Bohol AKLASAN  SA  BOHOL  NUONG  1622

Si  Tamblot,  Ang  ‘Babaylan’
Religious Insurrection in Bohol in 1622

Mayruon silang mga ‘pari,’ babae at lalaki, na tinawag ng mga Tagalog na ‘catalonan’ (mula sa ‘katalo’ o ‘kausap’), at ng mga Bisaya na ‘babaylan.’ Unahan sila sa galing manawagan sa mga diwata pagkatapos mag-aral mula sa kaibigan o kamag-anak na ‘catalonan’ o ‘babaylan.’ Karaniwang pamana ng magulang, mahalaga ang tungkuling ito dahil iginagalang sila ng lahat. At kapag may nais manawagan sa mga diwata, binibigyan sila ng handog bilang parangal - ginto, tela, atbp - dagdag pa ang malaking bahagi ng anumang alay ng nanawagan - baboy, manok, pagkain. Kaya malaki ang kita ng mga ‘pari,’ laging nakadamit ng maganda at maraming alahas at sari-saring palamuti (adornos, ornaments) sa katawan...
-- Pedro Chirino, SJ, Relacion de las Islas Filipinas, 1604

TULAD ng frayle, may talukbong sa ulo nang ‘nagpakita’ ang babaylan, pari ng lumang pagsamba sa Bohol, nuong 1621. Dinala niya ang mga tao sa liblib ng gubat at pinangaralan ng dating palataya (religion) ng mga diwata at mga añito, kaluluwa ng mga yumaong ninuno.

Panahon na upang iwanan ang mga frayle, pangaral ng babaylan, at magbalik sa pagsamba sa sarili nating diyos.

Ang pangalan niya ay Tamblot at sa pamamagitan ng 2 ‘himala’ (milagros, miracles) iminulat niya ang mga mata ng tao. Initak niya ang isang puno ng kawayan, at umagos ang tuba, alak na gawa sa puno ng niyog. Isa pang puno ng kawayan ang pinutol niya, at nakitang siksik ito ng palay!

Ito ay pabuya ng mga diwata, hayag ni Tamblot sa mga tao. Aalagaan nila tayo, hindi tayo magugutom, at tutulungan nila tayo ng mga himala sa pagsuway natin sa mga frayle.

Inutusan niya ang mga tao na magtayo ng isang munting simbahan (capilla, chapel) sa gitna ng gubat, at duon sila magkukubli upang hindi magambala ng

mga Español. Kumalat ang mga pangaral ni Tamblot at dumami ang kanyang mga tagasunod (adoradors, followers). Mula sa mga ito, pumili siya ng mga ‘apostoles’ na lumayon at nagpangaral sa buong pulo. Lalong dumami ang mga sumapi at lumipat sa lihim na baranggay na itinatag sa gitna ng gubat.

Kasama sa maraming kumampi sa pag-aklas ni Tamblot mula pagkalkal ng mga Español ng buwis, palay at pagkain, at ng “polo,” ang pagpa-trabajo ng walang bayad, ang mga taga-Inabangan (Inabanga ang tawag ngayon), Malabago at Malabohoc (Maribujoc ngayon). Umabot ng mahigit 2,000 ang mga kampon ni Tamblot. Walang kamalay-malay ang mga frayleng Jesuit na naghahari nuon sa Bohol, naglakbay pa sa Cebu (Ciudad de Santissimo Nombre de Jesus ang tawag ng Español, ‘Lungsod ng Kabanal-banalang Ngalan ni Jesus’) upang makipagdiwang ng fiesta ni San Javier (Saint Xavier).

Saka lamang natunugan ng mga Jesuit ang umiiral na pag-aklas sa kanilang catholico nang nagsimulang kumalat ang mga pangaral ni Tamblot sa 2 pangunahing nayon ng Loboc at Baclayon. Sinalungat nila ang mga pangaral ni Tamblot at inusig ang mga kampon nito.

Napigil nila ang paglawak ng palataya sa Loboc at Baclayon subalit tuluyan nang naghimagsik ang mga taga-ibang bahagi ng Bohol. Sinunog nila ang mga simbahan at convento ng mga frayle, at winasak ang mga estatua ng mga santo sa buong pulo, maliban sa Loboc at sa Baclayon, na bahagya pa lamang narating ng mga pangaral ni Tamblot.

Kaskas ang mga frayle sa Cebu at nagsumbong kay Juan Alcarazo, alcalde mayor (katumbas ng provincial governador ngayon) ng Cebu, na pinupuksa sila ni Tamblot. Subalit alumpihit si Alcarazo bago humimutok.

Wala akong sundalo, pulos mga Cebuano! Kailangang hintayin natin ang mga Pampango na hihingin ko mula Manila!

Magkaibigan kasi ang mga magkapit-pulo, at hindi naglalabanan ang mga Cebuano at Boholano. Samantala, mga Kapampangan ang karaniwang sundalo sa hukbong Español, subalit ilan-ilan lamang ang nasa Cebu nuon.

Pilitin mo! Kahit ’yung mga ligaw na tao, gamitin mo! giit ng mga frayle, desperado dahil lalong tumatagal, lalong tumatatag ang tagumpay ni Tamblot dahil lalong dumarami ang mga kumakampi sa kanya.

Ganoon nga ang ginawa ni Alcarazo, inipon ang halos 1,000 Sialo, ang mga patapon na naglipana sa liblib at bundok ng Cebu, malayo sa kabihasnan at kasing bangis ng mga hayop na kasama nila sa gubat. Hinayo rin ni Alcarazo ang 50 lagalag na Español na nasa Cebu nuon at isinama sa kanyang 100 sundalong Kapampangan.

Nuong unang araw ng 1622, kasama ang frayle sa 4 caracoa, malalaking bangkang pandagat sa Pilipinas, lumunsad ang hukbo pa-Bohol. Apat na araw silang tumawid sa gubat at putikan, abot pa hanggang baywang ang putik sa ilang puok, upang marating ang mga bundok na pinagtataguan nina Tamblot. Nuong ika-5 araw, napatay ng mga taga-Bohol ang isang Sialo.

Pagsugod nina Alcarazo kinabukasan, Enero 6, 1622, tinambangan sila ng mahigit 1,500 kampon ni Tamblot. Sumadsad ang 16 Español at 300 Sialo sa unang pangkat, subalit nang naka-urong sa mga kasama, pinutakti ng mga Español ng mga bala ng baril ang mga nag-aklas. Marami ang tinamaan sa pangkat ni Tamblot na napilitang umurong sa gubat ng kawayan.

Habol! Habulin, patayin lahat! sigaw na utos ni Alcarazo.

Bumasak ang malakas na ulan habang naghahabulan sa gubat.

Ito ang himalang tulong ng Diwata! Hindi nila magagamit ang mga baril nila! hiyaw ng mga kampon ni Tamblot.

Sumugod uli ang mga taga-Bohol sa gitna ng gubat ngunit napa-putok pa rin ang mga baril ng mga Español dahil hindi gaanong nabasa. Sa dami ng mga puno sa gubat, nabubungan ang ulan. Napaurong ang mga naghi-himagsik hanggang, sa gitna ng gubat, umabot sila sa baranggay ni Tamblot na pugad ng himagsikan sa Bohol.

Mahigit 1,000 kubo ang naka-paligid sa simbahan ng Diwata. Iniwang lahat nina Tamblot at tumakas sa bundok. Hinabol sila ng mga Español at mga Sialo nuong sumunod na 4 araw, pinatay lahat ng naabutan, kahit ang mga babae at mga musmos. May mga natagpuan pang mga takas na namatay sa uhaw at gutom sapagkat naiwang lahat ng pagkain at inumin sa baranggay ng simbahan sa gitna ng gubat.

Duon nagpahinga nang halos 2 linggo ang frayle at sina Alcarazo. Inubos nila lahat ang pagkain at pinaghati-hatian ang mga ari-arian ng mga taga-Bohol, pati ang ginto, pilak at mga alahas.

Nasukol sina Tamblot sa kanilang kutang bato (rock fortress) sa bundok, wala nang mga sandata maliban sa ilang itak at sibat. Mga pira-pirasong bato na lamang ang inihagis nila sa mga sumasalakay na mga Español at mga

Angry Christ

Sialo. Marami kina Tamblot ang nabaril at napatay bago nasakop ng mga kalaban ang kutang bato. Tumalilis uli sina Tamblot sa gubat at bundok.

Pagkaraan ng 2 linggo, nakabalik ang hukbong Español sa Loboc. Binitay duon ni Alcarazo ang ilang bihag na taga-Bohol, pinatawad at pinakawalan ang iba pa. Nag-iwan siya ng isang himpilang hukbo (cuartel, garrison) ng mga sundalong Español at mga Kapampangan, bago bumalik sa Cebu at ipinagdiwang ang kanilang tagumpay.

Tuwang-tuwa ang mga frayle at naibalik ang kanilang pagha-hari sa Bohol. Nilupig nilang muli ang mga tao duon, pina-alis sa mga gubat at bundok, at pinilit tumira sa mga reduccion, mga baranggay na itinatag ng mga frayle upang gawing catholico ang mga tao.

Pagkaraan ng 6 buwan, nabalitaan nilang buhay pa si Tamblot at nagtayo ng isa pang kutang bato sa bundok. Marami pa rin siyang mga kampon, at lalong dumadami dahil sa mga tumakas mula sa mga frayle upang sumapi sa kanya. Kaskas uli ang mga frayle kay Alcarazo sa Cebu. Nuon, bandang 40 Español na lamang ang nahamig ni Alcarazo kaya napilitan siyang gamitin ang mga mandirigma ng Cebu na matumal sa pagkalaban sa mga taga-Bohol.

[ Hindi hinayag kung ano ang nangyari sa mga Sialo, ang mga “ligaw” na tao sa Cebu. Sa walang patumanggang reduccion ng mga frayle, maniwaring sila man ay tumakas na rin sa ibang mga pulo na hindi pa narating ng mga Español.]

Malaking hirap ang dinanas ng hukbo ni Alcarazo sa pang-2 pagsalakay sa Bohol. Maraming patibong (death traps) ang ikinalat nina Tamblot sa mga punong kahoy at landasan ng gubat - mga balantik na may lason (poison arrows), mga suyak na matutulis na sibat na kawayan o kahoy na nakabaon sa putik o sa damuhan, at mga bakod na makakapal na sukal na maraming tinik na may lason din.

Pagal at sugatan, narating din ng mga Español ang bagong kuta (new fort) ni Tamblot. Pagkatapos kumain at magpahinga, sumalakay ang mga Español. Pinagbabaril nina Alcarazo ang mga taga-Bohol. Maraming tinamaan subalit walang sumuko. Sabi na rin ng mga frayle, ninais pa ng mga naghimagsik na mamatay nang lumalaban kaysa pailalim uli sa catholico.

Parang tulong ng langit, bumagsak ang malakas na ulan. Natigil ang pagbaril dahil nabasa ang mga arquebus, baril na de-sabog ng mga Español.

Tinutulungan tayo ng mga Diwata! Naghimala sila ng ulan para talunin

natin ang mga dayuhan! sigaw ni Tamblot sa mga kasama sa kuta.

Ngunit sandali lamang. Ginamit ng mga Español ang mga kalasag (shields) ng mga taga-Cebu bilang ‘payong’ (paraguas, umbrellas) ng mga baril upang hindi mabasa sa ulan. Hindi nagtagal, binaril at sinugod uli ang kuta.

Parang mga asong ulol, ang paglarawan ng frayle sa bangis ng paglaban nina Tamblot kahit gaanong karami ang tinamaan ng mga bala ng baril. Naubos ang mga palaso (arrows) at mga sibat ng mga naghimagsik kaya nambato na lamang sila. Pati mga kahoy at dakot-dakot na putik ay inihagis sa mga sumasalakay na Español. Binagsakan sa ulo si Alcarazo ng mga bato na hinagis ng mga taga-Bohol subalit nasagip ng suot niyang bakal na saklob sa ulo (morion, helmet). Nakatayo siya uli at ipinagpatuloy ang pagsalakay sa kuta ni Tamblot.

Salamat sa Diyos! palatak ng frayle sapagkat alam nilang hindi lalabanan ng mga mandirigmang Cebuano ang mga taga-Bohol kung hindi sila itinulak at sinigawan ni Alcarazo at ng mga kasamang Español.

Hindi nagtagal ang labanan sa ulan, bato at itak laban sa baril, at natalo sina Tamblot. May mga nakatakas sa gubat ngunit marami sa kanila ang pinatay ng mga Español. Inalipin ang mga naiwang buhay at nabihag. Bagaman at matagal nang ipinagbawal ng hari ng España at ng Papa sa Roma ang mag-alipin, hindi tumutol ang mga frayle.

Hindi nahayag kung ano ang nangyari kay Tamblot, maniwaring kasama sa mga naglaho sa gubat.

ANG  PINAGKUNAN

Historia Dela Provincia de Philipinas dela compania de Jesus 1616-1716, by Pedro Murillo Velarde, SJ, Manila, 1747,
and Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, 1890,
translated and published in The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys