North Luzon AKLASAN  NG  MGA  GADDANG  NUONG  1621

Nais Naming Maging Mga Sarili Namin’

The Revolt of the Gaddangs in the Cagayan Valley in 1621

NUONG unang dating ng mga frayleng Español, hindi tulad ngayon, bihira ang mga taga-Ilocos sa tinatawag ngayong Nueva Vizcaya. Marami sa mga tagaruon nuon ay ang bandang 4,000 Isinay sa isang libis (valley) ng bunduking Caraballo na tinawag na Isinay. Kasing dami ang mga Gaddang na naglipana sa katabing libis na tinawag namang Ituy. Ito ang pangalang ginamit ng mga Español na hindi pinansin ang pagkakaiba ng 2 pangkat - pagkakaiba na natuklas lamang pagkaraan ng 200 taon ng ibang taga-Europe at mga taga-America na nag-usisa sa Pilipinas.

Sama-samang hinakot ang mga Isinay at mga Gaddang ng mga Español, tinawag silang lahat na Gadanes at binihag sa mga baranggay (reducciones, resettlements) na itinayong nakapaligid sa simbahan at convento ng mga frayleng Dominican upang binyagan sila at gawing catholico.

[Ang libis ng Isinay at ang libis ng Ituy ay magkatabi sa magkabilang pampang ng ilog Magat sa kasalukuyang lalawigan ng Nueva Vizcaya. Sa mapa nuong 1625, ang 2 libis ay nasa banda ng Bugay at Tuy. Sa mapa ngayon, ang 2 libis ay naliligid ng kasalukuyang mga kabayanan ng Aritao, Dupax at Kayapa, sa timog (sur, south) ng kasalukuyang lungsod ng Bayombong. Sa kabilang dako, ang puok ng Irraya na pinagdalhan sa mga Gaddang at Isinay ay malapit sa kasalukuyang lungsod ng Ilagan sa timog ng Tumauini na tatag pa hanggang ngayon sa kasalukuyang lalawigan ng Isabela. Ang iba pang baranggay ng Irraya sa mapa nuong 1625 ay naglaho na. Ang Nueva Segovia ay itinayo ng Español sa tabi ng tinatawag ngayon, at mula pa nuong unang panahon, na Lal-lo, sa kasalukuyang lalawigan ng Cagayan, sa timog ng kabayanan ng Aparri.]

Bantog ang bangis ng mga Gaddang at mga Isinay bilang mga pugot-ulo (headhunters). Kahit paulit-ulit silang nilupig ng baril ng mga Español, paulit-ulit pa rin silang tumakas pabalik sa mga dati

nilang baranggay. Upang mapigil ang alsahan, binihag nang hiwalay ang kanilang mga pinuno sa Nueva Segovia, ang himpilan ng mga Español sa tabi ng nayon ng Lal-lo. Nabawasan subalit hindi natigil nang lubusan ang mga alsahan. Nuong Noviembre 6, 1621, naganap ang isang malawak na aklasan ng mga Gaddang.

Matagal na binalak ng mga Gaddang ang kanilang pagtakas. Una, nais nilang pawalan ang kanilang mga pinuno na bihag ng mga Español sa Nueva Segovia. Pinapunta nila duon ang isang pinuno nila, si Sakin, upang makiusap na payagang bumalik ang mga bihag na pinuno dahil kailangan sila sa mga baranggay ng Gaddang. Magsinungaling ka ng kahit na ano, bilin nila, mapalaya lamang ang mga pinuno. Sa gayon, makakatakas sila nang walang bihag na pinuno na mapapatay ng mga Español.

Nagkataon naman na ang frayleng Dominican sa baranggay ng Abuatan ay hapo at nais nang magbitiw nang tungkulin. Lumuwas siya sa Nueva Segovia upang makiusap na duon sa convento na lamang siya maglilingkod. Kapalit

niya pansamantala sa Abuatan si Alonso Hernandez, isang frayle mula sa katabing baranggay ng Pilitan. Mabagal si Hernandez at nagkataong matagal na walang frayle sa Abuatan. Naghinala na ang mga Gaddang na kasabwat sa binabalak na aklasan. Akala nila, lumuwas ang frayle sa Nueva Segovia upang isumbong sila sa mga Español. Hintakot silang magdala ng mga sundalong Español pabalik ang frayle upang parusahan sila.

Tumakas sila upang ihanda at simulan ang aklasan bago dumating ang mga sundalo. Siya namang pagsapit sa Abuatan ni Hernandez, ang kapalit na frayle. Dahil sa salisi, walang nakapigil sa aklasan ng mga Gaddang na bumalik pagkatapos kunin ang kanilang mga sandata at magpulong sa ilalim ng kanilang mga pinuno. Nagulat sa ingay si frayle Hernandez. Nakasalubong niya ang mga nag-aklas at tinangka niyang suwayin subalit tumanggi ang mga ito.

Huwag na natin pag-usapan pa, at nangyari na itong aklasan at itutuloy namin!

Binalaan ng mga Gaddang si Hernandez na umalis na, at baka siya pugutan ng ulo ng mga lasing na mandirigma. Natanto ni Hernandez ang tigas ng luob ng mga nag-aklas at bumalik siya sa kanyang baranggay ng Pilitan na tahimik pa, at kinausap ang mga frayle duon. Hindi nagtagal, dumating mula sa Abuatan ang mga Gaddang na nag-aklas upang ayain ang mga taga-Pilitan na mag-aklas din upang marami silang lalaban sa mga Español na tiyak nilang darating upang lupigin sila uli.

Sigawan ang mga mandirigma na, ayon sa gawi nila sa digmaan, ay pulos hubad, basa ng langis ang buong katawan, at hawak-hawak ang kanilang mga sandata.

Isa sa kanila mga pinuno ng aklasan si Felipe Cutapay na 23-taon gulang lamang, at pinuno sa Abuatan. Mula sa pagkasanggol, pinalaki siya ng mga frayle at nuong bata pa ay nag-sacristan at mang-aawit (cantor) sa simbahan. Nagtungo siya ngayon sa simbahan ng Pilitan upang iligtas si frayle Hernandez.

Kunin mo lahat ng ari-arian ng simbahan, pati na ang pilak at yaman ng Abuatan, at magtago ka sa ilog upang hindi ka masaktan, bilin ni Cutapay kay frayle Hernandez.

Gaddang chief Nuon dumating ang kanyang kuya, si Gabriel Dayag, panguna sa isang pangkat ng mga nag-aaklas, at isinigaw sa kanya, Huwag kang mag-aksaya ng panahon d’yan!

Pinagalitan ni Cutapay ang kanyang kuya, huwag daw bastusin ang frayle.

Cutapay, sagot ni Dayag, wala tayong magagawa kung magdadalawang isip tayo!

Subalit huminahon si Dayag at hindi na winalang-hiya si frayle Hernandez. Kulang-kulang 800 na ang mga mandirigmang nagsisigawan at naghahandang makipag-digmaan. Kinausap sila ni frayle Hernandez, tinanong kung bakit sila nag-aklas.

Pagod na kami sa lupit at pagpapahirap ng mga Español, sagot ng mga Gaddang. Nais na lamang naming maging mga sarili namin at mamuhay sa dati naming mga gawi at kalayaan.

Gaddang kubo Sinimulang sunugin ng ilang mandirigma ang mga kubo. Nagkagulo at naghiyawan ang mga taga-Pilitan. Sumigaw si Cutapay, Patayin ang apoy! Walang mangyayari hanggang nandito ang frayle!

Hinatid ng ibang mga katutubo si Hernandez at iba pang mga frayle sa mga bangka sa ilog upang tumakas sa ibang baranggay. Pagkaalis nila, sinumulan uling sunugin ang buong baranggay. Marami ang nag-inuman ng alak, na mahigpit na ipinagbawal dati ng mga frayle.

Pinilit nilang sumanib sa aklasan ang lahat ng taga-Pilitan. Sinumang umayaw ay tinutukan ng sibat sa dibdib at binalaang papatayin. Nakatakas ang iba, nagtago sa ilog pagka-alis ng mga frayle. Iniwan pa ng iba ang kanilang mga asawa at mga anak. Tumalilis ang isang pinuno, si Bernabe Lumaban, iniwan ang kanyang yaman, ginto at mga ari-arian, at isinama lamang ang kanyang asawa.

Nagtago sa putikan, ulo lamang ang nakalabas ng isang nagtangkang tumakas, si Agustina Pamma, kabilang sa maharlikang angkan sa puok na iyon at asawa ng isang pinuno sa Pilitan. Subalit natagpuan siya at isinama ng mga Gaddang papunta sa ibang mga baranggay. Walang tugot ang mga mandirigma pagyakag sa lahat sa paligid.

Sa Abuatan, ninakawan at winasak nila ang simbahan, ginamit na saya at baro ng mga babae ang damit pang-misa ng frayle. Ang iba ay ginamit na putong sa ulo ng mga lalaki. Sinira nila ang mga estatwa ng mga santo, sinibat upang makita kung ‘magdudugo’ ang mga ito.

Isang Español, tagakalkal ng buwis mula sa mga katutubo, ay lumabas mula sa pinagtaguan upang makipag-usap sa mga Gaddang, subalit pinatay ng mga mandirigma pagkakita na pagkakita sa kanya. Pagkatapos sunugin ang mga reduccion, nagbalik ang mga mandirigma sa mga dating baranggay nila sa bundok at gubat.

Sumunod sa kanila ang isang frayle, si Pedro de Santo Tomas, taga-Villaescusa sa España at matagal nang nakipag-kaibigan sa mga Gaddang. Isang taon siyang lumigid at nakipag-usap sa mga Gaddang at Isinay bago siya bumaba ng bundok, dala ang 300 familia na nag-aklas mula sa mga baranggay ng Pilitan at Bolo.

Pinilit lamang daw sila, at itinatag sila ni Santo Tomas sa isang baranggay sa bukana ng ilog Makila. Pagdating ng mga sundalong Español, dala ng alcalde mayor (tumbas sa provincial governador ngayon), upang lupigin muli ang

mga mandirigma, sinamahan sila ni Santo Tomas pagbaybay sa ilog Balisi. Duon naglipana ang mga mabangis na mandirigma. Wala silang nasagupa sa mga nag-aklas subalit nakatagpo ni Santo Tomas si Gabriel Dayag, ang kuya ni Felipe Cutapay at isa sa mga masigasig sa aklasan.

Maniwaring nagbago na ang isip ni Dayag at humingi siya ng patawad kay Santo Tomas. Nangako siyang susuko sa mga susunod na araw at, nang tinutuo niya at sumuko nga, isiniwalat niya ang mga patibong (trampas, traps) at mga tambangan (ambushes) na binalak gamitin ng mga mandirigma laban sa mga Español.

Nasangkot din si Santo Tomas sa isang pang aklasan, sa banda ng Malguig naman. Hindi rin siya pinaslang ng mga mandirigma duon. Pagkaraan ng mga taon, namatay si Santo Tomas sa pagod at sakit, sa convento ng mga Dominican sa Nueva Segovia.

ANG  PINAGKUNAN

The Discovery of the Igorots, Spanish Contacts with the Pagans of Northern Luzon, by William Henry Scott, New Day Publishers, Quezon City, 1974
The Philippine Islands, 1493-1898, edited by Emma Helen Blair and James A. Robertson, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-issue, 1998

Ulitin mula sa itaas                         Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                         Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy