si Villalobos sa hari ng katabing pulo ng Tidore (Tidor) na magpadala ng tulong dahil naging kaibigan dati ng mga tagaruon ang mga Español sa pangkat ni Pigafetta nuong 1522, ngunit hindi rin siya pinansin ng mga taga-Tidor.

Dinaan sa tiyaga, pagkaraan ng matagal na pag-uusap, nagkasundo rin ang mga Español, ang hari ng Gilolo at ang hari ng Tidor. Nakalipat sa higit na masaganang pulo ng Tidor ang halos lahat ng mga Español.

Mula Tidor, nuong Mayo 28, 1544, pinalaot ni Villalobos ang San Juan de Letran, pinamunuan ni Capitan Mathias Alvarado, upang sunduin ang mga Español na kumalat sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at Tandaya upang magki-kain. Maraming puok ang nilibot ng San Juan sa Mindanao at iba pang pulo sa paghanap sa mga Español, ng pagkain at balita.

Na-usisa nila Alvarado ang 3 ‘lalawigan’ duon: Una ang Mindanao na maraming canela (cinnamon), may mga mina ng ginto. Pang-2 ang lalawigan ng Butuan na may pinaka-maraming mina ng ginto. Pang-3 ang lalawigan ng Bisaya. Nalaman din nila na maraming luya (ginger),

pulot-pukyutan (honey) at pagkit (wax) sa Mindanao at kalapit na pulo-pulo.

Sa luok (bay) na tinawag nilang Resurreccion (‘muling pagkabuhay’), natagpuan nila ang mga liham na iniwan ng mga parit-paritong Español. Isa ang lumang sulat mula kay Villalobos. Isa pa ang liham ni Frayle San Estevan nuong Abril, sinabing hinahanap niya at ng 10 kasama si Villalobos, na pinatay ng mga tagaruon ang 15 tauhan ng pangkat, na lumubog ang isang sasakyan nila at nalunod ang 10 kasama nila sa isang ilog sa Tandaya.

Mayruon pang isang liham mula sa barkong San Martin na pinabalik ni Villalobos sa Nueva España upang humingi ng tulong. Sinabi sa liham na huli na sa Ternate panahon nang nagtangka silang maglayag papunta sa Nueva España, na pagbalik nila, natagpuan nila sa Tandaya at isinakay ang 21 maysakit na Español at patuloy silang naghahanap kung nasaan na si Villalobos.

Nagpatuloy ng paglibot ang San Juan at nabalitaan ni Alvarado na sa “pulo ng Zubu, may mga Español na buhay pa mula nuong panahon ni Magallanes (Magellan).” Gawi raw ng mga taga-China na magpabalik-balik duon upang bumili ng ginto at mamahaling bato. Octobre 17, 1944, na nang bumalik ang San Juan sa pulo ng Tidor. Nagkasama-sama muli, kinumpuni ng mga Español ang kanilang mga barko upang makabalik sa Nueva España.

Ternate, 1546

Nuong sumunod na taon, 1545, pinauna ni Villalobos ang barkong San Christoval maglayag pabalik sa Nueva España, sa pamuno ni Ynigo de Roda bilang capitan, at kasama ang piloto, si Gaspar Rico. Malayo ang landas na tinunton ng San Christoval, narating pa ang Nueva Guinea (pulo ng New Guinea, sa pagitan ng Indonesia at Australia) na narating ni Alvaro de Saavedra nuong 1527.

Pinalaot din nuong Mayo 16, 1545, ang barkong San Juan de Letran ni Capitan Alvarado upang bumalik ngunit, gaya ng barkong San Martin, hindi sila nakapagpatuloy at napilitang bumalik sa Tidor pagkaraan ng 5 buwan, nuong Octobre 3, 1545.

Nagsimula nang tumalilis paisa-isa ang mga Español at sumuko sa mga Portuguese sa Ternate. Dahil dito, nagsimula na ring maghinala ang hari ng Tidor na pagtataksilan siya nila Villalobos. Mahina at suko na, nakipagkasundo na si Villalobos sa mga Portuguese. Napalitan na ang kaaway niyang si Jorge de Castro, at pumayag ang kapalit na capitan general ng mga Portuguese, si Jordan de Fretes, na kalimutan na ang nakaraang away-away.

Nuong Pebrero 18, 1546, pinayagan na ang sinumang Español na sumama sa barko ng Portuguese na nagtungo sa pulo ng Amboina (ang Ambon ngayon). Kasama si Villalobos sa mga sumuko. Sa Ambon, nilagnat siya nang malubha at, katabi ni San Francisco Xavier (Saint Francis Xavier, ang ‘Apostol ng mga Indio’), namatay siya nuong Viernes Santo (Good Friday), 1546.

Nuong Mayo 17, 1546, dinala ng mga Portuguese ang pangkat ng mga Español sa Cochin, ang kanilang sakop na lungsod sa India. Mula duon, sakay sa barkong Portuguese, dinala sila palagos sa Cabo da Esperanza (Cape of Good Hope) sa Africa at ibinaba sa Lisbon, lungsod ng hari ng Portugal.

Nagpaiwan ang frayleng Augustinian, si Geronimo de San Estevan, sa Cochin, India (may simbahan at convento ang mga Augustinian duon). Sinulat niya duon ang liham ng kasaysayan para kay Mendoza, ang Pangalawa (virrey, viceroy) sa Nueva España, nuong Pebrero 22, 1547.

Sumama si Garcia Descalante Alvarado sa pangkat ng mga Español na nagpatuloy sa Lisbon, kung saan naman niya isinulat ang pahayag niya ng paglakbay, para kay Mendoza rin, nuong Agosto 7, 1548.

Balik-balik

Sumama rin si Guido de Lavezaris, ang ungkat-yaman (auditor), sa pangkat na dinala ng mga Portuguese pauwi sa Portugal. Bitbit ang ilang piraso ng luya, nagbalik siya sa Nueva España upang makipanayam kay Mendoza, at upang itanim ang luya na magana namang tumubo sa Nueva España. Mula ruon, kumalat ito sa España at buong Europe, bagaman at sinarili ni Mendoza ang bantog at pabuya sa pagdala ng luya sa “kabihasnan.”

Tulad ni Andres de Urdaneta, nabalik si Lavezaris sa kasaysayan ng

Pilipinas sa mga sumunod na panahon nang nakasama siya uli sa paglakbay naman ni Miguel Lopez de Legazpi, at naging governador pa ng Pilipinas pagkamatay ni Legazpi.

Munti lamang ang naganap ng lakbay ni Villalobos, maliban sa pagpatay at pagkamatay ng maraming tao, ngunit nagsilbi itong pa-una sa sumunod at higit na matatag na pagdayo ni Legazpi. Isa pa, ito ang kauna-unahang paglakbay na sumadya sa mga pulo ng kanluran na kinabilangan ng Pilipinas sa halip ng pagtuloy na lamang sa Maluku, bagaman at duon din nasadlak sa wakas sina Villalobos. At panghuli, sa paglakbay na ito nagka-pangalan ang kapuluan ng “Phelipinas.”

Balik sa nakaraan                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan ng mga kasaysayan                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata