Spain’s flag SPANISH  OCCUPATION:   El Tiempo de conquistadores en las Felipinas

Kaharian Ng Español Sa Pilipinas

Ang Unang Pagsadlak, 1521 - 1599

PAGDATING nina Miguel Legazpi sa Pilipinas, lumalaganap ang mga Protestante sa hilagang Europe, Alcala ang tinatawag ngayong Dutch Netherlands na bahagi nuon ng kaharian ni Felipe 2. Panguna ang mga frayleng Jesuit, pinuksa sila ng mga Español ngunit lalong dumami ang nag-protestante dahil sa rahas at lupit ng sandatahan ng España. At nagsimula ang himagsikan ng Dutch upang makalaya mula sa España.

Nuong 1566, isang taon na sina Legazpi sa Cebu. Nuon naubusan ng salapi si Felipe 2 at bininbin niya ang pagpuksa sa mga Dutch, na nagkaruon ng panahong magpalakas. Ang pagkalugi ni Felipe 2 ang dahilan kaunti lamang ang naipadalang barko at sundalo sa Cebu, at nakayang sindakin sina Legazpi ng 3 barko lamang ng mga Portuguese at, nuong 1574, ng mga mandarambong (pirates) ni Limahong.

Nuong 1575, 4 taon nang sakop ng mga Español ang Manila, lubusang naubusan ng salapi ang España. Sa tanang buhay niya, 4 ulit itinatwa ni Felipe 2 ang mga utang na hindi niya kayang bayaran. Hindi na pinasahod ang mga sundalo, at nalansag ang hukbong Español sa Netherlands at nakapagbuo ng sariling bayan ang mga Dutch, sa pamumuno ni William of Orange.

Nuong 1577, isang taon bago hinirang na obispo ng Pilipinas si Salazar, itinatwa ng mga Dutch ang simbahang catholico. Gimbal, bumuo uli ng isang hukbo si Felipe 2, ang pinaka-malakas nuon sa Europe.

Nuong 1581, pagdating sa Manila ni Salazar, lumusob ang hukbong Espanol, pinamunuan ng pamangkin ni Felipe 2, si Duke de Parma, upang sakupin uli ang Netherlands. Sa 4 taon ng digmaan, nasakop uli ni Parma ang bahaging timog ng Netherlands at ang lungsod ng Antwerp nuong 1585. Napipilan, humingi, at tumanggap, ng tulong ang mga Dutch sa England na protestante rin tulad nila.

Nagalit si Felipe 2 at pinalusob ang buong hukbong dagat (Spanish armada) ng España, at ang buong hukbo ni Duke de Parma upang sakupin ang England. Nuong 1588, habang nag-aaway sina Obispo Salazar at Governador Gomez Perez Dasmarinas sa Manila, natalo ang mga

Español. Nalunod ang armada at nalansag ang hukbo ni Parma.

Lalong walang naitulong ang España sa Manila, maliban sa kuti-kuting sundalo at barko mula sa Mexico (Nueva España ang tawag nuon). Higit na mahalaga, nagsimulang dambungin ng England ang mga barkong Español sa dagat Atlantic.

Nakidambong na rin ang bagong layang mga Dutch at, nuong panahong humarap si Salazar at nagsumbong kay Felipe 2 sa Madrid, nagsimula na ring dambungin ng mga Dutch ang mga barkong Español sa dagat Pacific. Pagkaraan ng 10 taon, umabot sila at nagdambong na rin sa Pilipinas.

ANG  MGA  HARI  AT  REGINA  SA  ESPAÑA,  1521 - 1621

Carlos 5 5. Carlos 5 (1500-1558).   Anak at tagapagmana nina Juanang Baliw at ni Felipe 1, ipinanganak siya sa Ghent (bahagi ngayon ng Belgium) nuong Febrero 25, 1500. Hinirang siyang hari ng España, sabay sa pagiging regina ng kanyang ina, nang mamatay ang kanyang ama nuong 1506, subalit ang kanyang lolo, si Fernando ng Aragon, ang nagbalik at naghari hanggang namatay nuong 1516. Pumalit bilang tagapaghari (regent) si Cardinal Jimenez (Ximenes) ng Cisneros, katulong si Adrian, pinuno ng colegio ng Louvain, hanggang namatay si Jimenez nuong Noviembre 8, 1517. Nuon lamang, ang taon ng 1517, nagtungo si Carlos sa España, nang 17 taon gulang lamang siya. Nahalal siyang kapalit ng kanyang lolo, si Maximilian 1, bilang emperador ng Germany nuong Junio 1519 sa pangalang Carlos 5. Nakasal siya kay Isabel, anak ng hari ng Portugal, si Manoel, nuong Marso 11, 1526. Nagkaanak sila, si Felipe 2, na hinirang niyang tagapagmana ng España at Germany nuong Enero 15, 1556, nang manahimik siya at nagkulong sa convento ng Yuste, sa España, kung saan siya namatay nuong Agosto 30, 1558.

Si Carlos 5 ang nagpalaot, upang hanapin ang Maluku (Moluccas, the spice islands), kay Fernando Magallanes (Ferdinand Magellan), ang umangkin nuong 1521 sa kapuluan (archipelago) na tinawag niyang Islas de San Lazaro. Pinundaran din ni Carlos 5 ang 3 pang tangkang sakupin ang Maluku. Ang panghuli, pinamunuan ni Ruy Lopez de Villalobos, ang nagpangalan sa kapuluan ng Islas del Felipinas nuong 1543. Felipe 2

6. Felipe 2 (1527-1598). Ipinanganak siya sa Valladolid, sa España nuong Mayo 21, 1527, kay Carlos 1, hari ng España at emperador ng Germany, at kay Isabel, prinsesa ng Portugal. Gumanap siya bilang tagapaghari (regent) para sa kanyang ama mula nuong Junio 23, 1551 hanggang nahirang siyang hari nuong Marso 28, 1556. Sa 47 taon Felipe 3 niyang paghahari, naging asawa niya sina:
1. Maria, anak ni Juan 3, hari ng Portugal, nuong Noviembre 15, 1543
2. Mary Tudor, anak ng hari ng England, nuong Julio 25, 1554
3. Marie Elizabeth ng Valois, France, nuong Febrero 2, 1560
4. Anna ng Austria nuong 1570

Nahirang na hari ng Portugal si Felipe 2 nang namatay ang hari duon, si Sebastian, nuong 1580. Itinanghal siya sa Lisbon, punong lungsod ng Portugal, nuong Abril 1581. Si Felipe 2 ang nag-utos sa kanyang mga alagad sa Mexico nuong 1559 na sakupin ang Pilipinas, narating at inangkin nuong 1565 ni Miguel Lopez de Legazpi, ang unang governador ng España sa Pilipinas. Sa mahabang paghahari niya, patuloy na tinangkilik at pinundaran ni Felipe 2 ang pagdanak ng mga frayle at sundalong Español upang sakupin ang buong Pilipinas.

7. Felipe 3 (1578-1621). Isinilang siya kina Felipe 2 at Anna ng Austria nuong Abril 14, 1578 sa Madrid, España, at duon din siya namatay nuong Marso 31, 1621. Tinawag siyang Felipeng Mapagsamba (El Piadoso, The Pious). Nakasal siya kay Margaret ng Austria nuong Noviembre 13, 1598, 2 buwan lamang matapos siyang mahirang na hari ng España at Portugal.

ANG  MGA  ARSOBISPO  SA  PILIPINAS,  1581 - 1598

1. Domingo de Salazar, 1581 - 1594. Frayleng Dominican. Isinilang sa Rioja, España, nuong 1512, at nag-frayle sa convento ng San Esteban sa Salamanca. May 40 taon siyang nag-misionario sa Mexico (dating Nueva España) bago bumalik sa España upang mamuno sa kanyang lipunan (religious order), nang paki-usapan siya ang hari, si Felipe 2, na ipagtanggol ang mga indio o mga katutubo ng America na pinupuksa ng mga Español nuon.

Hinirang siyang unang obispo ng Pilipinas nuong 1578 at itinanghal sa tungkulin (consecrated) nuong sumunod na taon sa Madrid. Dumating siya sa Manila nuong Marso 1581, kasama ng 11 frayle, 8 Franciscan, 2 Jesuit, at 1 Dominican. Itinatag niya ang cathedral nuong Deciembre 21, 1581, ayon sa pahayag (papal bull) ni Pope Gregory 8, bilang saklaw ng arsobispo ng Mexico. Nagpatayo rin siya ng pagamutan (hospital) para sa mga katutubo ng Manila.

Masipag at mainit ang ulo, ipinagtanggol niya ang mga katutubo sa Pilipinas laban sa lupit at pangahas ng mga encomendero. Pinulong niya ang mga religioso (synod) sa Manila nuong 1582 hanggang 1586, sinaluhan ng 90 frayle at 6 pari (sacerdotes, secular priests). Mahilig siyang makialam sa pamamahala ng kapuluan, kaya madalas niyang nakatunggali si Gomez

Salazar Perez Dasmariñas, ang governador sa Manila.

Nuong 1591, iniwan niya ang kanyang alalay, si Fray Salvatierra, upang mamahala sa Manila at sumagsag sa Madrid upang isiwalat ang kalabisan ni Dasmariñas at ng mga pinuno sa Manila at hilinging supilin ng hari. Kaya inatas ni Felipe 2 ang pagtatag uli sa Manila ng hukuman ng hari (audiencia real, royal fiscals), laban sa kahilingan ni Dasmariñas at ng mga frayleng Augustinian, upang magmanman, lumitis at humatol sa mga pangahas na pinunong Español.

Itinanghal din ng hari ang pagkakaruon ng sariling arsobispo sa Pilipinas na may saklaw na 3 obispo pa. Si Salazar, 82 taon gulang na, ang hinirang na unang arsobispo ngunit bago nakabalik sa Manila, namatay siya nuong Deciembre 4, 1594, sa Colegio de Santo Tomas sa Madrid.

Bilang obispo, nabigo ang tangka niyang pamahalaan sa pamamagitan ng pagdalaw-dalaw (episcopal visitation) sa mga paroco (parish) sa Pilipinas, ayon sa utos ng hari ng España, dahil kinalaban siya ng mga frayle na ayaw pailalim sa obispo. Ito ang unang sibol ng suliraning nag-alab sa sumunod na mahigit 300 taon ng paghahari ng Español sa Pilipinas.

2. Ignacio Santibañez, 1595 - 1598. Frayleng Franciscan. Naging pinuno siya ng lipunan ng mga frayleng Franciscan sa kanyang tinubuang lalawigan ng Burgos, sa España, at naging tagapang-aral (preacher) kay Felipe 2 bago nahirang na arsobispo ng Manila nuong Junio 17, 1595. Itinanghal siya sa Mexico (dating Nueva España) nuong sumunod na taon.

Naantal ang pagpunta niya sa Manila hanggang nuong Mayo 28, 1598, dahil mali-mali ang mga pagsang-yon (bulls of the pallium) na unang ipinadala sa kanya. Pinalaki niya agad ang cathedral sa Manila bilang metropolitan o tahanan ng arsobispo.

Ayon sa bull ni Pope Clement 7 nuong Agosto 15, 1595, hinirang ang saklaw niyang 3 obispo: Pedro de Agurto, frayleng Augustinian, obispo sa Cebu; si Miguel de Cervantes, frayleng Dominican, obispo sa Nueva Caceres, sa Camarines; at si Francisco Ortega, frayleng Augustinian, obispo sa Nueva Segovia, sa Cagayan (pagtagal, nilipat sa Vigan, Ilocos).

Pagkaraan lamang ng 2 buwan at 17 araw pagkarating, namatay si Santibañez sa pagta-tae (disenteria, dysentery) nuong Agosto 14, 1598, at inilibing sa cathedral.

ANG  MGA  GOVERNADOR  GENERAL  SA  PILIPINAS,  1565 - 1596

Legazpi 1.  Miguel Lopez de Legazpi, Febrero 13, 1565 - Agosto 20, 1572. Ipinanganak siya sa Zubarraja (Zumarraga), sa Guipuzcoa, nuong bandang 1500. Nagtungo siya sa Mexico nuong 1545 at naglingkod bilang kalihim (secretario) ng pamahalaang bayan (cabildo) hanggang nuong 1561 nang nahirang siyang pinuno ng pagsakop sa Pilipinas.

Nilusob niya ang Cebu nuong Abril 27, 1565, at inangkin ang lahat ng kapuluan sa ngalan ni Felipe 2, hari ng España, nuong Mayo 8, 1565.

Nang naubos ang pagkain sa Cebu, inilipat niya ang himpilang Español sa

pulo ng Panay subalit duon man, at sa ipinasiyasat niyang pulo ng Mindoro, kulang din ang pagkain. Nabalitaan niyang masagana ang Manila at pinasalakay niya kay Martin de Goiti nuong 1570. Tinalo at itinaboy ni Goiti ang mga mandirigma ni Rajah Soliman bago nagbalik sa Panay.

Pagkaraan ng isang taon, sinakop nina Legazpi ang Manila nuong Mayo 19, 1571, at itinatag duon ang punong kabayanan (cabecera, capital) nuong Junio 3, 1571. Hinirang niya ang mga unang pinuno (regidores, regents) ng pamahalaang bayan (cabildo) pagkaraan ng 3 linggo.

Hinirang siya ng hari na o governador panghabang-buhay (adelantado) ng Pilipinas at ng ‘Islas de Ladrones’ (‘Kapuluan ng mga Kawatan,’ ang tinatawag ngayong Marianas Islands). Bigla siyang namatay sa Manila nuong Agosto 20, 1572.

2.  Guido de Lavezaris, Agosto 20, 1572 - Agosto 25, 1575. Taga-Vizcaya, sa España. Kasama siya sa naunang paglakbay sa Pilipinas ni Ruy Lopez de Villalobos nuong 1543, nang bininyagan ang kapuluan ng Islas Felipinas bilang parangal kay Felipe 2, tagapagmana at principe ng Asturias nuon. Sa pangkat ni Legazpi, siya ang hinirang na ingat-yaman ng hari (royal treasurer) at, ayon sa lihim na utos ni Felipe 2, kapalit na governador sakaling pumanaw si Legazpi.

Bilang governador, inutusan niya si Juan Salzedo, apo ni Legazpi at capitan ng 100 sundalong Español, na sakupin ang Ilocos at itatag ang lungsod ng Fernandina (sa tabi ng kasalukuyang lungsod ng Vigan)

bilang parangal sa anak ni Felipe 2. Ipinasakop din niya ang Camarines, at nagpamudmod ng mga encomienda, mga lupain na pabuya sa mga pinuno ng pangkat ni Legazpi. Siya ang governador nang lumusob sa Manila ang Intsik na mandarambong, si Limahong.

Isinumbong siya sa hari ni frayle Martin de Rada sa lupit sa mga tao at kasakiman sa pagkamal ng ginto at ari-arian ng mga ito. Nanghingi pa raw ng mga suhol. Pagkatapos ng kanyang panunungkulan, inilit ng bagong governador ang encomienda na ibinigay sa kanya ni Legazpi at inusig siya sa salang pagkamkam ng mga yaman ng mga tao, ngunit pinawalang sala siya ni Felipe 2 at isinauli sa kanya ang mga inilit na lupain.

3. Francisco de Sande, Agosto 25, 1575 - Abril 1580. Abogado at hukom mula Caceres, pumalit siya kay Lavezaris na inusig niya dahil sa pagkalkal ng ginto at ari-arian ng mga tao. Siya ang nagtatag ng lungsod ng Nueva Caceres sa Bicol, at nagpalusob upang sakupin ang Borneo nuong 1578. Siya ang governador nang dumating ang mga unang frayleng Franciscan, nuong 1577. Pagkatapos ng tungkulin sa Manila, bumalik siya sa Mexico at naging fiscal sa Audiencia Real ng Mexico. Bantog siya ngayon dahil sa mga isinulat niyang salaysay tungkol sa Pilipinas at mga katutubo (natives) nuon.
4. Gonzalo Ronquillo de Peñalosa, Abril 1580 - Marso 10, 1583. Taga-Arevalo, sa España, at dating alcalde sa Mexico, nakipagkasunduan siya sa hari ng España na magiging governador siya ng Pilipinas habang-buhay. Siya ang governador nang dumating ang unang obispo, si Domingo de Salazar at ang mga unang frayleng Jesuit sa Manila nuong 1581. Nuong taon niya ipinatayo ang alcayceria sa Parian para sa mga Intsik na nagkakalakal sa Manila. Sa sumunod na taon, itinatag niya ang lungsod ng Nueva Segovia sa Cagayan, at nagpadala ng pangkat-dagat sa Maluku (Moluccas, spice islands). Ipinataw niya ang mga unang buwis sa kalakal panglabas (import and export duties) sa Pilipinas nuong 1582. Nuong taon din iyon, nagbakbakan ang obispo ng Manila at ang mga frayleng Augustinian, at ipinatapon niya sa España si Gabriel Rivera. Namatay siya nuong Marso 10, 1583.
5. Diego Ronquillo, Marso 10, 1583 - Mayo 1584. Pamangkin ni Gonzalo, pinili siya ng hari ng España na maging pansamantalang governador. Natupok ang Manila sa isang malaking sunog nuong Marso 19, 1583. Ipinadakip siya ni Santiago de Vera, ang pumalit sa kanya bilang governador ng Pilipinas.
6. Santiago de Vera, Mayo 16, 1584 - Mayo 1590. Taga-Alcala de Henares at alcalde ng Mexico, itinatag niya pagdating sa Manila ang unang Audiencia Real (royal fiscals) nuong 1584. Ipinadakip niya si Diego Ronquillo at ipinatapon sa España bilang bilanggo nuong sumunod na taon, 1585, ngunit pinawalang sala ito, at nakabalik pa sa Manila pagkaraan ng ilang taon.

Nuong taon din ng 1585, naglunsad si Vera ng pangkat-dagat upang lusubin ang Maluku (Moluccas, spice islands). Siya ang governador nang dumating ang unang frayleng Dominican nuong 1587. Nuon niya pinasimulan ang pagtayo ng batong pader ng Intramuros. Nag-aklasan sa Visayas nuong 1588. Nagbalik siya sa Mexico nang mahirang sa Audiencia Real duon.

7. Gomez Perez Dasmariñas, Mayo 1590 - Octobre 25, 1593. Taga-Galicia at magiting ng lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), corregidor siya ng Murcia at Cartagena nuong 1589 nang nahirang na governador ng Pilipinas. Naglayag siya mula Acapulco, Mexico, nuong Marso 1, 1590, at dumating sa Manila nuong Mayo 31. Winatak niya agad ang Audiencia Real at pinaligiran ng pader ang Intramuros, ginawang campo militar. Inaway pa niya si Obispo Salazar na lumayag pa-España nuong 1592 at nagsumbong kay Felipe 2. Nuong Mayo 12, 1591, inutusan niya si Estevan Rodriguez de Figueroa na sakupin ang Mindanao. Nakipag-sulatan siya sa shogun (warlord, dictator) ng Japan, si Hideyoshi, upang makapasok ang mga Español duon. Nuong 1593, tinanggap niya ang mga sugo (ambassadors) mula sa kaharian ng Champa (Cambodia ngayon) upang makapasok duon ang mga Español. Nuong Octobre 19, 1593, siya mismo ang namuno sa paglusob sa Maluku (Moluccas, spice islands) ngunit pinatay siya ng mga Intsik na tagasagwan ng kanyang barko nuong Octobre 25, 1593.
8. Pedro de Rojas, Octobre - Deciembre 1593. Licenciado (licentiate) at kasapi sa itinawalag na Audiencia Real sa Manila mula nuong 1843 pa, 40 araw siyang nag-governador ng Pilipinas habang si Diego Ronquillo ang namahala sa pakikipag-digmaan ng mga Español. Nahirang si Rojas na alcalde ng Mexico nuong 1593.
9. Luis Perez Dasmariñas, Deciembre 3, 1593 - Julio 14, 1596. Anak ni Gomez at magiting ng Lipunan ng Alcantara (knight of the Order of Alcantara), naging governador siya ng Pilipinas nuong Deciembre 3, 1593, dahil ang hari raw mismo ang humirang na governador sa ama niya. Nuong 1594, natatag ang Confraternidad dela Misericordia, at dumalaw sa Manila ang mga mandarin mula China. Nuong sumunod na taon, nuong Enero 11, 1595, dumating si Antonio de Morga upang maging pang-2 sa governador (lieutenant governor) ng Pilipinas. Nuong taon ding iyon nagsimula ang lusob sa Mindanao ng hukbo ni Estevan Rodriguez de Figueroa. Nuong 1596, isa pang pangkat, pinamunuan ni Gallinato, ang lumusob at nagtangkang sakupin ang Cambodia. Kapwa nabigo ang 2 salakay.

Nakaraang kabanata                 Ulitin mula sa itaas                 Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata