N Ilocos SI  PEDRO  ALMAZAN  NUONG  1661

‘Ang  Hari  Ng  Ilocos’
The Northern Ilocos Uprising in 1661

NGITNGIT na hindi masukat ang damdam ni Pedro Almazan sa mga Español. Sa silong ng kanyang bahay, nag-imbak at nagtago siya nang matagal na panahon ng mga tanikalang panggapos (iron fetters). Pagdating ng panahon, balak ni Almazan, igagapos niya lahat ng Español at mga frayle na mabihag niya, at hindi niya pakakawalan habang buhay.

Si Almazan ang mayamang pinuno ng mga Ilocano sa baranggay ng San Nicolas, visita (sitio ang tawag ngayon) ng Laoag (tinawag dating Ilauag). Matagal na siyang nagbabalak na mag-aklas at palayasin ang mga Español na nagha-hari sa kanya at mga kabayan niya. Kakampi niya sa pakana laban sa Español si Juan Magsanop, ang pinuno ng Bangi (Bangui ngayon), visita ng baranggay ng Bacarra. Upang mapagtibay ang lihim nilang balak, iminungkahi ni Almazan na maging asawa ng anak niyang lalaki ang anak ni Magsanop. Pumayag si Magsinop at naghintay sila ng mainam na panahon upang gawin ang kasal.

Sumapit ang panahon nuong Deciembre 1660 nang dumating ang balita na naghimagsik ang mga taga-Pangasinan. Lalong gumanda ang balak nina Almazan at Magsanop nang tanggapin nila ang liham ni Andres Malong na nalupig na niya ang mga Español sa Pangasinan. Itinakda ng dalawa ang kasal ng kanilang mga anak sa madaling panahon. Nang lumusob sa Agoo, sa timog Ilocos, si Pedro Gumapos, isang tauhan ni Malong, kasama ang hukbo ng mga Zambal, nagpunta duon ang mga Español at mga frayle upang tumulong talunin ang mga naghimagsik. Kasamang lumikas si Jose Arias, ang frayle ng Bacarra.

Nagsamantala sina Almazan habang wala ang frayle. Gaganapin nila ang kasal ng mga anak sa katapusan ng Deciembre, 1660. Sumulat agad si Magsanop sa kaibigan niya, si Gaspar Cristobal, pinuno sa Laoag, kung sang-ayon siya sa balak nila ni Almazan na mag-aklas. Bilang sagot, tinawag ni Cristobal ang sugo ni Magsanop. Kumuha siya ng isang nagliliyab na sulo (flaming torch), at sinimulang sunugin ang simbahan sa Laoag.

Bilang sagot sa iyong pinuno,’ bilin ni Cristobal sa sugo, ‘sabihin mo sa kanya ang ginawa ko!

Pinugutan ang 2 Frayle

Tulungan nyo kaming patayin ang mga Español!

Ipinatawag agad ni Magsanop ang mga Kalinga (Calanasa sa ulat ng mga Español). Bumaba ang mababangis na mandirigma sa bundukin sa silangan (sa Bayug, tinatawag na Calanasan ngayon, bahagi ng lalawigan ng Kalinga) na muhi sa mga Español, at dumalo sa kasal ng 2 anak sa Bacarra.

Pagkatapos ng kasal, inilabas ni Cristobal ang corona ng estatua (statue) ng Virgen Maria na ninakaw niya sa simbahan sa Laoag bago niya sinunog. Ipinatong niya ang corona sa ulo ni Almazan at hinirang,

Mabuhay si Manung Almazan, hari ng Ilocos!

Nagpugay ang lahat ng tao at sumumpa ng kanilang panalig sa mga bagong pinuno ng Ilocos. Inilabas ng mga tao ang mga watawat at winawagayway sa buong baranggay. Nagsimula na ang inasam na himagsikan ni Almazan.

Umabot ang himagsikan hanggang sa mga baranggay ng Cabicungan (Claveria ang tawag ngayon) at Pata (Sanchez-Mira na ang pangalan), sa silangan at mahigit 50 kilometro mula sa Bacarra.

Nuong Enero 31, 1661, nagulantang ang frayleng Dominican sa Cabicungan, si Jose Santa Maria. Biglang pumasok ang isang Español, tumatakbo at sumisigaw na magtago silang lahat. Bago matiyak ang dahilan, nabulahaw si Santa Maria ng hiyawan at gulo sa paligid. Sumugod palabas si Santa Maria upang pagalitan at patahimikin ang mga nag-iingay sa tabi ng simbahan. Nagimbal siya nang nakita ang malaking pangkat ng mga mandirigma, papunta sa simbahan!

Takbo pabalik sa simbahan si Santa Maria subalit naipinid na ng duwag na Español ang pintuan. Hindi nakapasok si Santa Maria at inabutan siya ng mga naghihimagsik. Pinagsi-sibat siya at pinagta-taga ng kanilang mga gulok (espada, hacking knife). Pinugot ang ulo niya.

Sinugod ng mga mandirigma ang simbahan subalit naisara ng duwag na Español pati na ang mga bintana (ventanas, windows). Kinatulong niya ang mga alila (muchachos, servants) ng frayle, takot din at papatayin sila ng mga mandirigma, at pinagbabaril ang mga lumulusob.

Dalawang baril ang gamit niya, ang mga alila ang tagalagay niya ng bala, kaya marami ang putok. Inakala ng mga naghihimagsik na may mga sundalo sa luob ng simbahan. Winasak at ninakawan na lamang nila ang bahay ng frayle bago umurong nang hindi sinusunog ang simbahan.

Bumalik sa Panganib, Nabigo ang Pagtakas

Kinabukasan, may malaking handaan ang 9 frayle sa Narvacan nuong Febrero 1, 1661. Ipinagdiriwang nila ang tagumpay ng Español, tinalo ang hukbo ng mga naghimagsik na Zambal. (Ang salakay ni Pedro Gumapos sa Vigan, naka-ula sa nakaraang kabanata) Biglang naudlot ang kasiyahan nila nang dumating ang balita ng isa pang himagsikan na sumabog sa hilagang Ilocos.

Nataranta ang mga frayle. Kaskas pauwi si Fray Jose Arias, ang frayle ng Bacarra, ayaw papigil sa ibang frayle na nagmaka-awa: Mapanganib ang gagawin niya.

Patitigilin niya ang himagsikan, akala ni Arias, kaya siya umuwi. Pagdating sa Bacarra, sinalubong siya ng mga alila niya,

Bakit ka bumalik? Mapanganib!

Maraming usisa si Arias, subalit sa halip na sumagot, minabuti ng mga alila na itago si Arias sa bahay ng isa mga alila.

Mabuhay si Almazan, ang hari ng Ilocos! Patayin lahat ang Español!

Napuno ang mga lansangan ng Bacarra, sigawan at hiyawan ang mga nag-aklas at mga mandirigmang Kalinga. Minabuti ng mga alila na itakas si Arias nuong gabing iyon, subalit dumating si Juan, mestizong Negro na

sugo ng mga nag-aklas.

Palayasin mo ang frayle o papatayin namin kayong lahat, pati ang mag-anak mo!

Takot na takot, ipinuslit ng alila si Arias sa bahay ng ibang alila. Hindi na sila maaaring maghintay pa ng gabi. Nakiusap ang mga alila sa mga nag-aklas na kilala nila. Pumayag na tumulong ang isang pinuno, si Tomas Boaya, at nagpadala ng isang duyan (petaka, covered sedan chair) na gawa sa yantok (caña, rattan), upang maitakas si Arias nang walang nakakakita.

Huwag na kayong maghintay, dalhin n’yo agad sa Laoag! Ngayon na!

Bitbit si Arias ng mga alila at ilang tauhan ni Boaya nang nasalubong nila ang malaking pangkat ng mga naghihimagsik. Binulatlat nila ang duyan at natuklas ang nagkukubling frayle.

Pinugutan nila si Arias at dinala ang ulo kay Magsanop. Tinawag nito sina Almazan, Cristobal at iba pang pinuno at nagdiwang sila sa tagumpay ng himagsikan, patay na si Arias!

Pagkaraan ng ilang araw, ipinatubos ng mga frayle ang ulo upang mailibing kasama ng katawan ni Arias.

Ganti ng mga Español

Hindi nagtagal pagka-libing kay Arias, dumating si Lorenzo Arqueros, alferez (vice governor) at alguazil mayor (chief of police) ng Ilocos. Kasama niya ang malaking hukbo - ilang Español at mahigit 1,000 mandirigma mula sa Cagayan at malayong bahagi ng Ilocos.

Nagulat nila ang mga naghihimagsik, inaabangan ang hukbo ni General Francisco de Esteybar mula sa Vigan sa timog (south). Nasalakay nang hindi pa handa, umurong sina Almazan at Magsanop sa gubat upang hintayin ang kanilang hukbo.

Hindi sila binigyan ni Arqueros ng panahong tipunin ang kanilang mga tauhan. Sanay din sa gubat at bundok ang kanyang mga mandirigma mula sa Cagayan at timog Ilocos kaya pinasok ni Arqueros ang mga pinagtataguan at isa-isang pinuksa ang mga naghihimagsik.

Nasukol nila si Magsanop. Galit na galit ito dahil napaligiran siya. Hinugot niya ang kanyang kampit (cuchillo, large knife) at sinasak ang sariling dibdib. Pinili niyang mamatay kaysa yumuko uli sa mga Español.

Sunod nilang napaligiran si Almazan, ang ngitngit sa mga Español. Sakay sa kanyang kabayo (cavallo, horse), mistulang baliw sa puot si Almazan na sumugod sa mga Español. Napatay siyang nang lumalaban. Bilang ganti, ipinapatay ni Arqueros ang buong mag-anak ni Almazan.

Pagkamatay ng 2 pinuno, nalansag ang hukbo ng himagsikan na kanya-kanyang tumakas mula sa parusa ng mga Español. Malupit din ang iginawad na parusa sa mga pinuno ng himagsikan. Binitay sa Vigan sina Tomas Boaya, Cristobal Ambagan at iba pang pinuno ng himagsikan.

Dumating ang hukbo ni General Esteybar nuong tapos na ang labanan. Inutos na lamang niya na magtayo ng isang kuta (fuerza, fort) sa Bacarra upang mapigil ang himagsikan uli sa Ilocos.

Nuong Mayo 1661, namatay sa Manila si Fray Rodrigo de Cardenas, obispo ng Nueva Segovia sa Cagayan, kakampi ni Arqueros na gumapi kina Gumapos at Almazan.

Nang matahimik na ang lahat, binaril at pinatay si Francisco Maniago, ang pinuno sa Pampanga ng unang himagsikan.

ANG  PINAGKUNAN
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy